Kabanata 5

1990 Words
Nang matapos kaming mag-usap ni Lolo Rodrigo, iyan ang tunay niyang pangalan, ay agad akong pumunta sa hospital kung saan naroon si Nanay Helen. Sakay ng isang mamahaling kotse kaya mabilis agad kaming nakapunta roon. Nang palabas na ako ng kotse ay agad ding naglabasan ang mga tauhan ni Lolo Rodrigo. Napakunot ako ng noo dahil lumapit sila sa akin. Huwag nilang sabihing sasama pa sila? Nakangiwi akong tumingin sa kanila’t sinabing- “Seryoso? Sasama pa kayo sa loob at ganiyan ang suot niyo?” tanong ko sa kanila. Para kasi silang black agent na napapanuod ko sa movie. Naka-sunglass na black, nakasuot ng suit at may mga earpiece sa tainga. “We are only following the order of our boss, Ma’am.” Kinunutan ko siya ng noo dahil hindi ko maintindihan ang kan’yang sinabi. “Ano? Hindi kita maintindihan!” naiinis kong saad sa kaniya. Nakarinig ako ng pagtikhim sa aking gilid, galing iyon sa isa niyang kasamahan. “Sinusunod lamang po namin ang utos ng aming boss, Ma’am.” Ah yun pala iyon. May pa-english-english pa kasi, eh wala naman kami sa America. Napairap ako sa kanila at sinamaan ko ng tingin. “Puwede bang dito na lang muna kayo maghintay? Madali lang naman ako eh, huwag kayong mag-alala hindi ako tatakas. Babalikan ko kayo,” pangungumbinsi ko. Nakakahiya naman kasing isama sila sa loob tas nakabuntot pa sila sa akin. Isa pang kinababahala ko ay baka makita sila ni Inay, magtaka pa yun kung bakit sila nasa tabi ko. Hangga’t maari ayaw kong ma-stress ang aking nanay dahil kagagaling lamang nito sa surgery. Nagtingin silang lahat at napatango. “Sige, rito lang kami subalit dalhin mo ito, in case na may problema gamitin mo.” Napakunot ako ng noo nang ibigay sa akin ang isang itim na telepono’t may parang antenna pa sa tutok nito. “A-Ano ito?” tanong ko sa kanila. Napahinga ng malalim ang bumigay sa aking ng telepono’t lumapit sa akin. “Walkie talkie ‘yan. Pindutin mo ito at magsalita tapos maririnig ko ang boses mo sa pamamagitan din nito,” saad niya sa akin at pinakita ang isang teleponong kapareho ng binigay niya sa akin. Napailing ako at ibinulsa ang walkie talkie. “Oh sige na! Pumasok na kayo sa loob at pinagtitinginan na tayo ng mga tao, nakakahiya!” sambit ko at mabilis na lumayo sa kanila. Nang makapasok ako sa loob ay dumiretso agad ako sa kwarto ni Nanay. Nanginginig ang aking tuhod at kamay dahil sa kaba. Alam kong magagalit siya dahil hindi ako nagpakita kagabi. Mahirap ipaliwanag sa kaniya na ibinenta ako ng tiyahin ko sa isang mayamang matanda. Alam kong magagalit siya’t baka iyon pa ang ikalala ng kaniyang kalusugan. Dahan-dahan kong pinihit ang pintuan at pumasok sa loob. “Oh my gosh, Nathalie! Narito ka!” sigaw ng kaibigan kong nars na si Sabel. Mabilis niya akong niyakap kaya ginantihan ko naman agad siya. Roon ay nakita ko si Nanay na nakaupo’t nakatingin sa akin. Doon na bumuhos ang aking luha dahil nakita kong masigla na siya. Malaki ang ngiti nito sa akin animo’y tuwang-tuwa nang makita ako. Agad akong kumalas ng yakap kay Sabel at lumapit sa aking ina. “Inay, kumusta po kayo? Pasensiya na po’t ngayon lang ako nakadalaw sa inyo dahil naghanap pa po ako ng pera pambili ng gamot ninyo,” pagsisinungaling ko sa kaniya. Kilala si Nanay na mahinhin at sopistikadang babae. Ni hindi nito kayang magalit o gumawa ng masama sa kapwa niya. Iyon ang namana ko sa kaniya , kahit hirap at hikahos kami sa buhay hindi mo mahahalata iyon dahil sa kutis namin ni Nanay. Malaporselana at namumula ang aming mga balat. “Okay lang ako, anak. Pasensiya ka na kay nanay ha, pinag-alala pa kita,” naiiyak na sambit niya sa akin na ikinailing ko naman. “‘Nay naman sinabi ko naman sa inyo na huwag niyo nang isipin iyon. Gusto kitang gumaling at gagawin ko ang lahat para makaalis ka rito sa hospital. Alam kong bagot na bagot ka na rito,” naiiyak ko ring saad sa kaniya at hinawakan ang kaniyang mga kamay. “Alam mo ba, Nathalie. Ilang araw lamang ay makakaalis na rito si Nanay Helen. Successful ang surgery niya at sabi ni Doc kapag tuloy-tuloy raw ang pag-inom niya ng gamot ay mabilis na gagaling siya,” masiglang sambit ni Isabela sa akin. “Totoo? Salamat naman sa Diyos! Huwag kayong mag-alala, Nanay pag-alis mo rito ay magbabago na ang ating buhay,” ngiti kong sambit sa kaniya. Napakunot siya ng noo dahil sa sinabi ko. “A-Anong ibig mong sabihin, hija?” tanong niya sa akin. Magsasalita na sana ako nang may nagsalita sa likod namin. “Ikakasal na kasi iyan si Nathalie sa isang mayamang negosyante.” Napalingon kami sa nagsalita. Si Tiya Sonya pala, anong ginagawa niya rito? Napakuyom ako ng kamao at lumapit sa kaniya. “Anong ginagawa mo rito, Tiya Sonya?” mahinahong tanong ko sa kaniya. “Bakit? Bawal bang bumisita sa nanay mo? Pamilya ko rin naman siya,” saad niya sa akin at umirap. Nakita ko si Amy at Avy sa likod niya. Nagtaka ako dahil wala si Alexis. “Hinahanap mo si Alexis? Wala siya rito, pinapunta ko muna siya sa probinsya, parusa ko iyon dahil tinulungan ka niyang makatakas kagabi. Mabuti na lang at loyal sa akin itong mga anak ko’t kaagad kayong sinumbong sa akin,” bulong nito sapat nang ako lang ang nakakarinig ng kaniyang salita. “Anong kasal, Nathalie? Bakit hindi mo ito nabanggit sa akin?” narinig kong tanong ni inay. Sinamaan ko si Tiya Sonya ng tingin nagpapahiwatig na huwag siyang makialam sa sasabihin ko. “Huwag kang makialam sa sabihin ko, kung puwede umalis ka na’t hindi ka nakakatulong dito. Nakuha mo naman ang gusto mo ‘di ba? Wala na rin kaming utang sa iyo kaya lumayas ka na sa paningin ko,” matigas na sambit ko sa kaniya. “Aba, matapang ka na. Kung hindi naman dahil sa akin, hindi mapapagamot ang nanay mo’t magbabago ang buhay niyo. Hindi ka ba natutuwa? Pasalamat ka pa nga eh,” saad niya subalit tinalikuran ko na lamang siya. Hindi ako natutuwa na narito siya, walang hiya! “Ah, hindi ko po kasi nasasabi sa iyong may nobyo po ako at isa po siyang negosyante. May plano po kaming magpakasal subalit hindi po ako papayag na hindi niyo po siya makilala. Sobrang bait po niya parang katulad din siya ni Tatay,” ngiti kong sambit sa kaniya. Nawala naman ang pagkakunot ng kaniyang noo at napalitan ito ng ngiti. “Talaga ba? Bakit hindi mo sinabi sa akin na may nobyo ka pala? Alam mo ba ito, Sabel?” tanong ni Nanay sa aking kaibigan. Napalingon naman ako sa kaniya at tinanguan siya para ipahiwatag na sakyan niya lang ang sinasabi ko, kaaagad namang naintindihan ni Sabel iyon. “Ah- opo, ayaw naming ipasabi sa inyo dahil gusto naming isurpresa ka. Matagal niyo na rin po kasing pinagsasabihan si Nathalie na maghanap na ng jowa hindi iyong naka-focus lang siya sa pagtitinda ng isda at pagpapagamot sa inyo. Kilala ko po ang lalaki, ang pogi niya Nanay at sobrang bait pa!” masiglang sambit ni Sabel kay Nanay kaya nakita kong kinilig ito. Napangiwi ako dahil lahat naman ng sinabi niya’y kasinungalingan. Patay! Paano kung pangit at suplado pala ang apo ni Lolo Rodrigo. Napahinga ako ng malalim. “Bukas dalhin mo siya rito, gusto ko siyang makilala, Nathalie.” Nanlalaki ang aking mga mata dahil sa sinabi ng aking ina. “P-Pero, busy po siya, Inay-” Agad na pinutol niya ang aking sasabihin at umiling. “Bukas, Nathalie. Nagawa mong ilihim sa akin ito, ngayong alam ko, na gusto ko siyang makilala. Wala akong pakialam kung busy siya,” saad nito sa akin. Napahinga ako ng malalim at tumango. “Opo, Inay.” “Naku, Ate Helen! Talagang matutuwa kayo kapag nakita niyo siya!” masiglang sambit ni Tiya Sonya sa aking ina. May pagka-sarkastiko ang kaniyang pagkasabi, mabuti na lang at hindi iyon nahalata ni Nanay. Hindi nagsalita si Nanay sa kaniya’t umiwas lamang ng tingin. Simula kasi noong namatay si Tatay ay sobrang mailap na si Nanay kay Tiya Sonya. Ayaw pa nga niya akong patirahin sa bahay ng tiyahin ko ngunit wala siyang choice. Una pa lang kasi’y hindi na sila magkasundo’t ayaw nila sa isa’t-isa. “May dala pala akong prutas para sa iyo. Masaya ako dahil magaling ka na, Ate. Sana’y kalimutan na natin iyong dating alitan natin para na lang sa ikakabuti ng ating pamilya at kay Kuya.” Narinig kong saad ni Tiya Sonya sa aking ina. Napakuyom ako ng kamao dahil alam kong nagsisinungaling lang siya. Alam kong may balak siyang masama o kung ano mang plano para sa amin kaya agad akong nagsalita. “Puwede ko ba kayong makausap, Tiya Sonya?” sabat ko sa kanila. Napalingon si Tiya Sonya sa akin at ngumiti ng matamis. “Sige ba! Ate, aalis na muna kami,” saad niya sa aking ina at agad na sinundan ako. Napatingin naman ako kay Sabel, tumango lang ito sa akin at lumapit kay Nanay. Nang makalabas kami ay agad kong tiningnan ng masama si Tiya. Napakangisi lamang siya sa akin. “Ano bang plano mo, Tiya? Hindi pa ba sapat ang isang milyon na ibinigay sa’yo ng matanda? Ang lakas din naman ng apog niyong magpakita rito sa amin matapos ng nangyari kagabi? Ibinenta niyo lang naman ang sarili niyong pamangkin, hindi ba kayo nakokonsensiya?” naiiyak kong tanong sa kaniya. “Wala akong konsensiya, hija alam mo iyan. Bakit ba? Gusto kong bisitahin ang ina mo kaya ako narito,” inosenteng sambit niya sa akin. “Hindi namin kailangan ang isang katulad niyo,” matigas na wika ko sa kaniya. Tumawa siya ng mahina kaya napakunot ako. “Matapang ka na ngayon? Bakit? Dahil marami na kayong pera? Huwag kang makalimot, Nathalie, ako ang nagpakilala sa matandang ‘yon sa iyo. Balita ko ikakasal na ang kaisa-isang anak no’n? Sa iyo ba siya ipapakasal? Ang swerte mo naman!” saad niya sa akin na ikinakunot ng noo ko. “P-Paano niyo nalaman?” tanong ko sa kaniya. “Nasa balita na, Nathalie, hindi mo alam? Hindi ba gusto mo siya Amy? Crush na crush mo ang lalaking iyon ‘di ba?” tanong ni Tiya Sonya sa aking pinsan. “Yes, Mommy at kilala siya bilang isang playboy. Mapanakit din iyon, Nathalie kaya kabahan ka na.” Ngumisi lamang siya sa akin. Bigla akong kinabahan dahil sa sinabi niya. “Gusto kong huthutan mo ng pera ang mag-lolong iyon. Lahat ng perang nakikita mo sa loob ng mansiyon, mga alahas o kung ano man, ibigay mo sa akin. Iyon ang plano ko,” saad ni Tiya Sonya sa akin kaya nanlalaki ang aking mga matang nakatingin sa kaniya. “A-Ano bang pinagsasabi niyo?” tanong ko sa kaniya. “Oh, bakit? Hindi mo kayang gawin?” tanong niya. “Hindi ko gagawin iyon, Tiya! Hindi ako magnanakaw at ‘di ko dudungisan ang kamay ko dahil lang sa sinabi niyo!” inis na sambit ko sa kaniya at bigla siyang tinalukuran. Wala akong mapapala kapag kausap ko siya, baliw na siya! Mabilis niyang hinawakan ang aking braso at hinarap ako sa kaniya. Masakit iyon kaya napangiwi ako. “Baka gusto mong sabihin ko ang totoo sa nanay mo? Mahina pa naman siya ngayon, baka ma-stress lang yun kapag nalaman niyang ikakasal ang anak niya sa isang matandang lalaki, gusto mo iyon?” tanong niya sa akin. Bigla akong kinabahan dahil sa sinabi niya. Napakagat ako ng labi at mariing napapikit. “Pag-iisipan ko!” saad ko sa kaniya at binawi ang aking braso. “Umalis na kayo!” pahabol ko pa. “Babalikan kita, Nathalie!” sambit nito sa akin subalit hindi ko na lang siya pinansin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD