"Nariyan si Athena, may mga pasalubong na naman sa 'yo. Hindi mo ba pupuntahan?" tanong ni Kent sa kapatid pag-uwi niya ng bahay. Sumimangot lang ang kapatid niya. Galit pa rin ito kay Athena dahil hindi ito tumupad sa usapan na isasama ito sa ibang bansa. "Hinahanap ka ni Ate Lilibeth," sagot nito sa halip. "Hindi ba't may usapan kayong sasamahan mo siya sa Dagupan?" Nakalimutan niya kaagad ang lakad niya ngayong hapon dahil sa biglaang pag-uwi ni Athena dito sa San Fabian. Hindi naman kasi importante ang pakay niya sa Dagupan, puwede niyang ipagpaliban sa ibang araw. Pero nakalimutan niyang makikisabay nga pala si Lilibeth dahil nasa ospital sa Dagupan Medical Center ang Inay nito na may sakit sa baga. "Tumawag ba sa 'yo? Baka bukas na lang ako lumakad." "Dahil lang duma

