“AYOS KA lang ba, anak?” ani Tita Inez habang hinahagod ang likod ko. Hindi ako makasagot dahil patuloy pa rin ako sa pagduduwal. Ilang minuto na ako sa lababo. Nailabas ko na yata lahat ng laman ng tiyan ko. Wala pa akong kinain. Kalalabas ko pa lang ng kuwarto para sana mag-almusal. Pero sa halip na sa hapag-kainan ako dumiretso, sa lababo ako nagtungo. Bigla na lang kasi akong nasusuka. Mapait na ang panlasa ko pero hindi pa rin ako tumitigil sa pagduduwal. Pati yata iyong kinain ko kagabi ay nailabas ko. Nanghihinang napaupo ako pagkatapos kong magmumog. Napahawak pa ako sa aking tiyan dahil pakiwari ko naubos ang laman nito. “Ano bang nangyari sa iyo at umagang-umaga ay nagsusuka ka?” “Hindi ko po alam, tita. Maayos naman ang pakiramdam ko kaninang bumangon ako. Nakaligo pa ako

