Chapter 22

1466 Words
Chapter 22 Trisha’s PoV FLASHBACK. . . Dati ayokong pumasok sa school. Bukod kasi sa wala naman masaya sa paaralan. wala ring interesante. Puro lang pambubully ang naabot ko dahil lang sa tahimik ako at hindi nakiki halubilo. Ayoko rin naman sa bahay ng tiyahin ko dahil panay utos, panay pang aalila lang ang ginagawa sa akin. Nakikita niya lang ako bilang isang utusan. Wala man lang siyang ka-amor amor sa akin. Wala man lang akong maramdamang pagpapahalaga. Wala na akong inaasahan na kahit ano pang pagmamahal mula sa kanya. Kung ang sarili ko ngang mga magulang ay iniwan ako at sinasaktan, paano pa kaya ang ibang tao? Kaya ganun na lang ang pagkahulog ko kay Raven. Siya lang kasi ang taong nagmalasakit sa akin ng higit. Hindi lang panandalian kundi sa mahabang panahon. Siya ang nagbigay sa akin ng rason para maging excited sa kinabukasan. May kakaibang saya sa puso ko tuwing naririnig ko ang motor ng tricycle at bubusina na si Mang Nelson para sa isabay na ako kay Raven sa pag pasok. Dahil kay Raven, nananabik na akong pumasok sa eskwelahan. madalas man niya akong hindi napapansin dahil marami siyang kaibigan at pinagkaka-abalahahan pero kahit kailan ay hindi niya ako inaway o kinahiya bilang isang kaibigan. Kahit nang mag high school na kami at madalas ay hindi na magkasabay sa pag pasok dahil malayo layo na rin ang pinapasukan naming paaralan, pero madalas naman kami na laging magkasama at nag-uusap. Marami rami na rin kasi ang lumalapit kay Raven, mapa babae man o lalaki. Marami ang gusto makipag kaibigan sa kanya kaya gumagawa na ako ng paraan para maka-usap siya at maka-sama. Paglabas ko ng gate ng school, hindi ko inaasahan ang boses na tatawag sa’kin mula sa kalsada. “Trish!” Paglingon ko ay si Raven pala. Hindi ko naman kasi inaasahan na mapapansin pa niya ako dahil madalas ako ang pasimpleng nagpapa-pansin sa kanya. Nakasandal siya sa poste, may hawak na supot ng kwek-kwek. Wala siyang pakialam kung minsan ay tinutukso siya sa akin dahil nga madalas kaming magkasama. Maraming nagsasabi na mag boyfriend daw kami. Pero tinatawanan niya lang iyon at hindi pinapansin. Diretso ang tingin niya sa’kin at ngumiti pa. “Anong ginagawa mo dito?” tanong ko, lumapit habang inaayos ang strap ng bag ko. “Na-miss lang kita,” sagot niya, sabay abot ng supot ng kwek-kwek. “Paborito mo, ‘di ba?” Napatingin ako sa kanya, hindi ko alam kung matutuwa o magtataka. Ano kayang nakain ni Raven at ganito siya ka-sweet sa akin? Sinabi pa niyang na-miss niya raw ako eh halos araw araw namin kaming nagkikita. Alam kong pulang pula na ang pisngi ko sa kilig. “Hindi ba may training ka dapat ngayon?” “Wala na. In-skip ko. Mas mahalaga ka.” Napairap ako kahit kinikilig na sa loob. “Ang dami mong kaibigan sa school at outside ng school. Raven. Baka hanapin ka nila. Baka magalit sa akin ang coach mo at ka-team.” Varsity kasi siya ng basketball kaya nga isa na rin iyon sa dahilan kaya medyo sikat siya at kilala sa school namin at sa iba ring school. Sa tuwing may laban sila sa gym at may dayong school, siya ang may pinakamalakas na tilian, bukod kasi sa magaling siya magbasketball ay hindi makaka-ila na gwapo talaga siya. Hindi lang niya alam kung gaano kalakas ang dating niya at maraming babae ang humahanga sa kanya. At isa na ako doon. “Pero ikaw ‘yung gusto kong puntahan,” sagot niya, simpleng-simple pero diretsong tumama sa dibdib ko. Gusto niya na rin ba ako? Bakit bigla bigla naman siyang nagasasalita ng ganyan? Sweet si Raven, sweet siya sa lahat. Friendly siya at karaniwan na sa kanya ang napapaligiran ng maraming kaibigan. Pero ang maging ganito ka-extra sweet ay hindi ako sanay. Hindi siya ganito. Napatingin na lang ako sa kanya na waring tinatanong kung anong nangyari sa kanya. “May. . . may kailangan ka ba, Rav?” Napahalakhak na lang siya at sabay kamot ng ulo na waring nahihiya dahil nabuking siya sa kung ano man ang tinatago niyang nakakahiya na sabihin. “Galing mo talaga, kilalang-kilala mo ‘ko.” Huminga siya ng malalim at nagseryoso. Tumingin siya ng matiim sa mga mata ko at kumapit ng mahigpit sa mga braso ko. “Alam mo bang gusto kong. . . gustong gusto ko talaga—” Napalunok ako dahil parang may aaminin siyang hindi niya kayang sabihin sa harap ng maraming tao. Biglang dumagundong ang dibdib ko. Gusto raw? Gusto niya rin ako? Iyon ba ang gusto niyang aminin na hindi niya kayang sabihin? Gusto ko nang kagatin ang labi ko at gusto ko na rin sumigaw sa kilig. Hindi ko na maitago ang ngiti sa aking mga labi. Matyaga kong hinintay ang sasabihin niya. “Trish, gusto ko talagang manalo ang team namin. Hindi ba malaking karangalan sa school natin ‘yun pag nanalo kami?” “Ahm. . . ah . . .” Napanganga na lang ako dahil sa sinabi niya. Iyon lang ba? Iyon na ba ‘yun? O may karugtong pa? Tungkol lang ba sa basketball? Hinintay ko pa ang susunod niyang sasabihin baka kasi bumwelo lang siya ng pagsasalita. Pero lahat ng excitement ko ay biglang nawala nang hindi ko narinig ang inaasahan kong confession niya sa akin. Wala palang ganun. Walang confession, walang nakaka-kilig na gusto niyang sabihin sa akin. “Ahm, anong connect sa akin? May magagawa ba ako sa gusto mo?” Nawala ang ngiti ko at napalitan ng lungkot pero pilit kong tinago ang disappointment ko at nagkunwaring excited din ako sa gusto niyang mangyari. “Yes. malaki ang maitutulong mo, Trish.” Hinawakan niya ang kamay ko at pakiramdam ko sa mga sandali na iyon ay napakahalaga ko dahil kailangan niya ako. Pero wala akong idea kung bakit malaki ang maitutulong ko sa kanya. Wala naman akong pera, hindi rin ako popular, wala akong koneksyon sa school na kailangan niya na pwede kong itulong. “Trish, kailangan kong mag todo practice kasama ang team. Kailangan ng matinding effort ko at magkaka conflict sa academic schedule ko. Alam mo naman na dalawa tayong nagko-compete para sa valedictorian–” Tumango tango ako. Nagkaka-ideya na ako sa mga pinagsasabi niya. Pero hindi ko pa rin maunawaan ang gusto niyang mangyari. Nilinaw na rin naman niya ang kanina pa niya gustong sabihin. “Trish, ang dami kong hindi magagawang project, mga assignment, at report kapag nag focus ako sa team. Kaya siguradong hindi ako papayagan ni Tatay at Nanay na sumali sa basketball. . .” “So, anong gusto mong gawin ko? Anong maitutulong ko?” Lalo niyang hinigpitan ang pag hawak sa kamay ko at pinisil pisil pa niya ang palad ko. “Trish, baka pwede naman. . . baka pwedeng. . .” Hinihintay ko ulit ang buo niyang sasabihin. Kanina pa ako nabibitin sa mga pautal utal niyang pangungusap. Hindi ko naman siya masaway dahil gusto ko rin ang atensyon at oras na binibigay niya sa akin. “Trish, baka naman pwedeng ikaw na ang gumawa ng mga projects, assignments, saka reports ko? Alam mo naman na pag hindi ko nagawa yan, siguradong bababa ang grades ko at mapapatalsik na ko sa team. Last year ko na, last chance na para sa akin na mapag champion ang school natin. Apat na taon na kong nag-aasam ng championship, Trisha. . .” Ngumiti na lang ako. Nauunawaan ko na siya. Nauunawaan ko na ang gusto niyang mangyari. “Ok. Sige. maliit na bagay. No problem. Akala ko naman kung ano na,” iyon na lang ang tugon ko. Kahit na nadismaya talaga ako. Pero masaya na rin kahit papaano dahil , sa unang pagkakataon, kinailangan ako ni Raven. May silbi na rin ako para sa kanya. Totoo ang sinabi ko, maliit na bagay lang para sa akin ang hinihingi niyang pabor. Bigla na lang niya akong niyakap dahil sa sobrang tuwa niya. "Thank you, Trish. Hindi mo alam kung gaano kalaking tulong ang ginawa mo para sa akin. Sobrang selfish ko alam ko yun pero naiintindihan mo naman 'di ba? Hindi ko pwedeng i-copromise ang basketballat academics. Ayaw kong madisappoint sila Nanay at Tatay. Ako ang inaasahan nilang maging valedictorian. . ." Tiapik tapik ko ang balikat niya. "Ok lang Rav. Naiintindihan ko. Huwag ka na mag-alala pa." Kaya ganun nga ang ginawa ko. Ako ang gumawa ng lahat ng projects niya at assignments, at lahat ng kailangan niya para tumaas ang grades niya. Higit pa doon ang sinakripisyo ko para sa kanya. Ang sakripisyong babago sana sa takbo ng buhay ko pero mas pinili kong ibigay kay Raven. Dahil . . . Dahil mahal ko siya. ABANGAN ANG SUSUNOD NA CHAPTER. . .
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD