SACHI'S POV
"Good afternoon guys!" masayang bati sa amin ni Ms. Aira, ang aming trainor.
"Good afternoon Ms. Aira," sabay sabay naman naming bati sa kaniya.
Tumingin sa akin si Ms. Aira at nginitian ako. "I'm glad you came back, Sachi. How are you feeling?" tanong pa niya sa akin.
"Okay na okay na po ako Ms. Aira," magalang na sagot ko naman.
Fully healed na kasi ang sugat ko at wala na akong nararamdamang kahit na ano. Sabi ng doktor sa akin ay ang Special ko ang nagligtas sa akin, which is Plantae. Hindi ko alam kung paano ko iyon nagawa pero masaya ako na nabuhay at gumaling ako. Unti-unti ko na ring natatanggap ang totoo kong pagkatao dahil sa insidenteng nangyari.
"That's good to hear. Well, Grandis, iyon ang dahilan kung bakit gusto ko rin na matutunan niyo ang physical defense dahil not all the time ay ililigtas kayo ng mga Special niyo. Kung hindi naramdaman ni Sachi ang mga kalaban noong araw na iyon, baka hindi lang siya ang na-ospital. Baka lahat kayo ay nandoon," seryosong sabi naman ni Ms. Aira.
"Sachi, saan mo ba natutunan ang kakayahan na 'yan?" tanong naman sa akin ni Clyde.
"Tinuruan ako ni Daddy noong bata pa ako. Iyon ang bonding time namin," nakangiting sagot ko naman habang inaalala ang mga panahong magkasama pa kami ni Daddy.
Pagsapit ko kasi ng limang taon ay doon na ako tinuruan ni Daddy ng martial arts. Kada umaga bago pumasok ay pinag-eexercise na niya ako. At sa hapon naman pagkagaling ko ng eskwela ay tinuturuan niya ako ng iba't ibang moves sa pag-atake at pagdepensa. Noon ay hindi ko pa maintindihan kung bakit ako tinuturuan ni Daddy dahil ang alam ko ay panglalaki lang ang ganoon. Ngunit ngayong nandito na ako sa mundong ito, naiintindihan ko na si Daddy at nagpapasalamat ako sa kaniya dahil matiyaga niya akong tinuruan at hindi niya ako sinukuan.
"Ang gold dagger ba na ginamit mo noon, saan mo nakuha iyon?" tanong pa sa akin ni Ms. Aira.
"Ibinigay po sa akin iyon ni Daddy noong ika-sampung kaarawan ko. Simula po noon ay lagi ko na itong dala," sagot ko naman habang kinukuha ang dagger sa may hita ko at ipinakita sa kanila.
Kinuha naman ni Ms. Aira ang dagger at pinagmasdan ito. Maya-maya pa ay nagulat kaming lahat nang ibato ito ni Ms. Aira sa gawi ni Blake. Nagawa naman itong iwasan ni Blake ngunit hinabol ko ang dagger at sinambot ito. Ayoko kasi nang nagagasgas o nalalaglag sa sahig ang dagger. Ito na lang kasi ng alaalang mayroon ako kay Daddy.
Itinago ko nang muli ang dagger sa pag-aakalang tapos na si Ms. Aira. Ngunit hindi siya nakuntento sa ginawa niya kanina at inisa-isa niya kaming atakihin. Teleportation ang pala ang Special niya kaya medyo mahirap na kalabanin siya. Kung saan saan siya sumusulpot kaya hindi namin siya matamaan. At bukod sa Special niya ay magaling din siya sa physical combat. Nagawa niya akong suntukin sa tiyan nang hindi man lang ako nakaiwas.
Nagsitabi sina Monica nang mapansin nilang ako na lang ang inaatake ni Ms. Aira. Kung saan saan na tumatama ang mga sipa at suntok niya sa akin. Nananakit na rin ang katawan ko dahil sa pagkabugbog ko.
"Come on Sachi. Hanggang dyan ka na lang ba?" rinig kong tanong sa akin ni Ms. Aira bago niya ako matamaan sa kanang braso ko.
Naiinis na ako sapagkat hindi ko magawang atakihin siya pabalik. Ipinikit ko ang mga mata ko at pinakiramdaman ang hangin sa paligid ko. Itinuro na sa akin ito ni Daddy ngunit ngayon ko na lang ulit ito masusubukan.
Mas pinag-concentrate ko ang isipan ko at hindi ko na ininda ang mga atake sa akin ni Ms. Aira. Hanggang sa unti-unting tumahimik ang paligid ko. Hindi ko na naririnig ang mga sigaw sa akin nina Monica. Ito na ang pagkakataon ko para marinig ang kaunting tunog na nililikha ni Ms. Aira sa paggalaw niya. Inihanda ko ang sarili ko at nang may marinig akong papalapit sa may kanan ko ay agad akong umiwas. Ngunit hindi pa natapos iyon dahil may narinig ako sa harapan ko kaya agad akong umupo. Pagtayo ko ay sa may likuran ko naman nanggagaling ang mahinang tunog kaya agad akong lumayo.
Hindi yata ako titigilan ni Ms. Aira hanggang hindi ako nakakaatake pabalik sa kaniya. Kaya nang may marinig ako mula sa may kaliwa ay agad akong humarap doon at sinangga ang atake ni Ms. Aira. Nagawa ko naman iyon at ramdam ko ang pagkagulat niya kaya sinamantala ko na ang pagkakataon. Sinuntok ko si Ms. Aira sa may bandang tiyan niya at nang maramdaman kong natamaan ko siya ay agad kong iminulat ang mga mata ko.
Nakita ko si Ms. Aira na nakaupo na sa lapag. Napalakas yata ang atake ko kaya agad akong lumapit sa kaniya at inalalayan siyang makatayo.
"Sorry po, Ms. Aira," nahihiya kong paghingi ng dispensa sa kaniya.
Isang sampal ang natanggap ko kay Ms. Aira na ikinagulat ko. Bigla akong nakaramdam ng takot dahil hindi ko inaasahan iyon.
"One rule, Ms. Sachi. Kapag nasa isang tunay na labanan ka na, huwag na huwag kang hihingi ng dispensa sa kalaban mo. Your soft heart might be your weakness, so always be careful," seryosong sabi naman niya sa akin.
"Yes po, Ms. Aira," mabilis na sagot ko naman.
"Well, huwag mo sanang masyadong damdamin ang pagsampal ko sa 'yo. Iyan talaga ang parusa ko sa lahat kapag nag-sosorry sila sa akin after nila akong masaktan. Alam na alam iyan ng mga Grandis," sabi pa ni Ms. Aira.
Napatingin naman ako kina Monica na tatango tango pa bilang pag-sang ayon sa sinabi ni Ms. Aira. Medyo nakahinga naman ako ng maluwag nang ngumiti sa akin si Ms. Aira. Buong akala ko kasi ay nagalit siya sa akin dahil nasaktan ko siya. Iyon pala ay ang kinainisan niya ay ang paghingi ko ng dispensa. Minsan din talaga, parang ka-edad lang namin itong si Ms. Aira. Pero nakakatuwa dahil mukha naman siyang mabait. At excited na akong matuto kung paano ko makokontrol ang Special ko.