DALAWANG taon ang lumipas, nakagraduate na si Maverick sa kursong Medicine at magpapatuloy sa kanyang residence.
Matapos ang isang buwan, humingi siya ng tulong sa kanyang mga magulang para sa plano niyang magtayo ng sariling ospital, mas maganda kasing habang tinatapos niya ang kanyang residence ay naitatayo na ang kanyang hospital kasabay ng paglago ng kanyang propisyon.
Habang naroon sila ng kanyang pamilya sa hapagkainan at nagsalo-salo ng tanghalian ay agad nilang napag-usapan iyon.
"Tamang tama, hijo. May ibibigay akong lupa para diyan sa itatayo mong ospital. I'm sure magugustuhan mo ang lokasyon niyon."
"Really, Dad?" tuwang tanong ni Maverick sa ama. "Well, where's that located?"
"Dito lang din sa Maynila. Meron akong nabili noong hindi pa naipapanganak itong si Vira. More than 20 years na ang tanda ng lupang iyon at dahil sa tagal ko nang hindi iyon napapasyal ay hindi ko na alam kung sino ang mga nakatira doon."
"Eh, Dad, paano kung hindi umalis ang mga nakatira doon dahil sa tagal nilang tinirhan ang lupang iyon? At baka akuin pa nila iyon dahil sa akala nila'y napabayaan na natin iyon."
"Don't worry, hijo. Bago ko iniwan ang lupang iyon ay may isang pamilya roon akong pinabantayan at pinaubaya sa kanila ang lupa. And as my gratitude to them, I want you to give them their new home."
"You mean, ako na ang bahala sa kanila?" tanong ni Maverick bago isinubo ang pagkain.
"Yeah, if it's alright with you. Pagkatapos kong ibigay sa iyo ang titulo ng lupa ay bahala ka na kung anong gusto mong gawin. Kung gusto mong idimolish ang lahat ng bahay doon ay kailangan mo muna silang kausapin."
"No problem, Dad."
"Bukas ay ipapatawag ko ang ating abugado. Siya ang sasama at tutulong sa iyo sa pag-aayos ng lahat."
Tumango siya at ngumiti. "Thanks, Dad."
ISANG TAON nang hindi na nagtatrabaho sa bar si Anastacia mula nang may makilala siyang modeling scout doon. Si Mrs. Delacruz na nag-offer sa kanya na maging bahagi ng modeling agency ng isang sexy magazine. In-offer-an siya nito ng 2 year contract na agad naman niyang tinanggap dahil hindi naman siya maghuhubad maliban sa pagsusuot ng mga bikini at sexy lingerie na likha.
Nagpapahinga siya ngayon sa bahay dahil next week pa ang kanilang photo shoot.
Kahapon ay dumalaw siya sa kanyang kaibigang si Melly sa bar nito at nakipag-inuman. Iyon man ang pambawi niya sa tampo nito matapos niyang magresign. Ipinangako niyang babalik siya pag natapos niya ang kontrata.
Nang magsawa na siya sa kanyang higaan ay nagpasya siyang bumangon at lumabas ng kanyang silid. Balak niyang magpahangin at mag-inat ng katawan sa labas.
Naabutan niyang nagwawalis sa labas ang kanyang ina.
"O, gising ka na pala. Bago ka pa abutan ng tanghali ay mag-almusal kana doon." anito.
"Mamaya na, Ma. Mag-i-exercise muna ako."
"O siya sige. Nga pala, pumunta nga pala dito ang abugado nung may-ari nitong lupa." anito na tumigil pa sa pagwawalis para mag-isip. "Ah tama, si Atty. Mariano, abugado nina sir Ricky Santillan."
Napakunot-noo na lang siya dahil hindi niya kilala ang mga sinasabi ng kanyang ina.
"Sino ba yung Ricky Santillan, Ma?" tanong niya.
"Siya lang naman ang may-ari nitong lupang tinitirikan natin, anak. Pumunta ang abogado niya kahapon para pag-usapan ang planong pagpapaalis sa atin dito." Malungkot na saad ng kanyang ina na ikinagulat niya.
"Hala! Nay, palalayasin na nila tayo dito?" nag-aalalang bulalas niya.
"Kailangan na daw nating lisanin ang lupang ito dahil balak ng anak ni Mr. Santillan na pagtayuan ito ng ospital."
Umasim ang mukha niya. "Bad trip naman tong anak ni Mr. Santillan." ungot niya. "Saan naman tayo titira nito, Ma?" Bigla siyang nawalan ng ganang mag-ehersisyo.
Ngumiti lang ang kanyang ina. "Huwag kang mag-alala anak. Ang sabi sa akin ni Atty. Mariano, pupunta sila dito sa isang araw para sunduin tayo at ilipat sa bago nating tirahan."
"Talaga, Ma?" gulat na tanong niya.
"Oo anak, kaya mamaya dapat magsimula na tayong mag-impake ng ating mga gamit."
"Eh bakit naman nila tayo bibigyan ng bagong tirahan?"
"Kasi naging tapat daw tayo at nagtiyagang bantayan ang lupang ito sa matagal na panahon. Kaya naman, bilang pasasalamat daw nila ay bibigyan daw nila tayo ng 'resettlement fee' at bahay."
"Wow, ang bait naman nila."
"Oo, mabait talaga sila lalo na si Sir Ricky, hindi nila tayo hahayaang umalis dito nang walang ibang mapupuntahan. Nalulungkot lang ako ng bahagya dahil sa tagal nating nanirahan dito ay napamahal na tayo sa lugar na ito. Andito din ang alaala ng tatay niyo."
Ngumiwi lang siya sa narinig saka itinaas ang kamay sa ere.
"Makapag-almusal na nga lang..." nagmadali siyang pumasok sa bahay deretso sa kusina at naghanap ng makakain.
"NANDITO na po tayo, Sir Maverick." anunsiyo ng abugadong si Atty. Mariano matapos tumigil ang sasakyan sa tapat ng isang bahay na may maliit na bakuran.
Nang makababa ay agad na inilibot ng binata ang paningin sa lupang kinasasadlakan ng bahay na iyon. Napangiti siya dahil iisang bahay lamang ang tanging umukupa doon. Malaki at malawak ang lote at nagustuhan niya ang posisyon niyon na akma naman sa ikinuwento ng kanyang ama.
Sa itsura ng bahay ay kailangan na talaga itong irenovate dahil sa sobrang pagkaluma. Kaya siguro madaling napapayag ang may-ari dahil narin sa kalagayan ng estruktura nito.
Ang gate nga ay halos hindi na niya kayang hawakan sa sobrang kalawang nito.
"Tao po!" maya maya ay tawag ni Atty. Mariano sa tapat ng gate. "Tao po!"
Maya maya ay lumabas ang isang may edad nang ginang at lumapit sa kanila.
"Kayo po pala, Atty. Mariano. Tuloy po kayo."
"Salamat po." ani Atty. Mariano at bumaling sa binata. "Ito nga po pala si Sir Maverick, ang anak ni Mr. Santillan. Sir Maverick, siya po si Aleng Guadalupe, ang nakatira sa lupang ito."
"Magandang araw po." pormal at nakangiting bati ni Maverick habang papasok sa bakuran.
"Magandang araw naman sir. Mabuti naman po at nakita ko ulit kayo."
Agad namang kumunot ang noo ng binata sa narinig. "Ano pong ibig niyong sabihin?"
"Ah, kasi hindi naman ito ang unang beses na pumunta ka rito. Maliit na bata ka pa lamang noon nang dalhin ka at isama ni Sir Rick dito."
Hindi niya maalala iyon at hindi rin nabanggit ng kanyang ama. "Ganun po ba?"
"Oho, o siya, pasok po kayo sa munti naming bahay." alok ng matanda at pinapasok sila hanggang sa maliit na sala saka pinaupo. "Saglit lamang ho at ikukuha ko kayo ng maiinom." umalis saglit ang ginang at pumasok sa kusina.
Sandali niyang inilibot ang mga mata sa kalooban ng bahay. Napakasimple lang ng ayos niyon pati ang mga mwebles at ibang kagamitan ay halata na ang pagkaluma.
Napatingin siya sa wall at sa mga picture frame na nakasabit doon. Pinagmasdan niya ang mga mukha sa mga litratong iyon. Si aling Guadalupe at ang nasisiguro niyang asawa nito kasama ang dalawang mga anak nitong batang babae. Nasisiguro niyang matagal na ang litratong iyon base na rin sa kulay at suot ng mga taong naroon. Ang ibang frame naman ay indibidwal na litrato ng pamilya. Isang litrato nung kabataan ni Aling Guadalupe at ng kanyang asawa. May isang litrato ng dalagang hindi nagkakalayo ang edad ng kapatid niyang si Vira. Habang ang isa naman ay...
"Pagpasensyahan niyo po ako at ito lang ang maipapainom ko sa inyo." naialis niya ang kanyang paningin sa wall nang dumating ang ginang dala ang dalawang baso ng orange juice at inilapag iyon sa mesa.
"Ayos lang po, Aling Guadalupe. Pasensya na at naisturbo namin kayo." ani Atty. Mariano. "Inihatid ko lamang po dito si Sir Maverick, hindi narin po ako magtatagal."
May mga dokumento at habilin lamang ang abugado, maya maya lang ay nagpaalam na ito.
"Naparito lang po ako upang tingnan at sukatin ang lupang ito upang maisumite ko na sa engineer." ani Maverick.
"Ganun po ba? Sige ho, at pasasamahan ko narin kayo sa aking anak palibot sa lupang ito."
"Hindi na po, maya maya lang po ay darating si Engineer Talisic, salamat." aniya sa alok nito.
"Ganun ba, pero teka lang at tatawagin ko ang panganay kong anak para maipakilala ko sayo." saka tumayo at tumapat sa hagdanang gawa sa kahoy. "Saglit lamang ho at tatawagin ko."
"Tasya, anak!" tawag nito. "Bumaba ka muna rito saglit."
"Bakit ho!" narinig niyang boses ng babae.
"Basta, bumaba ka na rito bilis!"
Maya maya ay nakarinig siya ng yabag ng mga paa sa itaas hanggang sa makita niya ang babaeng bumababa sa hagdan.
"Ano ba yun, Ma? Kakatapos ko lang maligo eh..." maktol nito habang pinupunasan ang basang buhok kaya naman natatakpan ang mukha nito.
"Ano kaba? Andito ang anak ng may-ari ng lupa. Ayusin mo nga ang itsura mo." narinig niyang paasik na bulong ng ginang sa anak nito na ikinangiti nalang niya ng bahagya.
"Huh?" tumigil ang babae sa pagpupunas at lumingon sa gawi niya.
Ganoon na lang ang pagtayo niya sa kinauupuan kasabay ang pagsalubong ng kanyang mga kilay pagkakita sa babae.
Maging ito ay nanlaki ang mga mata pagkakita sa kanya na wari mo ay nakakita ng multo.
"Ikaw?!!" sabay nilang bulalas sa muli nilang pagkikita.