“You’re a strong lady, Cath. You did it. Nagawa mong sabihin sa ‘kin ang dinadala ng puso mo. Ang tapang mo sa tuwing magkaharap tayo. I just want you to know that it’s ok to admit that you are hurting. Kung hindi ka nasasaktan, paano kagagaling? You did great today, Cath.” Nag-thumbs up si Chase.
“Mapilit ka, eh,” pabiro kong wika. Natawa siya sa ‘kin at inabutan ako ng tissue.
“Sorry kong mapilit ako. Gumaan ba ang pakiramdam mo?” tanong niya. Surprisingly, yeah, gumaan nga ang pakiramdam ko.
“Umm, salamat sa ‘yo,” wika ko kay Chase.
Ngumisi siya sa ‘kin sabay gulo sa buhok ko. Napasimangot na lang ako sabay bato sa kanya ng hawak kong tissue.
“Oi! Ang sipon mo!” Natatawang turan ni Chase habang hawak ang tissue na hinagis ko. Natawa na rin ako sa kanya.
“Pero seryoso, ha. Sino ang mas guwapo sa ‘min ni Arthur?” Confident siyang nag-pogi pose sa harapan ko.
“Physically, ikaw. Pero mas guwapo pa rin si Arthur sa ibang bagay.” Napanguso siya pagkatapos na marinig ang sinabi ko.
“Ako na lang ang mag-a-adjust,” wika niya dahilan para mas matawa ako. Ibinalik na ni Chase ang donut at tumbler saka ipinagpatuloy na namin ang aming pagkain. My chest feels light. I can breathe freely now.
“Siya nga pala, ano’ng memories n’yo ni Arthur ang tumatak talaga sa isip mo?” biglang tanong ni Chase. Napaisip ako.
“Um, ‘yong una naming pagkikita na ipinagluto niya ako. Tapos noong niligawan niya ako, kumuha talaga siya ng banda para lang sa ‘kin. Ang huli, ‘yong araw na tinanong niya ko kung p’wede niya ba akong maging girlfriend.” I was smiling the whole time. Memoryang memorya ko ang tatlong ‘to dahil ito ang major events sa relasyon namin ni Arthur.
Nilingon ko si Chase na mariing nakatingin sa mukha ko. Naiilang akong uminom sa hawak kong tumbler nang bigla siyang magsalita.
“I’ll overwrite all your memories with Arthur until all you can think of is me, Catherine Grace.”
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa kanyang sinabi. His face is dead serious. I clear my throat before answering.
“I already told you. Hindi nga kita p’wedeng magustuhan. ‘Friends’ p’wede pa.” Napaiwas ako ng tingin.
“Then, I’ll just have to work harder for you to fall for me,” ngumisi si Chase. Inaatake na naman siya ng kakulitan niya.
“Chase . . .” sambit ko.
“Seryoso ako, Cath. Liligawan kita sa ayaw at sa gusto mo.”
Ito na nga ba ang sinasabi ko! Inuunahan niya na naman ako sa mga desisyon ko. Wala siyang pakialam kung ano ang magiging sagot ko basta gagawin niya talaga ang gusto niya which is wrong. Wrong!
“Alam mo, Chase, ang tigas talaga ng ulo mo.”
“Anong ulo ba ang tinutukoy mo?” Ngumisi siya sa ‘kin. Napasimangot ako.
Tinawanan niya lang ako at saglit na nilapat ang kanyang noo sa ‘kin. Napakurap ako sa ginawa niya kaya napalo ko lang naman siya sa braso.
“Isa pa talaga!” sigaw ko habang hinahampas siya. Prinotektahan niya ang kanyang sarili habang tinatawanan ako.
“Eh? Isa pa?” Pinigilan niya ang aking mga kamay at nilapat ulit ang kanyang noo sa ‘kin.
“Chase!” Napasigaw na ako.
“Oh, f**k!” Binuksan na ni Chase ang pinto sa bahagi niya para makalabas sa kotse. Nakangiti niya akong sinilip bago siya umikot papunta sa puwesto ko. Oh, no. No!
“Halika rito sa labas, Cath!”
Nakangiting niyang binuksan ang pinto at hinila ako palabas. Napapikit na lang ako nang maramdaman kong nabasa na ng ulan ang aking suot. Argh, Chase!
Matalim ko siyang tinitigan dahilan para mapatakbo siya palayo sa ‘kin. Hinabol ko siya pero dahil sa mahahaba niyang legs, hindi ko siya mahuli-huli. Damn, this guy.
Para kaming mga bata na naghahabulan sa gitna ng malakas na buhos ng ulan. Kung saan walang ibang tao sa paligid. Kung saan ang mundo ay kakampi namin.
“Teka, teka . . .” Tumakbo si Chase papunta sa kotse niya at maya-maya pa ay umalingawngaw na sa paligid ang kanta ni Sarah Geronimo ft. Hale na The Great Unknown. Nakangiti akong nilingon ni Chase sabay lahad ng kamay niya sa ‘kin.
“Seryoso?” hindi makapaniwala kong tanong.
“Sige na. Minsan lang kitang maisasayaw sa gitna ng ulan. No regrets, Cath.”
Sinuntok ko muna si Chase sa dibdib bago ko tinanggap ang nakalahad niyang kamay. Mahigpit niya itong hinawakan sabay hila sa ‘kin papalapit sa kanya. Matamis siyang ngumiti sabay hawak sa beywang ko. Nagsimula nang kumanta sila Sarah sa bandang chorus habang kami naman ni Chase ay parang tanga na hindi makasabay sa kumpas ng musika.
“Ang liit ng beywang mo, ano?” Napangiti siya sa ‘kin.
“Inggit ka?” taas-kilay kong tanong sa kanya. Natawa si Chase sa sinabi ko.
“Hindi. Naisip ko lang baka mabali kita kapag nasa kam—” Buong puwersa kong inapakan ang paa niya bago pa man siya matapos. Lumalabas na naman ang kamanyakan ng lokong ‘to.
“Aray . . .” pabulong niyang wika.
“Manyak ka talaga, ano?” I rolled my eyes at him.
“Sa ‘yo lang manyak ‘to . . .” pabulong niyang sabi pero sapat na para marinig ng mga tainga ko. Umakto akong hindi ito narinig para sabihin niya ulit.
“Ano?” I’m laughing inside.
“Wala. Tapusin na natin ‘tong sayaw giniginaw na ako.”
Napansin kong biglang namula ang pisngi ni Chase habang nakatingin siya sa opposite direction ko. Palihim akong napangiti at inayos ang pagkakahawak ko sa balikat niya. How I wish this moment could last forever. Hindi dahil kasama ko si Chase kung ‘di dahil payapa ang puso ko ngayon.
Pagbalik namin sa hotel, pareho kaming basa ni Chase. Hindi na ako nagpahatid sa kuwarto ko dahil, kahit magpakalalaki pa si Chase sa tindig niya, hindi niya maitatago ang panginginig ng kanyang katawan.
Agad din akong naligo at nagbihis pagdating ko sa aking silid. Uminom din ako ng vitamins at maraming tubig para sure talagang hindi ako kapitan ng sipon. Mahirap na baka magkasakit ako rito, walang mag-aasikaso sa ‘kin.
Kinagabihan, malakas pa rin ang buhos ng ulan. Kasalukuyan akong nagluluto ng hapunan ko nang makatanggap ako ng email galing kay Lizzie. Nakasaad sa email ang preparations na nangyari maging ang ibang detalye na hindi na gaanong mahalaga para sa ‘kin. Ganito talaga si Lizzie gumawa ng report. Gusto niyang iparamdam sa ‘kin na nasa eksena ako kaya detalyado.
Saglit ko lang itong binasa at nagtungo na sa sala. Nakahanda na ang laptop ko sa mesa at ako na lang at ang pagkain ang kulang. Magmo-movie marathon ako ngayon!
Nang maupo na ako, nakatanggap ako ng mensahe galing kay Chase. Good evening raw. Hmp!
“Good evening din.” Pinundot ko ang send at parang timang na ngumiti habang binubuksan ang Netflix account ko.
Napatigil ako sa paghahanap ng panonoorin nang mapansin kong hindi pa nagre-reply si Chase. Hmm, hintayin ko na muna ang reply niya bago ako manood.
Ilang minuto ang lumipas wala pa rin akong natatanggap na message kaya pinulot ko na ang phone ko. Dito ko na napansin na hindi ko pa pala nai-send ang reply ko sa kanya! Ack! Ang palpak mo, Catherine! Akala ko na-send ko na!
“Lintik!” Napasandal ako sa sofa at sinimulan nang kainin ang ginawa kong vegetable salad habang hinihintay ang reply ni Chase.
Napatalon ako sa aking upuan nang mag-vibrate ang phone ko. Dahan-dahan ko itong binuksan at bumungad sa ‘kin ang reply ni Mr. Right.
“Matulog ka na. Huwag kang magpupuyat. Good night, my Catherine.”
Ilang beses akong napakurap dahil sa nabasa ko. Napatingin ako sa laptop na nasa harapan ko at sa hawak kong vegetable salad.
I changed my mind. Hindi na pala ako magmo-movie marathon. Inaantok na pala ako.
Inubos ko ang vegetables salad saka ako naglakad papunta sa kusina. Pagkatapos kong hugasan ang pinggan, pinatay ko na ang laptop ko at dinala ito papunta sa aking kuwarto. Nang makahiga na ako sa kama saka ko na tiningnan ang phone ko.
“Matutulog na ako. Ikaw rin. Good night.” Napangiti ako nang pindutin ko ang send button.
Hinayaan ko lang na nakabukas ang lampshade habang ipinapatugtog ang The Great Unknown sa phone ko hanggang sa dalawin ako ng antok.
Simula nang bumalik si Arthur. Simula nang mabalitaan ko na ikakasal na siya. Ito ang unang gabi na payapa ang puso kong matutulog.