Kabanata 6
Homework
A P P L E
Naka balik na kami't lahat sa mansiyon ay hindi pa din mawala wala sa isipan ko ang sandaling nagkalapit kami ni Nicholas. Kahit sandali lang iyon, sobrang masaya ako dahil kahit papano natupad ang isa sa mga pantasiya ko lang nuon. Ang sumakay sa kabayo kasama ang taong gusto ko. Napangiti ako sa aking naisip. Hindi ko alam na posible pa lang mangyari iyon. Sa pocket book lang kasi na hiniram ko sa kaklase ko nabasa iyon. Hindi ko akalain na mangyayari din iyon sa akin. Na pwede palang mangyari iyon sa isang simpleng babaeng katulad ko.
Ngunit agad na nalusaw ang ngiti ko nang marinig ko ang pagtikhim ni Nicholas na ngayon ay nag hihintay na pala sa aking pumasok nang mansiyon.
"Hindi ka ba papasok?" Anito.
Hindi na ako sumagot at nag lakad na lamang palapit sa kanya. Tinalikuran na niya ako at nag tuloy tuloy na sa pag pasok sa mansiyon habang ako naman itong nakasunod lang sa kanyang likoran. Kinakabahan ngunit nilalakasan na lang ang loob dahil gusto ko pa talaga siyang makasama ng kahit sandali pa. Nag tungo kami sa kusina kung saan naruon na ngayon si manang. Nang makita ako nito ay agad sumilay ang isang malaking ngiti sa kanyang labi. Agad naman akong lumapit sa kanya upang magmano.
"Kamusta apo? Buti at napadalaw ka na ulit!" Ani manang pagkatapos kong magmano.
"Opo manang, medyo naging busy lang po sa skwelahan." Sabi ko.
Tumingin ako kay Nicholas na ngayon ay palapit sa refrigerator para kumuha ng maiinom. Baka kasi binanggit niya pa kay manang na nakita niya ako kahapon sa dalampasigan. Sabihin pa ni manang nag sisinungaling ako sa kanya kahit totoo din naman dahil hindi naman talaga ako busy sa skwelahan. Ayoko lang talagang mag punta muna rito. Dahil sa nangyari nuong nakaraang punta ko dito.
"Ganun ba hija? Halika kumain ka na din. Mag sabay na kayo ni senyorito. Okay lang ba senyorito?" Tanong ni manang kay Nicholas na isang tango lamang ang naging sagot bago na naupo sa isang silya. Iginaya naman ako ni manang sa kabilang silya at pinaghain ng pagkain. Ganun din ang ginawa niya syempre kay Nicholas.
"Hindi ko na kaya masasabayan dahil kumain na ako." Ani manang na tinanguan ko na lang. Sinimulan ko na ang pagkaing sa mga pagkaing inihanda ni manang habang siya naman ay nauupo sa tabi ko.
"Hija, sa susunod na linggo na pala ang birthday mo. Anong gusto mong iluto ko para sa birthday mo?" Sabi ni manang dahil nuong nakaraang kaarawan ko ay ipinag luto niya rin ako at dito na din namin sa mansiyon cinelebrate ang birthday ko kaya sobrang saya ko nun. Kaya lang dahil nandito na si Nicholas ay nakakahiya na kung dito pa kami mag cecelebrate.
"Naku wag na po manang! Mag luluto po ng bihon si tatay sa bahay. Dadalhan na lang po kita rito manang." Sabi ko nang nakangiti nang mapalingon ako sa direksiyon ni Nicholas. Naka taas ang kilay nito.
"Pati na din po kayo senyorito. Dadalhan ko na lang po kayo dito." Sabi ko pa kaya lang bigla ko ring naisip na baka hindi magustuhan ni Nicholas ang ilulutong pancit bihon ni tatay dahil medyo mag kukulang iyon sa sahog. Kaya naman agad ko ring dinugtungan ang sinabi ko.
"Pero kung ayaw niyo po senyorito, okay lang kahit hindi niyo kainin. Baka po kasi hindi niyo magustuhan dahil baka mag tipid nanaman si tatay sa sahog." Nahihiyang sabi ko at tumungo.
"What makes you think na hindi ko magugustuhan iyon dahil kulang sa sahog?" Mariing sabi niya kaya naman muli akong nakapag angat ng tingin sa kanya.
"Ah baka lang po kasi..." Hindi na ako natapos sa pag papaliwanag dahil muli na siyang nag salita.
"Si manang ang magluluto para sa birthday party mo." Ani Nicholas na nag pagulat sa akin.
"Ano ho? Birthday party? Ah hindi po, senyorito. Wala naman pong party na magaganap. Mag luluto lang po si tatay ng pancit at hindi na kailangan pang magkaruon ng party. Simpleng kaarawan lang naman po iyon." Sabi ko.
"Then let manang cook for your day."
"Oo nga naman hija. Hayaan mong ipag luto na kita. Minsan lang sa isang taon ko itong gagawin para sayo eh. Isipin mo na lang na iyon na ang regalo ko para sa birthday mo, ang ipag luto ka." Ani manang na sinusuportahan pa talaga ang sinabi ni Nicholas kaya naman wala na akong nagawa pa kundi ang tumango na lamang at sumang-ayon sa gusto nito.
"Osige, maiwan ko na muna kayo dyan. May mga kailangan pa akong asikasuhin sa hardin. Baka hindi nanaman nagawa ng maayos ng bagong hardinero ang trabaho niya. Magkamatay pa ang mga halaman." Ani manang bago tuluyan nang tumulak papunta sa hardin.
Kaya tuloy ito, naiwan kaming dalawa ni Nicholas dito sa kusina na parehong tahimik at hindi nag iimikan. Kung sabagay bakit nga naman kami mag iimikan? Ano nga ba namang pag uusapan naming dalawa? Baka mamaya may masabi nanaman siyang makakasakit sa damdamin ko. Kaya mas okay na sigurong ganito na hindi kami nag papansinan.
"Mabuti pinayagan ka pa ng boyfriend mong mag punta rito." Nakataas ang kilay na bigla na lamang niyang sinabi.
Napabaling ako sa kanyang direksiyon pero agad ding nag baba ng tingin nang makitang mariin siyang nakatitig sa akin. Bakit ba pinag pipilitan niyang boyfriend ko si Jasper? Hindi naman niya kami nakitang magka hawak ang kamay o nag hahalikan para masabi niyang nasa isang relasyon kaming dalawa. Ganito ba talaga kapag laking maynila? May kasama ka lang na lalaki, iisipin na agad nila na boyfriend mo iyon kahit ang totoo ay kaibigan mo lang naman talaga ito.
"Kaibigan ko lang si Jasper. Kababata ko siya." Hindi ko alam kung bakit pa ako nag papaliwanag sa kanya. Ano naman kung isipin niyang may relasiyon kami ni Jasper? Wala lang naman iyon sa kanya panigurado.
"Bakit hindi mo na lang muna unahin ang pag aaral mo?" Untag niya pa.
Lumabi ako habang nakatingin sa kutsara ko. Ayoko siyang lingonin kasi hindi ko kayang sabayan ang titig niya.
"Nag aaral naman akong mabuti. Kaya lang minsan hindi ko maintindihan ang ibang pinag aaralan kaya nag papaturo ako kay Jasper. Iyong lalaking nakita mong kasama ko. Hindi ko talaga siya nobyo, magkaibigan lang kami." Paliwanag ko nang hindi pa din siya nililingon.
Gusto kong batukan ang sarili ko dahil sa pag papaliwanag kong hindi naman yata kailangan. Anong pake niya ba sa paliwanag mo ha, Apple? Bakit ba panay ang paliwanag mo sa kanya kahit hindi naman na kailangan.
"Kung ganun bumisita ka dito ng madalas at ako na ang mag tuturo sayo ng mga hindi mo maintindihan." Aniya sa pinal na tono kaya naman agad akong napa-angat ng tingin sa kanya at bago pa man ako makapag salita ay tumayo na siya. Indikasiyon na tapos na siyang kumain at aalis na siya.
Bitbit ang plato niya ay hinugasan niya iyon sa lababo. Habang ginagawa niya iyon ay hindi na ako naka imik pa hanggang sa tuloyan na siyang makalabas sa kusina. Unti unting sumilay ang isang malawak na ngiti sa aking mga labi nang makaalis na siya. Para akong lumulutang sa mga ulap habang iniisip na siya ang mag tuturo sa akin. Sino ba naman kasi ang hindi matutuwa kung ang taong gustong gusto mo ang mag tututor sayo. Sobrang saya ko! Parang hindi na ako makapag hintay na mangyari iyon. Gusto ko na agad mag paturo sa kanya!
Ano ba yan Apple! Hindi ba kakasabi niya lang na unahin ang pag aaral? Eh bakit parang mas excited ka pang makasama siya kaysa ang pag aaralan ninyong dalawa? Ah basta! Sobrang saya ko ngayon. Pakiramdam ko ito na ang chance para magkalapit kaming dalawa. Hindi naman pala masama ang ugali niya.
Hanggang sa pag uwi ay nakangiti pa din ako. Hindi mawala wala sa isip ko ang mga sinabi ni Nicholas. Siya bilang tutor ko? Mukhang mas mapapadalas ang pagiging magkalapit namin. Ah! Hindi na talaga ako makapag hintay magkaruon ng assignment para mag patulong sa kanya! Ewan ko ba. Nababaliw na yata ako at ako lang yata ang kaisa isang studyanteng gustong magkaruon ng assignment. Sino ba naman kasing may gustong imbes na nag papahinga ka na lang pag uwi mo ay may iintindihin ka pang assignment. Wala naman di ba? Ako lang talaga. Dahil alam ko na iyon ang magiging tuloy para makausap ko ulit si Nicholas! Hays ang saya saya ko talaga ngayong araw. Paano pa kaya kapag tinuturuan na ako ni Nicholas? Baka tuluyan na akong sumabog sa tuwa.
"Okay, class dismissed." Anang aming profesor. Agad naman akong napatayo sa kinauupuan ko at nag taas ng kamay.
"Ma'am!"
"Yes Ms. Hidalgo?" Tanong nito habang inaabangan ang sasabihin ko. Tumitig sa akin ang mga kaklase ko na ngayon ay nag aabang din sa sasabihin ko para makalabas na sila ng classroom.
"Wala ho ba kayong ipapa assignment? Oh kahit take home quiz na lang dyan?" Sabay sabay na nag sipag protesta naman ang mga kaklase ko sa sinabi kong iyon.
Tinignan ko sila na parang ang sama na ng tingin sa akin. Sorry guys.
"Ano bang sinasabi mo dyan, Apple! Umayos ka nga dyan! Baka mamaya magkaidea pa si ma'am bigyan talaga tayo ng assignment!" Sabi ni Sugar na katabi ko ng upuan pero hindi ko ito pinansin at hinintay ang magiging sagot ni ma'am.
"Wala na Ms. Hidalgo. Pwede na kayong umuwi!" Sabi ni Ma'am kaya naman agad na bumagsak ang balikat ko sa pagkaka dismaya.
Nag simulang nag magsi labasan ang mga kaklase ko habang ako naman ay dismayadong muling sumalampak sa upuan ko.
"Pasalamat ka talaga at hindi nag bigay ng assignment si ma'am kundi lagot ka sa mga kaklase natin. Inis pa naman sayo ang mga babaeng kaklase natin dahil naiinggit." Sabi ni Sugar nang makaalis na ng tuluyan ang mga kaklase namin. Hindi ko siya sinagot.
"Eh ano ba kasing pumasok dyan sa utak mo at sinabi mo iyon kay ma'am. Nababaliw ka na yata eh. Parang nung isang araw lang nag rereklamo ka dahil sa dami at hirap ng mga homeworks natin pagkatapos ngayon parang gustong gusto mo pang magkaruon muli tayo ng assignment. Ang weird mo talaga kahit kailan Apple." Sabi pa din ni Sugar.
"Una may crush kang sa litrato mo lang nakikita, pangalawa inuubos mo ang oras mo sa pag lilinis sa mansiyon ng mga Montemayor kahit wala ka namang sahod, pangatlo hindi mo type si Jasper. Ewan ko ba sayo girl. Totoo ka pa ba? Medyo may sayad ka yata kaya ganyan yang utak mo."
"Grabe ka naman Sugar! Eh sa kaibigan lang naman talaga ang tingin ko kay Jasper! Ano bang magagawa niyo duon! Saka ayoko ngang makipag agawan sa mga babaeng nagkakagusto sa kanya dito sa school! Baka mapaaway nanaman ako dahil duon. Alam mo naman ang mga kaklase nating babae mga bully." Sabi ko nang maalalang minsan na akong nasangkot sa gulo dahil sa binubully ako ng mga kaklase kong babae na may gusto kay Jasper. Akala kasi nila nilalandi ko si Jasper kaya hindi sila pinapansin nito kahit hindi naman talaga.
Matalik na kaibigan ko si Jasper at wala talaga akong nararamdaman para sa kanya kundi purong pagkakaibigan lang. Hindi ko alam kung saan nila nakuha ang balitang nilalandi ko si Jasper. Kung alam lang nila kung sino talaga ang gusto ko. Eh kung sabihin ko kaya sa kanila kung sino ang talaga ang gusto ko? Baka sakaling tigilan na nila ako sa pambubully nila.
Sabay kaming lumabas ng classroom ni Sugar habang tuloy pa din sa pag kukwentuhan.
"Oo nga pala, Apple. Hindi ba palagi kang nasa mansiyon ng Montemayor? Edi ibig sabihin nakita mo na iyong apo ng don? Iyong nag mana ng Hacienda Montemayor."
Agad akong napangiti nang maisip si Nicholas. Hindi lang nakita Sugar! Isinakay niya pa ako sa kanyang kabayo pati na din sa motor niya! Tapos ngayon willing siyang tulungan ako sa mga school works ko.
"Oo. Bakit anong meron kay senyorito?" Kunwa'y walang ganang sabi ko.
"Mygad Apple! Ibig sabihin nakita mo na nga siya? So kamusta naman? Tama ba ang mga balibalita?"
"Anong balita?" Bigla tuloy akong nacurious.
"Na gwapo daw iyon!" Ani Sugar na mukhang kinikilig pa.
Hay naku Sugar kung alam mo lang! Hindi lang siya gwapo, sobrang gwapo talaga. Tapos ang lakas pa ng dating niya. Malayong malayo sa ibang lalaking nakilala ko. Siya na yata ang pinaka gwapong nilalang na nakita ko ng personal sa buong buhay ko. Pero siyempre hindi ko sasabihin kay Sugar iyan dahil alam kong tutuksuhin niya lamang ako kapag nalaman niyang si Nicholas ang lalaki sa litratong hinahangaan ko.
"Sakto lang." Kunwa'y walang interes na sabi ko. Kahit gustong gusto ko nang mag kwento kay Sugar. Siguro saka na lang ako mag kukwento sa kanya. Ayokong asarin niya lang ako kapag nalaman niya kung gaano kataas ang taong hinahangad ko.
"Naku hindi ako naniniwala na sakto lang! Ang sabi ni Lena nakita na raw niya iyon nang minsang dalawin niya ang tatay niya sa koprahan. Nanduon daw sakto iyong taga pagmana ng hacienda at sobrang gwapo at bait daw nuon. Parang na eexcite na tuloy akong makita siya. Pwede ba akong sumama sayo sa mansiyon, Apple?" Tanong niya na para bang naeexcite.
"Hindi ko lang alam Sugar. Saka wag mo na nga pangarapin iyon. Hindi tayo kailanman mapapansin ng mga taong katulad nun." Hipokrita ka din Apple eh ano! Sa'yo pa talaga nang galing ang suhestiyon na iyan? Kahit na ikaw naman talaga ang nangangarap sa lalaking hindi naman mapapasayo at hindi mo maaabot.
"Hindi ko naman sinabing pinapangarap ko iyong mga ganung lalaki. Alam ko naman iyan Apple kaya hindi mo na ako kailangan bilinan. Gusto ko lang talaga siya makita dahil nacucurious talaga ako kung bakit tila kinikilig ang pinsan ko matapos makita iyon. Saka kay Lena nang crush iyon. Ayoko na makisali." Sabi ni Sugar na para bang wala lang sa kanya.
May crush si Lena kay Nicholas? Kay Lena nang crush iyon? Pero nauna akong magkagusto kay Nicholas! Kung sabagay iyong mga kagaya ni Nicholas marami talagang nagkakagusto duon at hindi ko naman sila kayang pigilan dahil normal lang naman sigurong magkagusto sa isang tulad ni Nicholas. Na gwapo na mabait pa. Naalala ko tuloy iyong araw na nag hatid kami ng pagkain sa koprahan. Mukhang ilang beses na niyang ginagawa iyon ah. Saka mukhang malalapit na siya sa mga tao duon. Kaya hindi nakakapag taka na maraming nagkakagusto sa kanya.
"Sige na Apple! Mauna na ako! Nandyan na si Jasper." Ani Sugar sabay kumaway.
Alam niya kasing kaming dalawa ni Jasper ang laging magkasabay pauwi kasi malapit lang sa bahay namin ang bahay nila. Medyo gubat na kasi banda ang bahay namin kaya gusto niya akong palaging sinasabay sa pag uwi para makasiguro daw siyang ligtas ako sa ano mang panganib. Pero sa totoo lang sanay na naman ako eh. Minsan nga ginagabi na ako sa pag uwi dahil bumibisita pa ako sa Mansiyon pero wala namang nangyayaring masama sa akin.
"Dadaan ka ba sa Mansiyon ngayon?" Tanong niya nang makalapit ako.
Bigla kong naalalang wala nga pala akong homework. Kaya wala akong dahilan para magpaturo kay Nicholas.
"Hindi na. Bukas na lang siguro. Tara na!" Aya ko rito at nag umpisa na kaming lumakad.