Magdadalawang buwan na ring ganito ang routine ko. Susunduin ko siya sa taping o kaya ay magkikita na lang kami sa Workshop ng Persona at ihahatid ko siya. Makakatulog siya sa byahe hanggang sa makarating kami sa bahay nila.
Tulad ngayon, marahan ko siyang niyugyog upang magising.
“Why?” Tanong niya na namumungay pa ang mga mata.
“Nandito na tayo.” Sagot ko saka ko pinakita ang cellphone ko. ”Lapit na rin oh.”
Isang ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi nang makita ang oras sa screen ng cellphone ko. Nilabas rin niya ang phone niya na naka-synchronized ang oras sa phone ko.
Tumunog ang alarm ng mga phones namin. Hindi ko rin mawari kung bakit nakigaya na rin ako ng alarm tone sa kanya, Make a Wish na isang Taiwanese song.
Pinagmasdan ko lang siyang nakapikit habang mataimtim na humiling.
Sa pagmulat ng kanyang mga mata ay sumilay na naman ang mga ngiti sa kanyang labi.
“Matanong ko lang, natupad na ba kahit isa sa mga wishes mo?”
Tumango naman siya. ”Kahit papano. `Di ba nga sabi ko sa`yo, noon nagwish ako na makamove on na ako? Unti-unti nangyayari na. Salamat na rin sa`yo.”
“Mabuti naman kung gan`on…”
“E ikaw ba? Ano na ang wish mo ngayon? Gan`on pa rin ba sa dati? May pag-asa na bang magkatotoo?”
Umiling ako. “Nothing is happening…”
“Tiwala lang. Hindi lang kasi basta wish, dapat may effort rin para magkatotoo.”
Bumukas na ang gate. Hudyat na rin na magkakahiwalay na kami sa gabing ito. Bumaba na siya at nag-wave goodbye bago tuluyang pumasok.
Napabuntong hininga ako at idinukdok ang ulo sa manibela.
Nothing is happening. Stupid liar. There is something magical that is happening to me… to my damn heart… She is my 11:11 wish.