KABANATA 5 - NICA

1002 Words
Larson “Multo” Geonad POV San Juan. 11:48 PM. Umuulan ng kaunti, sapat lang para tabigin ang usok sa gabi. Tahimik ang paligid, pero sa pandinig ni Larson, parang may ibang hangin. Hindi lang basta ihip. Para bang may humihinga kasabay niya. Mabigat. Malamig. Dumating siya sa maliit na bahay na tinutuluyan niya—isang simpleng apartment sa dulo ng isang kalye na halos wala nang poste ng ilaw. May kalawang na ang gate. Pumasok siya, tinanggal ang basang hoodie, at dumeretso sa kusina. Binuksan ang ref, kumuha ng malamig na beer, at bago pa siya makaupo… Tumunog ang cellphone niya. Ilang saglit lang. Tiningnan niya. Eleven missed calls. Lahat galing kay Nica. Natahimik siya. Bigla siyang kinabahan. Hindi ito normal. Si Nica ay hindi tatawag ng ganito karami kung walang dahilan. Tinawagan niya ito agad. Isang ring… dalawa… Sumagot. Pero hindi si Nica ang boses. Lalaki. Malalim ang boses. Para bang may tinik sa lalamunan. Walang emosyon. Walang puso. Misteryosong Lalaki: “Larson Geonad.” Nanigas ang katawan niya. Pumikit siya, pinilit i-kalma ang sarili. Larson: “Sino ka?” Tumawa nang bahagya ang lalaki. Hindi masaya. Hindi nakakatawa. Parang hayop na nauulol. Misteryosong Lalaki: “Ang tunay na tanong… sino ka ba talaga?” Tahimik. Walang sagot si Larson. Pero naglalakad na siya habang kausap ito. Sinuot ulit ang hoodie. Hinila ang baril mula sa ilalim ng lamesa. Misteryosong Lalaki: “Alam mo bang matagal na kitang sinusundan? Matagal na kitang pinag-aaralan. Pero si Nica… siya ang kapalit.” Larson: “‘Wag mong gagalawin si Nica. Kung gusto mo ako—” Misteryosong Lalaki: “Too late.” BANG. Malakas. Mabilis. Parang galing sa silencer. Pero sapat para marinig ni Larson kahit sa kabilang linya. Larson: “NICA!!!” Tumakbo siya palabas. Walang bitbit kundi ang cellphone at ang Glock na nasa bewang niya. Di na niya nagawang magsapatos. Basang-basa ang kalye. Pumara siya ng motor sa kanto. Tinutukan ang driver. Larson: “Emergency. Pasensya na, kuya.” Hindi na niya inintindi ang protesta. Umangkas siya at siniguro na ang direksyon—papunta sa condo ni Nica sa Mandaluyong. Habang nasa biyahe, parang humihigpit ang dibdib niya. Hindi ito takot. Mas malala. Parang galit na halong awa. Parang lumulubog ang buong mundo sa dibdib niya. Sa gitna ng gabi, habang nagmamaneho ang motor, dumaan sila sa isang checkpoint. Pero bago pa man sila mapatigil, nakita ni Larson ang isang lalaki sa gilid ng kalsada. Nakatayo. Nakasuot ng leather jacket. Mukha ng isang tao, pero may hawak na radio comms at rifle na nakatago sa sling bag. Hindi ito pulis. Ito ay isa ring hitman. Tumitig ito sa kanya. Tumitig si Larson pabalik. Walang ngiti. Walang tango. Pero malinaw. Kilala siya. Kilala na siya ng kapwa niyang mamamatay. At ngayon, hindi lang siya ang multo sa laro. Pagkababa niya ng motor sa harap ng condo ni Nica, hindi na siya naghintay. Itinulak niya ang security gate, sabay sigaw sa gwardya. Larson: "Bitawan mo 'yan, emergency 'to!" Tinulak niya ang elevator button, pero sobrang tagal. Kaya tinakbo niya ang mga hagdanan paakyat sa ika-siyam na palapag. Ang bawat hakbang, parang kumakabog sa dibdib niya. Pawis, ulan, at dugo sa kamay—hindi niya alam kung alin ang alin. Pagdating niya sa tapat ng unit ni Nica, may amoy na siyang di kanais-nais. Kaunting langhap ng hangin, alam na niya… dugo. Binuksan niya ang pinto. Walang lock. Walang ilaw. At doon niya nakita. Si Nica, nakahandusay sa carpet. Naka-red dress pa rin mula sa trabaho. Puno ng dugo ang dibdib. Naka-bukas ang TV, may lumang kanta ng April Boy na tumutugtog sa background. Ang kanta, tungkol sa pag-ibig na hindi puwedeng ipaglaban. Nanlambot ang tuhod ni Larson. Lumuhod siya sa tabi ni Nica, hawak ang kanyang mukha, tinapik-tapik, pinilit gisingin. Larson: "Nica… Nica gumising ka… ‘Wag mo kong lokohin… hindi ganito ‘yung usapan natin…” Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili. Baka pulang pintura lang 'to. Baka prank. Baka lasing lang siya. Baka multo siya—at nananaginip lang. Pero hindi. Kahit gaano siya kagaling pumatay, hindi pa rin siya sanay sa ganitong klaseng sakit. Sakit ng pagkawala. Tumingala siya. Walang luha. Pero basang-basa ang pisngi niya. Larson: “Diba sabi mo, trabaho lang? Diba sabi mo, walang personalan? Eh bakit ganito? Anong klaseng mundo ‘to, Nica? Ako ‘yung mamamatay-tao, pero ikaw ‘yung nauna?” Bumagsak ang ulo niya sa dibdib nito. Ramdam niyang malamig na. At sa lamig ng katawan ni Nica, parang dahan-dahang nagyeyelo ang puso niya. Pinilit niyang huminga. Mabilis. Malalim. Tumayo siya. Nanginginig ang kamay. Kinuha ang baril. Tiningnan ang paligid. Walang bakas ng forced entry. Malinis ang trabaho. Silent kill. Professional. Isa lang ang ibig sabihin. Target si Nica. Hindi aksidente. Hindi pagkakamali. Lumabas siya ng unit. Tumawag kay Calix habang naglalakad palabas ng building, ngunit sa bawat ring, parang may pumipintig sa sentido niya. Hanggang sa sagutin ni Calix. Calix (galit): "Multo! Tangina mo! Alam mo bang buong gabi kitang hinahanap?! Anong ginagawa mo..." Larson (mahina pero malamig): "Nica. Patay na siya." Tahimik si Calix. Parang nalaglag ang linya. Larson: "Hindi aksidente. May may alam. Kilala nila ako. Kilala nila ang mga mahal ko. Alam na nila ang kahinaan ko." Calix: "Larson... teka... teka lang. Baka may ibang paraan. Pwede nating hanapin kung sino.." Larson: "Hindi mo naiintindihan, Calix. Akala ko kaya kong tumakas. Akala ko pwedeng… pwedeng magbago. Pero hindi pala. Hindi ako tao, Calix. Isa akong anino. At lahat ng lalapitan ko, pinapatay nila." Calix (pabulong): "...Larson... gusto mo pa bang ituloy ang buhay na 'to?" Tumigil siya sa paglakad. Malapit na siya sa kalye. Tumingin siya sa langit, wala nang ulan. Pero ang bigat ng hangin. Parang buong gabi nakatingin sa kanya ang langit na walang bituin. Larson: "Ayaw ko na. Ayaw ko na pumatay. Pero kailangan pa rin… kailangan pa rin tapusin si Emilio. At gusto kong malaman, bakit ba kailangan ko siyang patayin… kung hindi ko naman tinanggap ang trabaho?" Ako pa talaga ang tinalo nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD