Sa huli ay hindi ko din siya napapayag na manatili.
Ang sakit pala.
Pero tulad noon, tuloy parin ang buhay sa kabila ng mga kabiguan. Hindi naglaon ay muli akong naging masaya lalo na't magaling sa klase si Mary Grace na palaging nasa top 1 o ‘di kaya ay top 2. Laging sinasabi ni Miguelito na mana daw ito sa'kin. Tuwing bakasyon ni Mary Grace ay umuuwi kami kina Ina at Ama sa probinsya. Hindi ko padin mapigilan ang sarili kong makibalita sa mga dati naming kakilala duon tungkol kay Ellie. Ngunit paulit-ulit lang ang mga sagot na nakukuha ko, na nasa Americka na nga ang buong pamilya nito at mukhang hindi na babalik pa ng Pilipinas, dahil sa anim na taong lumipas ay ni minsan ay hindi manlang daw umuwi ang mag anak.
Mabilis na lumipas ang panahon. Magko-kolehiyo na sa susunod na taon si Mary Grace kaya naisipan kong mag negosyo ng karinderya sa tapat ng bahay namin. Dise otso na si Mary Grace at kay daming mangingibig kaya bantay-sarado ang Papa niya sa tuwing hinahatid siya sa eskwela. Hindi rin maikakailang umedad na nga kami ni Miguelito. Siya'y nakakalbo na at ako naman ay ubanin na. Minsan ay napansin ko si Miguelito na naghihimas ng kanyang dibdib na para bang nahihirapang huminga.
Niyaya ko siyang magpatingin sa doktor ngunit lagi niyang sinasabing ayos lang siya't malakas pa sa kalabaw.
Isang umaga, nagising na lang kami ni Mary Grace na wala ng buhay ang kanyang Papa. Nagluksa ako sa pagkawala ng pinakamatalik kong kaibigan at humingi ng tawad sa mga lihim, pagkukulang at sa pagmamahal na hindi ko nagawang ibigay sakanya. Kahit malungkot, nagpatuloy kaming mag-ina dahil kung hindi ay kami din ang talo. Naigapos ko ng mag-isa ang pag-aaral ni Mary Grace kaya nakatapos ito at nagkahanap agad ng maayos na trabaho.
"Ma! Ma! Tingnan mo 'to oh!" humahangos ang bente kuwatro anyos ng si Mary Grace patungo sa kinauupuan ko na may hawak na dyaryo. Inilapag niya ito sa'king harapan na agad ko din namang binasa. Isang imbitasyon sa reunion ng batch 70's sa aming Unibersidad. Ngunit naawat ang pag ngiti ko sa ala alang hindi ko na makakasama si Miguelito duon at malayo na din ang isa pang taong nais kong muling makita.
"Salamat 'nak." sabi ko nalang kay Mary Grace. Naupo siya sa mesa katabi ko "Pupunta ka po ba Ma? Malamang makikita mo ulit duon yung mga dati mong mga kaybigan. Sayang nga lang at wala na si Papa. Pero pumunta ka padin ah! Para naman mag-enjoy ka paminsan-minsan." aniya pa.
"Eh sayang naman yung mawawalang kita ng karinderya natin sa isang araw." pagdadahilan ko. Inakbayan ako ni Mary Grace "Ma naman, isang araw lang eh. Magkano ba? Bayaran ko." tatawa-tawang aniya.
"Naku-naku yumayabang na ah." sabay pabirong kurot sa tagiliran niya.
Tawanan.
Ilang taon na din ang lumipas simula ng mawala si Miguelito pero nanatiling masaya ang aming tahanan dahil masiyahin si Mary Grace at pala-kaibigan.
Sumapit na nga ang araw ng Reunion. Hinatid ako ni Mary Grace sa venue at ipinakilala ko din siya sa ibang mga former classmates kong naduon. Nang iwanan na ako ni Mary Grace duon dahil may trabaho pa ito ay naupo na lamang ako kasama ang tatlong former classmates ko na humatak sa'kin kanina. Sina Josie, Victor at Carl. Kanya-kanyang kwento habang pinagmamasdan ko ang lahat na halos hindi ko na makikilala kung 'di pa nila sinabi ang mga pangalan nila, gawa ng tulad ko'y mga nagsilaparang mukha at mga talukap sa matang bumagsak na. Ang iba ay nagtabaan o pumayat kaya imposible ng makilala. Hindi maikakailang kuwarenta pataas na ang edad naming lahat. Nalungkot naman sila at nag condolence sa'kin ng malaman ang pagkawala ng asawa kong si Miguelito.
"Oh my god! Is that really her? I thought she's in America?!" nanlalaking mata ng katabi kong si Josie na nakatanaw sa entrance door, lahat kami ay napatayo.
"Siya nga! Unbelievable! Parang wala siyang pinagbago!" wika naman ni Victor.
Natuod na lamang ako sa'king kinatatayuan ng matanaw kung sino ang pinagkakaguluhan nilang dumating.
Hindi ako makapaniwalang nasilayan kong muli ang tanging babaeng nagmamay-ari ng aking puso.
"Madel?" nahati ang crowd at iniluwa nito si Ellie sa harapan ko, napatayo ako na hindi alam ang iuusal.
"H-Hi." wika ko kasabay ng simpleng paghawi ng aking kulay abong buhok sa likod ng tenga ko.
"I never thought I'll find you here!' masayang sabi niya kasabay ng paglapit niya sa'kin para bigyan ako ng yakap. Ayaw ko agad kumawala sa bisig niya pero naging mabilis lamang ang pagyakap niyang iyon.
"Ang ganda mo... e-este' welcome back!" nauutal kong pagbati.
Napangiti lang si Ellie sa sinabi kong 'yon. Mas naging masaya ang reunion party dahil sa pagdating ng apple of the eye ng lahat. Kinamusta nila si Ellie at ang iba pa na mga nakapag-Abroad din. Parang bumalik sa kanilang kabataan ang lahat. Pero kung noon ay pulos kalokohan at mga crush ang paksa, ngayon ay buhay pamilya na ang kwentuhan. Pero 'di parin maiwasan na mapunta ang usapan sa love gawa ng may iba sa aming hiwalay na sa asawa o 'di kaya'y tulad kong biyuda na.
"Bakit hindi? Kung may dadating pa eh." wika ni Carl na nakita kong kumindat kay Ellie. Nakitawa ako sa lahat kahit sa isip ko'y dinukot ko na ang mga mata ni Carl.
"Pero matanda na tayo para d'yan. Magdadagdag lang tayo ng sakit sa puso dahil malapit na din tayong matigok." opinyon naman ng isa na hindi ko na matandaan ang pangalan. Madaming sumang-ayon sakanya, pero para sa'kin ay masarap padin umibig kahit isang minuto nalang ng buhay mo ang natitira.
Nang magpatugtog sila ng mga luma at bagong awitin ay kanya-kanyang sayaw ang mga pasikat na gurang. Nakita ko si Ellie na tawa lang ng tawa habang nanunuod. Naalala ko noon ay lagi niya akong niyayayang mag sayaw kahit na alam niyang hindi naman ako marunong, kaya naisipan kong gumanti.
"Sayaw tayo." sabi ko sakanya na ibinigay ang kamay ko. Ngumiti siya at tinanggap naman ang aking paanyaya. Pero ng nasa gitna na kami ay napalitan ang masayang tugtog ng mabagal na kanta na Wonderful Tonight ni Eric Clapton. Naging sweet ang sayaw at kanya-kanyang kuha ng kapareha ang mga lalake.
Isinampay ko ang dalawang kamay ni Ellie sa balikat ko at saka kinabig ang bewang niya. "Akala ko ba kaliwa ang dalawang paa mo?" nakangiting tanong sa'kin ni Ellie. Natawa ako dahil tanda pa pala niya iyon "Gagawin kong kanan yung isa para sa'yo." wika ko sakanya at nagsimula na nga kaming umindak sa saliw ng musika.
"Dito na ulit kayo for good?" tanong ko kay Ellie. Umiling siya "Hindi, bumisita lang ako." maikling sagot niya.
Kataka-taka ang pagiging tahimik ni Ellie, pakiramdam ko'y parang hindi na siya kumportable sa'kin. Hindi tulad noon na siya pa ang mismong nangungulit at unang gumagawa ng paksa.
"Ang laki ng pinagbago mo."
Nagulat siya sa sinabi ko "Hindi naman. Natuto nalang siguro akong lumugar kung saan ako dapat." paliwanag niya na hindi ko naintindihan ang ibig sabihin. Napansin ko nanaman si Carl na tinitingnan si Ellie.
"Yung suitor mo nakatingin nanaman sa'yo." siko ko sakanya. Natawa lamang si Ellie at napailing "Ghad, kung alam lang niya."
"Alam ang alin?" tanong ko.
"That I'm like you. Lesbian." bulong niya sa'kin.
Nagulat ako, hindi ko akalain na seryoso siya noon sa sinabi niyang T-Bird siya. Umiling din ako ng nakangiti "Alam ko na sunod mong sasabihin, joke only?" pero umiling siya. "I'm serious. At first I thought I was bisexual but I'm bored with men and discovered that I am really attracted with women." paliwanag niya.
Sobrang gulat padin ako sa mga sinabi niya "Talaga? Kiss mo nga ako." biro ko lang dahil 'di padin ako makapaniwala. Bigla siyang natawa at tinulak ako sa balikat "Landi mo ah, porke biyuda ka na." biro din niya na tinawanan ko.
"Sayang..." pabulong na aniya.
"Ang alin" tanong ko. pero umiling siya "Its nothing."
Uwian.
Matapos magpalitan ng mga mobile numbers ay nagsasakayan na ang lahat sa kani-kanilang mga sasakyan ng mapansin ko si Ellie na pumalatak pagkatapos ibaba ang phone niya.
"May problema ba?" tanong ko sakanya.
"Oh, nand'yan ka pa pala Madel. Tumawag kasi yung... sundo ko, ginamit daw ng kapatid niya yung sasakyan niya kaya hindi niya ako masusundo." paliwanag nito.
Saktong pagdating naman ng anak kong Mary Grace lulan ng kanyang sasakyan kaya niyaya ko na si Ellie na ihahatid nalang namin siya. Gulat na gulat siyang makita si Mary Grace na dalaga na, kinamusta naman ni Mary Grace si Prince na ayon kay Ellie ay isa ng Chef sa Amerika. Nakakatuwa ang naging byahe dahil masayang nagkwentuhan ang dalawa hanggang sa ibinaba na namin si Ellie sa harapan ng isang magarang Hotel.
"Maybe I-I'll see you around?" ani Ellie ng makababa na ng sasakyan. Bumalik sa ala ala ko ang pagkikita namin sa eskwelahan noon ng mga anak namin, dahil sinabi niya din ang linyang iyon.
"Oo naman." sabi ko. Pero wala na siyang sinabi at pagkatapos n'on at hindi na ulit kami nagkita. Tinext ko siya pero ni isang reply ay wala akong natanggap hanggang sa nabalitaan ko nalang sa mga former classmates namin na bumalik na daw si Ellie sa Amerika. Hindi ko lubos maintindihan kung bakit lumisan siya ng wala manlang paalam sa'kin gayong wala naman akong nagawang ayaw niya sa reunion.
Ang buong akala ko'y pinagtagpo kaming muli ng tadhana, ngunit mukhang nagkamali lang ako.