“Nay. . .” Alanganing nilapit ni Bettina ang ina habang nagtatahip ng bigas. “O?” anitong tutok na tutok ang atensyon sa ginagawa. “Ahh. . . ano kaya ho sa palagay ninyo kung mag-part time muna ako ngayong summer?” lakas-loob niyang tanong. Pinagkrus niya ang mga daliri sa likuran. Napatigil ito sa ginagawa at pinagmasdan s’yang mabuti. “Bakit?” Napatiim ang mga labi ni Bettina at sandaling nag-isip kung sasabihin ba rito ang totoo. “Eh. . . may nag-aalok ho sa akin ng trabaho, pero ngayong summer lang naman ho. Kaya sinisiguro ko sa inyong hindi iyon makaaapekto sa pag-aaral ko,” mabilis niyang sagot. Halos magdikit na ang mga kilay ng kaniyang ina habang pinakikinggan siya. Pagkatapos, walang imik na ipinagpatuloy nito ang ginagawa. “N-Nay. . . ?” nag-aalalang tanong niya rito.

