CHAPTER 10
HINDI tuloy mapakali si Anastacia nang sumapit ang gabi matapos ang nangyari kanina. Ilang beses niyang hinaplos ang kanyang labi habang nakahiga sa kanyang kama at nakapikit. Nagdalawang-isip pa siyang mag-toothbrush kanina dahil ayaw niyang mawala ang pakiramdam nung halik ni Maverick. Hindi siya makapaniwalang nangyayari iyon.
Sa edad niyang iyon ay daig niya pa ang teenager kung kiligin.
Panay pa ang tingin niya sa kanyang cellphone. Nagbabaka-sakaling tawagan siya ng binata.
Ilang oras siyang naghintay at hindi namalayang nakatulugan niya iyon.
Maya maya ay nagising siya sa tunog ng kanyang cellphone. Dali dali niyang dinampot ang cellphone na nasa ulunan niya at tiningnan kung sino ang tumatawag.
Agad nanlaki ang mata niya at naexcite nang makita ang pangalan ni Maverick doon.
Nanginginig ang kamay niyang sinagot iyon.
“H-hello?” Kagat kagat pa niya ang kanyang daliri pagkatapos sabihin iyon.
Hindi niya alam kung bakit siya kinakabahan.
“Hi, Stacy. How are you?” sabi nito sa kabilang linya.
“Ayos lang ako. Nakahiga ako sa kama.”
“Oh, sorry, natutulog ka na ba?”
“Ah hindi. Masyado pa namang maaga.” agap niyang sabi. “Uhm, ikaw ba? Nakauwi ka na ba?”
“Ah yeah, nagpapahinga na din ako.”
“Ah...” Iyon lang at hindi na niya alam ang sunod na sasabihin.
Sandali silang natahimik. Nailapat niya ang kanyang labi dahil sa kawalan ng sasabihin para lang magkaroon sila ng mapag-uusapan.
“Stacy?” pagkaraa’y tawag nito. “Are you still there?”
“Ah, oo. Andito pa ako...”
“I have a question.”
“Sige, ano ba yun?”
“Do you have a boyfriend?”
Sandali siyang natigilan dahil sa tanong nito. Nagtatanong lang naman ito pero kakaiba na ang reaksyon ng katawan niya.
“W-wala.” aniya. “Never naman akong nagka-boyfriend.”
“Good.” anito na ikinabigla niya.
“Ha?”
“Nothing.” anito saka bahagyang natawa kaya napanguso siya.
Ano naman kaya ang ibig niyang sabihin dun?
“Ahm, Stacy. I was thinking about---”
“Who are you talking to?”
Natigilan si Tasya nang marinig ang boses ng babae sa kabilang linya dahilan para maputol ang sasabihin ni Maverick.
“N-nothing...” utal na tugon ni Maverick.
“Sino nga?”
“W-wala...” muling sagot ni Maverick at bigla nalang binaba ang tawag.
Saglit siyang napatitig sa cellphone na kunot ang noo.
Napabuntong hininga siya at biglang nanlumo.
“Sino kaya ‘yong babae?” bulong niya. Saka naalala ang picture ni Maverick sa istagram kasama ang isang babae. Muli siyang napabuntong hininga. “Girlfriend niya.” mapait siyang napangiti.
Hindi niya maintindihan ang sarili. Tila may pakiramdam siyang umaasa na magkakagusto sa kanya ang binata.
Natigilan siya sa sariling naisip.
Gusto ko na kaya siya? Tanong niya sa isip.
Naguguluhan lang siya kay Maverick. Kung may girlfriend na ito, bakit siya nito hinalikan? Para saan iyong mga bagay na ginawa nito para sa kanya?
Napapikit siya ng mariin dahil sa inis. Iniisip niyang baka pinaglalaruan lang siya ni Maverick. Natakot siguro ito matapos maabutan ng girlfriend na may kausap na ibang babae.
Natigil lang ang pag-iisip niya nang mag-ring ang kanyang cellphone. Nagkamali siya sa pag-aakalang si Maverick iyon.
Napabuntong hininga nalang siya bago sagutin ang tawag.
“Hello, Melody?”
“Tasya, friend, I need your help, bes.”
“Bakit, anong nangyari?” takang tanong niya.
“Yung kapalit mo kasi, kung kailan sobrang dami ng customer, saka um-absent. Nakakainis!”
“O, eh pano yan?”
“Yun na nga. Kami lang dalawa ni Mitchell. Hindi namin kaya ng kaming dalawa lang, Bes. Beke nemen...”
“Anong beke nemen?” natatawang tanong niya.
“Ngayong gabi lang, bes. Please, punta ka muna dito. Babayaran naman kita eh.” anito na halatang maingay doon at naririnig niya pa ang mga pagtawag ng mga customer. “Teka sir, andyan na po!”
Napabuntong hininga siya at napabangon sa kama. “Sige, friend, hintayin mo ako diyan. Next week pa naman ang pictorial namin.”
“Salamat, friend! I love you na talaga! Teka, andami nga pa lang naghahanap sayo na regular customer. Lalo na si Jinggoy.”
“Si Jinggoy?”
“Oo, naku friend. Mukhang may tama sa’yo.” natatawang tudyo nito sa kanya kahit na rinig niyang abala ito sa pagsi-serve sa customer. Tuloy ay naimagine niya ang itsura nito habang ginawa iyon.
Umikot ang mata niya pagkarinig niyon. “Hay naku, friend. Alam mo namang hindi ko siya type. Kaibigan lang ang turing ko sa kanya.”
“Ay bahala ka sa lovelife mo, haha. Basta pumunta ka ngayon ha? Hihintayin kita. Bye!”
“Oo na, bye!”
Mabilis siyang kumilos para maligo. Pagkatapos niyang magbihis at mag-ayos ay agad siyang bumaba at nagpaalam sa kanyang ina.
“Mag-iingat ka lalo na sa pag-uwi mo!” bilin sa kanya ng kanyang ina.
“Opo, nay. Magpapahatid ako kay Melody pauwi. Sige na, nay, alis na ako.”
Mabuti na lang at malapit lang sa labasan ang kanilang bahay. May nakaabang agad na taxi doon kaya mabilis siyang nakasakay at nakarating sa bar.
At tama nga ang sinabi ni Melody, napuno ang bar nito na hindi naman kalakihan pero hindi rin naman kaliitan. Ito lang kasi ang ang mas nagugustuhang puntahan ng mga tao doon kaya hindi na siya nagtatakang mabenta iyon. Ito kasing si Melody, dahil napaka-kuripot ay ayaw magdagdag ng waitress.
Doon siya dumaan sa gilid ng bar kung saan may pintuan papasok sa kanilang locker area. Agad siyang nagsuot ng apron ng kanilang bar at naglakad sa pwesto ni Melody na abala sa pagkuha ng mga inumin.
“Hoy!”
“Ay puki!” gulat na bulalas ni Melody nang bigla niya itong sundutin sa pwet. “Letse ka friend! Akala ko may nambastos na sakin.” angil nito na nginisihan niya lang. “Salamat naman at dumating kana. Ito oh, tulungan mo ako dito. Ikaw na bahala dun sa table na yun.” Inginuso nito ang table na may nakaupong lalaki at babae.
“No probs, boss.” aniya saka kinuha ang tray na inihanda ni Melody para sa table na iyon at naglakad papunta doon bitbit ang tray.
“Excuse me, Mam and sir, here’s your---” natigilan si Anastacia sa pagsasalita nang makilala niya ang lalaking nakaupo roon.
“M-maverick...”
“Stacy?” di makapaniwalang saad nito. “What are you doing here?”
Sa halip na sagutin ay saglit siyang napatitig kay Maverick at di naglaon ay nailipat ang tingin niya sa babaeng katabi nito. Awtomatikong kumirot ang dibdib niya sa kaalamang may kasama itong babae ngayong gabi.