Kanina pa ako nagpupuyos ng galit dahil sa nangyari kanina. Inis na inis ako sa pagmumukha ng aking tiyahin at mga pinsan. Ang kakapal ng mga apog na pumunta sa hospital matapos akong ibenta. Nagbigay pa sa akin ng problema ang mga bruha.
“Mukhang may problema po kayo, Ma’am ah.”
Napalingon ako sa driver na pinagsasakyan ko. Isa rin sa mga tauhan ni Mr. Rodrigo. Nakasimangot akong tiningnan siya.
“Saan tayo pupunta?” tanong ko sa kaniya.
“Kay boss, pinapatawag kayo, kailangan niyo na rin kasing ma-meet ang anak niya bago pa mahuli ang lahat,” saad niya kaya napakunot ako ng noo.
Anong bago pa mahuli ang lahat? Nagmamadali ba kami?
“Anong ibig mong sabihin?” tanong ko sa kaniya.
“Baka kasi gumawa na naman ng paraan para makatakas iyong anak ni boss kaya dapat ay maunahan natin siya,” paliwanag nito kaya napatango ako. Ganoon ba ka-ayaw ng anak niyang magpakasal? Sabagay, kung ako naman ang tatanungin ay ayaw ko namang makasal sa hindi ko mahal. Kaso nga lang ginagawa ko ito para sa kinabukasan ko. Mahirap mang lunukin at aminin para ko na ring binigay at binenta ang aking sarili. Pero hindi ako papayag na aapihin niya ako.
“Ma’am, narito na po tayo sa mansyon. May mga nakaabang nang mga katulong sa inyo. Kita niyo po ba iyong nakahilerang mga babae roon? Pumunta po kayo roon at sila na ang bahalang ayusan kayo,” sambit nito sa akin.
“Mark, pakisamahan nga si Ma’am Nathalie,” saad niya kaya agad namang tumango ang lalaki sa aking unahan. Lumabas ito ng kotse at pinagbuksan ako ng pintuan. Lumabas agad ako at rinig kong nagbubulungan ang mga babae sa harap namin.
“Iyan ang ipapakasal kay, Sir? Hindi na masama, sobrang ganda niya. Galing kaya siya sa mayamang pamilya?” tanong nung isa. Hindi man sa pagmamayabang sobrang kinis at puti ng kutis ko. Maalon ang bulaw kong buhok at may mata akong ala-hazelnut ang kulay. Minsan nga napagkakamalan akong foreigner eh.
“Grabe ang swerte ni Sir!” saad ng isa pa. Nginitian ko na lamang sila kaya agad nila akong binati.
“Pero bakit ang cheap naman ng kaniyang suot? Parang ang luma na’t galing pa sigurong ukay-ukay? Kaya siguro pinatawag tayo ni boss.”
Napakunot ako ng noo at napasimangot. Okay na eh! Napansin pa ang kasuotan ko.
“Magandang umaga po, Ma’am Nathalie. Sumunod po kayo sa amin para maayusan ka po namin,” magalang na saad ng isa. Siya lang ang naiiba ang uniporme siguro’y siya ang namumuno sa kanila. Tinanguan ko na lang siya at sumunod sa kanila. Agad kaming pumasok sa isang malaking silid, nakakamangha dahil para itong salon, kompleto ang mga kagamitang pampaganda.
Grabe! Gaano ba kayaman ang pamilyang Vasquez ?
Ilang oras din kaming nasa loob at feeling ko’y mamatay na ako dahil sa bagot.
“Imulat mo na ang iyong mga mata, Ma’am. Tapos na po tayo,” saad niya sa akin.
Hay salamat! Ang hirap pa lang magpaganda! Ngayon ko lang ito naranasan sa tanang buhay ko, hindi naman kasi ako naglalagay ng mga kolerete sa aking mukha dahil busy ako sa pagtitinda ng isda. Nang makita ko ang aking repleksyon sa salamin ay agad akong napatili.
Mahabaging Panginoon? Ako ba ito?
Ngumiti naman si Katrina, iyon ang pagpapakilala niya sa akin.
“Sobrang ganda niyo, ma’am talaga namang mapapatili ang makakakita sa inyo,” saad niya sa akin.
“Grabe ako ba ito?” tanong ko.
“Maganda ka na dati, mas maganda ka pa ngayon. Simple lang naman ang pagkakaayos namin sa iyo dahil naniniwala kami sa kasabihang simplicity is beauty!” saad nito kaya napatango na lang ako. Alam ko rin ang kasabihang ganoon dahil nanunuod din ako ng pageant sa bayan namin.
Sabi nga ni Alexis ang kahulugan daw no’n ay mas maganda nga naman talaga kapag simple. Kagaya ko raw kahit walang ka-make-up make up ay maganda pa rin. Kahit hindi na ayusan pasok pa rin! Na-miss ko tuloy ang pinsan kong si Alexis, kapag okay na ang lahat ay bibisitahin ko siya sa Cebu.
Rinig namin ang malalakas na katok mula sa labas kaya napalingon kami. Agad na bumungad sa amin ang mga tauhan ni Lolo Vasquez.
“Narito na ang young master, kailangan na niyang lumabas at kitain ito.”
Napatango si Katrina at iginiya ako papunta sa mga lalaking naka-black suit. Simple lang ang aking suot, isang white dress at sandals. Mabuti nga’t hindi ito gaano kataas dahil okay na rin naman ang height ko. Hindi mataas at hindi naman mababa. Kumbaga sakto lang…
Sinundan ko naman ang mga tauhan ni Lolo Vasquez, pinilit kong maging normal at itinago ko ang kaba at takot sa aking kalooban. Nang makarating kami sa isang kwarto ay agad na bumungad sa akin ang lalaki, nasa harap niya si Lolo Vasquez na seryosong nakatingin sa kaniya. Agad akong napansin ng matanda nang mapagawi ang kaniyang tingin sa akin.
“Ah! Narito ka na pala, hija. Halika rito’t samahan mo kami,” ngiting saad sa akin ni Lolo Vasquez. Malaki ang mga ngiti nitong ibinibigay sa akin kaya ginantihan ko naman siya ng isang matamis na ngiti. Hindi lumingon ang lalaking nakatikod at nanatili lang siya sa kaniyang puwesto. Dalawa ang upuan sa harap ng matanda at katabi pa ito ng lalaki. Nang makalapit ako ay agad na inilahad ng matanda ang upuan sa akin.
“Maupo ka, hija,” sambit nito kaya agad akong napaupo at walang lingon-lingon sa aking katabi.
“Isaac, I want you to meet your fiance, Nathalie. Siya ang sinasabi ko sa iyong papakasalan mo. Naka-set na ang kasal kaya wala ka nang pproblemahin pa,” seryosong saad ng matanda sa kaniyang anak. Nagulat ako dahil wala itong patumpik-tumpik na isinabi sa anak niya ang tungkol sa kasal. Napakagat ako ng labi dahil sa kaba, para ngang nalalasahan ko na ang dugo sa aking labi.
“WHAT? Seriously, Dad? You’re making plans without my permission? Sino naman itong babaeng ito? Ni hindi ko nga kilala ang babaeng iyan, ta’s ipapakasal mo ako sa kaniya? Are you nuts? I will never do this, Dad. Ayaw kong maikasal, alam mo iyan! Isa pa ,hindi ko siya mahal!” mahabang litanya ng lalaki sa kaniyang Lolo. Hindi ko alam kung ano bang sasabihin ko pero mas pinili ko na lang ang manahimik.
“No, anak. Sa ayaw at sa gusto mo, matutuloy ang kasal. Ayaw ko nang patagalin pa’t sobrang hina ko na. Gusto ko kapag nawala ako sa mundong ito ay makita man lang kitang ikakasal!” sambit ng matanda subalit napatawa ng mahina ang lalaki sa sinabi ni Lolo.
“Alam mo, Dad. Ang lakas din talaga ng trip mo. Huwag mo nga akong lokohin ng ganito,” saad nito.
“I am serious, Isaac. You will marry this woman.”
“No! Hindi ako papayag, aatras ako sa kasal!” Napakunot ang noo ni Lolo Vasquez sa sinabi ni Isaac.
“Hinding-hindi mo makukuha ang mana mo kapag hindi mo pinakasalan itong babaeng ito.” Malamig ang pagkakasabi ni Lolo Vasquez sa kaniya kaya nanginig ako. Nakakatakot din palang maging seryoso ang matanda. Nakakapanindig balahibo.