NAGLALAKAD na ako ng hallway nang mahagip ng mga mata ko ang pamilyar na bulto ng katawan na umaakyat sa hagdan. Nakahawak nitong cellphone ang atensyon nito kaya hindi pa niya ako nakikita.
Agad akong tumalikod at nagmamadaling bumalik ng kuwarto. Napahawak pa ako sa aking dibdib habang nakasandal sa nakasarang pintuan. Pakiwari ko ay may naghahabulang daga sa dibdib ko.
Hindi pa man ako nakababawi sa normal kong paghinga nang makarinig ako ng sunod-sunod na katok sa pinto. Napapitlag pa ako nang wala sa oras. Tuloy hindi agad ako nakakilos. Nakatitig lang ako sa saradong pinto.
Lumalakas naman ang katok sa pintuan pagkatapos narinig ko pa na may sumisigaw.
“Hey! Open the door!”
Nataranta na naman ako nang makilala ko ang sumisigaw. Kinakabahang binuksan ko ang pintuan.
“Bakit ka nagtatago diyan, ha?” nakakunot ang noong tanong ni Rodel. “Akala mo ba hindi ko napansin na bigla kang bumalik dito sa kuwarto mo nang umakyat ako?”
Hindi ako nakasagot. Napakagat-labi na lang ako.
“Ang sabi rin ni Manang Jovie, hindi ka rin daw bumaba kanina para kumain ng lunch. Ipinadala mo raw ditto sa kuwarto mo iyong pagkain. Tapos ngayong gabi hindi ka na naman lumabas para mag-dinner. Anong problema mo?”
Marahas akong umiling. Akala ko lulubayan na ako ni Rodel pero nabigla ako sa sumunod niyang ginawa.
Bigla na lang siyang pumasok. Nanlaki ang mga mata ko. Napaatras ako. Sa pagmamadali kong makalayo sa kanya, hindi ko napansin iyong paligid ko.
Muntik na akong mapahiyaw nang tumama ang likod ng tuhod ko sa gilid ng kama. Sukat sa nangyari, napaupo ako nang walang seremonyas. Balak ko sanang tumayo agad, pero hindi ko na nagawa. Lumapit kasi si Rodel at tumayo sa harapan ko mismo.
“Iniiwasan mo ba ako, mommy?” Ibinulsa niya ang dalawang kamay saka napayuko siya sa akin.
Hindi ako umimik. Ayokong umamin na sinasadya ko siyang iwasan. Kumurap-kurap na lang ako habang nakatingin sa kanya.
“Bakit ayaw mong sumagot, mommy? Mahirap bang sagutin iyong tanong ko?” Inilapit pa ni Rodel ang mukha nito sa akin.
Halos maduling na ako dahil sa lapit ng mukha niya. Kaunti na lang at mahahalikan na rin niya ako. Ilalayo ko sana ang mukha ko ngunit bago ko pa magawa iyon, hinawakan ng isang kamay niya ang baba ko.
“Cat got your tongue, mommy?” parang walang anumang tanong niya sa akin.
Lalong wala akong maisagot. Ramdam ko ang panginginig ng aking buong katawan na lalo pang sumidhi dahil sa mumunting kuryenteng dumadaloy mula sa kamay ni Rodel na nakahawak sa baba ko.
Gusto ko sanang pumikit o kaya kumawala sa pagkakahawak niya pero hindi ko magawa. May kung anong pumipigil sa akin habang nakikipagtitigan sa guwapong mukha ng anak ng asawa ko. Kung ang isang pagiging magandang lalaki ay kasalanan, dapat makulong siya ora mismo. Illegal possession of a good-looking face and well-built body ang dapat maging kaso niya. Puwede kayang ipakulong ko na lang siya para walang manggugulo sa akin? Kung sana gano’n lang kadaling gawin iyon.
“Hindi ka talaga magsasalita, mommy? Anong hinihintay mo? Halik?”
Pinandilatan ko si Rodel. Hindi ko gusto ang lumalabas sa bibig niya.
“Okay. Fine. I’ll do it.”
Pinakawalan ni Rodel ang baba ko. Pero ang dalawang palad niya ay humawak sa magkabilang gilid ng aking mukha.
Muli na namang kumalabog ang dibdib ko.
Inilapit pa nang husto ni Rodel ang mukha niya. Sa sobrang pag-aalala ko, bigla kong itinakip ang kamay ko sa aking bibig. Kaya ang nangyari, tumama ang labi niya sa likuran ng palad ko. Gayunman, libo-libo yatang boltahe ng kuryente ang dumaloy sa buong katawan ko.
Nagkatitigan kami ni Rodel. Napansin kong sumama ang timplada ng mukha niya. Para siyang nagalit.
Agad niya akong itinulak. Bumagsak ako sa kama. Bago pa ako makabangon, dinaganan na ako ni Rodel. Nagpo-protesta ang buong isip ko. Pinaningkitan ko siya ng mata. Ngunit mukhang hindi tinatablan ang lalaki. Inilapit na nito nang husto ang mukha sa akin. Pati ang ibabang parte ng katawan niya ay nakadikit na sa akin. Nai-iskandalo na ako.
Itutulak ko na sana siya nang biglang pumailanlang ang isang lumang kanta. Bumangon agad si Rodel. Nagmamadaling kinuha niya sa kanyang bulsa ang cellphone niya.
Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ko dahil sa nangyari. Napabangon na rin ako. Nakita kong nakatalikod si Rodel habang nakikipag-usap sa phone. Tatayo na sana ako nang lumingon siya sa akin.
Napailing siya bago niya ibinulsa ang kanyang cellphone.
“Let’s go!” yakag niya sa akin sabay hila sa kamay ko. Napilitan akong tumayo.
“Bakit? Saan tayo pupunta?”
“Doon sa dining room. Ayokong kumain na mag-isa kaya samahan mo ako. Tutal naman, hindi ka pa rin kumakain katulad ko.”
Wala na akong nagawa kung hindi ang sumunod sa kanya. Nang nasa hagdan na kami, humigpit ang hawak niya sa kamay ko na para bang makakawala ako sa kanya.
Inirapan ko na lang siya. Siguradong kahit magreklamo pa ako, hindi rin naman niya ako pakakawalan.
“Ipaghanda ninyo kami ng makakain,” utos ni Rodel sa maid na nadatnan namin sa dining room.
Mabilis namang tumalima ang inutusan niya.
Hinila niya ang upuan at pinaupo ako bago siya umupo sa puwesto niya. Ilang sandali pa ay sunod-sunod ang pagdating ng mga maid na may dala-dalang mga pagkain.
“Kain na tayo,” sabi niya nang mapansin niyang naihain na ang lahat ng mga pagkain.
Hindi na ako nag-inarte pa. Nagsimula na rin akong kumain. Totoo ang sinabi niyang hindi ako lumabas ng kuwarto kaninang tanghali. Iniiwasan ko kasi siya. Ang sabi ni Nanang Jovie hindi rin siya lumabas. Nasa opisina lang siya sa loob ng mansion. Kaya hanggang gabi ay hindi ako bumaba sa oras ng kainan. Hinintay ko pang mag-alas-otso bago lumabas kanina. Pero sa kasamaang-palad ganito naman ang nangyari.
“Ayaw mo akong makasama? Kaya umiiwas ka?”
Bullseye! Madali lang sa kanya na basahin ako, ah.
“Ayoko kasi na kinukulit ako.” Umamin na ako. Hindi rin naman niya kasi ako titigilan kapag hindi ko sinabi ang totoo.
Tumaas ang isang sulok ng labi niya. “Bakit? Hindi ba makulit ang papa ko sa iyo?”
Nagsalubong ang kilay ko. Mabilis akong umiling.
Nagpapalatak siya.
“Bakit ka ba ganyan? Halos ayaw mong magsalita kapag kinakausap kita. Mas madalas na umiiling ka lang. O kaya naman sumisimangot at tumataas ang kilay. Ayaw mo rin ba akong kausap?”
“Halata ba?” naiinis kong tanong.
Hindi siya agad sumagot. Pinakatitigan lang niya ako. Naasiwa ako sa paraan nang pagtitig niya kaya umiwas ako ng tingin.
“Sa lahat ng babaeng nakasalamuha ko, ikaw lang ang nagsabi sa akin ng ganyan. Lahat sila ay halos magkandarapa para lang mapansin ko. Pero ikaw, panay naman ang iwas mo kahit kagabi lang tayo nagkita. Guwapo naman ako, ah. Wala akong nakahahawang sakit. Hindi rin naman mabaho ang hininga ko. Wala rin akong masamang amoy. Anong problema mo sa akin?”
Napakamot na ako ng aking ulo. Ang taas din ng kumpiyansa ng lalaking ito.
“Mahangin ka at makulit,” diretsahang kong sabi.
Hindi siya umimik. Napaismid lang siya.
“I cannot do anything about that. Ganito talaga ako. Hindi naman ako mayabang. Nagsasabi lang ako ng totoo. Tapos nayayabangan ka na sa akin.”
Wala akong masabi kaya nanahimik na lang ako at ipinagpatuloy ang aking kinakain.
Akala ko tatahimik na rin siya. Pero lumipas lang ang ilang minuto. Heto na naman siya.
“Nayayabangan ka ba talaga sa akin, mommy?”
Nagpanting ang tainga ko nang muli kong marinig ang endearment niya sa akin.
“Ano ba? Ang kulit mo talaga! Sabi ko na ngang huwag mo akong tinatawaga na mommy, eh.” Iniatras ko ang aking upuan saka ako tumayo. Ngunit bago pa ako makahakbang palayo ay hinawakan niya ang kamay ko.
“Hey! Lalayasan mo ba ako? Kung gano’n, tapusin mo muna ang pagkain mo bago ka umalis.”
Hinila ko ang aking kamay ngunit lalo lang na humigpit ang pagkakahawak niya.
Napilitan akong umupo ulit. Tumahimik na lang ako at tinapos ko na ang aking kinakain. Mabuti na lang at hindi na rin siya muling nagsalita pa. Natapos ang hapunan namin nang walang umiimik sa aming dalawa. Ako ang naunang tumayo. BInilisan ko ang paglalakad. Ngunit sadya yatang hindi yata ako makatakas sa lalaking ito.
“Nagmamadali ka yata, ah? Ayaw mo akong hintayin.”
Wala akong balak na lingunin siya pero hinila niya ang kamay ko. Napilitan tuloy akong huminto sa paglalakad.
“Ano ba? Bitiwan mo nga ako!” singhal ko sa kanya nang lingunin ko siya.
Ngumisi lang siya sa akin. “Ang suplada mo talaga, mommy. Ganyan ka rin ba makitungo kay papa?”
Pinaningkitan ko siya ng mga mata. Sumusobra na talaga ang lalaking ito!
“Buwisit ka! Ang kulit mo talaga! Hindi ako ang nanay mo kaya huwag mo akong tinatawag na mommy!”
Pagkasabi ko iyon ay nagmamadali na akong tumakbo at umakyat sa hagdan. Nakarating na ako sa hallway sa ikalawang palapag nang muli kong marinig ang tinig ni Rodel.
“Kung ayaw mong tinatawag kitang mommy, tita na lang ang itatawag ko sa iyo! Tita Stella, hindi ba mas maganda iyon?”
Pinaikot ko ang aking mga mata. Ang kulit talaga! Bakit hindi na lang niya kasi ako tawaging Stella dahil mas matanda naman siya sa akin ng ilang taon? Ang awkward lang na tinatawag niya akong mommy. Parang iba kasi ang ipinapahiwatig niya kapag naririnig ko iyon mula sa kanya. Iba ang dating sa akin nang pagtawag niya ng gano'n. Ewan ko ba. Pero hindi ko maiwasang mag-overthink. Tsk…Tsk!