Chapter 8

1047 Words
Ang mga tinig na nag-uusap usap sa paligid ang gumising sa natutulog na diwa ni Sophia. Unti-unti niyang idinilat ang mga mata. Una niyang nakita ang kanyang Inay na hinihilot ang isa niyang palad. Sa may likuran nito, sa bandang pintuan ay naroon si Mr. Augusto kausap ang kanilang veterinaryong si Doc Alvin. Bahagya siyang napakunot ng noo. Ano ang nangyayari at bakit naroon si Doc Alvin sa bahay nila? Kikilos sana siya pero naramdaman niya ang pananakit ng kanyang katawan. Binalikan niya sa isip ang nangyari. Ang paghahanap kay Virgil. Ang pag-aakalang may ginawa na ito sa sarili nito. Noon niya lang naalala kung ano ang ginawa niya sa pintuan ng kwarto ni Virgil dahil sa kanyang paghahanap sa lalaki na siyang dahilan ng pananakit ng balikat niya. "Inay-" Tawag niya sa inang hindi napansin ang pagmulat niya ng mga mata. "Si Virgil po Inay, nasaan?" "Ay salamat naman at gising ka na." Mabilis nitong hinawakan ang kanyang pisngi. "Kumusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sa'yo?" "Okay lang po ako, Inay." Luminga siya. Hindi pala nila kwarto ang kinaroroonan nila. Ang kulay ay iba, kulay mapusyaw na asul at itim ang kabuuan ng silid. Ang kama ay mas malaki. Ang unan ay mas malambot at hindi amoy nila ng inay niya ang naaamoy niya gayunpaman ay komportable iyon sa kanyang pakiramdam lalo na ang kumot na tumatakip mula paa hanggang bewang niya. "Si Virgil po, Inay?" "Naroon sa labas... Maayos na ba ang pakiramdam mo?" "Ayos po ako Inay." Umupo siya at tumingin sa gawi ng kinatatayuan nina Mr. Augusto at Doc Alvin na tumingin na rin sa kanya. "Ano pong nangyari bakit po sila narito?" Lumapit si Doc Alvin at pinulsuhan siya. Sa kasuotan nito ay parang kakagaling lang nito mismo sa farm dahil suot pa nito ang kulay berdeng uniform nito. Pomorma ito ng ngiting naging dahilan ng pagguhit ng laugh lines nito sa paligid ng mga mata. "Okay ka na. Maayos na ang pulso mo." Nagtaka siyang tumingin dito pati sa Inay niya. Siyempre maayos siya. Nagtataka nga siya kung bakit naroon silang lahat sa silid na iyon na hindi naman niya alam kung kanino. "Nahimatay ka kanina... Pambihira ka namang bata ka. Pinag-alala mo kaming lahat." Sagot ng Inay niyang luminga sa gawi ng amo nito habang siya naman ay binalikan sa isip ang lahat. "Pasensya na kayo. Aalis na ho kami." Dugtong ng kanyang Inay. Sinenyasan siya nitong tumayo na. "Maayos na ba ang pakiramdam mo?" Hindi lumapit si Mr. Augusto pero nakita niya ang pag-aalala sa mukha nito. "Opo. Pasensya na ho kayo." Kinuha niya kay Doc Alvin ang brasong pinulsuhan nito. Tumayo na rin siya at pinagpagan ang kanyang likod. "Pwede na bang lumakad 'yan si Sophia?" Si Doc Alvin ang nilinga ni Mr. Augusto. "Baka mahilo ulit 'yan." "Maayos na ang pulso niya, Sir Augusto. Pero alam niyo namang mga hayop lang ang kasa-kasama ko. Mas maigi na rin kung matitingnan si Sophia ng Doctor ng mga tao." "Naku hindi na ho!" Napa-diretso siya ng tayo sa narinig. Gastos pa iyon sa Inay niya kung sakali. "Tama ho si Doc Alvin. Okay na po ako. Natakot lang po ako kanina kaya ganoon pero maayos na po ang pakiramdam ko." Ngiti niya sa ginoong parang ayaw maniwala sa kanya. Mabuti na lang at sinegundahan siya ng kanyang Inay. "Ako na ang bahala kay Sophia, Sir Augusto. Salamat sa pag-aalala ninyo." Hinawakan na siya ng kanyang Inay sa braso at inakay na palabas ng kwarto. Pagkalabas ay noon niya lang nakitang kwarto pala ni Virgil ang kinaroroonan nila. Iyon ang unang pagkakataong nakita niya ang loob ng silid. Dahil minsan-minsan lang din naman siya sa malaking bahay na iyon ay minsan niya lang din makita ang kwartong iyon pero hindi siya umaabot sa puntong makikita pati ang loob niyon. Walang kahit isa sa bahay na iyon ang pwedeng pumasok sa kwarto ni Virgil kahit ang mga kasambahay. Mahigpit nitong ipinagbabawal ang pagbubukas ng kahit na sino sa kwarto nito. "Inay, bakit nandoon tayo sa silid na iyon? Sinong nagpasok sa akin doon?" Linga niya sa silid habang tinutungo nila ang papuntang kusina. Isang palapag lang ang bahay na iyon na pahaba ang kabuuan. Pero dahil ang mag-ama lang ang nakatira doon kasama ang kasambahay na si Emma at ang driver na si Dolfo, para iyong nagiging haunted house lalo na sa gabi dahil sa katahimikan. "Si Virgil." "Ganoon po ba?" Kung ganoon ay hindi naman siya pinabayaan ng lalaki kanina. "Pasensya na po Inay. Natakot lang po talaga ako kanina." Tiningnan siya ng ina ng malalim. "Lagi ko namang sinasabi sa'yo hindi ba na iiwasan mong ma-nerbiyos? Parang hindi mo alam ang problema mo." "Sorry na po." Iyinapos niya dito ang isa niyang braso at humilig sa balikat nito. Hinayaan naman siya nito at iniyakap din ang isang braso sa bewang niya. Nakarating sila sa kusina sa ganoong posisyon. Matagal-tagal na rin ang lumipas nang atakihin siya ng sakit niyang iyon. Una niya iyong naranasan noong panahong nadisgrasya ang sinsakyan ng pamilya De Vera na siya ring kumitil sa buhay ng asawa ni Mr. Augusto at naging dahilan ng pagkalumpo ng ginoo. Nagkataong kasama sa sasakyan noon si Virgil na naging malubha rin ang kalagayan dahil sa mga sugat na tinamo na inakala niyang ikinamatay nito. Noong malaman nilang nadisgrasya ang sasakyan ng pamilya ay sumama siya sa kanyang Inay na pumunta sa lokasyon at ganoon na lang ang kanyang takot nang makitang halos hindi na humihinga ang noon ay kaibigan niya. Naramdaman na lang niyang naninikip ang kanyang dibdib at hindi makahinga hanggang sa tuluyan na siyang nahimatay. Dinala siya noon sa hospital kung saan din dinala ang mag-anak na De Vera. Matapos niyon ay dalawang beses na lang niyang naranasan ang ganoon at iyon ay noong high school siya. Ngayon na lang ulit nasundan. Wala namang sinabi ang doktor na dahilan ng kanyang pagkakahimatay. Ipina-test siya sa hospital ng maka-ilang beses pero wala namang findings na maaari nilang ikabahala. Ang sabi ng doktor ay nagkakaroon lang daw siya ng panic attack at pinayuhang manatiling kalmado palagi pero hindi niya iyon mapanatili... Lalo na sa tuwing may nangyayari kay Virgil. Sa apat na pagkakataon kasing nangyari sa kanya ang ganoon ay palaging si Virgil ang dahilan niyon... .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD