N A N G . . . tuluyan akong makalabas ng gate ay doon ako nakahinga ng maluwag. Mabuti na lang at matagumpay naman akong nakalabas nang hindi nadadapa.
Unti-unti ko nang binabagal ang paghakbang ko dahil alam ko namang wala nang nakatingin sa akin.
Tiningala ko ang mayayabong na puno na nagbibigay lilim sa dinadaanan ko. Maraming bagay na ang nagbago sa San Mateo, pero mayroon pa rin talagang mga nananatiling pareho mula noon hanggang ngayon. Tulad ng mga punong ito, kung saan paborito naming maglaro ng patintero at habulan noong mga bata pa kami.
Napangiti ako nang bigla ay tila narinig ko ang malulutong naming halakhak nina Macey, Kuya at Primo habang kalaro ang iba pang mga bata. Hanggang doon lang kasi kami pwede at hindi na pwedeng mas malayo pa sa bahay dahil kung hindi ay palo ang aabutin namin kay Mama. Doon lang daw kasi ang malilim kaya hindi kami bilad sa arawan at isa pa ay tanaw iyon mula sa bakuran namin.
Sa kakabaliktanaw ko ay hindi ko na namalayang nakarating na pala ako sa bahay. Hinalungkat ko ang bag ko para hanapin ang susi ng gate pero hindi ko iyon nakita sa usual na bulsang pinaglalagyan ko.
“Asan na ‘yon?”, bulong ko habang nagkakalkal sa loob ng bag ko.
“Need help?”,
Agad akong napaangat ng tingin sa gulat nang biglang may magsalita.
“Iñigo...”, tawag ko sa pangalan nito at sinundan iyon ng ngiti.
“Hi”, nakangiti rin nitong bati.
Umayos ako ng tayo at pasimpleng inayos ang buhok kong halos tumakip na sa mukha ko dahil sa kakakalkal ko sa loob ng bag ko.
Imbes na lumapit sa akin ay tinungo nito ang trunk ng kotse nito at may kinuha ba kung ano mula roon.
Bitbit ang ilang paper bags ay malapad ang ngiting nilapitan ako nito.
“Napadaan ka?”, tanong ko.
“Uhh, napag-utusan”,
“Huh? Nino?”,
Itinaas nito ang mga dalang paper bags.
“Si Clang?”, anito habang sumisilip sa direksyon ng bahay.
Napakunot ako ng noo sa pagtataka.
“Si Clang? Uhhh wala, umuwi sa kanila, birthday ng nanay niya kahapon”, sagot ko naman.
“Ohhh”, tumatango-tango nitong sabi.
Nalipat ang tingin ko sa paper bag na dala nito.
“Oh, yeah. These are for Clang”,
Awtomatikong napataas ang kilay ko. Tama ba ang narinig ko? Para kay Clang ang mga dala nito? I mean not that affected ako, pero hindi ko lang kasi alam na gan’on na sila kaclose.
“No, no, these aren’t from me”, natatawa nitong dipensa sa sarili nang marahil ay makita ang naging reaksyon ko.
“Eh kanino?”, tanong ko.
“Sa pinsan ko. Apparently, schoolmates sila n’ong elementary till highschool. Nabanggit ko lang sa pinsan ko minsan n’ong pinag-uusapan ka namin, na may bestfriend kang Clang ang name. So long story short, ‘yon na nga, napag-alaman niya na si Clang is the same Clang he had a big crush on way back his elementary days. So here I am”, mahaba nitong paliwanag.
“Eh bakit ikaw ang nagdala? Hindi ba dapat kasama mo ang pinsan mo kung talagang siya naman ang may sadya kay Clang?”
“His not in the country at the moment. Business trip. Rascal couldn’t wait, panay ang kulit sa ‘kin na ibigay ko ang mga regalo niya kay Clang para daw pag uwi niya diretso na siya aakyat ng ligaw”
Hindi ko mapigilang matawa.
“I know, what a weirdo right?”, natatawa rin nitong komento.
“Sorry, sorry. Naisip ko lang kasi bigla ang magiging reaksyon ni Clang kapag narinig niya ‘yan. Sorry, hindi ko sinasadyang pagtawanan ang pinsan mo”, palusot ko kahit na ang totoo ay natawa talaga ako dahil sa weirdo nitong rason.
“No it’s okay. Sinabi ko naman sa kanya na creepy siya. But what can I do, he’s one of my biggest investors. Hindi ako pwedeng magreklamo at baga biglang bawiin ang investment niya”,
Kapwa kami natawa lalo sa mga tinuran niya.
“Teacher!!!”,
Sabay kaming napalingon ni Iñigo sa pinagmulan ng malakas na sigaw.
Napamulagat ako nang makita ko si Talia na halos nakalabas na ang kahalati ng katawan sa bintana ng kotseng kinalulunaran nito, habang buong siglang kumakaway. Kumaway rin si Janice na nakaupo sa passenger seat samantalang si Primo na siyang nasa harap ng manibela ay nakakunot lang ang noo at mukhang hindi gusto ang nangyayari.
Bago pa ako makapagsalita ay nakita kong may itinaas na kung anong makinang na bagay si Janice at bahagya pang inalog iyon.
Nag-excuse ako kay Iñigo at nagpasyang lapitan na lang ang mga ito para na rin alamin ang pakay nila.
“Hi Mia, sorry kung nakaistorbo kami”, sabi agad ni Janice nang makalapit ako.
“Naku hindi ah...uhm, napadaan kayo?”,
“Oh, yes, we came to give you this”, anito sabay abot ng kumpol ng susi sa akin.
Iyon ang susing hinahanap ko kanina pa.
“Talia found it in the study. Nakalimutan mo siguro”, dagdag pa nito.
“Ay oo, naku salamat ah. Buti na lang sa bahay niyo ko pala naiwan, baka kung hindi dito ako matutulog sa labas Salamat talaga”, sabi ko.
“Thank you Talia”, baling ko pa sa bagets nakadungaw pa rin sa bintana sa bandang likuran ng kotse.
“You’re welcome po”, sagot naman ng bata.
“Just be mindful minsan Mia ha, baka sa susunod kung saan mo maiwan ang susi ng bahay niyo tapos mapulot ng masamang loob”, nakangiting paalala ni Janice.
“S-Salamat ulit”, sabi ko na lang sabay sumulyap ng pasimple kay Primo na kanina pa bumubuntong hininga at halatang inis na.
Siguro ay nainis ito na naabala pa sila sa pagdaan para ibalik ang susi ko. Ayaw pa naman nito ng nali-late sa mga appointments.
“A-Ah s-sige, hindi ko na kayo aabalahin. Baka ma-late kayo lalo, naabala ko na nga kayo dahil sa susi ko, sorry”, sabi ko na lang.
“Ano ka ba, wala ‘yon no. Tsaka isa pa, mukhang kami nga ang nakaabala sa inyo e”, tila may panunuksong tugon naman ni Ms Kabute sabay tingin sa gawi ni Iñigo.
“Naku h-hindi, hindi....”, alangan kong sagot nang makuha ang pinapahiwatig ng babae.
Hindi ko maiwasang mapatingin kay Primo. Pero bukod sa nakabusangot nitong mukha ay wala nang iba pang reaksyon ang mababasa dito.
Magpapaliwanag ba ako? Pero bakit ako magpapaliwanag? Ano ba kami? Di ba move on naman na siya?, mabilis kong tanong isip.
“Hmmm, kaya pala ayaw mong ihatid ka namin kanina ah, may naghihintay pala sa’yo”, patuloy na panunukso ni Janice.
“Naku hindi ah! Hindi ko alam na nandito siya”, defensive kong tugon.
“Ohhh,... a man full of suprises! Mukhang he really likes you, what do you think babe?”, anito sabay baling kay Primo.
“I don’t know about that. Ang lalaki kapag seryoso sa’yo, sa loob ng bahay niyo ka liligawan, hindi sa kalsada”, yamot na sagot naman ng huli.
Wait lang, so sinasabi ba ng unggoy na ‘to na hindi ako kaseryo-seryoso dahil nagpapaligaw ako sa kalsada???, sabi ko sa isip.
“Papasok naman talaga kami, hindi ko lang makita ‘yong susi ko. Naiwan ko pala sa inyo, kaya salamat”, kaagad kong sagot.
Kunot ang noo na nilingon ako nito.
“Bakit kailangan mo ng susi para makapasok? Asan si Tito Caloy?”, tanong nito.
“Nakina Kuya”,
“Magdamag?”,
Napakunot ako ng noo dahil talo pa nito ang detective na nag-iimbestiga ng krimen kung makapagtanong.
“O-Oo,”,
Nagpakawala ito ng marahas na hangin.
“And your sister?”, tanong ulit nito.
“Uhm... bukas pa ng umaga ang labas n’on sa trabaho”,
Muli itong bumuga ng marahas na hangin at naisuklay pa ang kamay sa buhok niya.
“So you’re saying, na kapag pumasok kayo eh kayong dalawa lang ang nand’yan?”,
Nagtataka man ay tumango na lang ako dahil totoo naman. Wala naman talaga dito si Papa at si Macey naman ay bukas pa ng umaga ang uwi.
Kung hindi lang nito kasama ang girlfriend nito ay iisipin ko sanang nagseselos ito, but of course, imposible iyon.
“Is...there a problem, babe?”, tila nagtataka ring napatanong tuloy ang kasama nitong babae.
“Oo nga sir, may...may problema po ba?”, tanong ko rin.
Pinukol ako nito ng masamang tingin pero agad ding nito iyong iniiwas sa ibang direksyon.
“Nothing. I guess sanay na si Ms. Alcantara sa ganyang kung sino-sinong lalaki ang pinapatuloy sa bahay niya”, may pang-uuyam nitong sagot.
Parang ice pick na tumusok sa puso ko ang mga salitang binitiwan nito. Hindi ako nakaimik.
“Primo! Naririnig ka ng anak mo! Teacher pa rin siya ni Talia, baka nakakalimutan mo”, mariin ngunit halos pabulong na saway nj Janice rito.
Gusto ko pa sanang magsalita pero hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Napabuntong hininga na lang din ako.
Hindi na rin umimik pa si Primo pero halatang inis pa rin ito.
“A-Ahm...u-una na kami Mia. Pasensya ka na ah. I just really want to give you your keys back, I’m sorry for all these”, mukhang sincere namang paghingi ng paumahin pa ng huli.
Pilit na lang akong ngumiti at tumango.
Hanggang sa tuluyang magsara ang tinted window ng kotse ay patuloy ang paghingi ni Janice ng sorry sa akin. Ano pa nga ba ang magagawa ko kundi pilit na panatilihin ang ngiti ko.
Umatras ako para bigyang daan ang pagmamaniobra nito. Inihatid ko na lamang ng tingin ang kotse ng mga ito tsaka bagsak ang balikat na pumihit na rin para buksan ang gate namin.
“Mia, are you okay?”, tanong ni Iñigo na patakbong lumapit sa akin.
Medyo nagulat pa nga ako dahil muntik ko nang makalimutang na nandoon pa pala ito.
“O-Oo...ahm, ‘lika pasok ka”, sabi ko at nagpatiuna nang pumasok.
Hanggang sa makapasok ako sa loob ng bahay ay hindi ko maalis sa isip ko ang ekspresyon ng mukha ni Primo pati ang tono ng pananalita nito. At the more na iniisip ko ay unti-unting umaaahon ang inis sa loob ko.
“Teka lang naman, bakit parang siya pa ang galit? Eh siya nga itong nagkarelasyon agad-agad eh, ako all this time siya lang ang lalaki sa buhay ko, siya kung sino-sino na ang syinota niya, nagkaanak pa siya, tapos kung makapangbintang akala mo siya pa ang agrabyado???”, inis na sabi ko habang kausap ang sarili.
“Hmmm yeah, that does sound too unfair”,
Halos mapaiktad ako sa gulat sa biglang nagsalita sa likuran ko. Sa pangalawang pagkakataon ay nakalimutan kong may kasama pala ako.
“I’ll just leave these here and go. Mukhang mas kailangan mong mag-isa ngayon”, natatawa nitong sabi nang makita ang ekspresyon ko ng pagkagulat.
Walang imik ko itong pinanood habang nilalapag ang mga paper bag sa center table at diretsong tinungo ang pinto para lumabas. Ngunit wala pang dalawang segundo ay muli itong bumalik.
“Uhhhh piece of advice, most of the time men are complete idiots when expressing their real feelings. But that does not mean you have to put up with it. Tandaan mo, importante ka rin”, anito at tuluyan nang umalis bago pa ako makapagreact.
Ilang sandali pa ay narinig ko na ang papalayong tunog ng sasakyan nito.
Minabuti kong isara na lang ang pinto at pumanhik na sa kwarto para magpalit ng pambahay.
Pagkatapos kong kumain ng hapunan ay hinarap ko ang mga trabahong kailangan kong tapusin at sinimulan na rin ang mga pwede kong magawa para sa susunod na linggo. Iyon ang paraan ko para wag nang mag-isip ng kung anong bagay na wala namang kwenta.
Nang matapos ko ang huling bahagi ng sinusulat ko ay nag-inat ako para tanggaling ang mga pananakit ng katawan dala ng mahabang pagyuko at pagsusulat.
Sumulyap ako sa wall clock at napag-alamangang lampas alas dose na pala ng hating gabi. Kaya pala nakaramdam na ako ng antok. Kinusot-kusot ko ang mata ko dahil medyo sumakit iyon sa magkahalong pagod at antok.
Tumayo ako para lumabas at i-lock ang gate at pinto.
Saktong pagkalabas na pagkalabas ko ay narinig ko ang tunog ng pagbuhay ng makina ng kotse at sinundan ng mabilis na pag-arangkada niyon palayo.
Napadukwang pa ako sa gate para sana habulin iyon ng tingin pero tanging puwitan na lang ng papalikong kotse ang nakita ko hanggang sa tuluyan na iyong maglaho.
Napakunot ako ng noo, parang pamilyar ang itsura ng puwitan ng kotseng iyon.
Nagkibit balikat na lang ako at mabilis na ini-lock ang gate tsaka pumasok na rin at ini-lock mga pinto at bintana.