“D O . . . you have any questions for me today, Talia?”, tanong ko matapos kong itiklop ang lesson plan ko.
Umiling ito sabay humikab at nag-inat.
“Mukhang napuyat ka ah”, nakangiti kong komento.
“What’s napuyat, Teacher?”,
“Napuyat. You slept later than your usual bedtime. Thus, you feel tired and weak upon waking up”,
“Oh. Yeah, I’m napuyat talaga Teacher”, sagot nito at muling humikab.
Natawa naman ako sa ka-cute-tan ng batang ito.
“Bakit ka ba kasi nagpuyat? Ano bang ginawa mo?”, tanong ko habang sinisimulang isilid ang mga gamit ko sa bag ko.
“After we had dinner yesterday, Tita Janice wanted to go and play in the arcade so we did. We played aaaallll afternoon and then when we came home, we baked some cookies ‘cause they’re my favorite. Daddy didn’t want to pa nga eh ‘cause he said Tita Janice is spoiling me too much, but in the end, Tita Janice and I won. But I got too tired and slept late too, so now I’m napuyat”, tuloy-tuloy na kwento ng madaldal na bata.
Magsisinungaling ako kung sasabihin kong ayos lang ako sa mga narinig. Mukhang nag-enjoy ito sa family day nila kahapon. Nag-enjoy din kaya ang tatay nito?
May kung anong parang dumagan sa dibdib ko at bigla iyong bumigat.
Ipinilig ko ang ulo para alisin ang isipin iyon sa akin.
“Teacher?”, untag ni Talia sa akin.
“A-Ah? Ano ‘yon?”
“Are you napuyat also Teacher Mia?”,
“Huh? H-Hindi... aga-aga ko nga natulog eh”, mabilis konh pagkakaila kahit na ang totoo ay halos hindi din ako nakatulog kagabi sa kakaisip kung ano na kaya ang ginagawa nina Miss Kabute at Primo.
“Ha?”,
“A-Ah... sabi ko... no, I’m not napuyat, actually, I slept early”
“Then why do you seem tired and sleepy?”, pilit na pang-uusisa pa ng bata.
Napahawak tuloy ako sa pisngi ko.
“Mukha ba akong haggard?”, wala sa loob kong tanong.
O eh ano naman ngayong haggard ka Maria Isabella, aber? Me pinagpapagandahan ka? Ha? Ha?, kastigo ko sa sarili.
Napatingin ako sa pinto nang may kumatok doon. Saglit akong naghintay pero hindi iyon bumukas. Bagkus ay sinundan pa iyon ng isa pang katok.
“Pasok!”, malakas kong sabi.
Bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Manang Fely.
“Naku Mia, pasensya ka na ah, naistorbo ko ba ang klase n’yo?”, tanong agad ng matanda.
“Hindi po Manang Fely, actually tapos na nga po kami eh, tinatanong ko na lang ‘tong si Talia if she still has some questions for me”, sagot ko naman sabay baling sa huli.
Umiling naman ang bata bilang sagot.
“Okay then, I’ll see you on Monday, okay?”,
“Okay Teacher”,
Napangiti ako tsaka marahang inayos ang buhok nito.
“Ah, o, kung gan’on pupwede ko na bang mahiram si Talia?”, maya-maya ay sabi ulit ng nakatatandang babae.
Tumango naman ako bilang sagot.
“Talia, let’s go. Yor dadi is wayting”, ani manang na halatang medyo asiwa sa wikang ingles.
“My dad? Are we going somewhere po?”,
“A-Ah eh... I don’t know...a-ah...naku, Mia ikaw na nga magsabi sa batang ‘to, hinihintay ‘ka mo siya ng daddy niya at kakain daw sila sa labas kasama ang Tita Janice at Lola niya”, baling ni Manang sa akin.
Medyo natigilan ako. So meet the family na agad???, sabi ko sa isip.
“Mia?” untag ni Manang sa akin.
“P-Po?”
“Ayos ka lang ba?”
“O-Opo... ahm, Talia, you’re going out for dinner with your dad, your lola and... y-your Tita Janice. You’re dad’s waiting for your downstairs”, sabi ko sa bata.
Agad na nagliwanag ang mukha nito at halos tumalon papatayo.
“Yehey! See you on Monday, Teacher! Bye!”, pagmamadali pa nito at tuloy-tuloy na lumabas ng silid.
Pero mga tatlong segundo ay muli itong bumalik.
“Teacher, if you want I can ask daddy to call Tito Nick”, hirit pa nito.
“For what?”
“To take you out on a date too, so that on Monday we can talk about my date with dad and Tita Janice and lola, and your date with Tito Nick”,
Nagkatinginan kami ni Manang Fely.
“A-Ah, i-ikaw talagang bata ka, sige na, go ahead, don’t keep your dad waiting”, tangi kong nasabi.
“Okaaaayyy”, sagot naman ng bagets at tuluyan nang umalis.
“Naku, batang iyon, Talia! Baka mahulog ka sa hagdan! Dahan-dahan!”, pahabol na sigaw ni Manang Fely.
“Batang iyon talaga, hindi man lang nakuha ang pinong galaw ng tatay niya noon. Si Primo noon, kahit bata pa ay parang matanda na kung umasta, pino... Samantalang itong si Talia, kung paanong parang pinagbiyak na bunga ng niyog ang mukha at ng tatay niya, ay siya namang kabaliktaran ng ugali. Napakagaslaw!”, mahabang litaniya ng matanda.
“Alam mo kung sino ang naaalala ko kay Talia?”, anito sabay baling sa akin.
“Ikaw!”, dugtong pa nito sabay tawa.
Pinili kong huwag nang magkomento dahil baka kung saan pa mapumta ang pagbabalik tanaw ni Manang. Nagsimula na lang akong magligpit ng mga gamit ko para makauwi na.
“Naaalala mo pa ba? Iyong isang beses na nadaanan ka namin ni Primo naglalakad ka pauwi, tapos puro putik ‘yong sapatos at palda mo? Umuulan n’on, tapos n’ong tinanong kita kung bakit puro ka putik sabi mo nagmamadali ka kasing umuwi dahil marami kang aaralin para sa exam n’yo kaya nadulas ka”,
Habang nagkukwento si Manang ay hindi ko naman maiwasang maalala din ang sandaling iyon. Napangiti ako.
“Tapos bumaba si Primo mula sa kotse, walang ni bahid ng putik ang sapatos. Pati nga po pagbukas niya ng payong ‘kala mo prinsesa at napakaingat. Samantalang ako parang putik na nahaluan ng Mia”, natatawa ko ring dugtong.
Tumawa rin si Manang Fely.
“Hay naku, kung wala lang akong alam, kung hindi ko lang kayo kilala, iisipin kong ikaw ang nanay ni Talia. Kay Primo kumuha ng mukha pero sayo ang gawi at ugali. Ikaw na ikaw ang kagaslawan!”,
Natigilan ako sa sinabing nitong iyon.
Nang marahil ay mapagtanto nito ang sinabi ay unti-unti ring namatay ang tawa nito at tumahimik.
“N-Naku, M-Mia... pasensya ka na ah, sumobra na naman itong bibig ko. Pagpasensyahan mo na ang Mang Fely mo, tumatanda na talaga”, alangan nitong sabi.
Pilit akong ngumiti at umiling.
“Okay lang po”, sagot ko at tinapos na ang pagliligpit.
Isinukbit ko na ang bag ko at binitbit ang ilang folders na hindi nagkasya doon.
“Mia, iha...”, maya-maya ay sabi nito habang may tila nakikisimpatiyang tingin.
“Kung nahihirapan ka na na makita siya....”, huminto ito, hindi ko alam kung dahil ba hindi lang nito alam kung paano itutuloy ang sinasabi o dahil hindi nito alam ang dapat sabihin.
Nagkunwari na lang akong tumatawa para pagaanin ang usapan.
“Si Manang talaga oo, kakabasa niyo po ‘yan ng pocketbook, kung ano-ano pa tuloy naiisip niyo”, kunwa’y biro ko.
“Pero Mia---”
“Okay na po ako. Wag na po kayong mag-alala. Tsaka past is past na po di ba? Tagal na n’on! Okay na po ako, promise”, nakangiti ko pang putol sa sasabihin pa sana nito.
“Pa’no po, mauna na ako ah? Marami pa po akong tatapusing lesson plan eh”, mabilis kong paalam para wag nang humaba pa ang usapan namin tungkol sa nakaraan.
Hindi ko na hinintay ang sagot nito at tuluyan nang lumabas din ng silid.
Dali-dali kong tinungo ang pinto nang hindi nag-aangat ng tingin. Ayoko kasing may makita pa akong hindi ko dapat makita.
Kaya lang mukhang favorite yata talaga akong asarin ng pagkakataon dahil bago ko pa man marating ang gate ay narinig kong may tumatawag sa’kin.
“Mia!”,
Napapikit ako ng mariin. Hindi ko kailangang lumingon para malaman kung sino ang nagmamay-ari ng sopistikadang boses na iyon.
Dedma! Kunwari di mo narinig!, bulong ko sa isip sabay lalong binilisan ang mga hakbang.
“Mia!!! Wait!”, mas malakas na pagtawa nito sa pangalan ko.
Narinig ko ang papalapit na mga hakbang kaya huminto na lang ako at pumihit para lingunin ang tumatawag sa’kin.
“Miss Janice”, pilit ang ngiti kong sabi.
Hindi mapuknat ang malapad nitong ngiti habang tinatawid ang distansya sa pagitan namin.
“You’re too formal. Janice na lang”, magiliw nitong sabi nang ganap na makalapit.
As usual, hindi ako sumagot para wag nang humaba pa.
“Pauwi ka na ba?”, nakangiti pa rin nitong tanong.
“Ah, uhm-uhm”, sabi ko habang tumatango at may pilit pa ring ngiti.
Ang hirap naman kasing tarayan nitong si Ms Kabute eh. Sa mga pelikula at teleserye kaso, ang mga kabit, bitchesa, kaurat, sarap sabuyan ng asido gan’on. Kaya si Ms Kabute, bukod sa sopistikada at mukhang di papatol sa sabunutan, eh mabait at palangiti pa, kaya mahirap tarayan.
Teka, teka... ano ‘yon Maria Isabella? Kabit??? Sino ang kabit dito? Si Janice? Bakit? Anong feeling mo ikaw ang legal na jowa???, singit ng isang bahagi ng isip ko.
“Sabay ka na sa’min. Along the way naman ang bahay mo dito di ba?”, tanong ulit ni Janice.
“H-Ha?”
“Oh sorry, nabanggit kasi ni Primo na malapit lang dito ang bahay mo. Tapos n’ong minsan dumaan kami, itinuro niya sa’kin kung saan ka nakatira, I hope you don’t mind”,
Nag-aalangang umiling naman ako bilang sagot.
So napag-uusapan pala ako... alam niya din kaya na...
“Oh and yes, don’t worry, Primo told me about your past. Alam ko din na you guys used to be together”, tila balewala lang nitong sabi.
Hindi ko tuloy alam kung ano ang magiging reaksyon ko.
Maya-maya ay bigla itong tumawa kaya napakunot ng bahagya ang noo ko. Me kalting?
“Ano ka ba, relax! I’m not the type naman who disses my boyfriends ex, unless they do something bad to be of course. But don’t worry, I don’t mind”, nakangiti pa rin nitong sabi.
“He he”, wala sa loob kong naisagot.
“Besides, it’s all in the past right? Sobrang tagal na n’on. You both have moved on di ba?”
Bago pa man ako makasagot ay may nagsalita na mula sa likuran ni Janice.
“Of course we have. Liligawan ba naman kita kung hindi pa ako nakakapagmove on”,
Halos sabay kaming napatingin ni Janice kay Primo na agad na pumulupot ang braso sa beywang ni Ms. Kabute.
Agad akong nag-iwas ng tingin.
“Hi Babe! Is she ready?”, tanong ni Ms Kabute rito.
“Almost”, sagot naman ng huli.
“Great! I was just telling Mia na sumabay na sa’tin palabas since along the way naman ‘yong bahay niya di ba?”, puno ng enthusiasm na sabi pa ng babae sa bagong dating.
Mabilis akong napatingin kay Primo na may hindi ko mabasang tingin sa akin.
“A-Ah hindi na ho, okay na po ako. M-Malapit lang naman ‘yong bahay namin”,
“Hmmm, I insist. Talia is all about you kapag magkakasama kami. It’s so obvious that she likes you very much, and for that I want to repay you even with little things like this”,
“Trabaho ko naman po ang ginagawa ko, no need to thank or repay me”,
“Oh but I---”
“Babe, let’s not force her kung ayaw niya. Besides, mom just called, nakaalis na daw siya ng ospital and she’s on her way to the resto. We better hurry, ayaw pa naman n’on ng pinaghihintay siya ng matagal”, singit ni Primo.
Sinamantala ko iyon para makapagpaalam na’t makaalis doon.
“Uhm, una na po ako. Salamat po sa offer. Sige po”, mabilis kong sabi at agad na tinalikuran ang mga ito. Hindi ko na hinintay kung may sasabihin pa ang sino man sa dalawa dahil gusto ko na talagang makalayo.
Kulang na lang ay takbuhin ko ang gate para agad na makalabas. At habang tinutunton ko ang labasan ay paulit-ulit kong dinarasal na sana ay wag akong madapa o matapilok dahil kung hindi ay magpapalamon na ako sa lupa talaga.