"HEY! YOU'RE late. Saan ka nanggaling?" Iyon ang bumungad kay Richard nang pagbuksan siya ng pintuan ng Mama niya nang makauwi siya sa bahay nila. "Sorry, Ma." Hinalikan ni Richard ang ina sa pisngi nito bago pumasok sa loob. Ibinaba niya ang dalang backpack sa sopa at pabagsak na umupo. "Nagpunta pa kasi ako sa hospital saka may hinatid ako sa San Jose bago ako umuwi," sabi niya bago isinandal ang ulo sa headrest ng sofa. Lumapit ang Mama niya sa kanya at tumayo sa harapan niya. "Sino sa mga kaibigan mo ang na-ospital? Kasama mo ba si Kurt?" "Wala po sa mga kaibigan ko ang na-ospital. At hindi ko rin po kasabay na umuwi si Kurt," tugon niya nang hindi nililingon ang ina. "Really? So, sino ang pinuntahan mo sa hospital?" Bago pa man siya makasagot ay umupo na sa tabi niya ang ina.

