Chapter Five

4009 Words
NANG minsang nasabi ni Ethan kay Tamara ang plano niyang pagsunod sa yapak ng daddy niya bilang isang sundalo at mag-alala ito, sinamantala na niya ang pagkakataon para sa sabihin dito ang nararamdaman niya. He was so happy when she said "Yes". Dinaan niya ito sa bilis. Isang buwan pa lang silang magkakilala noon at ni hindi pa nga siya nanliligaw. Subalit ipinakita at ipinaramdam naman niya sa dalaga nang mga sumunod na araw kung gaano niya ito kamahal. Pareho silang nagulat ni Tamara nang malamang parehong broadcaster ang kanilang mga ina at nagtatrabaho sa magkalabang istasyon. Sa unang mga buwan ng kanilang relasyon ay hindi nila iyon naging problema. Pero nang makilala na niya ang mommy ni Tamara ay kaagad itong nagpakita ng disgusto sa kanya lalo na sa relasyon nila. Matagal na rin pa lang magkakilala ang kanilang mga ina at dati nang may hidwaan noong kolehiyo pa lamang sa UP Diliman. Inutusan si Tamara ng mommy nito na makipaghiwalay sa kanya pero hindi ito sumunod. Itinuloy nila ang relasyon na lingid sa kaalaman ng mommy nito. Wala naman silang naging problema nang ipakilala niya ito sa kanyang mga magulang bilang nobya niya. Mainit ang naging pagtanggap ng mga ito. Pinaalalahanan lang sila ng mga limitasyon at mga dapat na prioridad nila. Malapit na ang graduation nila nang isang araw ay hindi pumasok si Tamara. Labis-labis ang pag-aalala niya rito nang hindi niya ito makontak sa cell phone at landline sa bahay nito. Pinuntahan niya ito sa bahay pagkatapos ng klase ngunit saradong-sarado ang bahay nito. Hindi rin pumasok si Tamara nang sumunod na mga araw. Labis-labis na ang pag - aalala niya rito. Wala ring alam si Daena kung nasaan ang pinsan at kung anong nangyari rito. Hanggang isang araw ay tinawagan siya ni Tamara at nagkita sila sa isang fast food. May dala itong malaking bag at namumugto ang mga mata. "Umalis tayo, Ethan. Sasama ako sa 'yo kahit saan. Ilayo mo lang ako rito," sabi nito matapos nilang magyakap. "A-ano'ng nangyari, Tammy?" gulat na tanong niya. "Ipapadala na ako ni Mommy sa Austria. Magkakahiwalay na tayo. Ayokong mangyari 'yon, Ethan. Please, magtanan na tayo." Hindi siya nakasagot. Hinding-hindi siya makapapayag na magkahiwalay sila ni Tamara. Mahal na mahal niya ito. Pero sila magtatanan? For God's shake he was just seventeen. Wala pa siyang kaalam-alam sa buhay. Ni wala siyang alam na trabaho. Paano sila mabubuhay? Anong ipapakain niya rito? Sinuportahan man ng kanyang mga magulang ang relasyon nila ni Tamara. Pinangunahan naman siya ng mga ito na sa oras na bigla siyang mag-asawa ay ititigil na ng mga ito ang pinansiyal na suporta sa kanya at siya mismo ang bahalang bumuhay sa magiging pamilya niya. He had a pair of cool and supportive parents. Pero pagdating sa mga pangaral at house rules ay seryoso ang mga ito sa pagpaparusa sa kanilang magkakapatid kapag hindi sila nakakasunod kaya alam niyang hindi nagbibiro ang mga ito nang balaan siya. "Ethan?" sabi ni Tamara nang tila mainip sa sagot niya. Hinawakan niya ito sa kamay. "Tammy, hindi tayo puwedeng magpadalos - dalos. Makakaisip pa tayo ng ibang solusyon sa problema. Hindi solusyon ang pagtatanan. Kakausapin ko ang mommy mo." "No! Hindi mo ako naiintindihan. Nakapagdesisyon na si Mommy. Kapag umuwi ako ngayon, baka hindi na uli ako makatakas. Baka hindi na tayo magkita kaya mabuti pang umalis na tayo ngayon." "Tammy..." hindi niya malaman ang sasabihin. "Ayaw mo bang sumama sa akin?" tanong nito kasunod ng pagpatak ng mga luha. "Hahayaan mo na lang ba akong umalis, Ethan? Mahal mo ba talaga ako?" "Of course, I love you. Pero ..." "Patunayan mo, Ethan. Patunayan mo na mahal mo ako at tutuparin mo ang pangako mong hindi ka mawawala sa akin," hamon nito. Muli ay hindi siya nakasagot. Sandali siyang nanatiling nakatingin sa maganda nitong mukha habang patuloy sa pagluha. Nang hindi na niya matagalan ang nakikita ay nag-iwas siya nang tingin. Isa iyon sa kahitnaan niya, ang makita itong umiiyak. Tumayo si Tamara. Anyong aalis na ito nang pigilan niya. Labag man sa kalooban niya ay pumayag siya sa gusto nitong mangyari. Bahala na kung ano man ang kahihinatnan ng lahat. Ang mahalaga ay magkasama sila nito. Isinama niya si Tamara sa bahay nila. Magkatulong silang nag-impake ng mga damit at mahahalagang gamit niya. Pagkatapos ay kaagad din silang umalis. Hindi niya alam kung saan sila pupunta. Pero ang dapat nilang gawin ay magpakalayo-layo sila. Pumasok sa isip niya ang resort nila sa Palawan ngunit alam niyang madali silang matutunton doon ng mga pamilya nila kung doon sila pupunta. Naisipan niyang humingi ng tulong sa kaibigan niyang si Jay - Jay na natuklasan niyang kakilala rin pala ni Tamara dahil magkaibigan ang mommy nito at lola ni Jay-Jay. Si Jay-Jay ang pinaka-kuya sa barkada niya. Eight years ang tanda nito sa kanya at may mataas ng posisyon sa negosyo ng pamilya nito. Hindi man ito sang-ayon sa desisyon nila ni Tamara ay tinulungan pa rin sila nitong lumayo. Sa private resort ng pamilya nito sa Palawan sila nito dinala. He spent a very memorable and blissful two weeks with Tamara. Hanggang isang araw ay binalikan sila ni Jay-Jay para personal nitong ibalita ang masamang nangyari sa daddy niya. His father, Three- Star General Tyrone Escobar was comatose in the hospital. Naaksidente ito habang nasa serbisyo. Noon din ay sumama siya kay Jay-Jay pabalik ng Maynila. Hindi sumama si Tamara sa kanya dahil sa takot na bawiin ito ng mommy nito kapag nakita silang magkasama. Ipinangako niya ritong babalik siya kaagad pero iyon na pala ang huli nilang pagkikita. Pagdating sa ospital, laking pasasalamat niya sa Diyos na conscious na ang daddy niya. Siya ang unang-unang kinausap nito nang magawa nitong makapagsalita. Humingi siya nang tawad sa ginawa niya. Pinatawad naman siya nito at pinaliwanagan na mali ang ginawa nila ni Tamara. Dumating din si Mrs. Fajardo na mas kilala bilang Bettina Ching. Halos lumuhod ito sa harapan niya para lang ibalik niya ang anak nito. "Hayaan mo munang matupad ang mga pangarap n'yo, Ethan. Alam mo naman ang talento ni Tamara. Malayo ang mararating niya dahil sa talento niyang iyon. Magtapos man lang muna kayo ng pag - aaral. Marami pang magagandang mangyayari sa buhay n'yo. Pangako, kapag nakapagtapos na kayo at mahal n'yo pa rin ang isa't - isa. Hindi na ako tututol sa inyo dalawa." Sinegundahan ng kanyang mga magulang ang sinabing iyon ng mommy ni Tamara. Sang-ayon siya sa sinabi ni Mrs. Fajardo. Naniniwala siya na malayo ang mararating ni Tamara dahil sa talento nito sa pagtugtog. Hindi niya dapat ipagkait dito ang tagumpay. Inulit din ng mga magulang niya ang sinabi ng mga ito noon na hindi na siya pinansiyal na susuportahan ng mga ito kapag bigla siyang nag - asawa. Mabigat ang loob na nagdesisyon siya. He chose what was the best for her. Hindi niya kayang bumalik sa Palawan para lamang saktan si Tamara. Baka rin magbago desisyon niya kapag nakita niya itong umiiyak kaya pinili niyang tawagan na lamang ito para hiwalayan. "No, Ethan! Please, sabihin mong nagbibiro ka lang." Alam niyang umiiyak na si Tamara sa kabilang linya pero tinibayan niya ang kanyang loob. "I'll never stop loving you, Tammy," sa halip na sagot niya. "I will never ever forget you. Kapag puwede na. Kapag kaya ko na, babalikan kita. Hahanapin kita at hinding-hindi na kita iiwan." "Ethan, please. Nangako -" Hindi na niya pinatapos ang sinasabi nito. Pinatayan na niya ito ng telepono. Naramdaman niya ang paghagod ng kamay ng kanyang mommy sa kanyang likod. Nanlalabo ang paningin na humarap siya rito at sumubsob ng yakap. Sa balikat ng mommy niya itinuloy ang pag - iyak. DUMILAT ang mga mata ni Ethan. Alam niyang panaginip lamang ang lahat pero kung ano man ang nangyari sa panaginip niya ay siya ring summary pag-iibigan nila ni Tamara. Mabigat na mabigat ang kanyang dibdib. Nang mapahawak siya sa kanyang mukha ay basa iyon. Katunayan na umiiyak siya habang nanaginip. Napabuntong-hininga siya habang nakatitig sa kisame. Hindi iyon ang unang pagkakataon na napanaginipan niya si Tamara. Maraming beses na. Karamihan sa mga iyon ay tila pelikula na nangyayari ang masasayang sandali na pinagsamahan nila. Kasama na rin doon ang pangyayaring nangako siya rito na hindi niya ito iiwan. Dahilan para hindi niya makalimutan ang ipinangako kay Tamara. Ilang buwan matapos nilang maghiwalay ni Tamara, nasa isang bookstore siya nang aksidente silang nagkita ng kanyang pinsan sa mother side na si Faye kasama ng manager nito na si Tita Leny. Isang commercial model si Faye at magkasing-edad lang sila. Matapos silang ipakilala ni Faye sa isa't-isa ni Tita Leny, tinanong siya ng babae kung gusto niyang magmodelo. Nang malaman niya na malaki ang kinikita ng pinsan ay kaagad siyang pumayag. That time, he just wanted to earn money on his own. He was so determined to fulfill his promise to Tamara as soon as possible. Sinabi niya ang desisyon niya sa kanyang mga magulang at sinuportahan naman siya ng mga ito. Lumahok siya sa mga VTR at natanggap na lead cast sa isang TV commercial ng isang brand ng toothpaste. Naging viral ang commercial niyang iyon na naging daan ng pagsikat niya. Naging sunod-sunod ang mga commercial na ginawa niya. Hanggang isang araw ay kinausap siya ng mommy niya at sinabi nitong kinausap ito ng head ng talent management ng network na pinagtatrabahuhan nito at inalok na pasukin na niya ang pag-aartista. Kahit wala siyang alam sa pag-arte ay sinunggaban niya ang offer. Sumailalim siya sa mga workshop. Doon niya natuklasan ang talento niya sa pag-arte at mas na-developed niya ang talent niya sa pagho-host. Kahit na mahirap ay isinabay niya ang pag-aaral sa pag-aartista. Napabilang siya sa casts ng isang youth-oriented show and the rest was history. Years passed. Isang araw ay ginulat siya ng daddy niya nang ibigay nito sa kanya ang isang folder na naglalaman ng impormasyon sa kinaroroonan ni Tamara. "I've heard what you promised to Tamara, son. We can go and see her," nakangiting sabi nito sa kanya noon. Maluha-luhang tumango siya at yumakap dito. Nang makalabas noon ng ospital ang daddy niya matapos maaksidente ay nagbitiw na ito sa trabaho at nagbukas ng security and detective agency. Hindi niya akalain na tutulungan siya ng daddy niya na hanapin si Tamara. Kasama ng kanyang mga magulang ay nagtungo nga sila sa Vienna at pinanood si Tamara nang mag-performed sa tanyag na Vienna State Opera. He was so proud of her that time. Nag-uumapaw sa kagalakan ang puso niya para sa rito. She was more beautiful on the stage of that opera house playing her violin. Napatunayan niya sa sarili na tama lang ang ginawa niyang pagtalikod dito dahil nag-umpisa na itong abutin ang tagumpay. May pagkakataon silang lapitan ito noon at batiin ngunit nagdesisyon siyang hindi na muna magpakita rito. She looked so happy and moved on, ayaw niyang magpakita rito para lang sirain ang gabi nito. Kinontrol niya ang sarili na magpakita sa dalaga hanggang sa makabalik na sila sa Pilipinas. Magmula noon ay hindi na siya nawalan ng balita kay Tamara. Lalo pa siyang nagpursige sa kanyang trabaho at pag-aaral. He continued loving her from afar. Lahat ng CD nito at mga interviews mapa-print man or recorded ay mayroon siyang kopya. At sa tuwing may pagkakataon ay nagtutungo siya sa Vienna at sa iba pang mga bansa sa Europa kung saan ito magtatanghal para panoorin ito. Pero nanatiling hindi siya nagpapakita rito. Ang balak niya ay tatapusin muna niya ang kanyang pag-aaral at saka siya magpapakita rito para humingi ng tawad at suyuin ito. Ngunit ilang buwan bago siya magtapos, nalaman niya na boyfriend na nito ang sikat na lead vocalist ng isang sikat na international rock band. Naglasing siya nang araw na iyon at sandaling nawalan ng ganang magpatuloy sa pagsusumikap niya. Nang mapasukan siya ng daddy niya sa kanyang silid na naglalasing, kinausap siya nito at pinaliwanagan na hindi pa huli ang lahat dahil hindi pa naman asawa ni Tamara ang lalaki. O kahit pa maging asawa ni Tamara ang lalaki, maraming paraan para mabawi niya. Nakinig siya sa payo ng daddy niya, nagpatuloy siya sa pagsusumikap. Nakagraduate siya sa kursong business management. Kasunod noon ang balita na hiwalay na si Tamara sa rock star. Literal na tumalon siya noon sa labis na kaligayahan sa balitang iyon. Inayos niya kaagad ang schedule niya at nagtungo sa London kung saan nakabase si Tamara. Nanood siya ng concert nito. Pero hindi niya nagawang makalapit kay Tamara. She was already famous all over the world. Tambak na ang security nito. Pili lang din ang pinapayagan ng agent ni Tamara na makausap ang dalaga. Bigo na bumalik siya sa Pilipinas dahil sa mga commitments niya. Dumagsa ang mga trabaho niya. Hindi pa man naayos ang schedule niya sa muling pagpunta sa London nang mabalitaan niya na nobyo na ni Tamara ang sikat na bestselling sci-fi writer Johannes Chapman. His heart broke into pieces once again. Pero sa pagkakataong iyon ay hindi siya na-discourage at sandali lang na naglasing. Bumalik siya sa London. He was so determined to show himself to Tamara. Pero sa bandang huli ay muli siyang pinanghinaan ng loob nang makita ito at si Johannes Chapman na masayang nagdi-dinner sa isang restaurant. She looked so happy with that guy that night. Bigla siyang nanliit at naging alangan kay Tamara. Kumpara sa kanya at sa lalaking iyon, sa tangkad at kulay ng mga mata pa lang ay lamang na lamang na ang lalaki sa kanya. Maaaring sikat siya at maimpluwensya ang pamilyang pinanggalingan pero wala pa rin siyang binatbat sa lalaki dahil sa Pilipinas lang siya sikat at ito ay sa buong mundo. Idagdag pa na may-ari ng isang luxury ship ang pamilya nito. Johannes Chapman was a multi-millionaire. Muli ay hindi na naman siya nakalapit kay Tamara at nagdesisyon na bumalik na lang sa Pilipinas. Umasa siya na darating ang araw na maghihiwalay rin si Tamara at ang nobyo nito. Pero hindi dumating ang araw na iyon. Johannes proposed to Tamara. Tinanggap naman iyon ng dalaga. He cried a river and then he gave up. Siguro nga ay hindi talaga sila para sa isa't -isa. Kahit na mahirap ay pinilit niyang mag-move on. Niyaya niya ng date ang kaibigang si Celine na matagal nang nirereto sa kanya ng mga kaibigan niya. Napapitlag siya nang tumunog ang kanyang cell phone na nakapatong sa bedside table. Dinampot niya iyon, nang makitang si Celine ang kanyang caller ay kaagad niya iyong sinagot. "Hey, Ethan, where are you? Nandito na ako sa Jungle," sabi nito sa kabilang linya. Natampal niya ang noo nang maalalang may usapan nga pala sila ng nobya na magkikita sa Friend Jungle sa araw na iyon. Ang Friend Jungle ay isang sports club and fitness center na pag - aari ng kanyang mga magulang at mga kaibigan nito. "I'm sorry, Celine, I just woke up. Magsa-shower lang ako 'tapos pupunta na rin ako kaagad d'yan." "Okay. Hihintayin na lang kita. Take care, love. Bye." Iyon lang at nawala na si Celine sa kabilang linya. Kaagad siyang bumaba ng kama at dumiretso sa banyo. Mabilis na nag - shower. Bahagya nang gumaan ang pakiramdam niya nang lumabas siya ng banyo. Alam niyang pagdating sa Friend Jungle ay tuluyang nang mawawala sa isipan niya ang napanaginipan niya dahil sa presensiya ni Celine at ng kanyang mga kaibigan na madaratnan sa lugar. NASA parking lot na ng Friend Jungle si Ethan nang tawagan niya ang cell phone ni Celine. Pero hindi nito sinasagot ang tawag. Marahil abala na ito sa kung ano mang nilalaro nito sa loob. She met Celine years ago, una itong naging kaibigan ni Lance at dinala sa Friend Jungle kaya sila nagkakilala. Celine was athletic kaya madali rin itong nakasundo ng mga kaibigan niya. Bitbit ang kanyang raketa, pumasok siya sa Bowling Center kung saan sila nagkasundong magkita ni Celine. Itinayo ang pasilidad na iyon upang maging hangout nilang magkakaibigan limang taon na ang nakakaraan. Esklusibo iyon sa barkada nila sa unang mga taon, hindi naglaon ay binuksan na rin iyon sa publiko para sa gustong maging miyembro. Ang kinikita ng lugar ay diretso sa maintenance at sa Jason Monteclaro Youth Foundation,ang foundation na sinusuportahan ng kaniyang mga magulang. Dumiretso si Ethan sa kiosk nang matanaw roon si Ate Trisha, ang panganay niyang kapatid.Kasama rin nito sina Denise, Kate at Jane. Happily married at successful working mother ang lahat. "What are you all doing here? Maaga pa, ah. At nasaan ang mga asawa n'yo?" tanong niya bago hinalikan sa pisngi ang Ate Trisha niya. Alam niyang after office hour o during weekends kung pumunta roon ang mga ito. "Nasa office at may lakad kami mamayang gabi kaya ngayon na kami pumunta rito," tugon ni Jane. Hinalikan muna niya sa pisngi sina Denise, Kate at Jane bago naupo ng tabi ng kanyang kapatid. "Ethan, totoo ba 'yong nasa news kagabi?" tanong ni Kate. "What news?" curious na tanong ng Ate Trisha. "Tamara slapped him on his show." "What?" bulalas ni Ate Trisha. Mula pa kahapon ay laman ng social media at entertainment news ang insidenteng pananampal ni Tamara sa kanya sa studio. Na-cancelled ang guesting ng dalaga sa show niya dahil sa biglang pagwa-walk out nito pero wala pang nagsasalita sa magkabilang panig tungkol sa pangyayari. Panay ang tanong ni Tita Leny kung ano ang maaring naging dahilan kung bakit naging ganoon ang reaksiyon ni Tamara nang makita siya. Narinig din nito ang sinabi niya kay Tamara nang maabutan niya ito sa hallway. Pero pinili niyang hindi magkuwento nang tungkol sa nakaraan nila ni Tamara. Nakaraan na iyon. Close man sila ni Tita Leny, ayaw na niyang madagdagan ang mga taong nakakaalam ng ginawa niyang pagtalikod kay Tamara noon. Ayaw na rin niyang lumaki pa ang issue. Ganoon din marahil ang gusto ni Tamara kaya hindi ito nagpapa-interview. Nagtitiwala naman siya kay Daena na hindi rin ito magsasalita tungkol sa naging relasyon nila ni Tamara kahit ito ang hinahabol ng mga reporters. "Yes, that's true, Ate Kate," bale-wala niyang sagot habang nilalantakan ang nachos na nasa table. Best friends at halos kasing edad lang ng Ate Trisha niya sina Kate at Jane kaya kinalakihan na niyang tawaging ate ang mga ito. "So, totoong binastos mo si Tamara?" nanlalaki ang matang tanong ni Jane. "Of course not! Alam mong hindi ko kayang mambastos ng babae, Ate Jane. It's just..." Hindi niya malaman ang sasabihin. "Basta, ayoko na 'yong pag - usapan." "Well, we're going to watch Tamara's concert tonight." "No way! Pati ba naman kayo?" "Gusto namin si Tamara, Ethan. Halos lahat sa barkada natin manonood ng concert niya, siyempre kasama ang mga asawa namin," sabi ni Denise. "She did a nasty thing to me. Nasaan ang loyalty n'yo?" "You didn't tell us why she slapped you, Ethan. So bakit ka namin kakampihan at ibo-boycott ang concert n'ya?" tanong pa ni Denise. Hindi siya nakasagot. Halatang hindi na nito naaalala si Tamara. Kung sabagay, sandaling-sandali lang naman sumali sa volleyball varsity team ng alma mater nila si Tamara noon at hindi rin nito gaanong nakasalamuha si Denise. Hindi rin nagkaroon ng chance na maipakilala niya si Tamara sa ate niya at sa bunsong kapatid na si Troy dahil nag-aaral noon sa ibang bansa ang ate niya. Si Troy naman ay graduating pa lang sa grade school at laging wala sa bahay nila kapag isinasama niya si Tamara. Sa barkada nila, tanging sina Fran at Jay-Jay lang talaga ang nakasalamuha nang matagal ng ex-girlfriend niya. Masuwerte siya dahil parehong wala sa bansa ang dalawa. Walang makakapagsabi na nagkaroon sila ng relasyon ni Tamara. "Akala ko fan ka ni Tamara, Ethan. Ilang beses kong hiniram ang collection mong CD niya noon. Nahilig akong makinig ng classical music dahil sa kanya," sabi ni Ate Trisha. Napatingin si Ethan sa kapatid. Ngayon alam na niya kung bakit bigla na lang nawawala ang mga CD niya sa kuwarto niya dati. Hiniram pala ng ate niya nang walang paalam at walang solian. Kapag kasi hindi na niya mahanap ang mga iyon ay kaagad na lang siyang bumibili ng bago at hindi na nagtatanong pa sa mga kasama sa bahay. "Not anymore, Ate. Hindi na ako mahilig sa classical music," pagsisinungaling niya. "Kayong bahala kung gusto n'yong pumunta," sabi na lang niya para matapos na ang usapan. "By the way have you seen Celine?" "Nagwa-wall climbing kasama ng little brother ko," tugon ni Denise. "Oh, kaya pala hindi niya sinasagot ang phonecall ko. I have to go. See you later," paalam niya at iniwan na ang mga babae. NATIGILAN si Ethan nang matanaw mula sa open door ng wall climbing area sina Celine at Lance. Magkaholding hands kasi ang dalawa habang dahan-dahang nagra - rapelling pababa.Naunang lumapag ang mga paa ni Lance sa crash pads. Pagkatapos ay maingat nitong inalalayan sa pagbaba si Celine. Nakaramdam siya ng selos sa nakita ngunit mabilis din niyang tinanggal iyon sa isip. Lance was his best friend. Tiwala siyang hindi ito magta-traydor sa kanya. Close lang talaga ito kay Celine. Noong high school, ang Kuya Fran nito ang pinakamatalik niyang kaibigan. Ngunit makalipas ang maraming taon, matapos masubok ng ilang beses ang pagkakaibigan nila ay ito na ang naging best friend niya. Idagdag pa na pareho silang nasa show business. Malaki rin ang tiwala niya kay Celine. Kahit na halos apat na buwan pa lang ang relasyon nila at madalas itong wala sa bansa. Itinuloy niya ang pagpasok ngunit muling natigilan nang magkasunod na bumagsak sa crash pads ang dalawa. Napapailing na nilapitan niya ang mga ito. "Hey, bro. Easy baka masaktan ang girlfriend ko n'yan." Halatang nagulat sina Lance at Celine sa biglang pagsulpot niya. Mabilis na nakatayo si Lance. Inalalayan naman niya sa pagtayo ang nobya. "Bro," sabi ni Lance at nagtaas ng kamay para mag-high five sila at magtapikan ng likod bilang batian nila. "Kina Jay-Jay daw tayo this weekend?" tanong niya matapos nilang magtapikan ng likod. "Sure. Na-miss ko kayo," tugon nito. Binalingan niya si Celine at tinulungang tanggalin ang mga safety harness sa katawan nito. "I have two tickets for Tamara's concert tomorrow night," sabi ni Celine sa kanya. "Gusto mo pa ring manood ng concert niya pagkatapos ng ginawa niya sa akin?" kunot-noong tanong niya. "C'mon, Ethan. Be professional. Ang sabi mo, sinampal ka ni Tamara dahil nabigla siya sa bigla mong pagbati at lumaki lang ang issue." Hindi nakapunta si Celine sa studio kahapon dahil may biglaan itong meeting sa isang brand ng cell phone na ini-endorso nito. He chose not to tell her the truth, too. At least for now. Sa tamang panahon ay ipagtatapat din niya sa nobya ang nakaraan nila ni Tamara. "Tamara is our country's pride, Ethan. I like her from the start. Her music, and her talents. Pagkakataon ko na ito para makita siya," sabi pa ni Celine. He knew Celine was fanatic of classical music. At isa iyon sa pinagkakasunduan nila. "Well, count me out. I can't go with you. May trabaho ako bukas nang gabi," may katotohanang pagdadahilan niya. Napamaang si Celine. "Ang ibig mong sabihin pababayaan mong pumunta ako sa concert nang mag - isa?" "C'mon, Celine. Marami ka namang mga kaibigan na puwede mong isama. Lance is also there, you can go with him. 'Di ba, bro?" baling niya sa kaibigan na kasalukuyan ding nagtatanggal ng harnesss sa katawan nito. "Sure, bro," mabilis na tugon ni Lance. "Pero ikaw ang boyfriend ko, Ethan. Hindi ang best friend mo," protesta nito. "Pagkakataon na rin ito para magkasama tayo." "Celine, intindihin mo na lang ako, okay?" Hinawakan niya ang kamay nito. "Babawi na lang ako sa susunod. What about a short vacation next week? Bora, Camsur, Palawan o Hongkong? O kahit saan mo pa gusto." "Kahit sa Antipolo lang okay na sa akin magkaroon lang tayo ng time sa isa't - isa," naka-pout na sabi nito. Napangiti siya. "Kaya nga mahal kita, eh. Your simplicity captured my heart," madamdaming sabi niya bago kinintalan ng masuyong halik sa mga labi nito. "Get a room guys!" iretableng sabi ni Lance bago sila iniwan. Nagkatawanan sila ni Celine bago nagyakap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD