"Bakit walang pagkain?!" bulyaw ni inay sa akin.
Binalot ako ng takot sa nakikita kong galit sa mukha nito. Nanlilisik din ang mga mata nito na siyang ikinanginig ko sa sobrang takot.
"I-inay, wala na po kasi akong pangbi-" Nawalan ako ng balanse kaya bumagsak ako sa sahig sa lakas ng sampal nito sa akin. Halos nahilo rin ako sa lakas ng impact ng pagkakasampal nito.
"Hindi ko problema kung wala kang pangbili!" sigaw nito sabay kaladkad sa akin palabas.
"I-inay, tama na po!" umiiyak kong wika. Itinulak ako nito sa labas dahilan upang mapasalampak ako.
"Maghanap ka ng makakain, kung ayaw mong mabugbog ng tuluyan! Huwag kang uuwi ng wala kang dala, kun'di malilintikan ka talaga ng sobra sa amin!" wika ni inay.
Hindi ko tuloy naiwasang titigan ang sariling ina habang hilam sa mga luha ang mga mata ko. Hindi ko na rin pansin ang mga taong nakikichismis na naman.
Puno ng hinanakit ko itong tinitigan. Umaasa ako na sa pamamagitan ng mga titig ko rito ay maramdaman niya kung gaano na ako nasasaktan sa mga pinaggagawa nila sa akin.
"I-inay ko po kayo..," garalgal at puno ng hinanakit na bigkas ko.
Umaasa ako na sa simpleng salitang binitiwan ko ay maiintindihan niya ang ibig kong sabihin. Ngunit bigla lang ako nitong tinalikuran at pabagsak na isinara ang pinto.
Luhaan naman akong tumayo habang umiiyak. Naglakad-lakad at umaasang may magbibigay sa akin, kahit man lang kaunting bigas at ulam. Ngunit wala. Kinapalan ko na ang mukha ko para manghingi sa tindera o mangutang kahit na hindi ko alam kung mababayaran ko.
"Naaawa na ako sa'yo ineng. Gustuhin ko mang pagbigyan ka, ngunit hindi maaari. Dahil gusto kong matauhan ka at umalis sa poder na inaakala mong mga magulang mo. Handa naman kitang tulungan, sabihin mo lang kung nakapagdesisyon ka nang umalis sa lugar nila," wika ng matandang may-ari ng tindahan.
Gabi na, ngunit natatakot akong umuwi dahil alam kong mabubugbog na naman ako. Ilang tao rin ang nilapitan ko, ngunit hindi sila nagbigay sa akin dahil iisa rin ang nais nila ang lumayas ako sa poder ng mga magulang ko.
Napaatras ako bigla ng marinig ko ang nanggagalaiting boses ni itay.
"Ikaw! Anong ginagawa mo riyan ha?! Hindi ba sinabi naming maghanap ka ng makakain?!" galit na bulyaw sa akin ni itay.
Napaiyak na naman ako sa sobrang takot.
"I-itay.."
Hindi pa ako nakakatapos magsalita ng walang sabi-sabing hagupitin ako ng isang matigas na kahoy sa paanan ko.
Napasigaw ako at namilipit sa sobrang sakit! Uulitin sana nito ang paghagupit ng may marinig akong mga taong umaawat sa itay ko.
Ito kasi ang unang beses na saktan ako ng ganito kalupit sa labas ng pamamahay namin.
"Itigil mo na iyan. Hindi tama ang ginagawa niyo sa bata!"
"Oo nga! Makukulong kayo niyan!"
"Paalisin niyo na lang ang bata kung ginaganiyan niyo lang din naman!"
Mga salitang naririnig ko sa paligid. Napasinghap na lang ako bigla ng marinig ko ang putok ng baril. Gimbal akong napatingin kay itay na ngayon hawak ang baril at nakatutok ito sa itaas.
"Huwag niyo kaming papakialaman kung ayaw niyong mamatay!" singhal ni itay sa mga tao. Nanlilisik na rin ang mga mata nito na higit kong kinatakutan.
Napansin ko rin ang pag-alisan ng mga tao. Napaatras pa ako ng bumaling ang tingin sa akin ni itay at inay.
Bigla nitong kinuha ang braso ko at mahigpit na kinaladkad pabalik ng bahay. Ramdam kong nakasunod lamang si inay.
"I-itay tama na po!" nagmamaka-awang wika ko. Sakto namang nasa tapat na kami ng bahay.
Alas-7 na ng gabi ng mga oras na iyon. Ngunit kakitaan pa rin ng liwanag sa paligid dahil sa ilaw na nasa poste. Napasinghap ako ng malakas nang itulak ako nito ng malakas sa lupa.
Itinutok sa akin ang baril na siyang ikinanganga ko sa pagkagulat. Sa tagal nilang pananakit sa akin, ngayon lang ito nangyaring tutukan ako ng baril.
"Bukas na wala ka pang pagkain na maihahanda. Hindi ka na makakalakad kailanman!" sigaw ni itay sa akin.
Akmang aalis ang mga ito sa harapan ko para pumasok sa loob ng bahay ng bigla akong magsalita.
Hindi ko maintindihan kong saan ako kumuha ng lakas ng loob para magtanong sa mga ito na kahit kailan, hindi ko nagawang itanong dahil umaasa akong sila ang tunay kong mga magulang.
"K-kayo po ba talaga ang tunay kong mga magulang?" garalgal na tanong ko sa mga ito.
Hilam na rin ang mga luha ko. Ngunit pilit kong inaaninag ang magiging reaksyon ng mga ito. Kitang-kita ko sa mga ito ang pagkabigla at gulat.
Sabay pa silang napalingon sa akin.
Nagulat na lang ako ng tumawa ang itay ko, samantalang nakangisi lang ang inay ko. Hindi ko tuloy naiwasang mapatigil sa paghikbi.
"So, ngayon naisip mo rin ang bagay na iyan? Nagiging matured ka na. Siguro oras na rin para malaman mo ang katotohanan," wika ni itay saka humarap ng harapan sa akin.
Lumuhod pa ito upang mapantayan ako sa pagkakasalampak ko sa lupa.
"Hindi ka namin tunay na anak. At hindi namin nanaisin na magkaroon ng anak na katulad mo! Naintindihan mo? Hindi ka namin anak!" mariin na bigkas nito sa akin.
Bigla na lang nagsipatakan ang mga luha ko sa narinig. Bigla ring bumundol ng malakas sa kaba ang dibdib ko. Nakaramdam din ako ng nerbyos dahil sa sinabi nito.
Umiiling-iling ako sa mga ito at pilit lumalapit sa mga ito ngunit kaagad din silang lumalayo.
"I-inay, sabihin niyo, nagbibiro lang si itay hindi ba? Nagagalit lang naman kayo sa akin dahil wala akong dalang pagkain 'di ba? Nagbibiro lang si itay 'di po ba? Inay sabihin ninyo na anak ninyo ako. Nagbibiro lang naman si itay," nagmamaka-awang wika ko habang umiiyak.
Umiling naman bigla si inay habang may galit sa mga mata nito na siyang ikinalito ko.
"Hindi ka namin anak! At hindi namin nanaisin na magkaroon ng anak na katulad mo! Kasalan ng mga magulang mo kung bakit nawala ang nag-iisa naming anak! Pero wala na sila, dahil pinatay namin sila!" nanlilisik na mga mata na wika ni inay.
Kasabay noon ang paghalakhak ng mag-asawa. Naiwan naman akong tulala habang panay sa pagtulo ang mga luha ko.
Hindi.. Hindi maari!
Paulit-ulit bumabalik sa aking isipan ang sinabi ng mga itong hindi nila ako tunay na anak. Lalo akong naguluhan sa sinabi ng mga itong namatay ang nag-iisa nilang anak dahil sa tunay kong mga magulang.
At higit na nagpapabaliw sa isipan ko ang sinabi nitong pinatay nila ang tunay kong mga magulang.
Paulit-ulit akong umiling habang umaatras at umiiyak.
Hindi.. Sila ang tunay kong mga magulang. Nagbibiro lang sila! Wala silang pinatay.
Kaagad akong tumayo at paulit-ulit binibigkas ang mga salitang iyon.
Hanggang sa maramdaman ko na lamang na tumatawa akong mag-isa habang lumuluha.