Chapter 6

2192 Words
Sa trabaho ay wala ako sa sarili. Masakit kasi ang ulo ko simula pa kaninang umaga na pagkagising ko. Hindi ko masabi na hangover iyon dahil 'di rin naman ako ganoon kalasing. Tanda ko pa nga iyong mga nangyari kagabi. Hindi na kami nagpang-abot pa ni Brandon ng hating-gabi sa bar. Saktong alas otso ay nasa bahay na ako. Tanda ko rin iyong init na nararamdaman ko dahil sa paninitig sa akin ni Brandon kagabi. Ewan ko ba pero masyado akong nalalasing sa tuwing tinititigan niya ako. Isang baso lang naman iyong nainom kong alak kagabi pero dahil sa titig niyang iyon ay lasing na lasing ako. Pero baka nga naman dahil sa mahina ang alcohol tolerance ko. Nagkibit ako ng balikat at napanguso. Kasabay nang paghilot ko sa sentido ko nang manuot ulit ang kirot doon. Nakainom na ako ng gamot at hinihintay ko na lang talaga na mag-uwian para makapagpahinga na ako. "Huy, ano na? Magkwento ka na, Sha! Malapit nang mag-uwian, oh!" ani Diana na siyang katabi ko sa cubicle ko at saka pa ako siniko. Magkakahilera lang kaming apat kaya heto at nagsimula na naman silang usisain ako. Panay ang pagpupumilit nila sa akin patungkol sa aming dalawa ni Brandon. Una pa lang ay sinabi ko nang sinundo lang niya ako dahil kaibigan siya ni Kuya. "Pero bakit ka nga susunduin 'di ba? Kasi kung ako iyon na uutusan lang, hindi talaga ako magsasayang ng oras, 'no! Unless na lang dahil special siya sa akin," palatak ni Francine. "Hindi ako naniniwala!" Well, naisip ko rin naman na iyon. Pero bumabagsak lang sa kasagutan na dahil magkaibigan sila ni Kuya. Maganda ang pagkakaibigan nila at alam kong malaki ang tiwala ni Kuya kay Brandon. Napatunayan niya na iyon nang nasa poder ni Brandon si Ate Venice. Si Brandon ang palaging nagre-report sa lahat ng ginagawa ni Ate Venice. Sa kaniya niya nalalaman ang lahat maging si Leon na anak nila. Kaya marahil ay ganoon pa rin ang ginagawa nila hanggang ngayon. Napahinga ako nang malalim at muling inabala ang sarili kahit wala naman na akong ginagawa. Naghihintay na lang ako kung magbigyan man ako ng call. Nalalapit na ring mag-alas singko at uwian kaya tamad na tamad na rin akong tumanggap pa ng call. Rason din para yukung-yuko ako para hindi na ako makita pa ni TL na walang ginagawa. "True ka riyan, 'te! Maging ako man!" segunda ni Hazel. "Pero ano nga bang pangalan ng lalaking iyon?" Saglit akong natigilan at dahan-dahan na nilingon siya. Sa kahabaan ng working station namin ay ako ang pinakadulo, sumunod sa akin si Diana na sinundan ni Francine at Hazel na siyang nasa kabilang dulo. Pare-pareho kaming walang call at nakatunganga. Kaya ang dami nilang oras ngayon para kulitin ako. Napatitig ako kay Hazel, hindi pa mawari kung sasabihin ko ba ang pangalan ni Brandon. Hindi kasi ako sigurado kung gusto ba ni Brandon na ipinagkakalat ang pangalan niya. Ngunit sa katauhan niyang babaero, malamang na okay lang iyon sa kaniya. Wala sa sarili nang mapangiwi ako. "Badong..." mahinang usal ko pero sapat na rin naman na para marinig nilang tatlo. "Badong?" sabay-sabay naman nilang bigkas sa malakas na tinig dahilan para dagli kaming malingunan ni TL. Sabay-sabay din silang nagsiyukuan. Takot lang na baka magkaroon sila bigla ng call katulad ko. Natawa ako. Oo, Badong naman talaga ang pangalan niya. Hindi nga lang totoong pangalan. But who cares anyway? "Ang bantot, ah? Pero... keri na rin," sambit ni Diana na nangangasim ang mukha. "Okay na rin siguro. Gwapo naman," hirit ni Francine na sinundan ng tawa ni Hazel. Akala ko pang mananahimik na sila at tatantanan si Brandon pero nagkamali ako. "Ilang taon na siya?" Si Hazel ulit. Hindi naman halatang gustong-gusto niya si Brandon, ano? Kibit ang balikat ko. "Hindi ko alam. Pero siguro ay nasa early thirties na?" "Wow, sugar daddy," pagpuna ni Francine habang nakanganga pa na parang nagde-daydream. "May jowa na raw?" Muli na naman akong natigilan. Sa tanong na iyon ay nangunot ang noo ko. Aba, malay ko! Wala akong idea dahil hindi ko naman natatanong. Ang alam ko lang ay babaero siya at palaging galit ang itsura. "Bakit niyo ba ako tinatanong? Siya na lang kaya ang kausapin ninyo dahil hindi ko naman alam." Hindi maiwasan na mapairap ako sa inis. "Hindi naman kami close." "Ay, hindi ba?" Humalakhak si Diana, kasunod nang paghampas niya sa balikat ko. Lalo lang akong naasar pero hindi ko naman totally ipinakita. Hindi ko na lang ulit sila pinansin kahit pa panay ang putak nila hanggang sa dumating ang oras ng alas singko. Iyon at iyon pa rin ang topic nila. "Siya kaya ang sundo mo ngayon?" tanong ni Francine nang makapasok kami sa elevator. "Hindi ko rin alam. Wala naman talagang sumusundo sa akin 'di ba?" Nakakagulat nga lang dahil sa dalawang araw na pagpapakita niya sa akin dito sa building para sunduin ako. Ang una iyong may dinner sa bahay at pangalawa kahapon. Katulad ng sinabi ni Brandon, pinasuyo lang ako sa kaniya nina Travis at Trevor. So, baka nga ang kambal na ang makikita ko sa baba since sa kanila naman talaga ako hinabilin ni Kuya. May parte na okay lang din sa akin iyon dahil ayokong nagkakagulo ang tatlo kong kaibigan. Ngayon pa lang na naiisip kong dudumugin nila si Brandon kapag nangyaring sinundo niya ako ay nagpipilantikan na ang mga kilay ko. Higit sa lahat ay hindi ako kumportable na may nagbabantay sa akin. "Well, let's see." Dinig kong dagdag ni Francine, siya namang bukas ng elevator sa harapan ng lobby. Deretso kaming naglakad palabas at bawat hakbang ko ay para akong nalulula. Samantala ay excited naman sila na makita ulit si Brandon sa labas. Mayamaya pa nang sabay-sabay silang naging matamlay. Pagkakataon ko iyon para mapanguso upang itago ang nagbabadya kong ngiti. Wala si Brandon. Wala ang kotse niya kung saan naka-park iyon kahapon. Tingin ko rin ay wala talaga siya ngayon. Imbes na umasa na sana ay siya ang sumundo sa akin ay naging masaya ako. Nangingising nilingon ko ang tatlo na pare-parehong nalulugmok sa kalungkutan at animo'y mga batang pinagdamutan. Hindi rin naman nagtagal nang bagsak ang mga balikat nila nang isa-isa silang nagpaalam na para umuwi. Mahina akong natawa, kapagkuwan ay nailing-iling na lamang sa kawalan. Ayos lang na wala ngayon si Brandon. Pero bakit gano'n? Para akong nanibago bigla. Parang nakaka-miss iyong presensya niya, lalong-lalo ang galit niyang expression. Sa naiisip ay mariin kong ipinilig ang ulo. Cut the crap, Shantal! Katulad ng nakagawian sa pagko-commute ay nilakad ko lang iyong gilid ng kalsada patungo sa bus stop. Doon kasi ang sakayan at kapag ganitong oras na rush hour ay punuan at siksikan ang mga bus. Ngunit bago pa man din ako makarating sa bus stop ay halos mapatalon na ako nang may bumusina sa likod ko. Marahas ko iyong nilingon. Nakita kong may isang kotse ang mabagal na umuusad kasabay ng paglalakad ko. Sa nakababang bintana mula sa passenger's seat ay nakita ko roon ang mukha ni Brandon. Malayo pa lang ay kaagad nang nanuot sa paningin ko ang malamig niyang expression. Wala na namang kulay ang mukha niya. Hindi ko nga alam kung paano nangyari. Kung papaanong umikot ang dalawang paa ko upang harapin ang kotse niya at dali-daling pumasok sa passenger's seat na siyang binuksan niya para sa akin. Matapos kong mailagay ang seatbelt ay mabilis din niyang pinausad ang kotse. Ngayon ay hindi ko na talaga maitago ang ngiti sa labi ko habang nakatitig sa kaniya. Nakaharap ako kay Brandon at buong atensyon ko ang ibinibigay ko sa kaniya. "Hindi ko alam na susunduin mo ulit ako ngayon," natatawa kong banggit. "Wala naman akong choice sa Kuya mo," aniya sa malamig na boses. "Talaga?" Nagtaas ako ng kilay, nang makita niya pa iyon ay madali lang niyang iniharap ang cellphone niya sa akin. "See that?" "Ikaw na muna ang bahala kay Shanang," pagbasa ko sa isang text na galing kay Kuya Leo. Umimpis ang labi ko. Hindi ko na mapigil ang sarili kong emosyon pero laking pagpipigil ko pa rin kaya halos magdugo ang labi ko sa sobrang pagkagat ko roon. "Pero bakit wala kang choice? Pwede ka namang tumanggi. Isa pa, kaya ko namang umuwi nang mag-isa, like hello?" wika ko at nag-iinarte sa harapan niya. Hindi ko rin alam kung bakit pa ba ako pinapasundo ni Kuya. Siguro ay may kinalaman ito roon sa sinabi ni Brandon na may pumuporma sa akin sa Global Tower. Sa naalala ay napanguso ako. Mariin akong tinitigan ni Brandon kaya natahimik ako. Mas humaba ang nguso ko at tahimik na isinandal ko ang likod sa back rest ng kinauupuan ko. Humalukipkip ako habang patuloy na nilalaro ang labi. Ramdam ko pa rin ang paminsan-minsang pagtitig sa akin ni Brandon. Kung hindi nga lang siguro siya nagda-drive ngayon ay baka binantayan na ako ng mga tingin niya. Tuloy ay halos magkabuhol-buhol ang paghinga ko. Suminghap ako at pinuno ng hangin ang baga ko. Hirap na hirap akong huminga na nagawa ko pang ibaba ng kaunti ang bintana sa gilid ko para makalanghap ng sariwang hangin mula sa labas kahit pa puro usok naman iyon. Kalaunan nang isarado ko rin. Saka naman nagsalita si Brandon, "kumakain ka ba?" "What do you mean—" Hindi ko na natuloy ang nais kong sabihin nang makitang huminto ang kotse niya sa isang fine dining restaurant. Nangunot ang noo ko. "Anong ginagawa natin dito?" "Kakain. Mukhang hindi ka pinapakain sa inyo. Nagda-diet ka ba?" anas niya at bakas doon ang tila pagkairita. Lalo lang nagsalubong ang kilay ko. "Kumakain ako pero hindi sa gabi. Nakasanayan ko na iyon at ganito na talaga ang body figure ko." Hindi naman talaga ako masasabing mapayat. Kahit papaano naman ay may laman at korte pa rin ang katawan ko. Hindi nga lang katulad ng mga babaeng nakita ko kagabi sa bar na kilala niya. Kung ang ibig niyang sabihin sa maganda ang pangangatawan ay dahil sa malaking boobs at matambok na pwet ay talo na ako. Ako iyong tipo ng flat na petite at medyo makulit— just kidding. Natawa ako at binalingan siya. "Pero kung aayain mo lang din naman ako sa isang dinner date. Then, why not?" Sa sinabi ko ay napanood ko ang pag-awang ng labi ni Brandon. Gulat na gulat ang mukha niya, bakas din doon ang animo'y pagkamangha. Mas natawa ako sa reaksyon niya at saka pa nailing. Bakit ang gwapo? At bago pa man din ako malulong sa angking kagwapuhan niya ay nag-iwas na ako ng tingin. Minabuti ko nang bumaba ng sasakyan at kaagad naman siyang sumunod. Ilang sandali nang nasa tabi ko na siya. Nauna siya sandali para pagbuksan ako ng pinto sa restaurant. Nag-angat ako ng tingin kay Brandon kung saan ay nananatili siyang walang imik. Hindi tuloy maiwasan na sumilay ulit ang ngiti sa labi ko. Hindi siya mukhang galit ngayon at hindi ko ba alam kung anong mas gusto kong expression ng mukha niya. Iyong palagi bang seryoso at nakakunot ang noo, o itong tahimik siya pero wala pa ring reaksyon. Sa pagpasok namin ay kaagad kaming iginiya ng isang waitress sa isang bakanteng upuan malapit sa glass window. Tanaw doon ang labas at iilang mga tao na dumaraan sa gilid ng restaurant. "Anong gusto mong kainin?" tanong ni Brandon na hawak na ngayon ang menu. "Palagi ka ba rito?" balik pagtatanong ko. Umiling siya. "Hindi naman. Usual spot lang ito para sa ilang ka-meet ko." Kumibot ang labi ko bago napatango. Kinuha ko iyong menu at inabala ang mga mata sa pagtingin-tingin doon. Samantala ay muli na naman akong pinanood ni Brandon kaya mas inangat ko iyong menu sa mukha ko. "Sila Warren ang madalas na ka-meet ko rito noon. Kung hindi sila o ang barkada ay isa sa tauhan ni Papa," paliwanag niya kahit hindi ko naman hinihingi. Ibinaba ko ang menu at maang na binalingan si Brandon. Kita ko ngayon kung paano umigting ang panga niya. Marahil ay na-realize niya kung bakit nga ba siya nagpapaliwanag sa akin ngayon. Huminga siya nang malalim at nag-iwas ng tingin. Nagsabi siya ng order niya at ganoon din ang ginawa ko. Sa nagdaang minuto ay pareho kaming tahimik na para bang pinakikiramdaman lang ang isa't-isa. At sa mga minutong iyon ay hindi ko na nabilang kung ilang beses nang nagagawi ang titig ni Brandon sa akin. Wala naman akong masabi dahil hanggang ngayon ay hindi ko alam kung bakit niya ako dinala rito. Hindi rin naman ako sigurado kung totoo bang dinner date namin ito. Assuming lang ako. Siguro nga ay para lang makita niyang kumakain ako sa gabi kaya kami narito ngayon at magkatapat. "Sabado bukas..." panimula ni Brandon kung kaya ay dagli akong natigilan para harapin siya. "May lakad ka ba bukas?" "Hmm. Wala naman, siguro ay bibisita na lang ako kina Kuya." Marahan siyang tumango-tango. "I see..." "Ikaw? May lakad ka ba ulit? Sa bar?" sunud-sunod kong tanong. Bulgar siyang napatitig sa akin kahit alam niyang nakatingin ako sa kaniya. "Baka kina Leo at Venice lang din. Makikibalita sa kasal nila," sagot niya, kasabay nang pag-inom niya sa isang baso ng tubig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD