“Anong kaguluhang nangyayari rito?” malamig na tanong ni Tiya Sonya sa akin.
Ni hindi ako nagsalita dahil sa sobrang takot sa kaniya. Ayaw ko nang maparusahan dahil sobrang hapdi na rin ng aking likuran. Natatakot akong baka hindi ko na kayanin ang sakit at sumuko na lang ang aking katawan.
“SUMAGOT KA, NATHALIE!”
Dumagundong ang sigaw nito sa loob ng aking kwarto kaya nagitla ako. Huminga ako ng malalim at magsasalita na sana nang pumasok ang dalawang kambal sa aking kwarto.
“May balak na tumakas iyan si Nathalie, hindi ba Alexis?” tanong ni Avy sa kaniya. Bigla akong kinabahan dahil sa sinabi niya.
“Totoo ba ito, Alexis?” tanong ni Tiya Sonya sa aking pinsan ngunit umiling lamang siya. Napairap si Tiya dahil alam niyang nagsisinungaling lang si Alexis sa kaniya. Halatang-halata kasi sa kaniya kapag nagsisinungaling siya.
“Si Nathalie na lang ang tatanungin ko.” Ngumisi ito sa akin at nilapitan ako. Mabilis niyang hinaklit ang aking braso at agad na hinawakan ang aking panga. Sobrang sakit noon dahil nababaon ang kan’yang kuko sa aking balat.
“Sabihin mo nga sa akin ang totoo, balak mo bang tumakas sa puder ko? Huwag kang magsisinungaling dahil makakatikim ka naman sa akin,” malamig niyang saad sa akin. Bawat salita niya ay tumatagos sa aking kaibuturan. Para bang nasa harapan ako ng demonyo at lalamunin ako nito ng buhay. Nakakatakot.
“SUMAGOT KA!”
Agad akong tumango sa sobrang gulat. Doon ay napahikbi ako dahil alam ko na ang mangyayari sa akin. Malakas na sampal ang dumapo sa akin kaya tumilapon ako sa kama.
“Mama! Tama na, wala siyang kasalanan ako ang nagsabi sa kaniyang tumakas dito!” rinig kong sigaw ni Alexis ngunit umiling-iling lang si Tiya Sonya.
“Umalis kayo sa labas ng kwarto.” Galit niyang tiningnan ang aking mga pinsan kaya agad itong nagsilabasan. Tumingin muli sa akin si Alexis, halata sa kaniya ang pag-aalala ngunit nginitian ko lang siya.
‘Magiging okay rin ang lahat, Alexis. Huwag kang mag-alala.’
“Ano sa tingin mo ang pumasok sa kukute mo at may balak ka pa talagang lumayas sa puder ko?” tanong nito sa akin. Napatingin ako kay Tiya Sonya. Siguro ngayon na ang panahon para lumaban ako, gusto ko nang matapos ito para makapunta na ako kay Inay.
“S-Sawang-sawa na ako sa pananakit mo. Oo, may utang kami sa inyo ngunit hindi iyon rason para ganituhin niyo na ako.”
Tumawa lang ito ng malakas at napailing.
“Hindi pa nga sapat ‘yan dahil sobrang laki ng utang niyo sa akin. Isang daang libo kasama na ang tubo nito? Bale isang milyon ang utang niyo sa akin, hindi mo iyon alam?”
Hindi ako makapaniwala sa kaniyang sinabi at tinubuan pa talaga niya ang isang daang libong inutang namin sa kaniya? Mas malaki pa ang tubo kaysa sa hiniram namin sa kaniya. Nagpapatawa ba siya?
Napalingon siya sa sahig at nakita ang aking basag na alkansiyahan. Napangisi siya, roon ay alam ko na kung sino ang kumuha ng pera ko. Magaling ako mag-obserba lalo na sa emosyon ng iba, iyon na lang ang ipinagmamalaki ko dahil doon lang ako magaling. Sa pagbasa ng emosyon ng iba.
“I-Ikaw… Ikaw ang kumuha ng aking pera,” saad ko sa kaniya ngunit tumawa lang ito. Naiinis ako sa kaniyang tawa sobrang tinis nito na para bang mangkukulam, nakakairita.
“Ako nga, bakit? Hindi mo kasi ako binabayaran eh, ni isang piso wala kayong binigay so anong gagawin ko? Ayaw mo no’n nabawasan na ang utang niyo sa akin,” irap niyang saad.
Biglang uminit ang aking ulo, sinasabi ko na nga ba siya ang kumuha ng aking pera. Mabilis akong lumapit sa kaniya ngunit hindi ito natinag.
“Subukan mong saktan ako, hindi mo na makikita ang Inay mo,” ngisi niyang saad sa akin. Napakuyom ang aking kamao dahil doon. Nasa pamamahay niya pala ako, puwede niya akong patayin at idispatya ng walang nakakakita. Malakas din kasi ang impluwensiya ni Tiya sa mga pulis dahil kabit din niya ang hepe rito. Wala pa rin akong laban.
“Alam mo ang kahihinatnan mo, ‘di ba? Kaya manahimik ka lang diyan at sundin ako,” saad niya sa akin at tumalikod na.
“T-Tiya, kailangan ako ni Inay, m-malubha ang kaniyang k-kalagayan p-parang awa niyo na i-ibalik niyo s-sa akin ang p-perang i-inipon ko,” hagulhol kong sambit sa kaniya.
Tumingin lamang ito sa akin at napaikot ng mata.
“Kung kailangan mo talaga ng pera sundin mo ang inuutos ko sa’yo. Ayusin mo ang sarili mo at magsuot ng magandang bestida. Nasa bahay ang bibili sa’yo gusto ka raw makita,” saad ni Tiya.
“P-Pero, ayaw ko po, Tiya–”
Pinutol niya ang sasabihin ko.
“Gusto mong ipagamot ang nanay mo ‘di ba? Susunod ka sa gusto ko o hahayaan mong mamatay ang nanay mo?” tanong niya sa akin.
Napapikit ako ng mariin, wala akong choice kung ‘di ay gawin ito. Kailangan ko ng pera at ang mahalaga ngayon ay ang kalagayan ni nanay. Dahan-dahan akong tumango sa kaniya kaya ngumisi lang ito.
“Bilisan mo, ayaw kong pinaghihintay ang bisita ko,” sambit niya at umalis na.
Dahan-dahan kong pinunasan ang aking luha sa pisngi at huminga ng malalim. Naghanap ako ng magandang bestida para maging kaaya-aya naman akong tingnan. Magagalit si Tiya kapag hindi ko sinunod ang kaniyang gusto. Nang matapos na ako sa pag-aayos ay agad akong pumasok sa bahay nila. Magkahiwalay kasi ang bahay nila sa aking kwarto. Sabi ko nga lumang bodega itong tinutuluyan ko.
Nang makapasok ako ay bumungad kaagad sa akin sina Tiya Sonya at ang kaniyang mga anak na nagtatawanan. Napakunot ang aking noo dahil wala roon si Alexis. Nasaan na kaya siya?
“Oh narito na pala ang pamangkin ko,” sambit ni Tiya nang mapansin ako. Kaagad niya akong nilapitan at hinila papalapit sa sala.
“Mr. Vasquez ito po ang pamangkin ko, single at dalaga pa ‘yan,” saad ni Tiya sa lalaki. Napatingin ako sa gawi niya, laking gulat ko nang makitang matanda pala iyon. Bigla akong kinabahan at kinilabutan nang makita ang pag-ngiti nito sa akin.
“Napakagandang bata, okay na siya sa akin,” ngiting saad ng matanda. Napangiwi ako sa sinabi niya at mangiyak-ngiyak siyang tiningnan.
“Don’t worry hija, aalagaan naman kita,” saad nito ngunit napakuyom ako ng kamao. Siguro ito na ang kapalaran ko ang maikasal sa isang matandang mayaman at madaling mamatay. Hindi ko lubos maisip at hindi ko hiniling na mangyari ito sa akin ngunit wala akong pagpipilian.
“Tumabi ka na, hija sa kaniya.” Pilit akong hinihila ni Tiya sa matanda ngunit nagmamatigas ako. Natatakot kasi ako baka dakmain na lamang ako nito.
“T-Tiya…”
Ngunit sinamaan lamang niya ako ng tingin. Napalingon kami nang humalakhak ang matanda sa amin.
“Huwag na, Mrs. Sarmiento.” Napahinga ako ng malalim dahil doon, mabuti naman. Mayamaya ay may dumating na mga armadong mga lalaki at may dala-dala itong kahon. Iyong nakikita ko sa T.V. at alam kong may laman iyong pera. Napalunok ako ng mariin. Kita ko ang pagningning ng mga mata ni Tiya at ngumisi ito.
“Isang milyon ang kailangan mo, Mrs. Sarmiento, hindi ba?” tanong ng matanda sa aking Tiya. Seryoso niyang tinitigan ang aking tiyahin, kaya bigla akong kinilabutan. Doon ko lang napansin na may sugat pala ito sa kaniyang pisngi. Mukhang delikado pala ang matandang ito, katapusan ko na ba? Naiiyak akong nanalangin sa Maykapal na sana gabayan niya ako, kung ano man ang mangyari sa akin ngayon ay sana kalooban at kagustuhan iyon ng Diyos sa akin.
“Oo, Mr. Vasquez. Isang milyon kapalit nitong maganda kong pamangkin. Sa’yo na siya ng buong-buo,” saad ni Tiya at hinimas-himas pa ang aking ulo. Nanginginig na ako sa takot.
“Akin na ang case,” saad no’ng matanda sa kaniyang tauhan, nang nasa kaniya na ang kahon ay agad niya itong binuksan. Nanlaki ang aming mata nang makita ang iilang bundle ng isang libo roon. Napapalakpak si Tiya dahil doon.
“Maraming salamat, Mr. Vasquez. Sa’yo na itong pamangkin ko, huwag kang mag-alala walang sabit iyan!” saad niya at mabilis na kinuha ang kahon sa matanda. Tumingin naman ang matanda sa kaniyang mga tauhan at siya namang nagsitanguan ang mga ito. Nanlalaki ang aking mga mata nang makitang papalit sila sa akin, tatakbo na sana ako ngunit agad nila akong nahablot. Dalawang armadong lalaki na ang nakahawak sa aking mga braso.
“BITAWAN NIYO AKO!” sigaw ko sa kanila ngunit tila ba wala itong narinig dahil hindi man lang nila ako pinansin.
“Tiya, natatakot po ako,” nanginginig kong saad sa aking Tiya ngunit nagbibingihan lang ito. Binibilang ang limpak-limpak na perang kaniyang tinanggap sa bumili sa akin.
Nagpupumiglas ako sa mga lalaking may hawak sa akin ngunit sobrang lakas nila. Mahigpit din ang paghawak nila sa aking mga kamay.
“P-Parang-awa niyo na, maawa kayo sa akin. Ayaw ko po ng ganito,” umiiyak na saad ko sa matanda ngunit ngumiti lang ito sa akin.
“Huwag kang mag-alala, hija. Aalagaan naman kita,” saad nito at umalis na. Agad akong hinila ng mga tauhan.
“Huwag kang mag-alala, Nathalie . Bayad na ang hospital bills ng iyong ina. Binayaran na ng gurang mong kasama,” sigaw nito at kumaway-kaway ka pa sa akin. Inamoy-amoy at niyakap-yakap pa nito ang libo-libong niyang pera.
Nakaramdam ako ng galit at pagkamuhi sa aking Tiyahin. Nawala na ang respeto ko sa kaniya…
Nang dahil lang sa pera ay nagawa niyang talikuran ang pamangkin niya.
Unti-unting pumatak ang aking luha nang makitang sinarhan na nila ako ng pintuan. Mayamaya ay nakapasok na kami sa isang mahabang kotse. Sobrang gara nito sa loob, ginala ko ang aking mga mata ngunit sa paglingon sa aking gilid ay siya namang pagtakip sa akin ng isang panyo. Hanggang sa unti-unting pumikit ang aking mga mata.