Callejon

1435 Words
Tulad ng inaasahan, nagmistulang ghost town ang Callejon, lalawigan ng Quezon. Wala ni isang mamamayang lokal. Wala ni isang kaluluwa. Sa naiwang bukas na bintana ng mga bahay, hinahangin ang kurtina. Sa mga alambreng sampayan, ang mga damit na nakasampay ay natuyo na. Mga bakuran na naiwanan sa kalagitnaan ng pagwawalis at pagsusunog ng basura. Mga kagamitang nakalimutang ayusin at napabayaan. Ikutin mo man ang kalakhang lugar ay wala kang matatagpuan na nilalang. Sa mga sari-sari-store, palengke, bigasan, karinderya, at bakery. Sa mga barberya, beauty parlor, bilyaran, sanglaan, at repair shops. Dinaanan nila ang plasa. Doon, nagkalat ang mga tuyong dahon ng mga puno sa konkretong kalsada. Tanaw mula rito ang municipal hall at iba pang mababang mga gusali, tahimik tulad ng mga ulap sa langit. Sa kalsada, mga kotseng nakaparada na bukas ang mga bintana at pintuan; Mga pampasaherong jeepney na nakahambalang; Mga truck na bukas ang hood; Mga tricycle na nakapila sa pampublikong sakayan na walang mga driver. Nakatingin sina Andy at Jang-Mi sa paligid na may pagtataka. Nabasa nila ang briefing at hindi nila inakala na tutoo nga ang lahat, ngayong nakikita na nila ng kanilang sariling mga mata. Pagkalampas ng plasa at ilang kilometro sa pahabang daan ay nadaanan nila ang simbahan ng Callejon na nakatirik sa mataas na lupain. Tulad ng sa plasa, nagkalat dito ang mga tuyong dahon na hindi nawawalis. Ang tanawin ng simbahan ay may hatid na kakaibang pakiramdam sa kanila. Para kay Jang-Mi, nakaramdam siya ng vibrations. Para kay Andy naman, itinanong sa sarili kung paanong nakaligtaan ng Diyos ang bayang ito? Nakatulog ba siya at hinayaan niyang mangyari ang hiwagang ito? # Sa labas ng bayan proper at ilang kilometro pa mula sa simbahan nagpatuloy ang Revo sa paakyat na daan, hanggang sa makarating sila sa mataas na purok kung saan naroon ang isang resort house na ginawang himpilan ng militar. Pumarada ang Revo sa malaking parking area na lupa. Ilang mga sasakyan ang naroon: Mga SUV na tulad ng sa kanila, mga motorsiklo at mga military trucks. May mga sundalo sa paligid na nagmamanman at abala sa ilang mga gawain. Bumaba sina Andy at Jang-Mi karga ang kanilang mga bag. Inikutan nila ng tingin ang paligid. Dito ay may malawak na tanawin ng bayan. Tanaw ang kurus sa itaas ng simbahan hanggang sa mga gusali sa may plasa. Dito rin malawak ang tanawin ng kalangitan. Strategic ang lokasyon, ani ni Andy sa sarili. At secure. Nilagyan nila ng perimeter na outposts ang area na may mga sentry. Sinundan nila si Lt. Esguerra papasok ng 4-floor na resort house. Sa lobby, ay masaya silang sinalubong ni Colonel Laxamana. "Andy! Kumusta biyahe n'yo?" tanong ng opisyal, at nagkamay sila. "Okay naman," tango ni Andy. Bumaling ang colonel kay Jang-Mi. "Hello. You must be Jang-Mi." "Yes," ngiti at half-bow ng Koreana. Maraming sundalo sa loob, lalaki at maging babae, na paroon at parito na abala sa mga ginagawa. Kita ni Andy at Jang-Mi na nagmistulang military headquarters na ang loob. May mga kuwarto na kinonvert bilang opisina. May kuwarto para sa supplies, computers at files, at ammunition. "May mga bago tayong pasok na intel," inform ng colonel kay Lt. Esguerra. "Yes, sir," at agad na lumisan ang tinyente at pumasok sa isang malaking kuwarto. "At tawagin mo si Torres!" pahabol ni Colonel Laxamana. Maya-maya'y lumapit ang isang matangkad at maitim na sundalo. Snappy ang saludo nito. "Sir!" Pinakilala siya ng colonel na si Private Torres. "Turo mo mga kuwarto nila," utos sa kanya. "Yes, sir!" Agad na kinuha ni Torres ang bagahe nina Andy at Jang-Mi. "Torres will show your rooms, okay?" sabi ng colonel sa psychic. "Okay," nakangiting balik ni Jang-Mi. Tumalima si Torres at sinundan ng Koreana. Bago sumunod si Andy ay nagharap pa sila ni Colonel Laxamana. "Pare, salamat sa pagpunta," taimtim na sabi ng colonel. Ramdam ni Andy ang matinding pangangailangan nito sa kanyang tulong. Halata sa boses at tingin. Tumango si Andy, "No problem, pare." # Halos magkatapat lang ang kuwarto ni Andy at Jang-Mi. Makikitang nasa loob na ng kanyang kuwarto si Jang-Mi at tinetesting ang lambot ng kama. Nilapag ng private ang bag ni Andy sa loob. "Sir, kung may kailangan kayo, sabihin n'yo lang sa akin," alok ni Private Torres. "Salamat." Simple lamang ang kuwarto. Isang kama, dresser at closet. Airconditioned at may maliit na ref. The basics. Malinis at maayos. Nang iwan siya ni Torres ay nahiga si Andy at pumikit. Nguni't sandali lamang ay biglang nag-ring ang kanyang cellphone at siya'y napaupo. "Hello?" Sa opisina ng Maverick Private Investigators, hawak ni Marissa ang telepono. "Boss, nandito si Mrs. Arevalo, at galit na galit. Hindi daw kasi inaasikaso 'yung kaso niya," bulong ng sekretarya sa receiver. Sa background, kausap ni Tony ang isang matabang ginang na mainit ang ulo at kanya itong pinapahinahon. Nagtatatalak ang ginang na magarbo ang suot at napupuno ng mga alahas. Si Vic ay kabadong nagmamasid sa sulok. "Anong sasabihin namin?" patuloy ni Marissa. Napakamot ng ulo si Andy. "Wala pa akong lead diyan, eh." "Eh, paano ito? Idedemanda daw tayo," bulong pa ni Marissa. Kumunot noo ni Andy. "Demanda?" "Anong gagawin natin, boss?" sabi ni Marissa sa kabilang linya. Biglang narinig ang malakas na boses ni Mrs. Arevalo sa background nang kanyang maamoy na kausap ng sekretarya ang taong sinadya niya. "Si Mr. Madrid ba 'yang kausap mo?" dagundong na tanong nito. "Hindi, Ma'm, boyfriend ko," nginig na boses na pagkunwari ni Marissa. "Anong boyfriend? Ikaw magkakaboyfriend? Si Madrid 'yan, alam ko! Akina 'yang telepono!" Maririnig ang mabibigat na yapak ng matabang ginang, maging ang pag-agaw nito sa telepono ay may tunog din. Napalunok si Andy. "Mr. Madrid! Anong klaseng private investigator ka? Hinire kita para alamin kung sino ang kinakalantari ng asawa ko. Dalawang buwan na wala ka pang impormasyon!" sigaw ni Mrs. Arevalo sa telepono. Sa likuran, alalang nakatingin sina Tony, Marissa at Vic. Umuusok sa galit ang ginang. Dinaig ang usok ng kape. Para bang lalamunin niya nang buhay si Andy. At si Andy? Dinapuan agad ng migraine. "Mrs. Arevalo, sadyang matinik ang asawa n'yo eh. Madulas," sabi ni Andy, hindi niya maiwasang maging pilosopo. "Lagi akong nalulusutan. Parang pinaghalong ahas at tuko." "Wala akong pake kung higanteng alupihan pa siya!" sabi ng ginang sa kabilang linya. "Gusto kong malaman kung sino ang babae n'ya! Gusto ko ng resulta bukas or you will hear from my lawyer!" "Pero..." Walang ibang masabi si Andy. Wala pa siyang nadidiskubre ukol sa asawa ni Mrs. Arevalo. Tulad nga ng sinabi niya, sadyang madulas ito. Nagulat si Andy nang marinig ang boses ni Jang-Mi. "Ja-Meh." Lumingon siya at nakita na nakatayo sa bukas na pinto ng kanyang kuwarto ang Koreanang psychic. "Ha?" pagtatakang senyas ni Andy. Sa kabilang linya, nagsimula na namang magtatatalak si Mrs. Arevalo. "Sister. Her sister," tugon ni Jang-Mi. "Sister?" pagtataka ni Andy. Nakangiting tumango si Jang-Mi at pagkatapos ay mabilis na tumalikod at bumalik ng kanyang kuwarto. Napaisip si Andy at napagtanto ang gustong sabihin ng Koreana. "Mr. Madrid! Andyan ka pa ba? 'Wag mo kong taguan! Nagaala-ninja ka na naman! Hello! Hello!" galit na bulyaw ng ginang sa telepono. "Mr. Madrid!" "Mrs. Arevalo..." kalmadong sabi ni Andy. "May kapatid ba kayong babae?" Tumaas ang kilay ni Mrs. Arevalo. Sa likuran, makikitang hawak ni Marissa ang extension na telepono mula sa kabilang mesa, katabi sina Tony at Vic at kanilang pinapakinggan ang usapan. Sila'y nagtaka rin sa tanong ni Andy sa matabang ginang. "O-oo, may nag-iisa akong kapatid na babae," amin ni Mrs. Arevalo, bumaba ang tono ng kanyang boses. Nagtataka. At bigla na lamang nanlaki ang kanyang mga mata. "I-ibig mong sabihin..." at para siyang maiiyak. Na mabilis ding nagbago. "Sinasabi ko na nga ba! Sinasabi ko na nga ba!" bulyaw ni Mrs. Arevalo. "Ang malandi kong kapatid! Humanda sila! Papapatay ko sila!" Binagsak niyang hawak na telepono sa mesa at parang susugod sa giyera na lumabas ng opisina. Naiwang nagtataka sina Tony, Marissa at Vic. Sa corridor sa labas, dinig pa ang boses ni Mrs. Arevalo. "Papapatay ko sila! Papapatay ko sila!" sigaw nito hanggang makarating sa elevator at ang mga taong kasalubong ay takot na nagsi-iwas. Dinampot ni Tony ang telepono. "Hello, pare. Anong nangyari?" "'Yung kapatid n'ya ang mistress," sagot ni Andy. "Narinig nga namin," sabi ni Tony. "Pero, paano mo nalaman?" Saglit na natahimik si Andy, at: "Sabi ng kaibigan kong psychic." "Psychic?" pagtataka ni Tony. "Saka ko na ikukuwento," sabi ni Andy. Natawa si Tony.  "Well, mukhang tama ka na naman, pare. At magiging accessory ka pa sa murder. Parang susugod sa giyera si taba," nakangiting sabi ni Tony. "Kelan nga pala balik mo?" "'Di ko pa sigurado, pare. Mukhang matatagalan ako dito," sagot ni Andy. "Ganun ba? O, eh 'di ingat na lang." "Okay, salamat, pare," pagtatapos ni Andy at kanyang ibinaba ang cellphone. Saglit siyang natulala pa na nakaupo sa kama. Inaalala ang kakatapos pa lang na mga pangyayari, lalo na ang pinamalas na psychic ability ni Jang-Mi. Ang kapatid na babae ang mistress. Oo, nga naman. Bakit hindi niya naisip iyon? Bakit hindi niya inimbestigahan? At siya'y napailing na lamang at ngumiti. Kinuha niyang maleta at nagsimulang mag-unpack ng mga gamit. NEXT CHAPTER: "Simula ng Pagsaliksik"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD