Nagising ako sa isang malambot na kama, sobrang ganda ng tulog ko para ba akong nililipad sa alapaap. Ngayon lang ako nakapagpahinga sa tanang buhay ko, halos araw-araw kasi pambabatok, pambubuhos ng malamig na tubig at sigaw ang gumigising sa akin. Ngayon ay wala na—napabalikwas agad ako nang ma-realize kong wala ako sa kwarto ko. Nakahiga ako sa malambot at malaking higaan paanong...
Doon ko naalala ang nangyari sa akin kagabi. Napakuyom ako ng kamao at napakagat sa labi. Sinipat ko ang aking katawan at nanlalaki ang aking mga matang nakatingin sa ibang saplot kong suot. Nakasuot na ako ngayon ng isang pares-pantulog. Sa sobrang kaba ng aking nararamdaman ay napaiyak na lang ako. Nanginginig akong tumayo at pinihit ang pinto sa malaking kwartong iyon. Hindi ko kailangan ng ganito, gusto ko na lang umuwi at pumunta kay Inay.
Oo, si Inay! Kumusta na kaya ang Inay ko? Kailangan kong tumakas dito, Diyos ko!
Dahan-dahan akong naglakad at bumaba sa hagdan para hindi ako makita ng mga tauhan ng matandang iyon. Kinakabahan ako baka kagabi'y pinagsamantalahan na niya ako ngunit wala naman akong nararamdamang sakit sa katawan at lalo na sa aking pang-ibaba.
Gano'n na lamang ang aking kaba nang makasalubong ko ang matandang bumili sa akin, natulos ako sa kinatatayuan ko. Hindi ako makakilos dahil sa sobrang takot na aking nararamdaman. Kasama pa niya sa kaniyang likod ang kaniyang mga tauhan. Mabilis akong lumuhod sa harap niya kaya nanlaki ang kaniyang mga mata.
"M-Maawa po kayo sa akin, gusto ko pong m-makauwi ng buhay sa Inay ko. M-May s-sakit p-po siya, gusto ko pa pong makita siya," pagmamakaawa ko sa matanda.
"Tumayo ka riyan hija, wala akong balak na gawan ka ng masama. Gusto ko lang na makausap ka," sambit nito sa akin kaya napahinga ako ng maluwag. Makausap lang pala...
"Pagkatapos mo po bang makausap ako ay puwede na po akong umalis at pumunta sa hospital? Iyong Inay ko po kasi-"
Mabilis niyang pinutol ang aking sasabihin at tumango.
"Oo hija, roon tayo sa dining area may nakahandang pagkain doon. Alam kong gutom ka na," tugon nito sa akin at pumunta kung saan siguro naroon ang dining table. Inalalayan akong tumayo ng kan'yang tauhan ngunit mabilis kong binawi ang aking kamay sa kanila.
"Kaya ko ang sarili ko," seryosong saad ko. Hindi ko pa nakakalimutan iyong ginawa nila sa akin kagabi. Matapos-tapos nila akong hilahin ng pilit.
Agad akong sumunod sa matanda, naroon nga siya't nakaupo na sa harap ng lamesa.
"Maupo ka, hija," sambit nito sa akin. Mabilis akong umupo at tingnan siya ng maigi.
"Mas mabuting kumain ka na muna bago tayo mag-usap." Napailing ako sa kaniyang sinabi.
"Wala po akong ganang kumain. Puwede na po bang ngayon na tayo mag-usap?" tanong ko sa kaniya. Hindi na ako mag-aaksaya ng panahon kailangan ko nang makaalis at puntahan si Inay, iyan lang ang importante sa ngayon.
"Huwag kang mag-alala, hija ang iyong ina ay okay na, nagpapagaling na ito. Inasikaso na siya ng mga tauhan ko kagabi," saad nito at ngumiti sa akin. Napakunot ako ng noo dahil sa sinabi niya. Kilala niya ang Inay ko? Paano niya rin nalaman na nasa hospital si 'Nay Helen?
"Bago pa man kita nabili sa tiya mo ay kilala na kita. Nakita kitang nagtitinda sa palengke, hindi ko alam kung bakit ang gaan-gaan ng loob ko sa iyo. Araw-araw ay bumibili ako sa'yo ng paninda. Naisip kong napakabuti mong bata at nang pina-background check nga kita ay nalaman kong may malubhang sakit pala ang nanay mo. Nalaman ko rin na inaabuso ka ng tiyahin mo kaya agad kitang tinulongan," kuwento nito sa akin.
"Hija, wala akong balak na masama sa iyo, gusto ko lang makatulong kaya iniligtas kita sa tiyahin mo. Huwag kang mag-alala pagkatapos nitong pag-uusap natin ay puwede ka nang pumunta at bumisita sa nanay mo," ngiti nitong saad sa akin.
Hindi ako makapaniwala sa kaniyang sinabi, hindi ko alam kung ano nga ba ang dapat kong i-react ngunit isa lang ang nasisiguro ko, ligtas na ako sa kapahamakan lalo na sa tiyahin ko. Mali ang inaakala kong masama ang matanda ngunit mabait pala ito. Talaga namang napaka-swerte ko dahil tinulongan niya ako. Siya pala ang laging bumibili ng aking tindang isda kaya nakakaipon din ako ng malaki. Hindi ko lang maintindihan sa dinami-dami ng tutulongan niya ako pa talaga ang napili niya subalit wala na akong pakialam doon dahil ang mahalaga nakawala na ako sa impyernong bahay na iyon at ligtas na rin si inay sa kapahamakan.
Napahinga ako ng maluwag dahil doon.
"T-Totoo po ba ang s-sinasabi n-niyo? H-Hindi po ba k-kayo nagbibiro?" tanong ko sa kaniya. Ngumiti lang ito at tumango.
"Maraming-maraming salamat po. Napakabait niyo po sa akin. P-Paano ko po ba mababayaran ang utang ko sa inyo? Ayaw ko naman pong umalis dito ng walang binibigay na kabayaran. Huwag po kayong mag-alala siguro'y pag-iipunan ko po o kaya maninilbihan na lang po ako bilang kasambahay niyo," mahaba kong litanya.
Umiling lamang ang matanda sa akin at para bang may iniisip. Siguro nag-iisip ito kung ano nga bang kabayarang ibibigay ko sa kaniya.
"Hmm. Matanda na ako hija ngunit wala pa rin akong apo. Gusto ko sanang bago pa man lang ako mawala sa mundong ito ay makita kong ikakasal ang aking kaisa-isang anak at magkaroon ito ng supling. Iyon lamang ang hiling ko ngunit hindi iyon matupad-tupad gawa ng sobrang pasaway nito sa akin. Ikaw lang ang nakikita kong magpapabago sa kaniya hija, gusto ko sanang ikaw ang magiging mapapangasawa niya," walang prenong saad nito sa akin na ikinagulantang ko.
ANO RAW? ASAWA?
"Hija, iyan ang gusto kong magiging kabayaran mo sa naitulong ko sa iyo. Gusto kong pakasalan mo ang anak ko bago pa man ako mawala sa mundo. Puwede mo ba iyon gawin para sa akin? Matanda na ako hija at sobrang desperado na. Huwag kang mag-alala, hindi ka no'n sasaktan ako ang bahala sa proteksyon mo," seryosong saad nito sa akin.
"W-Wait lang po, Lolo ah. Sobrang nagulat po talaga ako. Hindi ko po alam kung ano ang sasabihin ko. Puwede po bang pag-isipan ko muna?" tanong ko sa kaniya. Diyos ko naman, makakahanap pa siguro ako ng instant asawa ngayon.
"Sige hija, huwag kang mag-alala buwan-buwan naman ay may allowance ka. One hundred thousand ang ibibigay ko sa'yong allowance sa ATM mo. Bibigyan din kita ng lupa't bahay pati kotse. Doon mo na rin papatirahin ang nanay mo kapag gumaling na siya. Mabait ang anak ko kaya wala kang magiging problema sa kaniya." Seryoso pa rin ang kaniyang mga tinginan sa akin kaya alam kong hindi ito nagbibiro. Hindi ako makapaniwala sa sinasabi niya. Wala bang girlfriend o asawa ang anak niya't hindi pa rin ito nakakapag-asawa? Ilang taon na ba ito? Baka sobrang pangit naman siguro ng kaniyang anak kaya walang nagkakagusto rito. Atsaka bakit ako? Eh, hindi naman ako kagandahan!
Pero s**t na malupit! Totoo ba 'yung sinasabi niya? Kotse, bahay, pera at lupa? Oh my God! Sapat na iyon para mabuhay kami ni Inay ng matiwasay. Mabibigyan ko na siya ng magandang buhay. Hindi naman siguro masama na umu-oo sa kaniya, 'di ba? Maghihiwalay naman siguro kami ng anak niya kapag hindi namin gusto ang isa't-isa o kaya naman kapag namatay na itong si Lolo.
"S-Seryoso po kayo, Lolo? Lahat ng sinabi niyo ay ibibigay niyo sa akin?" tanong ko sa kaniya.
"Pati gastusin sa hospital ay ako na ang bahala, gumaling lang nanay mo. Ano, hija? Tatanggapin mo ba?" tanong niya sa akin.
Hindi naman masama, hindi ba? Desperado na rin akong maging okay si nanay at mabigyan siya ng magandang buhay. Seryoso ko siyang tiningnan at tumango.
"T-Tinatanggap ko po ang offer niyo. Gusto ko rin po kasing mapagaling si Inay... Noon ay wala akong nagawa dahil kapos kami sa buhay kaya namatay ng maaga ang aking Itay kaya ngayon, gagawin ko ang lahat para hindi mawala sa akin si Inay," sagot ko sa kan'ya.
Oo, tatanggapin ko ang offer ng matanda wala akong pakialam kung ano man ang mayroon sa anak niya basta't mabigyan ko lang ng magandang buhay ang aking pamilya. Susugal ako para sa kinabukasan namin ng nanay ko.