Chapter 5

1432 Words
"Kumusta ang eksamen niyo kanina? Nahirapan ka ba?" Tanong ng inay niya ng makadulog na silang pareho sa hapag-kainan. Katulad ng ibinilin nito ay hindi nga siya nagpunta sa malaking bahay noong araw na iyon pagkagaling niya sa school. Hindi rin naman ginabi ang inay niya dahil ayon dito ay maaga raw itong nagluto ng pagkain sa malaking bahay. Nagluto na lang din siya ng pang-hapunan nilang dalawa habang wala pa ito kanina. "Kayang-kaya Inay. Tatlong subject lang naman iyon at saka madali pa talaga 'yun dahil hindi pa naman finals." "Mabuti yan. Pagbutihan mo ang pag-aaral mo. Para sa kinabukasan mo 'yan." "Para sa kinabukasan natin, Inay. Bayaan ninyo at ilang buwan na lang. Mag-reretiro na rin kayo sa wakas." Inabot niya ang pinggan na nilalagyan nila ng kanin at nilagyan niya qng pinggan ng Inay niya. Isinunod niya rin ang iniluto niyang tinolang bangus. "Gusto ho ba ninyong magbakasyon tayo Inay kapag nakapag-trabaho na ako? Di ho ba at galing kayo ng ibang probinsya? Gusto ho ba ninyong umuwi sa probinsya ninyo para makapag-pahinga kayo?" Hindi pa man nagsisimula ang Inay niyang kumain ay nabulunan na ito kaagad. Maagap niya naabot ang basong may tubig at ibinigay iyon sa inang kaagad din namang uminom. "Inay naman. Magdahan-dahan naman kayo." "Ikaw kasing bata ka. Kung ano-anong sinasabi mo eh." "Ano bang masama kung uuwi tayo sa lugar mo? Normal lang naman yun ah." "Tigilan mo yan." "Inay naman... Sige na po. Gusto ko rin ho sana na makita yung kinalakihan niyong lugar. Hindi niyo ho ba nami-miss iyong mga kamag-anakan ninyo?" Alam niyang namatay na ang mga magulang ng Inay niya bago pa man ito lumipat ng lugar pero nagbakasakali siyang ma-engganyo niya ito sa pagbanggit ng ibang kamag-anak. "Iyong mga pinsan niyo ho." Hindi na nagsalita ang Inay niya. Gamit ang kamay nito ay dumampot ito ng pagkain at sumubo. Naghintay siyang magsalita ito muli pero nanahimik na ito ng tuluyan na nangangahulugang ayaw na nitong pag-usapan pa ang bagay na iyon. Tahimik na lang din siyang kumain habang miminsang napapatingin sa kanyang Inay. Hindi niya alam ang dahilan kung bakit ayaw bumalik ng Inay niya sa lugar nito at gustuhin man niyang ungkatin iyon ay wala namang paraan. Ang Inay niya lang ang nag-iisang nanggaling sa lugar nito. Wala itong kakilalang iba sa lugar na kinalakihan na niya. Pinilit niyang alisin sa isip ang pinag-usapan nila. Sa ibang araw na lang niya ulit babanggitin dito ang tungkol doon... kapag maayos na ulit ang mood nito. ..... Huling araw ng eksamen nina Sophia. Katulad ng mga nakaraang araw ay maaga siyang umaalis sa bahay nila upang hindi siya mahuli sa kanyang klase. Noong araw na iyon ay tanghali ang pasok niya at may dalawang subject sila. Pero dahil exam naman ay ipinaalam niya sa kanyang Inay na maaga pa rin siyang makakauwi. Sinadya niya ito sa malaking bahay dahil naroon na ito noong oras ng alis niya. "Mainit ngayon. Gusto mo bang ihatid kita doon sa sakayan ng tricyle?" Nasa may kusina sila kung saan niya naabutan ang ina. "Huwag na ho. May payong naman ako. Nagpaalam lang po ako." "O sige. Mag-iingat ka. Huwag kang magpapahapon mamaya. Dumiritso ka na sa bahay pag-uwi mo." "Opo." Lumakad na siya palabas ng kusina pero napatigil din siya ng sumulpot sa pinto si Mr. Augusto na nakasakay sa wheelchair nito. Suot ang makapal nitong salamin ay ngumiti ito kaagad sa kanya at tumigil. "Sabi ko na at narito ka. Papasok ka pa lang ba?" "Opo. Paalis pa lang ho ako." "Mainit ngayon." Luminga ito sa may labas ng bintana malapit sa kinaroroonan ng Inay niya. "Teka lang at ipapahatid kita kay Dolfo. Dito ka lang muna." "Ay huwag na ho, Mr. Augusto. Kaya ko naman hong lakarin yung hanggang sa sakayan eh." "Alam ko naman yun. Pero napakainit ng panahon ngayon. Hindi mo ba nakikita at tirik na tirik ang araw. Teka lang." Umiling siya. Si Virgil ang naisip niya. Kapag walang pinupuntuhan ang ama nito ay si Virgil ang ipinagmamaneho ng driver nito kaya alam niyang paalis na rin siguro ang lalaki sa mga oras na iyon. "Huwag na ho..." May halong pakiusap niya. Tumingin rin siya sa kanyang Inay upang magpatulong dito. Alam nito ang tahimik nilang hindi pagkakaunawaan ni Virgil. "H-hayaan niyo na ho Mr. Augusto... at kaya naman ni Sophia na lumakad hanggang sa sakayan." Tumingin muli sa kanya ang ginoo matapos nitong tingnan ang kanyang Inay. "Hindi. Mainit ngayon. Hanggang umabot ka sa sakayan ay siguradong pawis na pawis ka na. Dito ka muna at sadabihan ko si Dolfo." Pinal nitong wika sabay alis ulit. Hindi niya tuloy alam kung anong hitsura ang meron siya. Para siyang batang napasimangot at parang natalo sa laro. "Inay-" Lumapit ang Inay niya sa kanya at maya-maya ay sumilip sa pintong nilabasan ng amo nito. "Ayaw mo ba talagang magpahatid?" Linga nito. "Ayaw po. Siguradong kasama niyan si Virgil eh." Sinenyasan siya nitong lumapit dito. "O sige na... habang wala pa. Sasabihin ko na lang na hindi ka na nakapag-hintay. Halika at ihahatid kita sa labas." Binilisan niya ang paglakad kasunod ang ina palabas ng kusina papunta sa likod bahay. Doon nalang siya lulusot papuntang harapan ng bahay at pabalik sa bahay nila para doon na lang niya bagtasin ang maliit na daan papuntang kalsada. Kumaway na siya sa kanyang pagkalabas niya ng kusina at hindi na ito pinasunod sa labas. Dahil walang nakapaligid na bakod sa buong bahay ay mas madaling lumusot palabas. Ang hindi lang madali ay kapag may nakakita sa kanya pero dahil nasa kabilang banda naman ng bahay ang bukas na garahian ng mga sasakyan kaya kampante siyang walang taong makakakita roon sa kanya lalo na si Mr. Augusto o si Kuya Dolfo. Pasilip-silip siya sa kanyang likuran habang paisa-isa ang hakbang. Ang maliliit na daanan sa paligid ng bahay ay napapaligiran lang ng mga bermuda grass kaya wala siyang pwedeng pagtaguan kung sakali. Tanging ang pag-iwas lang sa kahit na sinong tao ang makakapagligtas sa kanya mula sa pagkakasama kay Virgil sa isang sasakyan papasok ng eskwelahan. "Sophia!" Kagyat siyang napatigil at napatingin sa pinanggalingan ng matinis na boses. Si Emma iyon na nagsasampay ng mga ginamit nitong basahan sa di kalayuan. Kaagad niya itong sinenyasan na huwag maingay pero hindi yata nito naintindihan ang ginawa niya dahil nagtanong pa ito. "Ano 'yun!?" "Huwag kang maingay!" Mahina niyang pagsigaw at iniligay ang hintuturo sa bibig. Noon naman ito nagsara ng bibig at luminga rin sa paligid. "Sinong iniiwasan mo?!" Muling sigaw nito maya-maya. "Ay..." Siya na ang napatakip sa sarili niyang bibig dahil sa ingay ng kaibigan. Paglinga niya sa unahan ay nakita na rin niya doon si Kuya Dolfo kasabay si Virgil na sukbit na rin ang bag at tila mainit ang ulo. Tumigil ang mga ito at masama ang hilatsa ng mukhang nagtanong sa kanya si Virgil. "Anong ginagawa mo diyan?" Tiningnan nito ang pinanggalingan niya. "Para kang magnanakaw sa ginagawa mo." Nagbaba siya ng tingin. Sa bahay na iyon ay wala siyang karapatang sumagot dito bagaman at sa labas ay kahit papaano, nakakapangatwiran siya sa mga sinasabi nito. "Pa-espesyal ka pa. Ipinapahanap ka sa amin ng Papa dahil kailangan ka raw namin maisabay. Bakit ano ka ba?" Maanghang nitong tanong. Kumibot-kibot ang bibig niya upang mangatwiran dito pero sa huli ay hindi niya rin nagawa. Nanatili siyang nakababa ang ulo. "Kung gusto mong makisabay hindi mo na kailangang magpaawa sa ama ko. Naiintindihan mo ba?" "S-sorry po." Aniyang hindi nagustuhan ang huling narinig. "Hindi ko po gustong sumabay. Mauna na kayo." Nakita niya ang paghakbang paalis ni Virgil pero naiwan si Dolfo doon sa kinatatayuan nito. Nang tuluyang makalayo ang una ay saka nagsalita ang driver at saka lang din siya nakapagtaas ng tingin. "Pagpasensyahan mo na at napagalitan ni Mr. Augusto kaya sa'yo na naman uminit ang ulo. Isabay raw kita sa eskwelahan. Halika." Ngumiti siya rito. "Huwag na ho. Kaya ko naman hong maglakad papunta sa sakayan ng tricycle. Sige na po, alis na kayo." "Mapapagalitan ako ni Mr. Augusto kapag nalaman ito. Halika na." "Huwag ho kayong mag-alala. Wala ho akong sasabihin. Sige na po." Nang mapagtanto ng driver na pinal ang desisyon niya ay lumakad na ito paalis. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa lumiko ito papunta sa kabilang bahagi ng bahay kung saan nakaparada ang mga sasakyan. Noon din ay nagmadali siyang lumakad pabalik sa bahay nila. Habang daan ay pinahid niya ang luhang bumagsak sa kanyang pisngi dahil sa naramdamang sakit mula sa mga salita ni Virgil na parang echo na umulit-ulit sa kanyang pandinig. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD