TYRION LANNISTER
Dahan-dahan kong binuksan ang aking mga mata habang binabalikan ko sa aking alaala ang mga nangyari sa akin bago ako nawalan ng malay kanina. Dinig na dinig ko ang malakas na kabog ng aking puso dahil sa kaba at takot na nararamdaman ko ngayon. Katapusan na kaya ng buhay ko?
"Hindi pa ba siya gising?"
Nakita ko ang dalawang lalake at babae na nakapalibot sa gitna ng mga kahoy na may nagliliyab na mga apoy. Ngayon ko lang napansin na madilim na pala ang paligid.
Naramdaman ko ang malamig na simoy na hangin na tumama sa aking balat. Ngayon ay nanginginig na rin ako dahil sa malamig na simoy ng hangin.
Ngayon ko lang din napansin, pero bakit wala yata kami sa palasyo? Puro puno ang nasa paligid namin kaya siguro ay nasa kagubatan din kami ngayon. Ibang tao ba ang dumukot sa akin? Baka naman magpapalipas lang kami ng gabi rito sa kagubatan at ibabalik na rin nila ko sa palasyo kinabukasan?
Biglang lumingon 'yong isang lalake sa direksiyon ko. Nabigla ako sa paglingon niya kaya napabangon din ako bigla. Ilang minuto pa kami nagkatitigan bago siya unang umiwas ng tingin sa akin at lumingon sa kaniyang mga kasama.
"Gising na siya, Rem. Sa tingin ko ay kailangan na 'ting magpaliwanag ng mahaba sa kaniya dahil nasa depensa ang katawan niya ngayon." Nagkabit-balikat 'yong lalakeng nakita ko at saka tinuro ang aking direksiyon.
Agad na lumingon sa direksiyon ko 'yong tatlo niyang kasama. 'Yong isang babae na nakapusod at straight ang buhok ay agad na nanlaki ang mata nang makita na gising na ko. Nanlaki rin ang mata ko nang makita ko siya dahil siya 'yong babaeng nakausap ko kanina bago ako nawalan ng malay.
Malawak na ngiti ang pinakawalan niya sa 'kin habang ako ay sinamaan ko siya ng tingin. Hindi na ko magpapabihag sa ngiti niyang 'yan kahit pa maging single na lang ako habang buhay.
Walang expression akong tinitigan ng isa pang babae. Ang weird lang dahil ang labi niya ay naka slight smile sa akin. Kulot ang buhok niya na naka lugay lang. Sunod kong tiningnan ng lalakeng mukhang malakas dahil sa nagpuputukan nitong muscle. Nakangiti rin siya sa akin at halata ang tuwa sa kaniyang mukha dahil sa narinig niya mula sa kaniyang kasamahan.
"Magandang gabi, ginoo. Halika rito dahil may mahalagang bagay kaming nais ipaliwanag sa 'yo."
Umiling ako sa sinabi ng lalake na may malaking muscle kahit na maganda naman ang tono ng kaniyang pananalita.
"Bakit ko susundin ang sinasabi ninyo e dinukot n'yo nga ko. Pakawalan ninyo ko!"
Hindi ko na mapigilan sumigaw dahil sa inis na nararamdaman ko. Niloloko yata ako ng mga 'to e. Anong tingin nila sa akin? Isang sanggol na walang alam sa mundo? Tsk.
"Bakit ka ba nagagalit d'yan e wala naman kaming ginawang masama sa 'yo." Napalitan ng seryosong expression ang mukha ng lalakeng unang nakakita na gising na ko.
Ngayon ko lang din napansin na lahat sila ay kulay puti ang buhok. Iisa lang din ang istilo ng kanilang mga damit.
"Heh. Huwag ako ang lokohin ninyo. Hindi na ko babalik ulit sa palasyo."
Biglang nag-iba ang expression ng mukha nila nang mabanggit ko ang salitang palasyo. Nagkatinginan pa silang apat. Akala ba nila ay hindi ko malalaman agad ang balak nilang gawin? Saka bakit ba kasi ako ang kinuha nila para mahanap ang prinsipe na sinasabi nila e wala rin naman akong kakayahan para magawa ang gusto nila. Ibalik na lang kaya nila ko sa mundo ko. Tsk.
"Sabi ko sa 'yo, Rem. Mali ang pamamaraan na 'tin para mapasama siya sa atin kanina."
"Pero nagugutom na kasi ako kanina, Rex. Wala nang mas madaling paraan para mapasama siya sa atin. Isa pa ay baka maunahan pa tayo ng mga taga-palasyo at makuha na naman siya sa atin. Siyang ang kapangyarihan na 'tin para sa pagtawag sa kaniya."
Nagsalubong ang dalawang kilay ko dahil sa pagtataka habang nakatingin sa pagpapalitan ng salita ng lalakeng unang nakakita sa akin na gising ako at ng babaeng una kong nakita kanina. Rex at Rem pala ang pangalan nilang dalawa.
Hindi ko mas'yado maintindihan ang mga pinagsasabi nila, pero tama ba ko ng narinig? Baka naman mali lang ako ng pagkakaintindi?
"Lalake, makinig ka. Kung ginagamit mo ang isip mo ay hindi ka namin kinuha para ibigay lang sa bruhang reyna na 'yon. Maliwanag na ba sa 'yo ang lahat?"
Sinamaan ko ng tingin 'yong babaeng hindi ko alam ang pangalan. Wala na ngang expression ang mukha niya, ang pangit niya pang magsalita. Tss.
Pasimple akong tumingin sa likod nila habang nakatingin sa kanilang direksiyon. Hindi nila ko mabibilog kahit ano pa ang sabihin nila. Napaniwala ako ng reyna at hindi na mauulit 'yon. Gagawa ako ng paraan para makawala sa kanila at pagkatapos ay gagawa ako ng paraan para makabalik ako sa mundo kung saan ako nagmula. Kailangan kong alamin kung anong mayroon sa orasan na hawak ko dahil malakas ang kutob ko na isa ito sa dahilan kung bakit nandito ako sa mundong ito.
"Hindi pa rin ako naniniwala. Kanina lang ay gan'yan din ang sinabi sa akin ng reyna kaya bakit ako maniniwala sa inyo? Ang mabuti pa ay ibalik ninyo na lang ako sa mundo ko dahil wala naman akong kapangyarihan para mahanap ang nawawala ninyong prinsipe."
Sabay-sabay silang bumuntong hininga nang marinig nila ang sinabi ko. Tumalikod sila sa akin at nagbulungan. Hindi ko marinig ang pag-uusap nila, pero napangiti ako dahil nagkaroon ako ng pagkakataon para tumakbo at makatakas sa kanila.
Dahan-dahan akong humakbang papalayo sa kanila. Nag-iingat ako ng husto na huwag gumawa ng malakas na ingay. Naka limang hakbang na ko, pero hindi pa rin sila lumilingon ulit sa akin. Kaya naman huminga ako ng malalim para simulan na ang aking balak. Nagbilang ako ng tatlong bilang sa aking isipan bago ako kumaripas ng takbo papalayo sa kanila.
Dahil madalim na ang paligid ay nahirapan akong tumakbo ng mas mabilis. Masakit pa ang paa ko dahil sa matatarik na lugar na aking dinadaanan. Ngayon ko lang napansin na nakapaa lang pala ko.
Habol ko na ang aking hininga dahil sa pagod. Sana makaalis pa ko ng buhay sa mundong ito.