Chapter 4: Panaginip

1618 Words
"Miss, pinagbabawal ang pagpunta sa kubong 'yan." Nahinto si Ariyah Lynn sa paghakbang papunta sa kubo. Maliit lang ang kubo pero napakaganda ng pagkakagawa. "Bakit kuya? Ano po ba ang meron d'yan at ipinagbabawal?" tanong niya, habang pilit sinisipat ng mga mata niya ang loob ng kubo. Gawa sa buong kawayan ang kubo at fully burnished pa kaya ang kintab at napakagandang tingnan. Cogon lang din na binalot ng net ang bubong. Ang hindi naman kalakihang bintana ay gawa sa makapal na glass. “Hindi rin namin alam, Miss. Basta kabilin-bilinan ni boss na walang sinuman ang puwedeng pumasok d’yan.” Kumunot ang noo niya. Boss? Si Dr. Fortalejo ba ang tinutukoy nitong boss? Kunsabagay, sino pa ba? Si Dr. Fortalejo ang kumuha at nagpapasweldo ng mga ito kaya malamang ang doktor ang tinutukoy na boss nito. “Sige na, Miss, umalis ka na bago ka pa abutan ni boss dito,” taboy ni kuyang bodyguard sa kaniya. Oh, pumupunta pala si Dr. Fortalejo rito. Siguro dahil ayaw itong makita ni ate Thea kaya d'yan sa kubo na iyan namamalagi si Dr. Fortalejo kapag pumupunta ito rito. Napasimangot siya at inikutan pa niya ito ng mga mata pero wala man lang reaksyon si kuyang bodyguard. “Lynn po ang pangalan ko, Kuya. Hindi Miss,” malditang aniya, bago ito tinalikuran at bumalik na lang siya sa loob ng bahay. Kumuha siya ng dustpan at walis at sinimulan niyang linisan ang kusina. “Lynn,” Bahagya siyang napatalon at nabitiwan pa niya ang hawak niyang dustpan dahil sa gulat nang bigla na lang sumulpot si ate Thea sa tabi niya. “S-Sorry po, s-sorry po, Ate…” natataranta niyang sabi. Natatakot kasi siya na baka sisisantihin siya nito. Nanginginig ang mga kamay na dadamputin na sana niya ang dustpan nang hawakan nito ang kamay niya. Natigilan siya at napatingin dito. “S-Sorry po, hindi ko naman po sinasadya. ‘Wag niyo po sana akong sisantihin.” Kaagad naman itong umiling-iling. “Hindi, ano ka ba?” anito, at nginitian siya. Medyo nakahinga naman siya nang maluwag. "Lynn, pasensya ka na at naitulak kita kanina at itinaboy. Natataranta lang ako dahil sa nangyari." “Pasensya na rin po kayo, Ate. Hindi ko naman po alam na mag-iiyak si Faith ng gano’n. Narinig ko kasi siya kanina na hinahanap po kayo kaya lumabas po ako ng kusina at nang makita ko siya sa sala kaagad ko na po siyang nilapitan. Pero promise po talaga, Ate, h-hindi ko naman po talaga siya hinawakan. Wala po akong ginawang masama,” mangiyak-ngiyak na paliwanag niya rito. Wala naman po talaga siyang ginawa. At saka hindi hindi naman talaga niya tuluyang nahawakan si Faith. “It’s okay, Lynn. Alam kong wala kang ginawa kay Faith. A-Ano kasi…” tumigil muna ito at huminga ng malalim. Nakita pa niya ang lambong at lungkot sa mga mata nito. “May nangyari sa kanila ng kakambal niya kaya nagkaroon sila ng trauma. Ayaw nilang may lumapit sa kanila maliban sa akin.” Natigilan siya. Nagkaroon ng trauma ang kambal? At ayaw ng mga itong may lumalapit na iba sa mga ito maliban kay ate Thea. Kaya ba hindi makalapit si Dr. Fortalejo sa mga ito? “Bakit po, Ate? Ano po ang nangyari?” Hindi naman nagdadalawang-isip si ate Thea na ikuwento sa kaniya ang nangyari rito at sa mga bata roon sa Maynila. Dahil sa awa at nasasaktan din siya sa sinapit ng mga ito ay hindi na niya napigilan na maiyak. Napakabata pa nina Faith at Hope pero nakarananas na ito ng gano’ng klaseng karahasan. “Kaya kung makita mo si Faith o si Hope, ‘wag mo na lang muna silang lapitan. Kung maaari ay ‘wag ka munang magpapakita sa kanila, Lynn.” Tumango-tango siya. “H’wag po kayong mag-alala, ate Thea. Gagawin ko po iyan. Pero sana po gumaling na sila.” Dahil na-miss na niya ang pagiging bibo ng mga ito. Madalas kasing iwan noon ni ate Thea kina ate Carla sina Faith at Hope at dahil siya ang laging naiiwan kay Cede kaya nakakasama rin niya ang kambal. “Sorry talaga, ha. Medyo malakas kasi iyong pagkakatulak ko sa ’yo kanina. Baka nasaktan kita—” “Naku, Ate! Hindi po.” Mabilis niyang putol dito. “At saka ‘wag n’yo na po iyong isipin." Nang dumating ang kaibigan ni ate Thea ay napagkamalan pa nito si ate Thea na inaway siya dahil sa namumula niyang mga mata at ilong. “Lynn, pakihatiran mo kami ng snacks sa library,” malumanay n autos ni ate Thea sa kaniya. Nakangiting tumango naman siya. “Sige po, Ate.” aniya. “Sira ka talaga, Fran. Ikinuwento ko kasi ang nangyari sa amin ng mga anak ko kaya napaiyak iyong bata.” Narinig pa niyang sabi ni ate Thea sa kaibigan nito bago pa man ang mga ito tuluyang nakalabas ng kusina. Pero napasimangot naman siya sa huling sinabi ni ate Thea. Bata pa ba talaga siya? Siguro nga, bata pa talaga siya. Pero agad din na namilog ang kaniyang mga mata nang maalala niya na alam ni ate Thea ang edad niya. “Oh, s**t!” bulalas niya at natampal pa niya ang kaniyang noo. Sana lang hindi masabi ni ate Thea kay Doc ang tungkol sa edad niya. Ughh! Ariyah Lynn, bakit ang tanga-tanga mo?! Kastigo ng isip niya sa kaniyang sarili. Matapos niyang maihatid ang snacks sa bisita ni ate Thea ay sinabihan siya nito na magpahinga na muna kaya dumeretso siya sa kaniyang kuwarto at nagpahinga. Ngunit nagising siya na wala na sa bahay ni ate Thea kundi nasa isang malawak at napakaliwanag na silid dahil sa chandelier at ilaw mula sa itaas. Naririnig din niya sa buong silid ang malambot na musika mula sa biyolin at piano. Waiter and waitresses were serving wines and finger foods for the guest. Napangiti siya at dahan-dahan bumaba sa kaniyang kinauupuang silya para maglibot sa buong lugar pero hindi pa man siya nakakalayo nang dumating ang ate Erin niya mula sa kung saan. “Lynn, saan ka pupunta?” tanong kaagad nito sa kaniya. “D’yan lang, Ate, gusto kong libutin itong buong room bago tayo uuwi,” ngiting-ngiti na sabi niya sa kapatid. “Naku! Hindi puwede. Hindi ba sabi nina Mommy at Daddy, stay lang tayo rito sa table.” sabi naman nito sa kaniya at kaagad siyang inalalayan na makabalik sa pag-upo sa kaniyang silya. “Ihh! Ate, I want to roam around. Bakit ikaw? Umalis ka rin naman, ah!” maktol niya, medyo napalakas na rin ang boses niya. Inip na inip na kasi siya. “Nag-banyo lang ako at saka bumalik naman ako kaagad. Sige na, baby, hintayin na lang natin sina Mommy at Daddy rito,” pakiusap nito sa kaniya. Napahikbi siya. “Ayaw ko! At saka hindi na po ako baby, ate na po ako, dahil may baby brother na po tayo sa tummy ni Mommy.” Napangiti ito at kaagad na sinapo ang mukha niya. “Shh… oo na, hindi ka na baby, ate Ariyah Lynn.” anito at niyakap siya para patahanin siya. “Oh, ano’ng nangyari?” Nang marinig niya ang malamyos na boses ng Mommy niya ay mabilis siyang umahon sa pagkakayakap sa ate Erin niya. “Gusto po ni Lynn na maglibot, Mommy, bago raw tayo uuwi sa bahay,” sagot naman ni ate Erin. Naupo naman si Mommy sa tabi niya at hinaplos ang ulo niya. “Mommy, please…” pagmamakaawa niya. Pinapungay pa niya ang mga mata para pumayag ito. “Sige, pero dapat kasama mo ang ate Erin mo at babalik kayo ng wala pang sampung minuto dahil uuwi na tayo.” Mabilis naman siyang tumango-tango. “Yes, Mommy. Thank you po,” pasalamat pa niya at yumakap ng mahigpit sa kaniyang ina. Natatawang ginulo naman nito ang buhok niya. “Sus! Itong bunso namin, na soon to be ate,” nakangiting sabi pa ni Mommy. “I love you, mga anak. Mag-iingat kayo, okay? H’wag masyadong maglilikot, Lynn, at baka may mabangga ka.” “Yes, My. Love you too, Mommy.” Habang naglilibot ay panay naman ang tingin niya sa buong paligid. Hawak naman ni ate Erin ang kaniyang kanang kamay. “Ang ganda talaga rito, Ate, noh?” “Oo, at saka sabi ni Daddy, sobrang yaman daw ng may-ari ng Tower na ito.” “Bakit po ba tayo nandito, Ate?” tanong niya. Hindi pa kasi niya lubos na nauuwaan kung bakit sila nandito. “Anniversary ng kompanya natin, Lynn. At dito nina Daddy at Mommy piniling i-celebrate iyon,” paliwanag naman ni ate Erin sa kaniya. “Ahh…” aniya at tumango-tango pa. Pero ang totoo, maliban sa party na sinabi nina Mommy at Daddy, nang nasa bahay pa sila ay wala talaga siyang naiintindihan. “Pero wala po talaga akong naiintindihan, Ate.” ngiti-ngiting pag-amin niya sa nakatatandang kapatid. Nakasimangot na napapakamot na lang ito sa ulo nito. “Bata ka pa kasi, Lynn. Kaya hindi mo pa maiintindihan ang mga bagay-bagay. Hayaan mo, kapag dalaga ka na ay maiintindihan mo rin ito, hmm?” “Okay, Ate.” “Oh, halika na. Bumalik na tayo at baka hinahanap—" Pero bago pa matapos ni ate Erinielle ang sasabihin nito ay nakarinig na sila ng tilian. Takot na takot na mga sigaw. “Get down!” sigaw ng isang lalaki na nasa likuran nila ng ate niya. Pagkatapos n’yon, isang nakakabinging mga putok ng baril ang naririnig nila sa buong silid. “Ate Erin!” malakas niyang sigaw. Hinihingal na napabangon siya at sapo-sapo pa niya ang kaniyang dibdib. Ano iyon? Bakit siya nanaginip n’yon? At sino si Erin?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD