"Stupido! Paano kong ipamamahala sa'yo itong negosyo natin kung simpleng score mo sa eksaminasyon ninyo ay hindi mo maayos!"
Napatigil si Sophia sa pagbibitbit ng dalang tray ng meryenda papuntang study room ni Mr. Augusto. Araw iyon ng sabado at wala siyang pasok sa paaralan. Sa mga ganoong araw ay madalas siyang naroon sa malaking bahay upang tulungan ang Inay niya ng mga simpleng gawain katulad ng pagpupunas-punas ng mga muwebles, pag-huhugas ng pinggan, pagtutupi ng mga sinampay, at kung ano-ano pa. Kanina ay nakita siya ni Mr. Augusto habang pinupunasan niya ang mga muwebles sa salas. Pinapatigil siya nito sa paglilinis pero dahil nagpumilit siyang ituloy iyon ay inutusan na lang siya nitong maghatid ng meryenda sa study room na opisina rin nito.
"Nakakahiya ka! Hindi mo ba alam na para lang maituloy mo yang pag-aaral mo diyan sa eskwelahan mo ay hindi lang kakarampot na pera ang naibibigay ko sa kanila? Hinihintay mo bang mamulubi pa tayo para lang maayos mo yang pag-aaral mo?!"
Napalunok siya ng laway at medyo nanginig ang kanyang mga tuhod sa mga salitang naririnig mula sa amo ng Inay niya. Kahit na makapal ang pintuan ay dinig na dinig na iyon. Hindi man niya nakikita ang sinisigawan ng ginoo ay nakikini-kinita na niya ang hitsura ni Virgil. Kahit na nagpapakita ito ng katapangan sa kanya ay alam niyang pagdating sa ama nito ay wala itong maipangatwiran. Palagi itong parang basang sisiw kapag ang ama na nito ang kausap nito.
"Are you losing your mind? Ganito ka na ba kabobo para umiskor ng trenta sa eksaminasyon ninyo?"
Napasinghap siya. May kung anong karayom ang tumusok-tusok sa puso niya nang marinig ang mga salitang iyon.
"Or are you just doing it on purpose!?" Hindi niya alam kung aatras siya o itutuloy ang paghahatid ng pagkain. Hindi naman kasi niya akalaing naroon sa bahay si Virgil sa mga oras na iyon. Kaya nga siya naroon kapag Sabado dahil alam niyang nasa farm ito sa mga ganoong araw at umaasiste sa pag-aalaga ng mga kabayo.
Ilang sandaling katahimikan ang namayani bago niya muling narinig si Mr. Augusto. "Huwag mong ayusin ang buhay mo at makikita mong wala kang makukuha sa akin kahit isang kusing! Ni mag-alaga ng hayop ay hindi ko ipagkakatiwala sa'yo kung ganyang utak ang ipapakita mo sa akin!"
Kahit na hindi siya ang pinaparinggan ng mga salitang iyon ay nadurog niyon ang puso niya. Nakagat niya ang kanyang labi nang maramdamang uminit ang kanyang mga mata.
"Lumayas ka sa harapan ko at huwag ka munang magpapakita sa akin! Magpasalamat ka at pinapakain pa rin kita hanggang ngayon!"
Gustuhin man niyang magmadaling umalis sa labas ng silid ay hindi niya nagawa. Tamang-tama lang na nakatalikod siya sa pinto at nakaka-isang hakbang pa lamang ay narinig na niya ang pagbubukas ng pintuan sa likuran niya. Hindi na niya kailang sinuhin ang iniluwa niyon dahil makaraan lang ang ilang sandali ay lumagpas sa kanya ang binatang nagmamadali sa paglakad paalis sa silid na iyon.
Durog ang pusong sinundan niya ito ng tingin hanggang sa pumasok ito sa sarili nitong silid na malakas ang balyang nagsara. Bahagya pa siyang nagulat doon.
Sa buong sandali na nasa loob ng study room si Virgil at naririnig niyang nagsasalita si Mr. Augusto ay hindi niya narinig na nagsalita ang binata. Hindi niya alam kung anong reaksyon nito sa mga sinabi ng ama pero alam niyang nasaktan ito ng sobra-sobra. Siya nga ay nakakaramdam ng sakit para sa binata, ano pa kaya ang nararamdaman nito? Kahit sino siguro ay madudurog ang puso lalo na kung sa magulang nanggaling ang mga salitang iyon.
"Kanina ka pa ba diyan?" Mula sa likod niya ay narinig niya ang boses ng amo ng Inay niya. Kinakabahang lumingon siya dito.
"Pa-pasensya na ho. Hindi ko pa sadyang ma-marinig ang pag-uusap ninyo ni Virgil."
Huminga ng malalim ang ginoong nakasakay sa wheelchair nito at tumingin sa malayong silid na pinasukan ng anak pagkatapos ay umiling.
"Yung meryenda na ba iyan? Halika muna at tulungan mo akong ilagag 'yan sa lamesa." Kung kanina ay puno ng galit ang narinig niya sa boses ng ginoo, ngayon ay tila napalis lang iyon bigla sa pakikipag-usap sa kanya. Siguro ay dahil anak siya ng kasambahay nito at matagal na nitong kasambahay ang Inay niya kaya pati sa kanya ay mabait rin ito. Lihim niya tuloy inasam na sana ay ganoon din ang tono nito kapag kinakausap ang anak na hindi naman niya maisantinig dahil sa takot dito.
"Aalis na po ako, Mr. Augusto. Nasa kusina lang po kami ni Inay kung may kailangan kayo." Paalam niya matapos niyang ilagay ang isang baso ng juice at isang platito ng pansit sa isang panig ng lamesang napapatungan rin ng mga papeles.
"May iba ka bang gagawin?" Mula sa likod ng lamesa ay tanong nito.
"Wala naman po. Tutulungan ko lang po ang Inay. Wala naman po akong pasok sa eskwela."
Isang malalim na paghinga ang muli niyang narinig mula dito na sumandal sa inuupuan. Timingin ito ng mataman sa kanya at nagtanong. "Anong ginagawa ni Virgil sa eskwela ninyo?"
Tumingin lang siya sa ginoo. Hindi niya alam kung ano ang ibig ipakahulugan nito.
"Pumapasok naman siya sa eakwela ninyo, hindi ba?"
"Opo."
"Mababa ang mga markang nakuha ng kaibigan mo. Alam mo ba?"
Nagbaba siya ng tingin. Hindi niya lang maitama ang sinabi nitong kaibigan niya ang anak nito dahil alam niyang hindi na siya itinuturing nitong kabigan kung pagbabasehan ang trato nito sa kanya, maliban pa roon ay alam niya rin ang gradong nakuha ni Virgil sa exams nila dahil sinabi na ang mga grades nila para sa prelims.
"Alam mo ba ang nangyayari sa kaibigan mong iyon?"
Umiling siya.
"Sabagay. Palagi naman iyong ganito." Kinuha nito ang isang test booklet mula sa magkakapatong na mga papeles at naiiling na tiningnan ang nakasulat roon. "Tingnan mo itong resulta ng exam niyo sa isang subject. Out of one hundred, trenta lang ang nakuha niya? Anong klase 'to? Kung hindi lang siguro sa laki ng naido-donate ko sa eskwelahan ninyo, maaring natanggal na iyang si Virgil. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa batang iyan."
Tinanggal niya ang nakabara sa kanyang lalamunan. Kahit na parating galit sa kanya ang binata ay naroon ang kagustuhan niyang hindi na lumalim pa ang galit ng ama nito sa binata.
"Sinabi rin ng administrator sa akin ang mga grado mo." Pabalibag nitong ibinalik sa kinalalagyan kanina ang test booklet. "Kung mayroon mang isang bagay na kahit paano ay nakabawas sa panliliit ko, iyon ay ang mga grado mo. Your mother must be proud of you."
"Salamat ho." Tanging nasambit na lang niya. Hindi na niya alam kung papaano isisingit ang tungkol sa pagtatanggol niya kay Virgil.
"You know what? May naisip ako. You know that I am not getting any younger anymore..." Pambibitin ng ginoo sa sasabihin nito.
Nagtaas siya dito ng tingin at hinintay itong dugtungan iyon.
"Wala ka pa namang naaaplayan na trabaho, hindi ba?"
"Wala pa po."
"Good..." Tumango-tango ito at ngumiti ng malapad.
"I am thinking... Do you want to work for me?"
Napatingin siya sa paligid nila. "Dito po sa bahay niyo?"
Natawa ito. "Basically yes. Dito nga sa bahay pero huwag kang mag-alala... Sa farm business kita gustong magtrabaho. What do you think?"
"Totoo po?" Kasabay ng gulat ay napangiti na rin siya. Napag-iisipan niya rin iyon at ang totoo ay pangarap niya ang magtrabaho sa farm business ng amo ng Inay niya tapos ngayon ay ito pa mismo ang nag-alok ng trabaho sa kanya. "Ano po bang trabaho? Secretary po ba? Pero di ho ba may Secretary na kayo? Paano na po si Ate Ting?"
"Magaling na ang Secretary ko pero kailangan ko ng management trainee. What do you think?"
Tila bigla siyang pinawisan sa inalok nito sa kanya pero ang anak nito ang naisip niya. "Si Virgil po?"
Umiling ito.
"Salamat po sa alok. Pag-iisipan ko ho." Pagkatapos niyon ay nagpaalam na siyang lalabas na. "Babalik na ho ako sa kusina."
Si Virgil dapat ang inaalok nito ng ganoong posisyon. Paano na lang ang binata kung siya ang magiging trainee ni Mr. Augusto?
Habang naglalakad palayo roon ay mas lalo siyang nakaramdam ng awa sa binata. Hindi niya yata kayang agawin ang posisyong dapat ay para dito para lang mabuo ang pangarap niya.
.....