Pagkauwi ng inay niya kinagabihan ay nakaluto na si Sophia ng kanilang hapunan.
Mula sa iniwan ni Virgil na supot ng mga gulay at prutas ay nag-gisa siya ng spinach at broccoli na ngayon ay pinagtakhan ng ale.
"Saan galing yang iniluto mo?" May bitbit din kasi itong ulam mula sa malaking bahay kaya hindi nito inaasahang may iniluto siya.
"Kay Virgil po, Inay." Kinuha niya mula dito ang dala nitong tupperware ng ulam at ilinagay sa lamesa. "Gusto niyo ho bang magbihis muna o kain muna ho tayo?"
"Kay Virgil? Saan mo siya nakita?" Tila hindi nito narinig ang itinanong niya rito dahil nanatili ito sa pagkakatayo at tumitig sa kanya.
"Nagpunta siya dito kanina at ibinigay 'yan. Akala niya yata ay may sakit ako."
"Nagtagal ba?"
Umiling siya. Hindi na lang niya sasabihin sa ina na nakagisnan na lang niya ang binata sa loob ng kanilang bahay at baka magalit pa ito at umabot kay Mr. Augusto. Siguradong mapapahamak na naman si Virgil kapag nagkataon. "Iniabot niya lang ho iyan at umalis kaagad."
"Mabuti naman." Noon ito naghuhas ng kamay at dumulog sa lamesa. "Nagbigay siya dito samantalang sa bahay nila ay walang pakialam iyon kung may makakain sa kusina nila o wala."
"Alam naman siguro ho niya na hindi sila nawawalan ng pagkain kaya ganoon. Hayaan niyo na."
"Kawawa ang mapapangasawa ng Virgil na 'yun kapag nagkataon. Aba'y walang pakialam sa bahay nila eh."
"Inay..." Saway niya rito pagka-upo niya. "Kain na lang po tayo."
"Maigi pa nga."
Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang din ang disgusto ng Inay niya kay Virgil samantalang wala namang masamang ipinapakita ang binata sa Inay niya. Noon pa niya napapansin ang ganoon. Mga bata pa lang sila ni Virgil ay pinipigilan siya nitong makipag-laro dito. Sa tuwing nagpupunta rin si Virgil sa kanila ay kaagad itong pinapauwi ng inay niya kaya ang naging tambayan na lang nila ay iyong puno malapit sa kanila.
"Kung ikaw ay magpapaligaw lang din, kay Alvin ka na magpaligaw. Masipag na bata at tumutulong pa sa mga magulang niya." Maya-maya ay wika ulit ng kanyang inay.
"Inay... Bakit naman nasali dito si Doc Alvin?"
"At bakit naman hindi? Siya lang ang nakikita kong matinong lalaking babagay sa iyo kung sakali." Ang dala lang nitong ulam ang kinuha nito habang ang gulay na ibinigay ni Virgil sa kanila ay hindi nito tinapunan man lang ng tingin. "Nakausap ko si Simeon kanina. Wala pa raw nobya iyang si Alvin hanggang ngayon. Masyado kasing abala sa trabaho doon sa farm kaya siguro wala ng panahon pa upang manligaw."
"Ganoon ho ba?" Tanging nasambit niya. Ang Simeon na binaggit nito ay siyang katiwala ni Mr. Augusto sa farm at si Doc Alvin ay ang panganay nitong anak. Katulad niya ay si Mr. Augusto rin ang nagpaaral sa binata at doon na rin nag-trabaho nang makapag-tapos ito. Palakaibigan si Doc Alvin gayunpaman, dahil hindi naman sila madalas na nagkikita ay hindi sila naging malapit sa isa't-isa.
"Hindi naman siguro masama ang sampung taon na agwat ng edad ninyo kung sakaling magkakatuluyan kayo at maging mag-asawa, hindi ba?" Tanong ng ginang sa kanya.
"Inay... Tama na ho. Kumain na ho tayo ng maayos. Pwede ho ba?"
"Binibigyan lang kita ng magandang suhestiyon..."
"Inay..." Inilapag niya ang kutsarang gamit niya upang ipaalam dito na hindi niya gusto ang kanilang pinag-uusapan.
"O sige na. Hindi na."
Noon niya ulit hinawakan ang kubyertos at inubos papunta sa kanyang pinggan ang gulay na iniluto niya.
"Ang bata ko pa po. Wala pa ho akong balak magpaligaw at lalo na ang mag-asawa, Inay." May diin ang mga salitang bigkas niya.
Hindi na rin naman lumawig pa ang usapan nilang mag-ina dahil wala ng isa man sa kanila ang muling nagsalita hanggang sa natapos silang kumaing dalawa.
.....
Araw ng lunes. May pasok si Sophia sa eskwela at dahil tapos na ang eksaminasyon nila ay hindi na ganoon kaaga ang kanyang alis.
Bago pa siya nakaalis ng bahay ay isang busina ng sasakyan ang narinig niya. Sinilip niya iyon at nakita niya sa nakababang bintana ng sasakyan si Mr. Augusto.
Mabilis niyang kinuha ang kanyang bag at isinukbit iyon sa kanyang balikat pagkatapos ay nagmamdali siyang lumabas ng bahay at tinungo ang sasakyan.
"Mr. Augusto, ano pong ginagawa niyo dito?"
"Ano pa ba? Eh di dating gawi... Dinaanan ka namin para maihatid ka muna namin ni Dolfo doon sa sakayan ng tricycle bago kami pumunta ng farm. Paalis ka na rin, hindi ba?"
"Opo." Tiningnan niya ang loob ng sasakyan. "Si Virgil po?"
"Huwag kang mag-alala. Wala siya dito. Hindi naman sumasabay sa akin iyon. Yung motorsiklo ang gagamitin niyon dahil kasama ko si Dolfo. Halika na."
"Sige po." Gumawi siya sa kabilang pinto sa unahang bahagi ng sasakyan at sasakay na sana sa passenger's side ng tawagin siya ni Mr. Augusto.
"Dito ka sa likod. Samahan mo na ako dito."
"Sige po." Isinarado niya ulit ang pinto at gumawi sa likod. Nakangiti si Mr. Augusto pagkasakay niya.
"Okay ka na?" Tanong nito.
"Opo."
Ang driver naman ang binalingan nito. "Alis na tayo, Dolfo. Baka ma-late pa itong estudyante natin dito."
Walang salitang namutawi sa driver. Tumalima kaagad ito sa amo nito pagkatapos tumingin sa kanila.
"Kumusta ang pag-aaral mo?" Tanong ni Mr. Augusto pagkaandar ng sasakyan.
"Okay naman po. Salamat ho sa inyo at kaunting panahon na lang ho ay makakapag-tapos na ho ako. Makakapag-trabaho na rin ho."
Hindi ito sumagot at sa halip ay sa labas ito ng bintana tumingin. Hindi na rin sana siya magsasalita ulit pero nagtanong ito.
"Napag-isipan mo na ba iyong inalok ko sa'yo noong nakaraang araw?"
"Pasensya na po. Hindi pa ho eh."
"Okay lang 'yun. Matagal-tagal pa naman bago ka magtapos. Basta pag-isipan mo at hindi ako tatanggap ng 'hindi'. Magtatampo ako sa'yo." Biro nito.
"Pag-iisipan ko ho. Makakaasa po kayo." Aniya bagama at sa sarili niya ay sigurado na siyang hindi niya kukumpentensiyahin si Virgil sa dapat ay posisyon nito sa farm ng sariling ama. Doon man lang ay maibsan niya ang kung ano mang galit na nararamdaman ng lalaki para sa kanya.
"Sige... At siyanga pala, pwede mo bang sabihin sa akin ang mga ginagawa ni Virgil sa eskwelahan ninyo? Sa pakiwari ko naman ay pumapasok siya sa eskwela, ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit parang walang natututunan ang batang iyon."
"Po?" Gusto ba nitong isumbong niya ang anak nito dito?
"Huwag mong isipin na gusto kong isumbong mo ang kaibigan mo sa akin. Ang gusto ko lang ay malaman kung nagtitino ba siya sa eskwela."
Nag-iwas siya ng tingin dito. Mabuti na lang at natanaw na niya ang paradahan ng tricycle kaya kaagad niyang pinara si Dolfo.
"Kuya Dolfo, diyan na lang po ako sa gilid."
Tingin ng driver mula sa rearview mirror ang tanging isinagot nito sa kanya bago ito nag-menor at pumara sa itinuro niya. Pagtigil ng sasakyan ay nagpaalam na rin siya sa ginoo.
"Dito na po ako. Salamat po."
Tumango ang ginoo. "Mag-iingat ka."
"Opo. Kayo din ho." Nagmadali siyang bumaba ng sasakyan at parang hinahabol na tinakbo ang unang tricycle na nasa pila. Lumulan siya doon at mahigpit na itinikom ang mga labi.
Pakiramdam niya ay hindi siya makahinga kapag minamaliit ng kahit na sino si Virgil at nalulungkot siya para dito.
.....