PROLOGUE
“We have to end this,” lumuluhang wika ni Lena kay Jayson.
Hindi niya kagustuhan ang umibig sa lalaki, hindi niya rin inaasahan na ganoon na lamang ang mangyayari.
Akala niya'y mananatili ang kaniyang mundo sa nakasanayang ginagalawan nito, ngunit nagkamali siya dahil simula nang dumating si Jayson Javier sa buhay niya'y nagbago ang lahat.
Akala niya'y maganda ang dulot sa kaniya ng lalaki pero hindi pala tama ang akala niya, dahil mas masahol pa pala ang mga sikreto nito kaysa sa pagiging mababang lipad niya.
“You also lied to me,” sagot naman ni Jayson habang nakayuko lamang.
Hindi niya magawa-gawang tingnan sa mga mata si Lena dala na rin siguro ng hiya dahil sa kaniyang nagawa.
“I never lied to you. Tumatawa ka kapag sinasabi ko ang totoo kaya naisip kong huwag na lang muling sabihin sa 'yo. But you! Mas masahol ka pa sa pagiging mababang lipad ko!” Dinuro-duro nito ang lalaki at pinaghahampas sa dibdib.
Wala na siyang maramdaman pa kundi poot at galit. Hindi niya kailanman ginusto ang makasira ng isang pamilya dahil lumaki siya sa isang pamilyang watak-watak, pero sa kaiiwas niya na huwag magaya sa kaniyang ina ay mas lalo pa siyang nalapit sa pagiging isang tao na pinakaayaw niya.
“I love you.”
Pagkasabi ni Jayson ng mahiwagang salita na 'yon ay halos matunaw siya sa kinatatayuan niya. Mahal niya ang lalaki ngunit alam niyang hindi maaari ang iniisip niya — ang gusto niya.
Alam niya na kapag mas pinili niya ang maging masaya ay maraming tao ang maaapektuhan, masisira at masasaktan.
At hindi kaya ni Lena na lunukin na lamang iyon dahil mas gugustuhin niyang lalo pang masira kaysa makasira ng buhay ng iba, pero may kung ano sa kaniya na humihiling na sana isang beses pa — isang beses pa na mahagkan niyang muli ang lalaki sa kahuli-hulihang pagkakataon.