"At saka Nanay Nita, naku, at napaka-guwapooo! Akala ko talaga ang nasa harap ko ay 'yung modelong rumarampa sa stage. Iyon po bang may six-packed abs at half-naked tapos nakasuot lang po ng jeans at bukas ang butones! Nakaka-loka!" kamuntikan pang natapon ang kaniyang kape sa pahampas-hampas ng bakla sa lamesa. Sobrang carried away ito sa pagsi-share ng unexpected encounter sa arogante at bago nilang kapit-bahay, who, unfortunately, happens to be almost in front of her gate.
Walang kagana-ganang pinagmamasdan lamang ni Tori ang kaibigan. Para itong timang na nangingisay pa at naghihisterikal habang may pa-padyak-padyak pang nalalaman. Kasalukuyan itong nagkukuwento sa kaniyang nanay. Si Nanay Nita naman nang mga sandaling iyon ay hindi matigil sa katatawa habang tila naaaliw na nakamasid sa kanilang kasama. Tuwang-tuwa talaga ang nanay niya sa kaniyang kaibigang tila namaligno ng ogre na iyon.
"Hmm, siya nga ba, Ino? Eh, bakit para namang walang epekto 'yan sa kaibigan mo? Tingnan mo nga at mukhang hindi maipinta ang mukha. Hindi mo alam kung ano'ng hugis na ng mga kilay sa pagkakasalubong."
Inah rolled his eyes but immediately laughed in surrender. Inis na inis kasi itong tinatawag na Ino, dahil nga Inah naman daw ang kaniyang pangalan. Pero siyempre pa, dahil ang nanay ng best friend niya ang kausap, mukha ba siyang may choice? Ang totoo niyan ay alam naman ng baklang binibiro lang siya ni Nanay Nita. At napatunayan nga iyon nang mabilis siyang yakapin nito ng mabilis bago bumalik sa ginagawa.
"Naku, Inah. Ibenta mo 'yang mga salita mo dito sa kaibigan mo at nang magkaroon naman ng lablayp."
"Nay...naniwala ka naman diyan? E kahit naman sino'ng matangkad at maganda ang katawan, guwapo sa paningin niyan."
Umismid si Inah, "Hindi, ah. Day, I know how to see a real gorgeous man. Iyong nakatira sa tapat ng bahay mo, aminin mo, artistahin. Para pa ngang 'yung pina-fan girl mo, eh. Sino nga ba iyon? Oy, umamin ka, Victoria. Crush mo si Mr. Pervert Stranger dahil kahawig niya si Ji Chag Wook."
"O, talaga?" tila natutuwa pang pakikisakay ni Nanay Nita.
Talagang natutuwa pa itong makitang inaasar ng isa ang dalaga. Tori made a face at parang gusto na niyang dukutin ang dila ng madaldal na kaibigan.
Sanay na ang matanda sa dalawa. Mula pa pagkabata, magkasama na ang magkaibigan. Ipinagtatanggol ang bawat isa hanggang ngayong kapwa nasa edad beinte-nueve na ang mga ito. Kung nasaan ang isa, nandoon din ang isa.
"Tumahimik ka na diyan. Hindi na'ko natutuwa. Masakit na nga'ng katawan ng tao, mang-iinis ka pa." singhal ni Tori kay Inah.
"E, bakit ka naman kasi nag-ala-tarzan sa taas ng puno, day? Ano feeling mo, elementary ka pa rin? Eh, hinog na hinog na 'yang matres mo para magka-baby, aakyat-akyat ka pa sa puno. Hindi ka naman miyembro ng rescue team. Si Chairwoman Victoria Linares ka, girl. Sana naman ay nagtawag ka na lang ng mga tanod mo. Feeling mo kasi, ikaw si wonder- aray naman!"
Binato ito ni Tori ng face towel. "Iyong pusa nga, kailangan nang sagipin. Nakita mo naman 'yung bata, umiiyak, di ba? Pakikuha na nga lang noong efficascent oil sa estante ni Nanay. Puro ka diyan dakdak, eh. Hilutin mo na lang itong likod ko."
Napailing ang bakla. Kahit naman inaasar nito ang dalaga'y dala lamang iyon ng inis niya dito dahil sa padalos-dalos na mga kilos nito. Alam nitong nasaktan ang kaibigan pero mas masakit naman yata ang nangyari sa lalaking sumalo dito. Ito kasi ang nadaganan at nagsilbing proteksyon ni Tori. Mabuti nga at mukhang hindi naman nasaktan. Solido kasi ang katawan at ang tangkad. Iyon nga lang, si Tori, namali yata ang kilos at napuwersa ang mga muscle. Kitang-kita sa mukha nito ang pananakit ng katawan.
Nagdadabog na tinungo ni Inah ang pinaglalagyan ng mga gamot sa bahay na iyon. Napailing na lang si Nanay Nita. Mukhang hindi nga maganda ang unang pagtatagpo ng dalaga at ng binata na taga-villa. Bahagyang sumeryoso ang mukha nito nang magsalita sa anak.
"Nabalitaan ko nga'ng nandiyan na pala ang anak ni Don Carlos Sy. Matagal na rin kasing hinihintay ng villa na 'yan ang bago nitong may-ari. Sa panganay na anak ng don iyan ipinamana. Malamang, iyon ang panganay na anak nito."
"Carlos Sy? Siya po ba iyong sabi niyong anak ng mag-asawang Sy na naging amo po ng nanay niyo noon, Nay?"
Natigilan ang matandang babae pagkatapos ay nangiti ito ng tila ba nangangarap. Bigla kasing bumalik sa nakaraan ang isip niyo. Isang batang babae at batang lalaki, kapwa nasa grade five sila noong panahon iyon. Magkaibigan silang matalik, hanggang sa pagtanda. Kasabay noo'y may mga bagay na akala nila'y nakatakda ngunit hindi pala sadya.
"Tama ka, Inah. Kalaro ko si Carlos noong maliliit pa kami dahil halos araw-araw akong dalhin noon ni Nanay sa malaking bahay nila sa kabilang bayan. Ang villa na iyan ay ipinatayo niya kasi...kasi sa likuran niyan ay may magandang falls, hindi ba?"
Tahimik na napatango ng tipid ang dalagang kapitana. Sandali pa siyang napatingin kay Nanay Nita nang saglit itong tumigil sa sasabihin kanina. Hindi niya alam pero bakit parang may lungkot na dumaan sa mga mata nito habang sinasabi iyon? Napakagat-labi ang dalaga. May pakiramdam siyang hindi lang basta magkaibigan ang kinilalang ina at ang Carlos Sy na kinu-kuwento nito.
Noon bumalik si Inah, dala-dala ang bote ng liniment. Mukhang hindi nito napansin ang lihim na pag-oobserba ni Tori sa ina. Bigla namang nag-iba ang timplada ng mukha ni Nanay Nita nang bumalik ang isa. Mas lalo pa nga nitong ini-interview ang bakla. Mukhang ginaganahang makinig sa pagkukuwento ng huli tungkol sa binatang taga-villa.
Si Carlos Sy kaya ang Nanay Nita's the one that got away?
"Nakakakilig nga po Nanay Nita, eh. Biruin niyo po, noong nahulog ang amasonang ito, parang swak na swak ang timing. Talaga pong sinalo siya ni pogi. Tuloy kawawa si knight in shining armour habang ang kaniyang damsel in distress, hindi man lang siya pinasalamatan. Sinapak pa nga ,eh."
Gulat na napatingin si Nanay Nita kay Tori. "Maryosep ka talagang babae ka. Bakit mo sinapak? Paano ka niyan magkaka-nobyo kung mananapak ka ng lalaki?"
Matalim na tiningnan ng kapitana si Inah habang ang huli nama'y inirapan lamang siya. Kung puwede nga lang niyang sangsangan ng hawak niyang basahan ang bunganga nito, ginawa niya na. Natu-turere na ang tenga niya sa mga impit nitong pagsigaw-sigaw habang hindi magkandatuto sa pagkukuwento ng kaniyang "the one that got away" din kuno. Ngayon naman, sinisiraan pa siya.
"Tsinansingan niya ako, kaya ganoon. Bilis na nga, hilutin mo na itong tagiliran ko."
"Ayoko. Punta ka muna sa kabila at magpasalamat ka sa sa knight in shining armour mo. Wait, oh mah gosh, sinabi mo kanina na may naramdaman kang matigas? Eeehhh, mang, hindi ka na virgin! Ano, malaki ba? Ma-ummh, ano ba!"
Mabilis kasing tinapalan ng kamay ng dalaga ang bunganga ng kausap. Naeeskandalo siya sa mga pinagsasasabi nito. Mabuti na lang at saglit na nagtungo sa dirty kitchen ang ina-inahan.
"Ang bastos talaga niyang bunganga mo, Inocencio. Tumigil ka." bahagyang namumula ang pisngi ng dalaga. Bigla na naman siyang sinundot ng bakla. "Ini-imagine mo no?" tawang-tawa pa ito.
"Siraulo! Lumayo ka na nga sa'kin at dini-demonyo mo ang utak ko." gigil pang turan ni Tori.
"But seriously, you need to thank him, mang. Kasi kung wala siya, nasa ospital ka ngayon at tiyak may mga bakal na iyang leeg o katawan mo."
"Nagpasalamat kaya ako. Kung anu-ano kasi ang pinagtutuunan mo ng pansin kanina kaya hindi mo narinig." sabay asik niya dito ng tubig matapos maghugas ng kaniyang kamay. Natawa na naman si Nanay Nita na noo'y kababalik lamang.
"Nagpasalamat daw? Ang sabihin mo day, sinapak mo na nga, tinarayan mo pa. Naku, naku. Hindi pa nga kayo, battered boyfriend na si pogi. Hmmm, aminin mo na Mang, crush mo 'yon. Sabi mo nga, ganoong tipo ang gusto mo, di ba?" sasa mood talaga ng pang-aasar ang bakla at mas lalo pa siyang pinagti-tripan.
At ano daw, battered boyfriend? Parang wala namang hinithit na katol ang kaibigan niya para mag-hallucinate ng ganoong senaryo!
"Battered boyfriend?! Hoy, ikaw nga't tumigil ka diyan sa mga wildest imagination mo, hane? Kung anu-ano'ng pinagsasasabi niyang bunganga mo, day. Over my dead body. Hinding-hindi ko magiging boyfriend ang isang pinaglihi na nga sa ogre, pinaglihi pa sa ampalaya. Naku, puwede ba't umuwi ka na nga muna doon sa bahay mo't maliligo pa'ko." Pagtataboy niya dito. Pero hindi pa rin talaga siya nito tinantanan,
"Mamang, kung ika'y may diperensiya sa mga mata, spare me. Hindi siya ogre, no? At saka diyan nagsisimula 'yang mga ganiyang love story, eh." kumukumpas-kumpas pa si Inah. "Mang, kayo ang tinatawag na north and south, black and white, the beauty and the beast, the-"
Hindi na ito nakapagsalita nang tuluyan na ngang nilagyan ni Tori ng hand towel niya kanina ang bunganga nito.
"Tumahimik ka na't umuwi dahil magtatrabaho pa ako." Iiling-iling na binalikan ng kapitana ang kaniyang kape at humigop doon. Napansin naman ng dalaga ang nangingiting ina na tila inoobserbahan nga ang kaniyang reaksyon kung apektado siya sa mga deskripsyon ng kaibigan. Imbes na mapikon, idinaan na lamang ni Tori sa tawa ang kalokohan ng kaibigan.
"Nay? Alam ko po kung ano'ng ibig sabihin ng mga ngiting iyan. Sinasabi ko po sa inyo, Nay, huwag po kayong magpapaniwala kay gandang Inah dahil wala po talaga."
"Totoo, hindi ka naguwapuhan? Eh, balita ko nga mukhang nanghihigop daw ng mga kababaihan ang karisma ng batang 'yon. Baka naman anak, at nang magka-love life ka na. Huwag mo namang pagkaitan ng oportunidad ang iyong bulaklak..este pamumulaklak."
Humagalpak ng tawa si Inah sa sinabi ng kaniyang ina. Hindi na rin niya napigilan at umalog na rin ang kaniyang mga balikat sa katatawa. Dinuro niya ang kaibigan at iiling-iling na sinabihan.
"Inah, narinig mo si Nanay? Ikaw, kung anu-ano na ang mga natututunan sa'yo ni Nanay, e." Binalingan niya ulit si Nanay Nita at sa nagseseryoong mukha, sinabi niya...
"Wala talaga, Nay. Nada!" Hindi talaga siya sasang-ayon sa kaibigan niyang baliw. Guwapong ogre, pwede pa. Sa dilim at sungit ng mukha no'n?
Siya na ang human version ni Shrek... Hehehehe
"Kita mo 'tong babaeng 'to, Nay? Ang plastic." binato siya ni Inah ng pinutol na sitaw.
"Para namang walang epekto sa kaibigan mo 'yung binata, Inah?"
Napairap ang tinanong. "Ay, ewan ko ho diyan sa anak niyo, Nay. Bakit parang wala talagang kakilig-kilig sa katawan. Aba' y malapit na siyang mag-silver anniversary dito sa mother earth pero wala pa ring nobyo! Bitter ka 'te?!"
"Ano'ng bitter, saan banda? At ano naman ang gusto mong gawin ko, ha? Maglulupasay at tumirik ang mata dahil sa antipatikong lalaki na sinasabi mo? Sa'n dun banda, eh ang yabang kaya at bastos pa." Tumayo siya't naglakad papunta ng sofa sa kanilang salas. Inihilig niya ang ulo sa sandalan nito. Hindi alintana kahit ang upuan ay kailangan nang i-report sa upholstery service sa kanilang bayan dahil sa mga sira nito.
Saglit na tumahimik ang kausap. Pinagkatitigan siya nito ng mariin habang nakapameywang.
"Tomboy ka ba, Victoria?"
"Huh?!
"Ayusin mo ang sagot mo at sasabubutan kita sa baba kapag umoo ka." Maarte pa nitong sabi. Nameywang ito sa kaniyang harapan at itinaas-baba ang mga kilay para magmukhang mataray.
Imbes na maasar sa narinig, bumunghalit lamang ng tawa si Tori at biglang may naisip na kapilyuhan. Tumayo ito at dahan-dahang lumapit sa baklang kaibigan.
"Gusto mon malaman 'yung totoo? What if sabihin ko sa'yong...Oo? At ikaw ang only crush ko matagal na." At ininguso pa nito ang labi papalapit sa mukha ng bakla.
Nanlalaki naman ang mga matang umatras ito saka tumili ng pagkalakas-lakas.
"G*ga!" Kumaripas ito ng takbo palabas ng bahay nila habang sumisigaw at naghihisterya. Hindi nagawang humabol ni Tori dahil halos hindi na ito makahinga sa katatawa dahil sa reaksiyon ng kaibigan.
"Victoria, talagang kukurutin kita sa singit, maldita ka! Nakakadiri, eeewww!"
Halos mamilipit sila sa katatawa ng nanay niya.
Hay, naku. Siya, tomboy? She wasn't expecting that question. She has great respect for her LGBT friends pero hindi siya tomboy. Pihikan lang siya sa mga lalaki pero super straight siya, of course.
Sayang naman kasi si Ina, ang gandang lalaki. Matangkad at ang ganda ng katawan, kaso nasa pederasyon naman ni muraya. Minsan na rin silang natukso noon nang sinamahan niya ito sa isang family gathering ng pamilya nito kung saan hindi pa alam na pusong-babae ang isang Inocencio Romero. Napagkamalan pa silang magnobyo. Bago matapos ang gabing iyon, halos kalmutin na siya ng kaibigan dahil sa pinag-tripan niya pa itong biruin na tila totoong lalaki sa harap ng mga kapamilya. Niloko niya itong aambaan ng halik sa lips pero hindi naman niya itinuloy siyempre. Halos masuka-suka ito sa pamumutla noon. Mabuti na lang talaga at hindi na nito kailangang magtago pa ngayon dahil kapag nagkataon, baka maulit ang kaniyang biro at sabunutan na lamang siya nito sa inis. Oh, she forgot, lihim pa rin iyon ng kaibigan sa kapatid nitong US marine. Wala naman dito sa 'Pinas.
"Anak, pupunta ka ba muna sa talyer?" Inagaw ng nanay niya ang kaniyang pansin. Nahimasmasan na rin ito sa katatawa.
"Ikaw talaga, ang hilig mong biruin ang kaibigan mo. Ayun tuloy, umuwi na."
"Hayaan niyo 'yun, Nay. Porke hindi ako naapektuhan sa crush niya, kelangan support ako?" Itinuro niya pa ang sarili habang nakanguso. "Dadaanan ko lang po muna sina Estong doon at Kikoy nang mapagbilinan ko sa isang SUV na pinahatid ni Vice, tapos deretso na po ako ng barangay hall."
"Pero totoo namang napaka-guwapo ng binatang iyon, anak. Nakita ko sa labas ng malaking gate nila noong nakaraang linggo. Bumaba ng kotse."
Nagkibit-balikat lang si Tori. Aminado naman siyang guwapo ang lalaki pero kasi, naunahan na ng kaangasan nito ang kaniyang impresyon dito kaya hindi talaga siya kumbinsido.
"Ano ba kasi ang nangyari at parang hindi maipinta ang mukha mo kanina pag-uwi niyo?"
At kinuwento na nga niya ang nangyari kanina. Mula sa pag-akyat niya ng puno para maging rescuer ng pusa, sa pagkakahulog niya sa puno, at pagkakasalo sa kaniya nito hanggang sa sagutan na nangyari sa kanila ng lalaki. At dahil mabait siyang bata, pati na rin sa plano niyang pagbato sana sa malaking gate ay inamin niya.
Nanlalaki ang mga mata ni Nanay Nita sa narinig. Mabilis itong kumuha ng walis tambo at iniumang sa kaniya kaya naman kumaripas din siya ng takbo palabas ng bahay. Bumelat pa sa kaniya si Inah dahil sa nakitang habulan nila ng matanda. Hindi pa pala nakauwi ang bakla. Tuloy, para silang mga batang nagtatawanan. Alam naman niyang mali iyon kaya nga hindi niya itinuloy pero talaga naman, lintek lang ang walang ganti sa guwapong ogre na 'yon.
Teka, did she just said it? Na guwapo nga ang antipatikong lalaki? Malakas na ipinilig niya ang ulo.
Hinding-hindi niya magugustuhan ang mga lalaking guwapo nga, pangit at bastos naman ang ugali. Ayaw niya kay Shrek!
Weh! Di nga? E di ba nga, isa sa mga gusto mong palabas ang Shrek?
Ay, ewan! Basta siya si Shrek.