"Kailan ka pa naging hands on sa kasal namin ni Venice?" pagtatanong ni Kuya kay Brandon na siyang kararating lang sa bahay.
Kanina pa ako rito sa bahay nina Ate Venice ng alas otso ng umaga. Samantala ay katatapos lang namin magtanghalian. Kanina pa rin ako nakatambay dito sa sala at nakikisali sa pagpili ng wedding motif.
Pero hindi ko hinihintay si Brandon, ah! Syempre kailangan pa rin ang presensya ko rito lalo at kailangan ng second opinion ni Ate Venice. Though, hindi lang naman ako ang naroon. Nandito rin si Ate Jacky.
Pinsan siya ni Ate Venice at syempre kapag nariyan si Ate Jacky ay hindi rin mawawala si Doc. Gabriel na buntot niya. Sila ang nag-uusap at sumasali lang ako kapag kailangan ng opinyon ko.
Saglit kong ibinaba ang hawak kong portfolio na siyang nagtatakip sa mukha ko upang silipin si Brandon. Dagli kong pinasadahan ng tingin ang kabuuan niya. And I must say, damn it— bakit ang gwapo?
Ang gwapo pa rin niya kahit naka-black V neck t'shirt siya. Pinaresan niya iyon ng cargo shorts at top sider shoes. Lantad na lantad ang dalawang binti niya sa shorts niyang iyon kaya tanaw na tanaw ko ang ilang tattoo niyang nakapalibot doon.
Napakurap ako at isang beses na tumikhim. Plain and simple pero dahil sa angking kagwapuhan at karisma niya ay dalang-dala niya iyon. Hindi rin maitatanggi ang badboy look niya at gustung-gusto ko iyon.
Mukha siyang masungit. Palaging galit ang mukha, nakakunot ang noo pero madali lang iyong nawawala kapag nagpapatawa sina Travis at Kuya. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya na sana pala ay hindi ko na ginawa.
Naabutan kong nakatingin siya sa akin. Rason iyon para madali akong mag-iwas ng tingin at inabala ang sarili na makisali sa usapan ng wedding planner at nina Ate Venice at Ate Jacky.
"Feeling ko maganda 'to," sabi ko sabay turo sa isang wedding motif na kulay blue.
Napatingin naman silang tatlo sa akin. "Pero kulay pink ang favorite color ko," ani Ate Venice habang napipilan akong tinititigan.
"Ay, gano'n?" wala sa sariling sambit ko. "What about pink and blue?" suhestyon ko ulit kahit wala namang kwenta.
Nangunot ang noo ng wedding planner. Kulang na lang ay bugahan niya ako ng apoy. "Ayaw mo naman sigurong maging gender reveal ang mangyari sa kasal ng Kuya mo 'di ba? Ayaw nating lahat 'yon."
"Oh! Kung sabagay." Napatango-tango ako, siya namang pagtawa ni Ate Venice.
Pare-pareho silang napailing sa kaepalan ko kaya sumandal na lang ako sa pagkakaupo ko sa pahabang sofa. Hindi maiwasan na mapalingon ulit ako kay Brandon, nakikipagbiruan na siya ngayon sa kambal.
Muli ay itinuon ko ang atensyon ko sa klase ng pananamit niya. Gaano man siya kagwapo sa ganiyang damit ay wala pa ring papantay ang karisma niya kapag white down button ang suot niya. Lalo kapag nakatupi ang sleeve nito hanggang siko.
Kagaya na lang noong isang araw nang magpunta kami sa bar. Sobrang gwapo niya roon. Napanguso ako at bago pa man ulit siya mapalingon sa gawi ko ay nilibot ko ng tingin ang kabuuan ng sala.
Nagawi pa ang atensyon ko kay Kuya na matalim ang tinging ipinupukol sa akin. Nangunot ang noo ko at sinimangutan na lang siya. Hindi ko alam kung ano na naman ang ipinuputok ng butsi niya.
Naging kibit ang balikat ko. Hindi rin naman nagtagal nang matapos silang mag-usap-usap. Na-finalize na ang wedding theme at kung sinu-sino ang mga invited. Nauna nang magpaalam sina Doc. Gabriel at Ate Jacky.
Sumabay naman ako sa paglabas ng kambal para makaalis na rin. Alas kwatro na rin pala. Nag-inat ako ng mga kamay nang matantong uuwi akong mag-isa. Well, mag-isa lang din naman akong nagpunta rito. Pero parang gusto kong mag-bar ngayon...
"Saan ka, Shanang?" Dinig kong banggit ni Travis nang masabayan niya ako sa paglalakad.
Malapit lang ang bahay nila rito kaya walking distance lang din.
"Sa bahay. Uuwi na," sagot ko habang deretso ang tingin sa daanan.
"Hatid ka namin?" segunda ni Trevor ngunit umiling na lang ako.
"Hindi na. Mahal na ang gas ngayon."
Kalaunan nang pare-pareho kaming mapahinto sa tapat ng bahay nila. Gustuhin man din sana nilang ihatid ako sa bus stop ay hindi ko na pinayagan. Kumaway sila sa akin, kasunod nang pagtingin nila sa bandang likuran ko.
Napalingon din ako at literal na nanlaki ang mga mata nang makita roon si Brandon. Alam kong nakasunod siya sa amin pero muntik ko na siyang makalimutan dahil sa pananahimik niya ngayon.
Saglit na nangunot ang noo ko. Wala ba siyang dalang kotse? Nag-commute ba siya papunta rito kaya siya nakikisabay palabas ng villa? Sa kawalan ng sagot ay naging kibit ang balikat ko.
Sa paninitig pa sa kaniya ay napansin ko ang pagpapaalis niya kina Travis at Trevor. Wala rin silang nagawa at tuluyang pumasok ng bahay. Mayamaya pa nang naglakad siya palapit sa akin. Kaagad ko siyang tiningala.
"Nasaan ang kotse mo?" tanong ko.
"Hindi ko dala. Mahal ang gas," palatak niya sa kaparehong dahilan ko kanina. "Bakit? Gusto mo bang ihatid kita sa inyo?"
Salubong ang dalawang kilay ko. Ganoon ba ang ibig ipahiwatig ng pagtatanong ko? Sinimangutan ko siya. Samantala ay umalpas naman ang multo ng ngiti sa labi niya. Pero kahit na ganoon ay seryoso pa rin siya.
"Wala naman akong sinasabing gano'n," palatak ko pabalik at minabuti nang maglakad palayo sa kaniya para itago ang kahihiyan na hindi ko alam kung saan nanggaling.
Mabilis namang humabol si Brandon sa likod ko. "Hindi rin naman kita mahahatid. May lakad kasi ako ngayon."
"Saan? Sa bar?" Maagap ko siyang nilingon dahilan para matigilan siya.
Hindi na rin niya napigilan at tuluyan siyang natawa. "Hindi. Pero pagkatapos ng lakad ko ay dederetso ako roon."
Napanguso ako. "Saan ang lakad mo?"
Mas natawa si Brandon. Ngayon ay kitang-kita ko na ang naniningkit niyang mga mata. At hindi ko alam kung saan ba siya masaya, o kung may nakakatawa ba sa sinabi kong iyon.
"May kikitain ako. Bakit? Gusto mong sumama? Babantayan mo ako?" sunud-sunod niyang pang-aakusa.
Nakaabot na kami sa labas ng villa at ngayon ay tinatahak na lang ang daan patungo sa bus stop. Sa totoo lang ay ayaw ko pa talagang umuwi. Maaga pa naman para sa nasabing curfew ko sa bahay.
"Shan..." pagtawag sa akin ni Brandon na naging mitsa yata para masilayan ko ang mukha ni San Pedro.
Natigilan ako sa paglalakad. Umawang ang labi ko nang maramdaman ko ang kakapusan ko ng hininga. Shan. Shan? Sa dami ng naging nickname ko, bakit iyon lang ang nagustuhan ko?
Ibang-iba ang dating na galing pa talaga sa bibig ni Brandon. Natulala ako, ilang sandali nang nasa harapan ko na si Brandon at walang paatubiling hinila ang kamay ko pabalik. Tumawid kami sa kabilang kalsada at doon nag-abang ng bus.
"Sa—saan tayo pupunta?" histerya ko dahil sa kabila ang sakayan ko.
"Isasama na lang kita para hindi ka na nag-iisip ng kung anu-ano riyan," pahayag niya na mas ikinalito ng utak ko.
"Bakit? Ano bang iniisip ko?"
Hindi niya ako sinagot. Sakto nang may humintong bus sa harapan namin. Dali-dali niya akong hinila papasok sa loob. Punuan na sa bandang harapan kaya sa dulong banda kami napadpad ni Brandon.
Nauna niya akong pinaupo sa gilid ng bintana at sumunod naman siya sa tabi ko. Nang umusad ang bus ay mabilis ko siyang nilingon at nakitang nakasandal na ang ulo niya sa mataas na head rest ng upuan.
Nakapikit din siya kaya may pagkakataon ako na matitigan ang kalahati ng mukha niya. Matangos ang ilong ni Brandon at totoo ngang mapupula ang labi niya. Bagay lang din sa edad niya ang maliliit niyang bigote at balbas.
Pero ano nga kaya ang itsura niya kapag inahitan niya ito? Malamang na mas madedepina kung gaano kapabor sa kaniya ang Diyos dahil ginawa yata siyang perpekto. Wala akong mapuna.
Maging ang mga tattoo niya sa katawan ay umaayon lang sa kaniya. Sa matikas niyang katawan ay literal na jaw dropper si Brandon. At oo, isa ako sa nalalaglagan ng panga sa tuwing makikita ko siya.
Hindi ko alam kung ano itong nararamdaman ko. Pero siya na yata ang naging paborito kong tao na gusto ko palaging nakikita. Iyong tipong kulang ang araw ko kapag wala siya.
Mariin akong napapikit at saka pa pinilig ang ulo upang iwala itong naiisip ko. Malala na yata ako. Bumuntong hininga ako. Kalaunan ay nagdilat din, doon ko nakitang nakadungaw na sa akin si Brandon.
Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ako nakagalaw, o ni hindi ko man lang maiiwas ang tingin ko sa kaniya. Kaya heto at pareho kaming magkatitigan. Sa klase ng paninitig niya ay para bang kinakalkula niya ang emosyong bumabagabag sa akin.
Upang iwala ang tensyon sa pagitan namin ay malakas akong napaubo. Pinili kong umayos ng upo at pilit na pilit ang sariling iiwas ang tingin. Bandang huli nang parang gusto ko na lang magpakain sa lupa.
Sa buong biyahe namin ni Brandon ay wala akong imik. Ganoon din siya at tahimik kung saan pa ay damang-dama ko ang buong atensyon niyang nakadikit sa akin. Kaya naman ay literal na naestatwa ako sa pagkakaupo ko.
Ilang minuto pa ang nagdaan ay muli niyang hinawakan ang kamay kong naroon sa kandungan ko. Napapitlag ako, saka ko naman natanto na nakahinto ang bus at nagsimula na rin siyang tumayo.
Sinundan ko siya kaagad dahil hila-hila rin naman niya ang kamay ko. Nang makababa ng bus ay naglakad pa kami ng kaunti hanggang sa pumasok kami sa isang coffee shop. Deretso siyang naglakad doon at huminto sa isang table.
Nangunot pa ang noo ko nang makitang may nakaupong babae roon. Dalawa sila. Isang bata na tantya ko ay nasa edad sampu pataas at isa na mas matanda sa akin. Siguro ay kaedad lang din ni Brandon.
Nanginig ang kamay ko. Naramdaman iyon ni Brandon kaya maagap niya akong nilingon. Pansin ko ang pagdaan ng kalituhan sa kaniyang mga mata ngunit nananatili akong tahimik. Nag-angat ng tingin ang babae at kaagad na lumarawan ang tuwa sa kaniyang mukha. Ganoon din ang bata na nagsimula nang kainin ang order nilang cake.
"Brandon..." masayang sambit ng babae. "Tagal nating 'di nagkita. Mabuti at nagpakita ka pa?"
Tumawa silang dalawa ngunit hindi ko naman magawang sundan ang nangyari. Titig na titig ako sa batang babae at tinatantya ko pa sa isipan ko kung saan banda sila magkamukha ni Brandon.
Nakaupo na rin kami sa katapat nilang upuan. Isang beses akong nalingunan ng babae at nasa mukha pa rin niya ang kasiyahan. Wala naman sa sariling nahiya ako at parang gusto kong tumakbo palayo.
"Girlfriend mo?" anang babae na itinuturo ako, rason iyon para mapaubo ako at ilang beses na napailing bilang sagot.
"Hi—hindi po!" maagap kong sabi. "Nagpasama lang siya. E—ewan ko po kung bakit ba siya nagpasama pa sa akin."
Natawa ang babae. "Anyway, ako si Elsa at siya naman ang anak ko... si Annalisa."
Tinuro niya ang bata at ura-uradang kumaway sa akin. Bumungisngis din siya tanda ng pagkakagalak nila na makilala ako. Saglit kong nalingunan si Brandon na tinatanaw ang mukha ko.
Unti-unti pa ay inilapit ko ang katawan ko sa kaniya. Aambang may ibubulong sana. Nakuha naman niya kaagad iyon kaya siya na rin ang dumukwang palapit sa akin.
"A—anak at a—asawa mo ba sila?" alanganing bulong ko na.
Mahirap na kasi. Baka ako pa ang maipit sa sitwasyon nila. Ayoko namang paratangan ako sa bagay na hindi ko ginawa. Isa pa, sa edad ni Brandon ay hindi na malabong may anak at asawa na siya. Dapat na rin ba akong lumayo sa kaniya?
Napipilan akong nilingon ni Brandon. Kamuntikan pang dumaplis ang ilong niya sa ilong ko sa biglaang galaw niya. Madali akong umiwas at hinintay ang magiging sagot niya. Galit na ngayon ang mukha niya na animo'y may nasabi akong 'di maganda.
"Bi—biro lang—" Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko nang sumabat siya.
"They are not. She's just my friend," paliwanag niya habang nakatiim bagang. "Elsa, this is Shantal. Kapatid ni Leo."
Muli ay natawa na naman si Elsa. "Friend lang kami ni Brandon, ano ka ba! Isang beses niya akong tinulungan noon. Well, hanggang ngayon pa rin naman."
Umawang ang labi ko. Hindi na lingid sa kaalaman ko na isang beses din niyang tinulungan si Ate Jacky noong umalis siya rito sa Pinas. Ganoon din si Ate Venice na nag-stay sa mismong bahay nila.
Doon ko natanto na malapit pala talaga siya sa mga babae. Kahit sino. Tila ba lahat ay kilala niya. Kaya hindi na nakapagtataka na lahat din ng babaeng nakakasalamuha namin ay kilalang-kilala siya.
Sa buong pag-uusap nila ay hindi ako umiimik. Mataman lang akong nakikinig. Kumustahan at tawanan ang nangyari. Hanggang sa una na ring magpaalam sina Elsa at Annalisa.
Hinatid lang namin sila sa labas at pinasakay ng taxi. Ngayon ay kaming dalawa na lang ulit ni Brandon. Wala pa sa huwisyo nang magbaba ako ng tingin sa kamay niyang nakahawak sa akin na unti-unti niyang pinagsasalikop.
"Gusto mo pa bang sumama sa bar?" tanong niya. Madali akong tumingala sa kaniya at sunud-sunod na tumango dahil kanina ko pa talaga hinihintay ang oras na 'to. "Nawiwili ka na. Baka isang araw ay hindi mo na ako kailangan pa para makapunta ka sa mga bar."
"Hindi naman siguro. Pero pwede mo naman akong samahan palagi kapag gusto ko."
Kumibot ang labi niya. Hindi na siya nagsalita at pinilit na lang ang sariling palamigin ang kaniyang expression. Napalabi ako at muling nagbaba ng tingin sa kamay naming magkasalikop.
Doon ay sumilay ang ngiti sa labi ko. Malaki ang kamay ni Brandon. Magaspang ngunit dama ko ang banayad sa pagkakahawak niya. Sa akin naman ay maliit. But all in all, it fits very well. Damn it.