Chapter Six

2374 Words
“SUKO na ako, Ethan.  Kalimutan mo na ang guesting ni Tammy sa show mo,” sabi ni Daena nang magkita sila nito sa coffee shop sa tabi ng pinapasukan nilang TV network nang sumunod na araw. “Sinabi ko nang 'huwag mo nang ipilit’, ‘di ba? Malaki pa rin pala talaga ang galit ng pinsan mo sa akin,” napapailing na sabi ni Ethan. “Oo nga, eh. Ang akala ko, nakalimutan na niya ang nangyari noon at nakapag–move on na siya.” Sandaling tumigil sa pagsasalita si Daena, tumingin sa kanya. “How about you, nakapag–move on ka na ba?” “I have Celine now, Daena,” sa halip na tugon niya. “So? Kung may feelings ka pa kay Tamara, why don’t you fight for it? Galit pa rin siya sa ’yo kaya hindi imposibleng may feelings pa rin siya sa ’yo.” Napailing si Ethan. Kahit gusto niyang umasa, imposible ang sinasabi ni Daena. Engaged na si Tamara. Nagawa lang siguro siyang sampalin ni Tamara  dahil hindi man lang ito nakaganti sa pananakit na ginawa niya. Mahal na niya si Celine. Sa tulong nito at sa pagdaan ng panahon, naniniwala siya na mawawala rin ang feelings niya kay Tamara. Lumapit sa kanila si Tita Leny. Nabaling dito ang atensiyon nila. “Wala na talaga akong masabi sa kasikatan ni Tamara,” sabi ni Tita Leny habang umuupo sa bakanteng silya sa tabi ni Ethan. “Sold out na pala ang lahat ng tickets sa concert niya bago pa man siya pumunta rito.” “Naubusan ka ba ng ticket, Tita Leny?” tanong ni Daena. “Of course not. May ticket kami ng husband ko,” nagmamalaking sabi nito. “Akala ko galit ka kay Tamara dahil sa ginawa niya kay Ethan, Tita Leny.” “Of course not. Tamara is a very nice lady. Ewan ko ba rito sa lalaking ito at nagalit sa kanya. Naging magkaklase ba talaga kayo noong high school, Ethan? Baka naman may ginawa kang hindi maganda sa kanya noon na hindi pa niya nakakalimutan hanggang ngayon kaya ka niya sinampal.” Sandali silang nagkatinginan ni Daena bago sumagot. “Inagawan ko raw kasi ng ratings ang show ng mommy niya, eh,” pagbiro ni Ethan para iligaw ang iniisip ni Tita Leny. “I don’t believe you. Hindi naman siguro ganoon kababaw si Tamara, ‘no. Anyway, bakit nga ba mas pinili ni Tamara na mag–guest sa show ni Ethan at hindi sa show ng mommy niya, Daena?” curious na tanong ni Tita Leny. Si Ethan ang mabilis na sumagot para sa kaibigan. “Daena convinced her that’s why.” “Kahit na. Show ng mommy n’ya iyon. Imposibleng hindi hiniling ni Bettina Ching kay Tamara na mag-guest siya sa show niya o kahit saang show sa istasyon nila.” “Hindi kasi sila in good terms kaya hindi pinagbigyan ni Tamara ang request ni Tita Bettina,” tugon ni Daena. “Really?” nasorpresang sambit ni Tita Leny. “Scoop ‘yan, ah. Tell me more about it, Daena,” hiling pa nito. “Tita Leny, stop,” iretableng sabi ni Ethan. “Huwag mong agawan ng trabaho ang mga reporters. And leave Tamara alone.” “Yes, Tita Leny. I’m not gonna tell anything more than to what I’ve said,” segunda ni Daena. “Hmm… okay. But anyway, Ethan, cancelled ang hosting event mo tonight dahil pa rin sa concert ni Tamara. Marami kasing executive na hindi makakadalo.” “That’s good news. Pero baka naman postponed lang at hindi cancelled, Tita Leny.” Mahigit isang taon na siyang hindi tumatanggap ng kahit anong hosting job. Nagkataon na ang kompanyang ginawaan niya ng commercial noon na naging daan ng pagsikat niya ang humiling ng serbisyo niya kaya hindi niya napahindian. Sa telebisyon naman ang Today’s People lang ang show niya at hindi muna siya tumatanggap ng ibang proyekto. Ganoon din sa pelikula. Gusto muna kasi niyang mag–focus sa mga business ventures nila ng kanyang mga kapatid at mga kaibigan. “Actually, hinihintay ko ang tawag nila kung kailan matutuloy. Tatawagan ko na lang siguro ang coordinator,” sabi ni Tita Leny habang tumatayo. Hinagilap nito ang cell phone sa bag at naglakad palayo. “So, you’re free tonight,” baling ni Daena kay Ethan nang makalayo si Tita Leny. “Hindi ka na siguro makakatanggi na manood ng concert ni Tammy. Puwede kang sumama sa akin.” “What happened to your exclusive date?” tudyo ni Ethan. Alam niyang nagkakamabutihan na ang kaibigan at ang bakasyunistang pinsan ni Jay– Jay. “Sira, hindi kami exclusive, ‘no. Ayun bumalik na sa Seattle kaya wala akong ka-date. Tutal wala ka namang trabaho tonight. Sumama ka na lang sa akin.” “I don’t have a ticket,” palusot niya. “You can use mine. Para saan pa at isa ako sa producer ng concert kung wala akong full access pass. Wala ka nang lusot si Ethan.” “Napakaimposible mo talaga, Daena!” Tinawanan siya nito. “So, ikaw na ang escort ko mamayang gabi?” May katagalan bago sumagot si Ethan ng “oo”. “YOUR cousin is quite famous,” bulong ni Ethan kay Daena habang ginagala ang paningin sa loob ng Bigdome kung saan gaganapin ang konsiyerto. “Mr. Ethan Escobar, hindi ka pa rin ba impress sa success ni Tammy?” nakangiting tanong ni Daena habang magkatabi silang nakaupo sa VIP seats sa front row. “Imagine, almost all the important people in the country are here. Tammy is famous around the world you know that.” “She’s larger than life. Baka sa susunod na magkita kami, hindi na ako makapagsalita.” Hindi niya maiwasang malungkot sa sinabi. Bahagyang pinisil ni Daena ang braso niya bilang pagsuporta. Totoo ang sinasabi ni Daena na halos lahat ng kilalang tao sa lipunan ay naroon magmula sa Vice - Presidente ng bansa hanggang sa pinaka–sikat na award -winning actor and actresses. It was a formal event. Nagkalat ang mga security sa paligid. Namataan niya ang mga kaibigan sa kabilang side ng venue. Isang grupo ang mga ito. Siguradong kapag nakita siya ng mga ito ay katakot–takot na kantiyaw ang aabutin niya. Sinubukan niyang hanapin ang seats nina Celine at Lance. Pero hindi niya nakita ang mga ito dahil sa dami ng tao. Ilang sandali pa ay dumilim na ang paligid at nagsimula ang konsiyerto. Mula pagkabata ay hindi nahilig si Ethan sa classical music o kahit pa big band concert pero nagbago iyon nang makilala niya si Tamara. Hindi lang siya nahilig sa musical instrument kundi natuto pa siyang tumugtog ng piano dahil sa matiyagang pagtuturo ng dating nobya.  Nang gabing iyon, pinakita ni Tamara ang talento nito sa pagtugtog ng piano at violin sa libo–libong mga kababayan. Puro standing ovation ang ibinigay ng crowd sa bawat pagtatapos ng piece. She also looked like a goddess in her long white gown. Again, like so many times before. He adored her that night. Bigla, gusto niyang pasalamatan ang kaibigan sa pagsama at pangungulit nito sa kanya na manood ng concert. Binulungan niya si Daena ng “Thank you” habang nakatayo sila at kasalukuyan pa ring pumapalakpak. “You want to see her up close and personal?” tanong nito na tila nahulaan ang nararamdaman niya. “Take this.” Hinubad ni Daena ang suot nitong ID na may nakasulat na FULL ACCESS at ibinigay sa kanya. “Go and great her.” Hindi na siya nagdalawang - isip pa at tinanggap ang ID. Tinungo niya ang backstage bago pa man tuluyang matapos ang konsiyerto. He went to the backstage in no sweat because of the ID. Ilang miyembro ng team ni Tamara ang nagkalat sa backstage. Wala sa mga ito ang pumansin at nakakilala sa kanya. Hanggang sa makita niya ang pamilyar na mukha ng isang lalaki. He had seen him before in London. The guy was Johannes Chapman, Tamara’s fiancé. Obviously, the guy was waiting for Tamara. A big bouquet of flowers was in his arms.  Nakaramdam na naman siya ng panliit. Ang lakas ng loob niyang magpakita kay Tamara samantalang ni wala siyang dalang bulaklak para batiin ito at humingi na rin ng tawad. Baka nga isang sampal na naman ang makuha niya mula rito kapag nakita siya. Biglang nagkaingay sa hallway kung saan manggagaling si Tamara pagkatapos ng konsiyerto. Nakita niya ang pagdating ng dating nobya habang nakapalibot rito ang security nito. Dahil sa nadatnang sitwasyon ay minabuti na lang niyang umalis. Iyon na marahil ang huling pagkakataon na makikita niya si Tamara nang malapitan. Isang may katagalang tingin pa ang ibinigay niya sa dalaga bago tumalikod at naglakad pabalik sa upuan nila ni Daena.  “Anong nangyari? Bakit ang bilis mo? Kakaalis lang ng stage ni Tammy, ah,” takang tanong ni Daena. “It’s fine. Masyadong maraming tao. Here’s your ID, ikaw na lang ang pumunta sa kanya. Gusto mo rin siyang batiin, ‘di ba?” Hinubad niya ang ID at ibinalik sa kaibigan. “Mamaya na lang. May gaganaping party mamaya sa hotel para sa success ng concert. Puwede kang sumama sa akin kung gusto mo.” Mabilis tumanggi si Ethan.Sapat na sa kanya na muling nakita si Tamara nang malapitan. Palabas na sila ng venue nang mamataan ni Ethan sina Celine at Lance. Natigilan siya nang makitang magka-holding hands ang mga ito habang ini–interview ng mga reporters. Nilapitan at pinagkaguluhan din sila ni Daena ng ibang mga reporters at hiningan ng opinyon tungkol sa katatapos lang na konsyerto. Bahagya rin silang inintriga ni Daena kung bakit sila ang magkasama na pareho lang nilang tinawanan. Nang muli niyang ibinaling ang tingin sa direksyon nina Lance at Celine ay nakaalis na ang mga ito. “ARE you okay? You look tired,” masuyong sabi kay Tamara ni Johannes nang ihatid siya nito sa pinto ng hotel suite niya. “Yes. I am tired,” pag – amin niya. Tumaas ang isang kamay ni Johannes at hinaplos ang pisngi niya. “Okay. I let you take a rest now although I still want to talk to you because I’ve missed you.”  Ngumiti si Tamara. “I’ve missed you, too,” sincere niyang sabi. Johannes arrived in the country to support her three hours before her concert. Nagkakilala sila sa isang charity event. Naging magkaibigan sila bago sila nag–date at nagkaroon ng relasyon. Na–appreciate niya ang effort nitong puntahan siya kahit ilang buwan nang tapos ang relasyon nila. Johannes was a nice and sweet person but her affection for him was not enough to marry him. Nag-proposed si Johannes sa kanya sa mismong concert niya sa London ilang buwan na ang nakakalipas na tinanggap naman niya. Ngunit  matapos ang isang araw ay ibalik niya ang singsing nito at nakipaghiwalay rito. Hindi na niya kayang lokohin ang sarili niya na matutunan niya itong mahalin. Naintindihan naman siya ni Johannes. Masaya siya dahil magkaibigan pa rin sila at sa tuwing may pagkakataon ay binibisita siya nito. “I have time to talk tomorrow,” sabi pa niya. Tumango si Johannes. Hinalikan siya nito sa pisngi, sandali silang nagyakap bago siya nito iniwan. Ilang sandali pa lamang si Tamara sa loob ng silid nang makarinig siya ng katok sa pinto. Walang kagana–ganang nilapitan niya ang pinto at binuksan. Nagulat siya nang makita ang ina. “Anong ginagawa n’yo rito?” salubong ang kilay niyang tanong. “Sinusundo ka. May usapan tayo na pagkatapos ng concert mo, sasama ka sa aming magbakasyon ng mga kapatid mo sa Cebu, ‘di ba?” paalala ng mommy niya. “Ano?” napamulagat siya sa narinig. “Wala akong pinangako sa inyo!” “Pero, Tammy…” “Mommy, please. I am tired. Huwag n’yo nang ipilit ang gusto n’yo dahil hindi ako sasama sa inyo.” Nag–umpisang magkalamat ang relasyon nila ng ina noong high school pa lamang siya nang tutulan nito si Ethan bilang nobyo niya. Inutusan pa siya nitong hiwalayan ang binata na hindi niya sinunod. Alam niya kung ano at sino ang makakapagpaligaya sa kanya kaya bakit siya susunod sa inuutos nito? Nagkataon namang naging lubhang naging abala ang kanyang ina sa sunod–sunod na proyekto kaya hindi siya nito gaanong nabigyan nang pansin. Nang talikuran siya ni Ethan ay sumama siya sa ina nang sunduin siya nito sa Palawan. Naging sunod–sunuran siya sa gusto nitong mangyari sa buhay niya. Dinala siya nito sa Vienna. Pero isang linggo lang niya itong nakasama roon. Bumalik din ito kaagad sa Pilipinas dahil sa trabaho nito at hinayaan siya nitong mamuhay mag–isa. Wala naman siyang problema sa pag–iisa. Kaya niyang pangalagaan ang sarili at madali siyang maka–adopt sa isang lugar. Isang buwan ang lumipas nang ipinagtapat ng ina na mahigit dalawang taon na itong hiwalay sa daddy niya at may bago na palang pamilya sa New York. May bago na rin itong karelasyon at buntis pa sa boyfriend nito na isang biyudong excutive sa network na pinagtatrabahuhan nito. Iyak siya nang iyak nang malaman iyon. Wala na pala siyang pamilya at pinagmukha siyang tanga ng mga magulang lalo na ng mommy niya. Halatang pinapunta talaga siya nito sa Vienna para hindi siya maging sagabal dito at sa bago nitong pamilya. Napagkasunduan din daw nito at ng daddy niya na sa New York na lang siya mag–aaral. Pero tumanggi siya. Nakapag–settle na siya sa Vienna at masaya na siya roon. Sa pagkakataong iyon, hindi na talaga siya papayag na magdesisyon ang mommy niya para sa kanya. Hindi naman siya pinilit ng mga magulang na umalis ng Vienna. Sinuportahan na lang siya sa pinansiyal ng mga ito dahil iyon lang ang magagawa ng mga ito para sa kanya. Ngunit nang magsimula siyang kumita ng sariling pera ay tinaggihan na niya ang suporta. Hindi na rin naibalik ang magandang relasyon niya sa kanyang mga magulang. Napabuntong–hininga ang mommy niya. “Okay,” pagsuko nito. “But would you allow me to sleep here? Na–miss kita, anak.” Nakita niya ang kalungkutan sa mga mata nito ngunit hindi niya iyon pinansin. Ito rin naman ang may kasalanan kung bakit nagkalayo ang loob nila. Sa loob ng labing-dalawang taon niya sa ibang bansa ay mabibilang lang sa daliri na binisita siya nito. Ganoon din ang daddy niya. Mabilis siyang umiling. “Naghihintay na sa inyo ang pamilya n’yo. Umuwi na lang kayo sa kanila.  Gusto ko nang magpahinga.” Muling napabuntong–hininga ang mommy niya. Bagsak ang balikat na naglakad na ito palayo. Mabigat ang dibdib na isinara ni Tamara ang pinto. Alam niyang gustong bumawi ng mommy niya sa mga pagkukulang nito sa kanya ngunit ayaw niya itong pagbigyan. Masyado siyang nasaktan sa nangyari sa pamilya nila. Bukod doon, ito ang puno’t-dulo ng nararamdaman niyang kalungkutan sa kabila ng kanyang inaaning tagumpay. Nasanay na siya na si Laura at ang pamilya ni Uncle Marcio ang kasama niya sa bawat okasyon ng buhay niya kaya  hindi na niya kailangan ito. Nang maramdaman niyang maiiyak siya ay kaagad siyang naghubad ng mga damit at nagtuloy sa banyo. Sa ilalim ng maligamgam na tubig ay pinalaya niya ang nararamdamang bigat sa kanyang dibdib.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD