Chapter 4

1864 Words
Kabanata 4 Roxie Kung minamalas ka nga naman! Magigising ka nang wala sa oras dahil sa isang taong feel na feel ang pang-iistorbo ng tulog ng iba at sumabay pa ang tiyahin ko na kay-aga-aga ring magpatugtog ng mga throwback songs! “Tita naman! Mag-earphones ka kaya?” Naiinis kong sabi nang pinuntahan ko siya sa kusina. “Buti sana kung nakakatuwa ang mga tinutugtog mo e.” “Maupo ka na at kakain na.” Grabe! Hindi ko napansin ang mga masasarap na pagkaing hinain niya dahil sa inis ko. Pero dahil pagkain `yan! Nawala agad ang kasuklam-suklam na mga pakiramdam. Agad akong umupo dadamputin ko na sana ang kutsara at tinidor pero kinutusan niya ako. “Maghugas ka nga ng mga kamay mo.” Bantulot akong nagtungo sa lababo. “May sakit ka ba Tita? Bakit ka nagluto?” Tanong ko habang pinapadaan ang tubig sa mga kamay ko. “Tinotopak ka `no? Nagkita na kayo?” Pagharap ko sa kanya ay nakapangalumbaba siya. “Sana hindi pero impossible `di ba?” “Uy si Tita umaasa…” Sinamaan niya ako ng tingin. “Bakit nga pala wala si Kaiya? In-invite ko pa naman siyang mag-breakfast dito.” “Ano? E de sana dito mo na pinatulog. Grabe. Baka gusto mong dito na patirahin. Close kayo e `no?” Sumubo siya ng piraso ng Ham. “She is beautiful. Hindi mo ba napapansin `yon?” “Maputi lang siya.” Walang amor kong sagot. “Kapag maputi ka 80% ka nang maganda. So she is beautiful.” Ngumisi siya sa akin. “Wala bang nanliligaw d`on? I like her for you.” Muntik na akong mabulunan sa sinabi niya. Uminom ako ng maraming tubig. “Wow, Tita! Isang gabi mo lang nakausap irereto mo agad sa akin? Konting busina naman.” Napaismid na lang siya. Kulang yata sa tulog `tong si tita at kung anu-ano ang lumalabas sa bibig niya. Bago ako maligo ay nag-browse muna ako sa ilang social media sites. Napakunot ang noo ko nang may mga behind the scenes pictures si Kaiya kasama ang pinsan ni Yohan na si Yael. Angdami na namang negative comments sa kanya. Kesyo tinutuhog daw niya ang magpinsan. Natawag na naman siyang malandi. Tinatawagan ko siya. Nagri-ring pero hindi niya naman nasasagot. - “Good morning people of the super outgoing CKM magazine! Mabuhay!” Masigla kong pagbati pero tangina si Laine lang ang ngumiti. Tinuro ko ang office ni Jewel. May bakas ng pag-aalala ang mga mukha niya nang tumango. Balik sila agad sa trabaho nang lumabas si Sol sa office niya. “Ico, why are you late?” “Buti nga pumasok pa ako. Tinatamad ako e.” Nilapag ko ang gamit ko sa mesa. “Bakit parang may naganap ng delubyo dito?” Tinuro ni Sol ang office ni Jewel. “Blame it to hormones.” Oh naku naman! Lumapit ako sa office ni Jewel at dahan-dahan kong pinihit ang seradora ng pinto. Maliit na siwang lang ang kailangan ko para masilip ko siya. Nakadukdok lang naman ito sa mesa. Siya ay nasa estado ng matinding pag-iisip! Dahan-dahan ko ulit na sinara ang pinto saka nagtungo sa coffee shop sa harap ng building. Umorder ako ng cinnamon roll at dalawang vanilla oreo milktea. Pupurgahin ko lang si EIC nang mabawasan ang kabadtripan niya. Nakadukdok pa rin siya nang pumasok ako sa office niya. “Isara mo `yang pinto Roxie.” “Naks! Natats naman ako at alam mong ako ang pumasok.” Iniangat niya ang mukha niya. Wow! Kaganda talaga ni idol. Pero kunot ang noo niya e. “Anong ginagawa mo dito?” Ipinatong ko sa mesa niya ang mga dala kong pagkain. “Usap tayo EIC. Anong kadramahan mo at kanina ka pa nakadukdok diyan?” Dumukdok ulit siya. “Wala. Inaantok lang ako.” Tinawanan ko lang siya. “Di kaya buntis ka? Ha ha ha! Naku EIC! Anong kababalaghan `yan!” Naiinis niyang dinampot ang milktea at itinusok ang straw. “Wala kang kwentang kausap. Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko sa kapatid ko. Hayan may issue na naman. Mapepektusan ko talaga si Yael kapag niligawan niya si Kaiya e. Bueset.” “Baka naman mabait lang si Yael kaya gan`on. Ma-issue ka din e.” Dinampot niya ang phone niya at pinakita sa akin ang text ni Yael. “Gusto ko siya kahit noon pa.” “Kung hindi mo kilala si Kaiya anong iisipin mo kapag makikita mo silang magkasama ni Yael?” “Kumain ka na nga. Matanda na si Kaiya. Kung sakaling magkagusto man siya kay Yael tanggapin mo na lang. Malay mo sadyang sa isang Briones siya nakatadhana `di ba?” Bumuntong hininga siya at sumandal sa kanyang upuan. “Madaling sabihin `yan Roxie pero kapag ikaw ang nasa sitwasyon ko gugustuhin mo ring magkagusto na lang sa iba si Kaiya kahit gaano pa kabait `yang si Yael.” Bumalik na rin ako sa cubicle ko. Sinimulan ko na ang mga articles na kailangan kong ipasa. Kakabukas ko pa lang ng laptop ko nang magring ang phone ko. Number ni Gael ang nagfaflash. “Hello. Good morning, Ma`am. How may I help you?” kunwari ay call center agent ang accent ko. “Tapos ka na diyan? Pumunta ka sa bahay nina Jewel mamaya.” “Sino ka para utusan ako?” “Tanga! Hindi kita inuutusan. Iniimbitahan kita. Slow nito. Sige bye.” Binabaan ba naman ako ng tawag! Lakas ng apog na tangahin ako ah! Kung hindi lang siya mahal ng mahal ko e matagal ko na rin siyang pinatambangan o kaya ay pinatapon sa Ilog Pasig e! Joke lang. “Rox…” Tuktok ni Bernard sa cubicle. “One minute please…” “Bakit?” Iniabot niya sa akin ang isang piraso ng papel. “Ikaw na daw gumawa nito.” “Weeehhh?” Siyempre namilog ang mga mata ko ng makita ko ang nakasulat sa papel! Hahaha. Ako ang ipapadala ni Jewel para i-cover ang isang bikini fashion show! “Seryoso?” “Mukha ba akong joker?” Sagot ni Bernard. “Swerte mo naman. Daming chix diyan. Pwedeng makisabit?” “Sorry. Para lang sa mga walang asawa `to.” Pang-aasar ko sa kanya. Pwede namang magsama e kaso ayaw ko lang na isama si Bernard. “Ang mabuti pa tapusin mo na `yang mga articles mo at medyo high blood pa si EIC.” Bumalik na nga siya sa pwesto niya. Binasa ko ang mga detalye ng fashion show. Bukod sa mga naggagandahang katawan ng mga models, ano pa kayang interesanteng bagay ang mapapanood dito. Nag-browse ako sa internet tungkol sa fashion show. Hay! Walang gaanong masayang bagay ang aabangan dito! Nag-exit na ako sa site nila at nagtungo sa homepage ng search engine. Tumambad naman sa akin ang picture nina Yael at Kaiya kasama si Jeid. Ayon sa oras ng pagkakapost ay kaninang umaga lang ito. Is she dating another Briones? What’s the score with these two? Sasakit nga ang ulo ko kung kapatid ko tong si Kaiya. Exit lahat ng program! Pinagtuunan ko na lamang ng pansin ang mga tinatapos kong articles. Napatigil ako at nagpangalumbaba habang naglalaro sa isipan ko ang mga larawan nina Kaiya at Yael. Kung ihanapan ko na lang kaya siya ng ibang lalaki kaysa sa isang Briones siya mapunta?  -- Nakaabang si Gael sa tapat ng bahay nina Jewel. Nakaupo ito sa may gilid ng gate habang nakatutok sa cellphone niya. Nag-angat lang ito ng tingin nang bumusina si Jewel. Tumayo siya saka kami sinalubong. Actually, si Jewel lang. Tinanguan lang niya ako. Bastusin rin `to e! “Kanina ka pa hinihintay ni Tito. Tulungang mo daw magluto.” “Wow ha? Kararating ko lang.” Inis na sagot ni Jewel. Hiwakan niya ito sa balikat saka pinihit papasok ng gate. “Sige na. Mgagalit na `yon. May bibilhin lang kami nitong si Roxie.” Sinamaan niya ako ng tingin kaya nanahimik na lang ako. pagod pa naman na ako sa byahe tapos may sasaglitin pa kami? “Bilisan niyo ha. Baka kung saan-saan na naman kayo magpunta.” “Kami pa ba?!” Mayabang na sagot ni Gael. “Mabilis lang `to.” Nang tuluyan nang makapasok si Jewel sa bahay ay naging seryoso na ang mood ni Gael. Nilakad lang naming ang pinakamalapit na 7 eleven. “Ano bang mahalagang bibilhin natin dito?” Irita kong tanong. “Pwede mo namang bilhin kanina pa. Mangdadamay ka pa.” “Bibili tayo ng lason. Ipapainom ko sa`yo nang hindi mo na titigan ang girlfriend ko.” Baliw na naman `tong Anastacio na `to e. Nagpamulsa na nga lang ako at nilibot ang tingin sa paligid.  Gusto ko na nga minsang sunugin ang mga magazines nila dito e puro negative write ups ni Kaiya ang bida. O kaya may bagong artist, ikukumpara kay Kaiya. Naku! Mga manggagamit! Tumambay ako sa labas ng store habang namimili siya. Wala sa hinagap ko ang tumulong sa kanya kahit katiting lang! Wala! Ilang minuto pa ang lumipas nang lumabas siya bitbit ang isang plastic bag. Nilapag niya sa tapat ko ang isang cornetto. “Magpalamig ka muna…” “`Na mo. Anong magpalamig? Manglilibre ka na nga lang bente pesos lang? Angkuripot mo ah!” Naupo siya sa tapat ko pagkalapag ng mga pinamili niya sa mesa. “Kumain ka na nga. Nga pala, Hindi na bago sa`yo ang tsismis tungkol kay Yael at Kaiya `di ba?” Tumango ako. “Kamalas naman katunog pa talaga ng pangalan mo?” “Hindi `yon ang tinutumbok ko dito.” Seryoso ang ekspresyon na naman niya. “Kaibigan ko si Yael pero ayoko siya para kay Kaiya.” “Hipag ka lang.” Kontra ko agad sa kanya. “Nasa posisyon ka ba para magbigay ng opinion?” “Lakompake!” Irritable na naman siya. Naku `tong babaeng `to! Ayaw talaga na may mas bida-bida sa kanya e. “Briones na naman? Hindi pa ba siya nauumay? Pepektusan ko na `yon kapag napuno ako e.” “Alam mo?” Sandali akong tumigil saka itinuro siya gamit ang ice cream na pinapapak ko. “Wala ka ring pinagkaibasa mga tsismosa sa kanto e. Matanda na si Kaiya para magdesisyon para sa sarili niya. Kung sa Briones talaga siya nakatadhana hayaan na lang natin.” Nakakaloko na naman ang kanyang mga ngiti na pinakaayaw ko sa lahat. “Tulungan mo na lang ako.” “Anong tulong? Wow! Si Anastacio humihingi ng tulong!” “Gawin mo ang lahat ng kaya mo para hindi magkalapit sina Kaiya at Yael. Kesihodang ipakilala mo si Kaiya sa mga kaibigan mong lalaki.” Tumigil naman siya saka ulit sumeryoso. “Basta dapat kilala ko muna ang lalaking `yan. Nakilatis ko at pumasa sa standards ko.” “Dinaig mo pa ang tunay na kapatid ah.” “Kung hindi ko `to gagawin makikita ko lang ulit na malungkot si Jewel kapag nasasaktan ang kapatid niya. Gets mo naman `di ba?” Tumango na lang ako. “Bahala na diyan. Problema mo na paano mapasaya si Jewel. Huwag mo akong idamay.”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD