"Kung gusto mo pa ng second date, pwede mo naman akong sabihan. I can move all my schedule," ani Brandon.
Ilang minuto na ang nakalipas pero iyong isipan ko ay naroon pa rin sa kaninang sinabi niya. Gusto niyang siya lang ang ituturing kong first date ko. Ngunit sinabi ko naman sa kaniya na 'di ko tinuturing na date ang isang pangyayaring gano'n lalo kapag wala naman akong nararamdaman.
First date niya rin ba ito?
Mukha namang hindi. Sa dami ng mga naging babae niya ay malamang na hindi. So, ibig bang sabihin ay may feelings siya sa akin para sabihin niya ang bagay na iyon? Ewan ko. Gusto kong isipin na ganoon nga pero ayoko namang gawin.
Magmumukha lang akong tanga na umaasa. At isa pa, hindi pa naman ako sigurado sa nararamdaman ko. Lahat ito ay bago sa akin at wala akong idea kung ano nga ba ang bumabagabag sa damdamin ko. Kung alam ko man din siguro ay ayaw kong pangalanan.
Natapos na kaming kumain, sakto nang paglabas namin sa restaurant ay madilim na ang kalangitan. Saglit akong napahinto at saka pa nagbaba ng tingin sa katawan ko. Siya naman ding hinto ni Brandon nang maramdaman ang pagkakatigil ko sa paglalakad.
"Bakit?" malamig niyang usal.
"Okay lang ba ito?" Tinutukoy ko ang suot kong damit. "Pwede ba ito sa bar? Hindi ba masyadong out of place?"
"Damit naman 'yan. Anong mayroon?"
"Kasi 'di ba kapag sa bar ay may tinatawag na dress code. Nakita ko kanina si Diana... naka-skirt at sleeveless. Si Francine at Hazel naman ay naka-crop top at heels," wala sa sariling pahayag ko.
Tiningala ko si Brandon. Nakita ko ang mariing paninitig niya sa katawan ko, kalaunan nang kunot ang noo niya nang binalingan ako. Ngayon ko mas nakikitang naiinis ang reaksyon ng mukha niya.
Bakit na naman ba?
"Hindi naman kita isasama kung ganoon ang suot mo. Okay na 'yan," anas niya at hinila ang kamay ko palapit sa kotse niya.
Pinauna niya akong makapasok sa passenger's seat, kaagad siyang sumunod. Matapos niyang ikabit ang seatbelt at buksan ang engine ay muli ko na naman siyang inusisa. Nakatanaw ako sa kaniya at pinagmamasdan ang ginagawa niya.
"Bakit naman?"
Huminga siya nang malalim. Tiim ang bagang niya nang isang beses niya akong nilingon. Madilim ang kaniyang mukha.
"Hindi kita itinakas kay Leo para lang maranasan mo iyong mga bagay na curious ka. Gusto ko lang na imulat ka kung paano gumalaw ang mundo. Pero hindi ko gusto na ginagawa mo iyong nakikita mo."
"Gano'n?" Napanguso ako.
Samantala ay hindi ko na mabasa ang mga sumunod niyang reaksyon. Hindi na rin siya nagsalita at minabuti nang paandarin ang kotse. Buong biyahe namin ay tahimik kaming pareho. Hindi ko na rin tinangkang magsalita dahil baka tuluyan siyang magalit.
Ilang saglit pa nang matanto kong huminto ang sasakyan sa tapat ng isang bar. Mula rito sa labas ay kitang-kita ko ang maraming nakaparkeng kotse, marami rin ang tao at karamihan ay purong naninigarilyo.
Sa kamamasid ay hindi ko namalayan ang paglabas ni Brandon. Naroon na siya sa gilid ko at nakabukas na ang pintuan para sa akin. Tiningala ko siya nang makalabas ako. Ganoon pa rin ang malamig niyang expression at hindi nagbabago.
"Huwag kang aalis sa tabi ko. Kapag mag-c-cr ka ay sabihan mo ako, sasamahan kita," habilin niya habang ikinakabit ang unang butones ng longsleeve ko.
Kumunot ang noo ko, halos masakal ako sa ginawa niya at hindi na kataka-takang mukha akong madre. Tiningnan ko siya pero maagap na siyang tumalikod upang makapasok na sa bar. Hawak niya ulit ang kamay ko at sa laki ng hakbang niya ay para akong nakakaladkad.
Dagli kong tiningala ang itaas ng bar. Black Alley. Wala sa sarili nang mapangiti ako. Hindi na bago iyon sa pandinig ko dahil palagi kong naririnig ito kay Ate Van. Ito iyong bar na mina-manage niya na bigay sa kaniya ng Mommy ni Paul Shin.
Sa hamba pa lang ng pintuan ay binati na siya ng unipormadong lalaki na malaki ang katawan, bouncer yata ng mismong bar. Sumunod ang ilang babae sa pagbati na ngayon ay natutuwa sa pagdating niya. May nagawa pang halikan siya sa pisngi.
Nagulat ako sa nasaksihan at kaagad na umiwas dahil kamuntikan na akong maapakan ng heels niya. Tiningala ko si Brandon. Wala siyang reaksyon na para bang hindi na bago iyon sa kaniya. Lihim akong napalunok at muling nagbaba ng tingin sa babaeng nasa harapan ko.
"Long time no see. Mabuti at nandito ka. Tara sa pwesto namin?" anyaya ng babae.
Umiling si Brandon. "May kasama ako."
Sa sinabi ni Brandon ay doon lang yata na-realize ng babae ang presensya ko. Dahan-dahan siyang napalingon sa akin, saglit lang yon dahil mabilis din siyang nagbaba ng tingin sa kamay namin ni Brandon.
Bigla akong nahiya kaya wala sa huwisyo nang hilain ko ang kamay ko kay Brandon ngunit hindi niya rin hinayaang makawala ako. Mas humigpit pa ang pagkakakapit niya sa akin, rason naman para tingnan ko siya ulit nang may pagtatanong.
Nakatuon na ang atensyon niya sa akin habang nakakunot ang noo. Tila ba hindi siya natuwa sa ginawa kong iyon. But knowing Brandon, sa palagian niyang pagseseryoso at galit ay hindi ko na malaman ang tunay niyang rason.
"Oh!" Natawa ang babae. "Bagong chicks mo? Galing bang States?"
Sa narinig ay marahas na napalingon ako sa babae pero bago pa man din dumako sa kaniya ang masamang tingin ko ay hinatak na ako ni Brandon. Ngunit kahit na ganoon ay umikot pa rin ang leeg ko para ipakitang naaasar ako sa kaniya.
Ako, chicks? Huh!
Napaismid ako. Kalaunan nang sumulong si Brandon sa umaapaw na mga tao, siksikan man ay hindi niya ako magawang bitawan. Mayamaya pa nang huminto siya sa counter ng bar. Binitawan niya ako at pinaupo sa isang mataas na stool.
Mula sa harapan namin ay ang isang bartender na abala sa ginagawang pagshe-shake ng baso na may lamang inumin. Namangha ako. Sunod kong pinagtuunan ng pansin ang dancefloor sa gitna. Mas marami ang tao roon.
Nagsasayawan sa salin ng musika galing sa DJ na nasa bandang itaas. Panay din ang ikot ng disco ball, medyo madilim ngunit sapat naman na para makita ko ang ilan na nasa sulok at magkadikit. Kung hindi magkayakapan ay naghahalikan naman.
Nawala ang concentration ko sa panonood sa kanila dahil sa isang kamay na humarang sa paningin ko. Sinundan ko ng tingin ang mahabang kamay na iyon at nakitang kay Brandon iyon. Tahimik niyang inikot ang katawan ko para ipaharap sa counter.
Nag-order siya ng kung ano pero hindi ko na nasundan dahil hindi ko maiwasang magpalingun-lingon. Sobra akong namamangha sa paligid. For the first time, nakapasok ako sa isang bar. Hindi ko na muna inisip si Kuya basta ay gusto kong magsaya at sulitin ang oras.
"Here." Dinig kong boses ni Brandon, kasabay nang paglapag niya ng isang baso sa harapan ko.
Nang tingnan iyon ay halos malukot ang mukha ko nang makitang pineapple juice iyon. Maang ko siyang tiningala na kahit nakaupo na siya sa katabi kong stool ay ang tangkad pa rin niya.
"Juice?" napipilan kong banggit. "I want something hard."
Umimpis ang labi ni Brandon, nananatiling seryoso.
"I mean, hard liquor. Gusto ko rin ng alak. Para saan pa ba na itinakas mo ako kay Kuya kung hindi ko lulubusin?"
Napahinga siya nang malalim. Wala siyang nagawa kung 'di mag-order ng alak na kagaya niya. Hindi rin naman nagtagal nang mai-serve iyon sa akin kaya dali-dali ko pa iyong ininuman na kaagad ko ring pinagsisihan.
Ramdam ko ang pagguhit sa lalamunan ko. Pati ang pananatili ng pait sa dila ko dahilan para mapangiwi ako. Samantala ay pinapanood lang ako ni Brandon, gusto man din niya akong pigilan ay hindi naman niya ginawa.
Hinayaan niya ako hanggang sa paunti-unti ay napangalahatian ko na iyong baso ko. Sa ilang minutong nagdaan ay pareho kaming walang imik. Nakatanaw lang kami sa bartender sa harap. Mayamaya pa nang mapasinok ako.
"Gusto kong sumayaw!" masaya kong banggit at mabilis na tumayo sa pagkakaupo.
Kamuntikan pa akong matumba dahil sa pagdidilim ng paningin ko. Kung hindi lang din naging maagap si Brandon at kaagad akong nahawakan sa baywang ko. Sa ginawa niya ay literal na napatayo ako nang maayos.
"Dahan-dahan lang... lasing ka na yata," anas niya pero umiling ako.
Paano ba malalaman kapag lasing na ang isang tao? Madalas kong makita noon kay Kuya ay nagwawala siya, sumisigaw at kung anu-anong hinanakit kay Ate Venice ang pinagsasabi. So, tingin ko naman ay hindi pa ako lasing.
Pero dahil sa pagkakahawak ni Brandon sa baywang ko ay doon pa yata ako malalasing. Dama ko ang init ng palad niya kahit pa may suot akong damit. Malaki ang kamay niya at sa nipis ng baywang ko ay nanunuot doon ang kakaibang kiliti.
Napalunok ako at hindi na mawari kung paano pa pakakalmahin ang nagwawala kong puso. Ramdam ko ang kakapusan ko ng hangin. Hindi ako binitawan ni Brandon kaya nananatiling nakatulala ako sa kaniya.
"Iuuwi na kita," dugtong niya ngunit umiling ulit ako.
"Dito muna tayo! Gu—gusto ko kasing sumayaw," alanganing banggit ko.
"Then dance," iritado niyang palatak kaya napatitig na talaga ako sa kaniya.
"Ga—galit ka na naman ba?" Tila sumikdo ang puso ko. Bakit ba siya nagagalit?
Hindi ba siya masaya na kasama ako? Well, halata naman. Kung hindi lang ako nagpumilit na sumama sa kaniya.
"No." Umiling siya matapos akong matitigan nang mabuti. "Sumayaw ka lang diyan, panonoorin kita."
"Huh?" bulalas ko at saka pa itinuro ang dancefloor. "Pero gusto ko roon..."
"Huwag ng matigas ang ulo. Kung 'di ay iuuwi talaga kita."
Sa tigas ng boses niya pati na rin ng malamig niyang mga mata ay natahimik ako. Hindi na siya natutuwa. Kung hindi nga lang din marahil na responsibilidad niya ako ngayon ay baka kanina pa niya ako iniwan.
Bumuntong hininga ako at sinunod na lang ang gusto niya. Sakto pa nang tumugtog ang paborito kong kpop song na LALISA kaya wala na sa tamang huwisyo nang mapaindak ako. Panay pa ang pag-headbang ko at ang paglikot ng dalawang kamay ko.
"What's my name? What's my name?" pagkanta ko sa parteng english ng kanta. "La, la-la-la, la, la-la-la..."
Hindi ko alam kung tama bang lasing na ako. Hindi pa naman siguro dahil aware pa naman ako sa nangyayari sa paligid ko. Aware na aware ako sa titig na ibinibigay sa akin ni Brandon.
Naroon pa rin ang kamay niya sa baywang ko na gaano man ako kalikot sumayaw ay hindi niya ako magawang pakawalan. Hindi ko na rin inabala pang tanggalin iyon dahil nagugustuhan ko naman ang banayad niyang pagkakahawak.
Nasa ganoon lang akong ayos, nakatayo sa gilid ni Brandon habang sinasabayan ang mga sumunod pang kanta. Sa panonood pa niya sa akin ay hindi niya maiwasan ang mamangha. Kitang-kita ko ang multo ng ngiti sa kaniyang labi.
Paminsan-minsan pa ay nakakagat niya ang pang-ibabang labi. Tuwang-tuwa siya at para namang hinaplos ang puso ko sa katotohanan na makita siyang nakangiti ngayon. Ito ang unang pagkakataon na nakita kong nginitian niya ako.
Although, naabutan ko naman siya rati na nangingiti pero madali lang niya iyong inaalis. Ngayon lang tumagal ang masayang ngiti sa labi niya kaya maging ako rin ay natutuwa sa kaniya.
Hindi na siya uminom pa ng alak. May natira pa nga sa baso niya na para rin bang wala na siyang balak na ubusin iyon. Sa akin naman ay naubos na pero hindi na tinangka pang um-order ni Brandon para sa akin.
"Brandon!" Pareho kaming napalingon sa babaeng kararating lang. "Nandito ka na pala! Kailan pa?"
Sa lakas ng disco music ay halos sumigaw na iyong babae. Oras naman din para mapatigil ako sa pagsayaw at pinagtuunan siya ng pansin. Kaagad siyang nilingon ni Brandon.
"How have you been? Ang tagal mong nawala, ah? Six years? Natigang ka siguro," tumatawang sabi ng babae.
Ngumisi lang si Brandon. "Not really. Alam mo namang mas upgraded ang mga babae sa States."
"Upgraded? You mean liberated?"
Pareho silang natawa. Wala akong imik at nakikinig lang sa kanila habang nakamasid. Hindi siya iyong babae kanina. Iba ito, panibagong babae. Wala pa man ding matibay na katibayan ay parang napatunayan ko ng totoong babaero si Brandon.
Napasimangot ako. Sa isang iglap ay naging invicible ako sa harapan ni Brandon. Sa inis na lumulukob sa damdamin ko ay mabilis ko lang kinuha ang baso ni Brandon na nakalapag sa counter at inisang lagukan ang lamang alak.
Kasabay nang pagtawa nila ay ang pagngiwi ko. Para akong nawalan ng gana kaya unti-unti kong binabawi ang sarili kay Brandon. Gusto kong makawala sa pagkakahawak niya sa akin ngunit nang mapansin niya iyon ay lumingon siya sa akin.
Sumunod ang babae na nilingon din ako. Kagaya kaninang nangyari ay parang ngayon lang din niya na-realize na nandito ako kasama ni Brandon. Kahit pa bulgar naman nakapulupot ang kamay ni Brandon sa baywang ko.
"May kasama ka pala," pagpuna ng babae. "Bagong chicks mo? Ang bilis, ah! Nakahanap ka kaagad. Pero mukhang bata."
Sumama ang timpla ng mukha ko. Binalingan ko iyong babae at hindi ko alam kung paano pang talas ng tingin ang ipinupukol ko sa kaniya. Bata? Mukha lang akong bata pero twenty four na ako!
Ganoon din ba ang tingin sa akin ni Brandon? Bata rin ba ako para sa kaniya? Kaya ba ramdam ko na parang inilalayo niya ang sarili niya sa akin? Bumagsak ang panga ko. Galit ko namang tiningnan si Brandon.
"Sayang, may irereto sana ako sa 'yo. Pero alam ko naman 'di rin kayo magtatagal." Humalakhak siya. "Kapag may oras ka pa mamaya ay daan ka sa table namin."
Marami pang sinabi iyong babae pero hindi ko na magawang pakinggan pa. Nananatili ang tingin ko kay Brandon na siyang sinusuklian din ang galit kong pagtitig. Ang kaibahan lang ay mas ramdam ko ang galit sa mga mata niya.
Nagtagal iyon ng ilang minuto kaya ako rin ang unang bumitaw. Tuluyan nang nalusaw ang kaninang excitement na nararamdaman ko. Ramdam ko iyong pait at sirang-sira na ang mood ko ngayon.
"Chicks mo ba ako?" mahinang tanong ko ngunit sapat na rin naman na para marinig niya. "Dalawang beses na akong natawag na chicks mo! Bakit? Mukha ba akong manok?"