Nakumpirma ko ngang totoo ang mga sinabi sa akin ni Aileen dahil Nakita ko si Aaron na suot ang kwintas na nakita kong binili ni Hannah noong nakaraang araw. Sinabi ko kay Ellie na gusto ko siyang makausap tungkol sa aming mga anak na sina Mary Grace at Prince. Sinuplong din sa’kin ni Aileen na ganitong araw madalas sinusundo ng palihim ni Hannah si Aaron kaya nasiguro kong wala ngayon si Hannah sa hotel na tinutuluyan nila.
“Did Prince do something stupid?” tanong ni Ellie nang ilapag niya na sa lamesita ang dalawang tasa ng kape na kanyang tinimpla. Umiling ako “Mabait ang anak mo, you raised him well.” Gumuhit ang ngiti sa gilid ng kaniyang labi habang ninanamnam ang aroma ng kape.
”Kung ganoon ay na-miss mo lang siguro ako kaya ka nandito.” sabi ni Ellie ng may mga tingin na nakakatunaw padin sa marupok kong damdamin. Pero hindi pakikipaglandian ang ipinunta ko dito kaya tinawanan ko nalang ang sinabi niya bago humigop ng kape. Ang totoo ay hindi ko alam kung saan ako magsisimula, kung paano ko sasabihin sakanya ang totoo ng hindi siya masasaktan.
“Madel, mukhang malalim ang iniisip mo ah.”
Napa-angat ako sa sinabi niya “H-Hindi, ano kasi. Yung sasabihin ko sayo ano-” napa-hawi ako sa aking buhok sa kaba sabay buga ng hangin. Pinagmamasdan naman ako ni Ellie ng may pagtataka sa mukha ngunit nangingiti. Kinagat niya ang ibabang labi niya “If this is about the email you sent me, wala kang kasalanan.”
Nagulat ako sa sinabi niya “Email?” Anong email? Eh simula noong Pasko ay hindi pa ako nakakapag check ulit ng email ko. Biglang uminit yung mukha ko sa hiya ng maalala ang email na tinype ko para sakanya. Pero inilagay ko lang ‘yon sa Draft folder! Oh Diyos ko! Napahawak ako sa’king noo “Isang pagkakamali ang email na ‘yon, h-hindi dapat na-sent iyon.” sabi ko sakaya.
“Ano ka ba, hindi ka dapat mahiya. Wala lang sa’kin ‘yon. You have nothing to worry about.” Kumbinsi niya sa’kin. Pinilit ko nalang din matawa sa pagkakamaling nagawa ko at tama siya. Wala lang ‘yon sakanya, dahil wala na naman ako sa puso niya. Kung para sa akin lang ay ayaw ko ng mabura pa ang mga ngiti niya ngayon sa labi. Pero kapag hinayaan ko lang ang ginagawa sakanyang likuran ni Hannah ay anong klaseng kaibigan pa ako nun?
“Ellie…” matamis ang mga ngiti niya na nakatingin sa’kin, naghihintay sa sunod kong sasabihin. “Huwag ka sanang mabibigla o gagawa ng bagay na makakasakit sa’yo.”
Napakunot-noo siya “What? Why would I even do that? Oo alam ko, baliw ako sa’yo noon. Pero hindi na ngayon ‘no!” natatawang aniya. Gusto ko din makitawa sakanya sa pagbalik niya ng aming mga ala ala, pero may mas importante na dun, iyon ay ang kasalukuyan.
“Basta, mangako ka ha?” sabi ko sakanya.
“Sige na, promise.”
Dumiretso ako ng upo “Hannah… Hannah is cheating on you.” pagsisiwalat ko sakanya na tila bombang sumabog sa harapan niya. Ang kaninang matamis niyang mga ngiti ay ngayon tila napeke, umiling siya “You’re kidding right? Not a good joke Madel.”
“Ellie hindi ako nagbibiro.”
“At kaninong chismosa mo naman nakuha ‘yan Madel?” tanong niya sa inis na tono.
Hinawakan ko siya sa balikat “Kumalma ka muna pakiusap, at unang-una ay hindi ito basta chismis lang. Nakumpirma ko na ito mismo.” Kinuwento ko sakanya ang lahat ng sinabi din sa akin ni Aileen, pati na ang tungkol sa kwintas. Pero imbis na maniwala ay padabog niyang niligpit ang aming pinagkapehan at saka tumayo para dalhin iyon sa kusina. Pagbalik niya ay may mga namumuong luha na sa kanyang mga mata na alam kong kanina pa niyang pilit nilalabanan.
“Bakit kung kalian matatanda na tayo ay saka pa ganito? Ikakasal na kami e.” wika niya na halos maiiyak na. Nilapitan ko siya para aluin, ngunit nang akmang hahawakan ko na siya ay tinabig niya ang kamay ko “Wag mo akong hawakan.” Pinamewangan niya ako “Alam kong lahat ng ‘yon… all of it are LIES! You’re a liar!”
Napa-amang ako sa bintang niya sa’kin “Ano? You mean si Hannah?” wika ko dahil nabingi yata ako sa sinabi niya.
Bigla siyang tumawa “Not Hannah. IKAW. Mahal na mahal niya ako, hindi niya magagawa sa’kin ‘yon. I’m all she has! Hannah is my life now kaya gusto mo siyang sirain sa’kin!” Gulat na gulat ako sa isa pang paratang niya. Hindi ko mawari kung bakit sa akin ngayon galit na galit si Ellie.
“Teka, nag u-ulyanin ka na ba talaga? At bakit ko naman gagawin ‘yon?”
“Because deep inside you want me back Madel, you’re still madly inlove with me kaya ka nag i-imbento ng kung anu-ano!”
Labis akong nasaktan sa mga sinabi niya, dahil totoo ‘yon, maliban sa nag i-imbento ako ng kwento para sirain sila. Hindi ko akalain na ganito ang kahihinatnan ng pagsasabi ko ng totoo, gusto ko nalang umuwi at umiyak. Kaya kumuha ako ng natitirang lakas ng loob para sagutin siya.
“Hindi ko alam kung dahil ba ito sa email na nabasa mo pero sana ma-realize mo na wala iyong kinalaman sa ginagawang panloloko sa’yo ni Hannah. Desisyon niya ‘yon na hindi ko kailanman i-imbentuhin. Kung talagang kaibigan mo ako at kilala mo ako, alam mong nagsasabi ako sa’yo ng totoo. Alam mo sana na iniisip ko lamang ang kapakanan mo dahil tama ka, mahal na mahal padin kita kaya ayokong sa iba mo pa malaman.” Pagkatapos ay tinalikuran ko na siya “Para saan pang kinuha mo akong maid of honor kung ganyan pala ang tingin mo sa akin.” dagdag ko pa bago tuluyang nilisan ang lugar niya.
Nag taxi nalang ako pabalik ng restawran dahil sumakit ang ulo ko sa mga naganap na pangyayare. Hindi ko nagawang kumain ng gabing ‘yon kaya napansin ni Mary Grace ang pagiging matamlay ko kaya dinalhan niya ako ng gatas sa aking silid.
“Ma, may masakit po ba sa inyo?” tanong niya na hinipo ang noo ko.
“Wala ito anak, sinakitan lang ako ng ulo kanina.”
“Baka naman po nagha-highblood nanaman kayo? Kailan ba ang huling check up mo?” pag aalala niya. Ayokong mag away sila ni Prince dahil sa nangyare sa amin ni Ellie kaya minabuti kong huwag na munang sabihin iyon sakanya. Natatakot na din akong baka lalong lumala ang sitwasyon tulad ng nangyare kanina.
Kinabukasan pagdating ko sa Kusina ni Maria ay sinalubong ako ni Aaron ng may malapad na ngiti tulad ng kanyang laging ginagawa “Good Morning Ma’am Madel!” Hindi ko siya binating pabalik, nilapitan ko siya at tiningnan mula ulo hanggang paa bago hinawakan ang palawit ng kwintas niya. Nakita ko ang kaba sa kanyang mga mata “Bagay po ba sa’kin Ma’am?” kunwaring tanong niya pa para hindi ko mahalatang kinakabahan siya. May kakapalan din talaga ang mukha ng binatang ito. Tiningnan ko siya ng diretso sa mata “Bakit mas pinili mong manakit ng damdamin ng iba para lang sa kwintas na ito at mga luho mo?” Halatang nabigla si Aaron sa tanong ko, napatingin sa amin sina Aileen at iba ko pang staff pero agad silang sinuway ni Aileen na bumalik sa kanilang ginagawa. Namawis ang noo ni Aaron habang walang naisip na isasagot sa akin.
“Tapusin n’yo ang namamagitan sa inyo ni Hannah o tatapusin ko ang kontrata mo.” bulong ko sakanya bago pinigtas ang kwintas niyang galing kay Hannah.
Habang abala ako sa restawran ay biglang nag ring ang mobile phone ko, isang tawag mula kay Mary Grace. Nagpunas ako ng kamay at agad na sinagot iyon sa likod ng kusina.
“Hello anak?”
“Ma, bad news. Prince just told me na na-called off ang wedding nila Tita Ellie and Tita Hannah dahil may other guy daw si Tita Hannah!” pagkukwento ni Mary Grace na halos lumabas na ang ulo sa phone ko.
Napahalumbaba ako “Nak busy dito sa’tin eh. Mamaya nalang natin pag-usapan ‘yan.” sabi ko sakanya.
“Hindi ka manlang ba nagulat o nalungkot Ma?” pagtataka ni Mary Grace.
“Anak, sa bahay nalang okay?” sabi kong muli sakanya bago pinatay ang tawag.
Napasandal ako sa pader at kinuha sa bulsa ko ang kwintas ni Aaron, parang gusto kong sisihin yung sarili ko sa mga kaguluhang nangyayare ngayon sa buhay ni Ellie.
“Madam may bisita ka.” wika ni Aileen sa akin. Sino naman kaya ‘yon? Bumalik na ako sa loob at lumabas ng kusina nang makilala ko agad ang sasakyan na nakahinto sa harapan namin. Kinatok ko ang tinted na bintana nito at agad naman akong pinagbuksan ni Ellie na nasa driver’s seat.
“Kung narito ka lang para pagbintangan nanaman ako ay wala akong panahon.” bungad ko sakanya.
“Sakay.” Utos niya.
“Tulad ng sinabi ko, busy ako-“
“Basta pumasok ka muna dito!” sigaw niya.
Para matapos nalang ay sinunod ko siya, ni-lock niya ang sasakyan at saka nag alis ng rayban. Nakita ko ang mugtong mga mata niya. “Ellie…” awang-awa kong sambit sakanya. Kinagat niya ang labi niya “I-I’m sorry Madel, sa mga nasabi ko. Tama ka… si Hannah…” Hindi na niya natapos pa ang sinasabi niya, bigla niya akong niyakap at humagulgol ng iyak sa balikat ko.
Doble ang sakit na naramdaman ko habang nakikita si Ellie na nadudurog sa'king harapan. Wala akong panyo ng mga oras na ‘yon kaya tanging ang balikat ko lang ang naibigay ko upang saluhin ang mga luha niya.
Hannah, bakit mo siya ginaganito?