Chapter 9

1403 Words
Dahil nag-aalala ang Inay niya sa maaaring mangyari sa kanya ay ihinatid siya nito sa kanilang bahay matapos nitong magpaalam kay Mr. Augusto. Mabilis naman na pumayag ang ginoo. Binilinan na lang nito ang Inay niya na kung sumama ang pakiramdam niya ay magsabi sila agad dito upang madala daw siya sa ospital. Mabuti at katamtamang init ng pang-hapong araw na lang ang sumalubong sa kanila gayunpaman ay pinayungan siya ng kanyang Inay upang hindi daw siya mabigla lalo at kakagising niya lang halos mula sa kanyang pagkakahimatay. "Inay, hindi ko po nakita si Virgil. Saan ho nagpunta?" Luminga ito sa paligid. "Ang paalam kanina ay ibabalik daw yung kabayo doon sa farm. Baka naroon na iyon ngayon." Maluwag ang naging paghinga niya. Kung ganoong ligtas ito ay wala na siyang alalahanin pa. Ang kaligtasan lang naman nito ang tanging naiisip niya kanina eh. "Magtapat ka nga sa akin bata ka. Ikaw lagi kong napapansin na puro si Virgil ang bukambibig mo. May gusto ka ba sa isang iyon?" "Inay naman. Porke't nag-aalala may gusto na kaagad? Kaibigan ko yung 'isang yun' baka nakakalimutan ninyo." Mataman itong tumingin sa kanya at dahil wala naman talaga siyang gusto kay Virgil ay hindi siya nag-iwas ng tingin dito. "Siguraduhin mo lang. Hindi masama ang magkagusto ng isang tao pero huwag si Virgil. Anak siya ng amo natin at hindi maaaring umibig ang katulong sa amo niya." Nasaktan siya sa narinig hindi dahil sa wala siyang pag-asa kay Virgil kung hindi dahil sa kahirapan nilang tila nakadikit na sa pagkatao nila. "Sobra namang panliliit niyon, Inay. Pero huwag kayong mag-alala. Malabo po ang iniisip ninyo. Kita niyo naman ang disgusto sa akin ni Virgil hindi ba? Kaya malabo ang naisip ninyo." "Oo, kita ko nga sa kanya pero sa'yo, iba ang nakikita ko." Nginitian niya ang Inay niya. "Tingnan ninyo ang mga mata ko." Tumitig siya dito. "Wala akong gusto kay Virgil, Inay." "Mabuti na ang nagkakaintindihan tayo." Tahimik na silang nagpatuloy sa paglalakad papunta sa bahay nila. Ang inay niya ay nanatiling nakaalalay sa kanya hanggang sa makapasok sila sa loob. "Mahiga ka na lang ulit doon sa loob. Dito na lang muna ako." "Kaya ko naman na, Inay. Hindi ko po kailangan ng sobrang pahinga." "Hayaan mo na ako. Nagpaalam naman ako kay Augusto na sasamahan muna kita. Pupunta na lang ulit ako doon sa bahay mamaya kapag maayos ka na talaga." "Sige po. Papasok na po ako sa kwarto." Pagkapasok niya ng silid ay binuksan niya ang bintanang nasa gilid ng kanyang pinaka-study table at hinayaang pumasok ang malamig-lamig na hangin. Mula rin sa bintana nila ay natatanaw niya ang mga puno ng mangium na nagtataasan na at nagsisipag-sayawan ang mga dahon sa ihip ng hangin. Ang bintanang iyon ay nakaharap sa gawi ng maliit na daanan papunta sa labasan at mula doon ay tanaw niya rin ang puno ng manggang noon ay madalas din nilang paglaruan ni Virgil. Medyo malayo sa daanan ang punong iyon. Matagal-tagal na rin niyang hindi nabibisita ang puno. Simula ng madisgrasya ang pamilya ng binata ay hindi na ito muling bumalik sa tambayan nila kaya miminsan na lang din siyang nakapunta roon kahit na ilang hakbang lang ang layo niyon sa bahay nila. Dati-rati kasi, pagsilip niya roon at nandoon na ng kalaro ay saka rin siya tatakbo papunta doon sa puno o di kaya naman ay kapag narinig na niyang tinatawag na nito ang pangalan niya ay saka siya lalabas upang makipag-laro dito. Noong hindi na pumupunta roon si Virgil ay wala na ring dahilan pa upang pumunta siya sa pinaglalaruan nilang dalawa. Hinayaan niyang nakabukas iyon at saka siya nahiga sa higaan nilang mag-ina. Dahil malamig ay hindi naman siya nahirapang antukin. Dagdag sa seguridad na nararamdaman niya ay ang kaalamang ang Inay niya ay naroon lang din sa bahay at nagbabantay sa kanya kaya komportable siyang nakatulog ulit. ..... Ang tahol ng asong si Kahel ang gumising kay Sophia mula sa kanyang pagkakatulog. Ilang sandali niya munang pinakiramdaman kung tatahimik ito mula sa pagtahol pero lumipas na ang ilang minuto ay nanatili ang aso sa pagtahol nito na ikinasimangot niya. Ayaw niya pa sanang bumangon dahil mas malamig na ang paligid. Pagtingin niya sa labas ng bintana ay nakita niyang medyo madilim na pala kaya ang lamig ng hangin ay mas ramdam na niya. Nagtalukbong na siya ng kumot sa pag-asang titigil ang aso pero ang tahol ni Kahel ay dinig niya pa rin at mas lalong lumakas pa paglipas ng mga minuto. Tamad na tamad siyang bumangon at tinungo ang pintuan ng kwarto. Padabog niyang binuksan iyon kasabay ng pagtawag sa pangalan ng alagang aso at pagsaway rito. "Kahel! Ang ingay m-" Napatigil siya sa pagsigaw at nanlaki na lang ang mga mata nang makita ang dahilan kung bakit hindi matahimik si Kahel sa labas ng bahay mula sa pagtahol nito. Paano ay nasa loob na pala si Virgil, prenting nakaupo sa pang-isahang upuan sa sofa, at nanonood ng T.V. Nakasuot ito ng pantalong maong na madalas nitong suotin kapag nagpupunta ito ng farm at ang pang-itaas ay kulat itim na fitted shirt. "Mabuti naman at lumabas ka na." Anitong hindi niya alam kung bugnot ba ang narinig niya sa boses nito o pag-aalala pero naroon ang talim ng mga mata. "Kanina pa ako dito." Hindi niya ito pinansin at luminga siya sa may kusina. "Inay?" Nagtataka siya kung bakit naroon ang lalaki samantalang naroon naman ang Inay niya. "Nasa bahay na ang Nanang Susan. Huwag mo ng hanapin." Nang walang marinig mula sa ina ay noon niya napagtantong mag-isa na nga lang siya doon sa bahay. Ang ipinagtataka niya ay kung bakit naroon ang binata sa kanila. "Anong ginagawa mo dito?" Pauna niyang tanong na kaagad niyang sinegundahan. "Paano ka nakapasok? Pinapasok ka ba ng Inay bago siya umalis?" Mula sa T.V ay bahagya lang siya nitong nilingon. "Ang dami mo namang tanong." "Bakit ka nga nandito?" Hininaan niya ang boses ng maalalang anak pala ito ng amo ng Inay niya. Bahagya niya ring ibinaba ang ulo upang hindi ito matingnan ng diretso. "Tigilan mo nga yang arte mo. Parang kanina lang yinakap mo pa ako tapos ngayon hindi mo na ako matingnan? Ano yan?" "Hindi ako yumakap sa'yo ha." Tiningnan niya ito ng may talim. "Akala mo lang..." "Imposible yang sinasabi mo. Sige na. Lumabas ka na at baka makita pa ng Inay na nandito ka sa bahay. Mapapagalitan ako." "Bakit?" "Basta..." Gumawi siya sa may pinto ng bahay at bubuksan na sana yung screen na pintuan pero kaagad nito iyong pinigilan. "Huwag mong bubuksan yan!" Napaangat ito mula sa pagkaka-upo. "Hindi mo alam na kanina ay muntikan na akong malapa niyang aso niyo. Bakit pa kasi nag-alaga ka niyan?" Sinimangutan niya ito. "Pumapasok ka kasi ng ibang bahay. Hindi ka naman niyan aanuhin kung nandoon ka lang sa inyo." Nang inalis niya ang kamay sa pinto ay saka lang ito nakaupo ulit ng maayos. "Mukhang maayos ka na nga..." Anitong bumuntung-hininga. "Itinataboy mo na ako." Kinunutan niya ito ng noo. "Hindi ka dapat nandito. Nakakahiya kay Mr. Augusto kapag nalaman niya itong pagpunta mo rito..." Tumayo ito at diretsong lumapit sa kinatatayuan niya. Iniangat nito ang isang kamay at inilagay sa kanyang noo na parang inaalam kung may lagnat ba siya. Pagkatapos niyon ay itinuro ang nakapatong sa lamesitang plastic bag na may lamang mga kung ano. "Iiwan ko 'yun. Magpalakas ka ng resistansya mo. Napakasakitin mo." Pagkatapos niyon ay ito na mismo ang nagbukas ng pintuan at walang pakialam kay Kahel na lumabas ng pinto at isinuot ang brown boots na gamit nito palagi. Nang matapos ay wala itong paalam na umalis. Tinahol ito ng aso kaya kaagad niyang hinabol ang alaga upang pigilan sa pagsunod sa binata. "Ikaw tumigil ka ha... Kapag sinaktan mo 'yun lagot ka sa akin. Amo natin 'yun kaya huwag na huwag mo lang talagang madadaitihan yun kahit isang ipin mo. Naiintindihan mo?" Pinaningkitan niya si Kahel habang naka-squat siya ng upo upang magkapantay sila. "Naiintindihan mo ba ako?" Ulit niyang tanong sa aso na sumagot naman ng isang tahol. "Mabuti naman... Sige na. Bumalik ka na doon sa bahay mo." Para naman itong nakakaintindi at pumasok sa doghouse nitong nasa labas lang din ng kanilang pintuan. Ano pa at ligtas naman talaga siya sa bahay nila. Si Virgil lang ang mangangahas na pumasok sa kanila na ngayon lang din naman nito ginawa. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD