“WALA ka ba talagang balak na mag-asawa, ha, Nigel?”
Nginitian ni Nigel ang kanyang Kuya Utoy. Nasa isang eksklusibong golf course siya kasama ang kanyang apat na kuya. “May balak naman, Kuya Utoy. Hindi lang sa ngayon.”
“Hindi ka na bumabata, `oy,” kantiyaw ng kanyang Kuya Enyong. “Baka maunahan ka ng mga pamangkin mo sa pag-aasawa.”
“Huwag mong hintayin na si Mama pa ang maghanap ng babae para sa `yo,” dagdag ng kanyang Kuya Intoy, ang panganay sa kanilang magkakapatid.
“Hayaan n’yo na kasi si Nigel sa nais niya,” pagta-tanggol ng kanyang Kuya Pepe sa kanya. “Huwag n’yong pilitin kung ayaw muna niyang magpakasal. Hayaan n’yo muna siyang mag-enjoy sa pagiging bachelor. Enjoy life, Nigel. Take your time.”
“Thanks, Kuya.” Mula pa pagkabata, kakampi na ni Nigel ang kanyang Kuya Pepe sa lahat ng bagay. Ito ang ikaapat sa kanilang anim na magkakapatid.
“Kinunsinti mo na naman,” anang Kuya Intoy. “Kalahating dekada na lang, kuwarenta na siya. Hindi maaaring maging single siya habang-buhay. Oo, masaya ang maging binata pero aabot din siya sa puntong malulungkot na siya sa pag-iisa. Hindi naman habang-buhay na narito kami para sa `yo, Nigel. Hindi magtatagal, magkakaroon na rin ng ibang buhay ang mga pamangkin mo. Tumatanda na rin si Mama. Sana ay makita pa niya ang apong manggagaling sa `yo.”
“Kuya, bata pa ang treinta y singko,” patuloy na pagtatanggol sa kanya ng kanyang Kuya Pepe. “Mahahanap din niya ang tamang babae para sa kanya. Baka kapag nagmadali siya ay mapunta siya sa maling babae. Baka may mga kailangan pa siyang gawin sa buhay niya bago magpatali. Hindi natin gustong maging miserable ang buhay ni bunsoy.”
Inakbayan ni Nigel si Kuya Pepe. “Sige lang, Kuya, ipaliwanag mo sa mga kuya,” udyok niya sa kapatid.
Napailing na lang ang tatlong kuya nila.
Marahan siyang tumawa. “Ginaganyan n’yo na rin ba ang mga panganay n’yong anak?” tanong ni Nigel sa mga kapatid. “Hindi pa ako handa sa pag-aasawa, huwag n’yo muna akong ibuyo sa pagpapamilya. Marami pa akong nais na gawin sa buhay ko.”
“Baka naman ang ibig mong sabihin ay hindi pa ‘siya’ handa sa pagpapakasal?” panunudyo bigla ni Kuya Pepe. “Marami pa siyang nais na gawin sa buhay niya kaya hindi mo magawang magtapat hanggang sa ngayon.”
Lumayo siya sa kapatid. “Hey! Akala ko ba, magkakampi tayong dalawa, Kuya Peps?”
Nakisali na rin ang kanyang tatlong kuya sa panunudyo sa kanya. Tila nakalimutan na ng mga ito ang paglalaro nila ng golf.
“Torpe pa rin si bunsoy! Tatanda ka talagang binata, `tol!” kantiyaw ni Kuya Enyong.
“Ang bagal-bagal mo talaga,” segunda naman ni Kuya Utoy. “Ang ganda-ganda mong lalaki, natotorpe ka. Ano ang silbi ng mga muscle mo sa katawan?”
“Kung ayaw sa `yo, humanap ka na ng iba, bunso. Ibaling mo na sa iba ang pansin mo. Maraming babae sa mundo,” seryosong sabi ni Kuya Intoy.
“Ang kaso, hindi niya kaya. Sinubukan naman siguro niyang gawin iyon, bumabalik lang siya palagi sa pagtanghod sa babae dahil hindi niya kayang ibaling sa iba ang pag-ibig niya,” seryoso ring sabi ni Kuya Pepe.
“Stop,” natatawang sabi ni Nigel. “Huwag ako ang pag-trip-an n’yo. I’m good, mga kuya. You don’t have to worry about me. The right time will come. Ayokong magmadali sa pag-aasawa. Gusto ko, kung magpapakasal ako ay handang-handa na ako—kami. Gusto ko ng marriage na katulad kina Tatay at Mama.”
“Bahala ka, bunso. Ang gusto lang namin ay maging masaya ka sa buhay mo,” anang Kuya Pepe, sabay akbay sa kanya.
Ngiti lang ang naging tugon ni Nigel sa kapatid. Sa palagay niya, kahit na hindi siya magsalita, malalaman ng mga kapatid ang kanyang totoong nararamdaman. Malapit silang magkakapatid sa isa’t isa kaya minsan ay nasasabi niya sa mga ito ang kanyang nasa loob.
Aminado naman si Nigel na panahon na para lumagay siya sa tahimik. Noong nasa ganoong edad ang kanyang mga kuya noon, may mga anak na ang mga ito. Maayos naman na ang kanyang career. Matatag na ang sarili niyang studio na patuloy sa paglago. Hindi basta-basta ang kanyang mga kliyente. Sikat na siya sa larangan ng photography.
“Bisitahin mo ang Ate Nene mo bago ka umuwi sa Mahiwaga,” bilin ni Kuya Enyong.
Tumango si Nigel. Nag-concentrate na sila sa paglalaro. Hindi talaga niya hilig ang sport na iyon ngunit wala siyang magagawa dahil nalilibang ang kanyang mga kuya roon. Ganoon marahil ang lahat ng mga tumatanda. Masaya silang nagkuwentuhan habang pumapalo ng mga golf ball.
Kinumusta ng kanyang mga kuya ang trabahong ginawa ni Nigel sa Italy. Tinanong din ng mga ito kung nagkita sila ng tunay niyang ina sa naturang bansa. Sinabi niyang nag-dinner sila nang tatlong beses kasama ang ikatlong asawa ng kanyang tunay na ina.
Hindi itinago sa kanya ng kanyang mama na ampon lang si Nigel.
Hindi naging kulang ang kanyang pagkatao dahil sa kaalamang ampon lang siya. He had never felt unwanted. Hindi siya itinuring na iba ng kanyang mga kapamilya. Bilang bunso, he was a bit spoiled. Palaging sinasabi ng kanyang mga kapatid na napakasuwerte niya dahil hindi na niya naranasan ang hirap na pinagdaanan ng mga kapatid noong kabataan ng mga ito. Hindi naman spoiled na spoiled talaga si Nigel. Lumaki siya na tumutulong sa bukirin. Ilan ang hayop na kinailangan niyang alagaan. Kailangan niyang isingit ang pag-aalaga ng mga hayop sa kanyang pag-aaral. Bawal bumaba ang kanyang marka dahil scholar siya. Tinuruan siya ni Tatay Andoy kung paano ang mamuhay nang simple. Tinuruan siyang magbigay ng labis na biyaya sa kapwa. Hindi pinalaki si Nigel ng mga nakagisnan niyang magulang sa luho. Payak at simple ang kanilang pamumuhay kahit na kabilang sa pinakamayayaman ang pamilya Castañeda.
Sandali lang niya nakasama ang Tatay Andoy, ngunit marami siyang baon na masasayang alaala ng matandang lalaki. Tila hindi rin nawalan ng ama si Nigel dahil sa apat niyang mga kuya. Napakalaki ng agwat ng kanilang mga edad kaya maaari niyang ituring na ama ang mga kuya. Ang Ate Nene niya ay hindi rin nagkulang sa pag-aalaga sa kanya.
He was eighteen when his biological mother entered his life again. Kinukuha na siya nito. Siyempre ay hindi siya pumayag. Wala pang muwang si Nigel nang ipamigay siya ng kanyang tunay na ina, pagkatapos ay kukunin na lang siya nito bigla nang malaki na siya? Ayaw niyang mapalayo sa kanyang nakagisnang pamilya. Masaya siya na kapiling ang mga ito.
Nalaman ni Nigel na naging isang sikat na modelo ang kanyang ina. Maganda na ang buhay nito sa Italy. Nais ng kanyang ina isama siya roon at ibigay ang magandang buhay na pinangarap daw nito para sa kanila. May asawa na rin itong Italyano.
Sinabi ni Nigel na maganda na ang kanyang buhay sa Mahiwaga. Hindi siya nakaranas ng kasalatan sa buhay. Hindi niya kailangang sumama sa kanyang tunay na ina upang magkaroon ng magandang buhay dahil mayroon na siya niyon.
Subalit sa bandang huli, sumama pa rin siya sa Italya. Dahil iyon sa sinabi ng kanyang mama. Pakiramdam ni Nigel ay itinaboy siya noon. Nagdamdam siya sa kanyang mama.
“Ayaw n’yo na po sa `kin, Mama?” puno ng hinanakit na tanong niya.
Umiling ito bago siya niyakap. “Alam mong mahal na mahal kita, Nigel. Gusto kitang ipaglaban. Gusto kong sabihin na wala na siyang karapatan sa `yo dahil ipinamigay ka na niya noon. Hindi sana ako papayag na kunin ka niya ngayong malaki ka na. Pero alam ko na hindi ganoon ang gagawin ng tatay mo kung buhay pa siya. Gugustuhin niyang bigyan kayo ng pagkakataon ng tunay mong ina. Malaki ka na. Kaya mo na ang sarili mo kung tutuusin. Marunong ka naman sigurong bumalik dito sa `tin. Hindi mo naman siguro ako kalilimutan. Hindi ka na bata para maghinanakit pa. Ginawa ng iyong ina ang nasa isip niyang tama noon. Ang mahalaga siguro sa ngayon ay may pagpapahalaga pa rin siya sa `yo. Ang mahalaga, bumalik siya. Ang ibig sabihin nito, nais niyang maging ina sa `yo. Magpaparaya ako, anak, para sa `yo. Kahit na ano naman ang mangyari, kahit na ano ang sabihin nila, mag-ina tayong dalawa. Walang magbabago.”
Sinubukan naman ng kanyang tunay na ina na maging isang ina sa kanya. Nakakailang lang marahil dahil binata na si Nigel at hindi na bata. Hindi na uubra sa kanya ang mga tipikal na pag-aalaga. Hindi rin siya nasilaw sa mga mamahaling bagay na ibinibigay nito sa kanya. Lumaki siya sa rangya kahit na sabihing sinikap ng kanyang tatay at mama na mamuhay nang simple.
Hindi nila alam kung paano ang gagawin nilang mag-ina upang maging komportable sila sa isa’t isa. Nais na niyang umuwi sa Pilipinas wala pa man siyang isang buwan sa Italy. Hanggang sa minsan ay sumama siya sa isang photo shoot ng fashion magazine na pinagtatrabahuhan ng kanyang ina.
His biological mother was an accomplished woman. Hindi lang pala ito simpleng modelo. Isiningit din nito ang pag-aaral kahit nagmomodelo ito noon. Nang magretiro ito, nagtrabaho ito sa isang fashion magazine.
He was amazed with the cameras and the photographer who was well-known in the fashion industry at that time. Noon pa man ay alam na ni Nigel na hilig niya ang pagkuha ng mga larawan, ngunit hindi niya naisip na gawing career iyon. He had been taking up Business Administration in the Philippines before he flew to Italy. Iyon din ang kursong kinuha ng kanyang tatlong kapatid kaya naman gumaya na siya, tutal ay hindi pa niya alam kung ano ang talagang nais niyang gawin noong mga panahong iyon.
Habang pinapanood ni Nigel ang pagtatrabaho ng photographer sa set, bigla niyang napagtanto ang nais niyang gawin sa buhay. He wanted to be a photographer. Namangha rin siya sa art modelling. Inakala ni Nigel na mababaw ang fashion photography. Ang akala niya ay kailangan lang isuot ng isang modelo ang mga damit na ipapasuot dito at kukunan ito ng larawan. He realized there was more to it than just dressing up.
Sa photo shoot na iyon niya nakilala si Molly, ang nakatatandang kapatid ni Anne. She was a great model kahit na kaedad lang niya ang dalaga. Nagkausap sila at naging magkaibigan. Hindi niya alam na natipuhan siya ng ilang agents na kaibigan ng kanyang tunay na ina. Inalok siya ng mga ito na maging modelo.
Noong una ay hindi niya gustong maging fashion model. Hindi iyon ang buhay na gusto ni Nigel. Hindi niya alam kung magiging mahusay siya sa larangang iyon. Ngunit naisip din niyang pagkakataon na niya upang kumita ng kanyang sariling pera. Hindi niya nais na dumepende sa kanyang tunay na ina. Tinuruan siya ng kanyang mama na maging independent. Maagang natuto si Nigel na kailangan niyang paghirapan ang isang bagay na gusto niyang makamit.
Naging modelo siya upang masustentuhan ang kanyang pag-aaral ng photography sa Italy. Sariling pera din niya ang ipinambili ng camera at photography equipment. Hindi nagtagal ay nakasundo niya ang kanyang ina. He realized it was just a matter of getting used to things. Naipaliwanag na rin nito kung bakit siya ipinamigay sa mga Castañeda. Hindi raw nagmula sa isang mayamang pamilya ang kanyang tunay na ina at hindi nais panagutan ng kanyang tunay na ama. Kailangan nitong sustentuhan ang pamilya nito. Nagkaroon ito ng pagkakataong maging modelo sa Maynila pagka-recover sa panganganak sa kanya. Naging tuloy-tuloy ang suwerte nito hanggang sa maging international model.
Nang unang makita ng kanyang mama sa Pilipinas ang magazine kung saan siya ang cover, tili ito nang tili sa telepono. She sounded very happy on the phone. She was screaming her delight. Ilang ulit nitong sinabi sa kanya na proud ito sa kanya. Ipinagsisigawan daw ng kanyang mama sa buong Mahiwaga na international model ang anak nito.
He had always been thankful because his adoptive mother was very supportive. Nang sabihin ni Nigel ang mga plano niyang gawin sa buhay, she encouraged him. Hindi ito nagsabi ng mga negatibong bagay. Sinabi nitong nasa likuran lang niya ang ina at handang umalalay sa bawat hakbang niya patungo sa tagumpay. Ang kanyang mga kapatid ay labis din ang naging suporta sa kanya.
Ilang taon lang siya naging modelo. Mahirap mag-umpisa sa pagiging photographer ngunit kinaya ni Nigel. Kinakitaan siya ng husay kaya unti-unting nakilala ang kanyang pangalan sa larangan ng photography. Hindi lang siya ang lalaking may magandang hubog ng katawan at guwapong mukha. He was great even behind the camera, capturing every moment. He was very good at his art.
Mas kilala si Nigel bilang isang fashion photographer dahil doon siya nag-umpisa at mas marami siyang kliyente sa larangang iyon, ngunit hindi lang siya roon naka-focus. Sinusubukan niya ang halos lahat ng klase ng photography. Nanalo na rin siya sa ilang prestihiyosong patimpalak sa Pilipinas at sa abroad.
Inakala ng lahat na mananatili siya sa Italy dahil naroon ang kanyang career. Everything was going his way. Sunod-sunod ang tinatamasa niyang tagumpay. Mayabong na mayabong ang kanyang photography career. Balak na sana niyang magpatayo ng studio at gallery sa bansa.
Nagbago ang lahat nang pumanaw si Molly dahil sa cancer sa buto. She asked him to take care of her sister, Anne. Dahil matagal na silang magkaibigan, alam na ni Nigel ang kuwento ng magkapatid. Kilala niya si Anne at ilang beses na rin silang nagkita sa Italy tuwing bumibisita ito sa ate nito o kung bibisita sila sa Pilipinas ni Molly.
Unang kita pa lang ni Nigel kay Anne, kakaiba na ang kanyang nadama para sa dalaga. Kahit na cold at distant ito sa kanya noong una, hindi niya napigilan ang kakaibang damdamin na bumabangon sa kanyang puso. Hindi na siya nagdalawang-isip, umuwi siya sa Pilipinas. Iniwan niya ang magandang career sa Italy upang tuparin ang huling hiling ng matalik niyang kaibigan.
Wala siyang pinagsisisihan sa naging desisyon noon hanggang sa ngayon. Naging maganda rin naman ang kanyang career sa Pilipinas. Nakakasama pa niya ang kanyang pamilya. Dahil nakagawa na siya ng pangalan, may mga pagkakataon na nagtutungo siya sa ibang bansa para sa mga espesyal na trabaho.
Napabuntong-hininga si Nigel nang maalala niya si Anne. Matagal na ring pumanaw si Molly. Matagal na siyang tumutupad sa kanyang pangako. Kung tutuusin, hindi na kailangan ni Anne ng pag-aalaga. Kaya naman nitong alagaan ang sarili. May mga pagkakataon na tila napapagod na siya sa paghihintay at pag-aalaga, ngunit hindi niya magawang tuluyang lumayo. Ang totoo, mas napapagod siya sa paghihintay ng katugon kaysa sa pag-aalaga niya kay Anne. Hindi niya maiwan ang dalaga kahit na ano ang kanyang gawin. Sometimes, he was convinced he was mad already.
Pagkatapos nilang mag-golf ay nagtungo si Nigel sa kanyang Ate Nene. Ibinigay niya ang kanyang mga pasalubong sa kapatid. Matagal din silang nagkuwentuhan ni Ate Nene. Sa bahay na nito naghapunan si Nigel. Pag-uwi niya sa kanyang bahay, bahagya siyang nalungkot dahil walang tao roon. Walang sasalubong sa kanya ng yakap at halik.
Hanggang kailan siya ganoon?