HINDI alam ni Anne kung ano ang kanyang ginagawa sa loob ng mall. Naisip lang niyang lumabas ng bahay nang hapong iyon. Wala rin naman siyang matapos na trabaho kaya nagdesisyon siyang lumabas sandali at baka makahanap siya ng inspirasyon.
Nang makakita ng mall si Anne ay pumasok siya roon. Kanina pa siya nakaupo sa isang bench at pinapanood ang mga taong nagdaraan. Sinusubukan niyang makabuo ng kuwento base sa kanyang mga nakikita, ngunit wala talaga. Iba-ibang klase na ng tao ang mga dumaan sa kanyang harap. Some were interesting, some were not. Some stood out among the crowd, some didn’t. Some looked like movie stars, beautiful and handsome, but most looked rather average. May ilan na pamilya ang kasamang naglilibot, ang ilan naman ay mga kaibigan at nobyo ang kasama.
Sadyang hindi pantay-pantay ang pagkalikha sa mga tao. Mayroon talagang mga espesyal at mayroong hindi. May sinalo ang lahat ng suwerte, mayroon din namang sinalo ang lahat ng kamalasan. May itinadhanang maging madali para sa kanya ang mga bagay-bagay, mayroon din namang kailangang paghirapan ang lahat ng mayroon siya. May iniiwan at nag-iisa, mayroon din namang maraming nakapaligid na nagmamahal. May nakatadhanang maging masaya at mayroon din namang nakatadhanang maging malungkot hanggang sa libingan. May buhay na exciting at may buhay na boring.
Bumuntong-hininga si Anne bago tumayo mula sa kanyang kinauupuan. Hindi magiging maganda ang epekto sa kanya ng kanyang ginagawang pagmamasid sa mga tao. Ayaw niyang alalahanin ang ilang mga bagay sa nakaraan. Ayaw niyang mainggit sa mga taong may mga kasamang kaibigan at kapamilya. She would only feel very much alone.
Naglakad-lakad si Anne. Wala siyang balak na bumili ng damit o bag kaya tumuloy siya sa bookstore. Lumabas din agad siya dahil wala siyang magustuhan sa mga librong naka-display.
Napadaan siya sa sinehan. Tiningnan niya ang mga title ng pelikulang palabas. Nagdesisyon siyang manood na lang ng sine. Baka ma-inspire siya sa pelikula at makagawa siya ng kuwento mula roon.
Comedy pala ang palabas sa cinema na kanyang pinasok. Nagsalubong ang kanyang mga kilay nang tumawa nang malakas ang kanyang katabi sa isang eksena na para sa kanya ay hindi naman nakakatawa. The scene was okay. The comedian was trying too hard to be funny. Lalong nagsalubong ang mga kilay ni Anne nang mapuno ng mga tawa ang buong sinehan ngunit siya ay hindi pa rin natatawa. Ni hindi siya nahawa sa tawa ng mga tao sa kanyang paligid.
Something is wrong with these people, anang isip ni Anne bago siya tumayo at lumabas ng sinehan.
She bought another ticket. Isang love story naman ang palabas. The woman beside her was sighing dreamily while her eyes were fixed on the screen. She heard a lot of “Ohs...” from behind her. Ang mga teenager sa kanyang harap ay tila namimilipit na sa kilig. Pero wala siyang madamang kilig. Wala siyang masabi sa pelikula. Walang gaanong epekto sa kanya ang mga eksena. It was... okay.
Lumabas na si Anne. Kinakabahan siya. Bakit ganoon siya? Alam niya na kanya-kanya ang gusto ng bawat tao, ngunit normal pa rin naman siya. Dapat ay magustuhan niya ang mga nagugustuhan ng nakararaming tao. Dapat ay magkaroon siya ng normal na reaksiyon katulad ng iba.
Normal ako.
Nakakita si Anne ng poster ng isang horror film. Nagmamadaling bumili siya ng ticket. Mukhang nakakatakot ang poster kaya inaasahan niyang matatakot din siya dahil normal siya. Hindi marahil siya matatakot nang husto ngunit kahit paano siguro ay pipitlag ang kanyang puso o masisindak siya nang bahagya.
Ngunit ilang mga tao sa sinehan na ang napapasigaw, wala pa rin siyang maramdaman. Ni hindi man lang siya nagugulat sa biglang paglitaw ng kung ano-anong gross na nilalang. Pagkalipas ng ilang minuto ay lumabas na siya ng sinehan. Nanlulumong umupo siya sa isang bench.
Malala na ba siya? Bakit ganoon siya? Hindi na ba talaga siya normal? Kailangan na ba niyang magpatingin sa isang propesyonal?
She looked around her. Parang gustong maiyak ni Anne. Biglang bumigat ang kanyang dibdib. She was feeling so alone. She missed her sister. Pilit niyang kinakalimutan ang hindi magagandang alaala ngunit lalo lang bumibigat ang kanyang dibdib.
Hindi maintindihan ni Anne ang kanyang sarili. Kanina lang ay wala siyang madama sa mga pelikulang kanyang pinapanood, ngayon naman ay ang bigat-bigat ng kanyang dibdib. May mali nga yata sa kanya.
Kinuha ni Anne sa kanyang bag ang kanyang cell phone at tinawagan si Nigel. Sinagot agad ng binata ang kanyang tawag.
“Hey, what’s up?”
She cleared her throat. “Ano ang ginagawa mo ngayon? Nasaan ka?” tanong ni Anne sa kaswal na tinig. Sinikap niyang huwag ipahalata na may mali sa kanya.
“Home. I’m packing.”
“Packing? What for? Hindi ba at kababalik mo lang?” nagtatakang tanong niya.
“Anne, don’t tell me you’re not going with me tomorrow. Nakalimutan mo na bang bukas na ang alis natin papunta sa Mahiwaga? Hindi ka na puwedeng umatras. I already made plans.”
Natapik niya ang kanyang noo. “Oo nga pala. I’m sorry, I forgot. Don’t worry, I’m not backing out. Noong isang araw ko pa naiempake ang mga gamit ko.” Totoo iyon dahil wala siyang magawa noong isang araw kaya nag-empake na lang siya ng kanyang mga gamit para sa trip nila pauwi sa probinsiya ni Nigel.
“Thank God.”
Tumikhim si Anne. “Can you come over? May time ka pa naman siguro mamaya para ipagpatuloy ang pagpa-pack mo.”
“Where are you?”
Sinabi niya ang pangalan ng mall na kanyang kinaroroonan. Sinabi ni Nigel na maghintay lang siya roon bago nito tinapos ang tawag. Naghintay nga si Anne. Sinikap niyang huwag mag-isip ng mga pangit na bagay habang wala pa si Nigel.
Hindi naman siya gaanong naghintay nang matagal. Malayo pa ay nakita na niyang palapit si Nigel. He stood out among the rest. He was the handsomest, sexiest man. Napansin niyang napapalingon ang mga babaeng nakakasalubong ng binata.
Then he saw her. He smiled. Pumitlag ang puso ni Anne. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nadarama habang palapit sa kanya si Nigel. Pakiramdam niya ay naglalakad palapit sa kanya ang kanyang prinsipe. Isang prinsipe na handang itama ang lahat ng mali sa kanyang buhay, ang magbibigay ng kulay at kaligayahan sa kanyang buhay.
Tumabi sa kanya si Nigel. Nalanghap niya ang mabangong amoy ng binata. “Hey,” masayang bati nito. “Naisipan mo yatang lumabas.”
“I’m bored,” simpleng tugon ni Anne. She was feeling okay now because he was there.
“So, why did you ask me to come over?”
“I just wanna be with you.”
Natigilan ito sandali. “Really?”
Tumango siya. “I wanna be with a friend.”
Bahagyang tumamlay ang mga mata ni Nigel ngunit hindi rin iyon nagtagal. Ngumiti ito nang matamis sa kanya. “So, ano’ng gagawin natin?” Napatingin ito sa ticket booth ng sinehan. “Gusto mong manood ng sine?”
Umiling si Anne. “Nanood na ako kanina. Hindi maganda ang mga palabas.”
Hinawakan ni Nigel ang kanyang kamay bago tumayo. Hinila nito iyon upang makatayo rin siya. “Tara sa arcade,” yaya nito.
Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong tumanggi dahil hinila na siya ng binata. Hinayaan na rin niya ito sa gustong gawin. Kahit na wala siyang alam na laruin sa arcade, nag-enjoy pa rin naman si Anne. Alam niyang iyon ay dahil kasama niya si Nigel.
Ano ang gagawin niya kapag nawala sa kanya ang binata?
NAGMULAT ng mga mata si Anne. Sandali niyang inalala kung nasaan siya. Inilibot niya ang kanyang paningin sa paligid nang maalala na nasa sasakyan siya kasama si Nigel. Patungo sila sa Mahiwaga. Madaling-araw nang umalis sila ng Maynila.
“Did you sleep well?” tanong ni Nigel sa kanya.
Nilinga niya ang binata. “I’m sorry,” nahihiyang sabi ni Anne. “Hindi ko sinasadyang makatulog nang matagal.” Hindi niya naisip na maiinip ito nang husto.
“It’s okay,” anito sa masuyong tinig. “Hindi ko gusto ang mga mata mo, dinaig mo pa ang panda. You should sleep more often. Sana ay makapagpahinga ka nang husto sa villa. This is a vacation, sana ay kalimutan mo muna ang pagsusulat.”
Bumuntong-hininga si Anne bago tumingin sa labas ng bintana ng sasakyan. Hindi niya masabi na napupuyat siya nitong mga nakaraang araw hindi dahil sa trabaho. Napupuyat siya dahil sa paglalaro ng Plants vs. Zombies o Angry Birds. Minsan, nakatitig lang siya sa computer, hinihintay ang pagdagsa ng mga ideya. Ngunit walang dumarating.
She was actually excited about this vacation. Baka nga iyon ang kailangan ni Anne. Baka kailangan lang niyang makasagap ng sariwang hangin ng probinsiya at makakita ng ibang lugar. Baka kusang magbabalik sa kanya ang inspirasyon. Baka kusang gumana ang kanyang creative mind doon.
“Nasaan na tayo?” tanong niya kay Nigel habang tinatanaw ang tila walang hanggang palayan.
“Nasa Mahiwaga na tayo. Kalahating oras na lang at nasa villa na tayo.”
“Pag-aari n’yo ba ang bahaging ito?” Tumingin uli siya sa bintana.
Tango lang ang naging tugon ni Nigel. Isa sa mga bagay na gustong-gusto ni Anne dito ay hindi ito mayabang. Kahit na galing sa isang mayamang pamilya, hindi ipinagyayabang ni Nigel ang bagay na iyon. Sa kabila ng malaking achievement bilang isang photographer, low profile pa rin ang binata.
Ibinalik ni Anne ang kanyang tingin sa bintana. Gustong-gusto niya ang tanawing nadaraanan nila. Masarap sa mga mata ang luntiang paligid. Napakalawak ng taniman.
“Can we open the windows?” hiling ni Anne.
Pumayag agad si Nigel.
Hinayaan niyang dumampi ang sariwang hangin sa kanyang mukha. Pinuno niya ng hanging-probinsiya ang kanyang mga baga. Gumanda agad ang pakiramdam ni Anne. Tama ang kanyang desisyon sa pagsama kay Nigel sa lugar na iyon. Ngayon pa lang ay nagugustuhan na niya ang mga nakikita.
Unti-unti, nawala sa kanyang mga mata ang palayan. Pulos punong-kahoy naman ang nadaraanan nila. Nagtatayugan ang mga puno. Habang umuusad sila, pakiramdam ni Anne ay pumapasok sila sa isang kagubatan na may sementadong daan.
Labinlimang minuto pa marahil ang tinakbo nila bago niya natanaw ang isang napakagandang villa. Habang papalapit sila ay lalong humahanga si Anne sa magandang villa. It was beautiful and imposing. Tila kahit na anong kalamidad ang mangyari ay tatayo pa rin iyon. Yari sa matibay na adobe bricks ang kabuuan ng bahay. The design of the villa was fluid and graceful, too.
“Wow,” humahangang sabi ni Anne. Hindi niya maalis ang kanyang mga mata sa magandang villa.
Inihinto ni Nigel ang sasakyan sa harap ng villa. Umibis ang binata at pinagbuksan ng pinto si Anne. Halos wala sa loob na bumaba siya ng sasakyan.
May isang babaeng lumabas mula sa front door. Biglang nagliwanag ang mukha nito nang makita sila.
“Uncle Nigel!” masayang bulalas ng babae habang tumatakbo palapit sa kanila.
“Glanys, how are you?” masayang bati ni Nigel sa babae. Nakatawang pumaloob ito sa mga bisig ng kanyang kaibigan.
Pagkatapos magyakap ng dalawa ay napatingin sa kanya ang babae. Nginitian siya nang matamis ni Glanys. Nginitian din ito ni Anne. Maaliwalas ang magandang mukha ni Glanys. Ang hula ni Anne, isa ito sa mga pamangkin ni Nigel. Sa pagkakaalam niya, dalawa lang ang pamangkin nitong babae at lahat ay mga lalaki na.
“Anne, ito si Glanys, pamangkin ko. Glanys, si Anne, isang espesyal na kaibigan,” pagpapakilala ni Nigel sa kanila.
“Hi,” nakangiti pa ring bati sa kanya ni Glanys. “Natutuwa akong makilala ka. Marami na akong naririnig tungkol sa `yo hindi pa man kita nakikilala nang personal.”
“I’m glad to finally meet you, too. Madalas din kayong ikuwento ng uncle n’yo sa `kin,” tugon niya sa palakaibigang tinig.
Binalingan ng pamangkin si Nigel. “Bakit naman kasi hindi mo sinabing parating kayo, Uncle? Hindi man lang ako nakapaghanda ng espesyal para sa inyo.”
Inakbayan ni Nigel ang pamangkin. “Gusto kong sorpresahin si Mama.”
Lumabi si Glanys. “Kaya nga aalis sana ako. Susunduin ko siya sa bukid. May ilang bahagi kasi ng taniman na nasalanta noong tuloy-tuloy ang ulan. Nalunod ang ilang mga tanim kaya nag-uulit ang mga magsasaka sa pagtatanim. Hayun at hindi maipaubaya kay Kuya Eduardo ang pamamahala ng patanim. Naisipang sumama ngayong araw sa bukid.”
Napatingin si Nigel sa wristwatch nito. “Tanghali na, ah. Bakit nasa bukid pa siya? Bakit hinahayaan mo ang lola mong magpunta pa rin sa bukid? Matanda na siya. hindi na niya kayang maglakad-lakad pa sa bukid.”
“Para namang hindi mo kilala si Lola, Uncle.”
Napabuntong-hininga si Nigel. “Glanys, asikasuhin mo muna si Anne. Pupuntahan ko lang sandali si Mama at pauuwiin. Akala ko pa naman ay madaratnan ko siya rito sa bahay pagdating ko.”
“Can I go with you?” tanong ni Anne bago pa man makatugon si Glanys sa tiyuhin nito. Hindi sa hindi niya nais na makasama ang pamangkin ni Nigel. Ramdam naman niyang mabait si Glanys. Nais din niyang makita ang interior ng villa. Ngunit mas nais niyang batiin muna ang ina ni Nigel.
“Are you sure?” nag-aalangang tanong din ni Nigel. “Mahaba ang naging biyahe natin, bakit hindi ka na lang magpahinga muna rito?”
“I’m sure. Hindi naman ako napagod, natulog lang ako sa buong durasyon ng biyahe.”
Pumayag na rin ang binata. Tinanong nito kung saang bahagi ng taniman naroon ang mama nito. Sumakay uli sila sa sasakyan. Dinaanan uli nila ang mga dinaanan nila kanina ngunit may nilikuan si Nigel pagdating nila sa palayan.
Ipinarada ni Nigel ang sasakyan sa ilalim ng isang mayabong na puno. “Maglalakad tayo mula rito,” anito habang pababa sila ng sasakyan.
“I can use some exercise,” kaswal na tugon ni Anne. Inilibot niya ang kanyang paningin sa paligid. The place was so beautiful. Luntian pa rin ang paligid. Medyo maputik ang dinaraanan nila, ngunit hindi niya alintana. She loved everything she saw.
Sariwang-sariwa ang hangin. She felt like her soul was being cleansed. Napakalawak ng mundo. Tila napakataas ng langit.
“Bakit ngayon lang ako sumama sa `yo sa lugar na ito?” hindi makapaniwalang nasambit ni Anne. “Ang ganda-ganda rito, Nigel.” Sana ay noon pa siya pumayag na magbakasyon doon. Sana ay hindi na kung ano-ano ang kanyang naisip.
“Hindi mo pa nakikita ang lahat ng kagandahan dito, Anne. I’ll show you the beauty of my home,” nakangiting tugon ni Nigel. “Natutuwa ako na sumama ka sa `kin sa pagkakataong ito.”
“Thank you for bringing me, Nigel. I think this is what I really need.” Siguro, hindi na dapat pinipilit ni Anne ang kanyang sarili na makasulat at makapagtrabaho. Kailangan lang marahil niya ng bakasyon. Kailangan lang niya ng pahinga. Kailangan din marahil niyang i-relax ang kanyang utak. Kusa rin sigurong babalik ang kanyang drive at inspirasyon.
Kung ano-ano ang kanyang naiisip na abnormal sa kanya dahil masyado niyang pinipilit ang kanyang sarili. Marahil ay sadyang pagod lang siya.
“No, thank you for being with me.”
Her friend looked so happy. Napansin ni Anne na iba ang ngiti ni Nigel mula nang sunduin siya ng binata kanina sa kanyang bahay. Pinigil niyang mag-isip ng kakaibang kahulugan sa kakaibang ngiti sa mga labi nito. He was happy because he was going to see his beloved mother again. Iyon lang iyon.
Ilang sandali pa, narating din nila ang bahaging tinatamnan ng ilang mga tao. Abala ang mga tao roon sa mga gawain. Nakita nila ang ina ni Nigel na nakaupo sa ilalim ng isang puno ng akasya. Nakatingin ang matandang babae sa mga nagtatanim kaya hindi sila napansin na palapit.
“Sinabi ko nang huwag ka nang nagpupunta rito sa bukid,” ani Nigel nang tuluyan silang makalapit sa ina nito. “Ang tigas ng ulo mo, Mama.”
Nilingon sila ng matandang babae. Sandali lang itong nagulat. She smiled widely when she saw them. “Nigel!” masayang turan. Tumayo ito at niyakap ang bunso. “Hindi ka nagpasabing uuwi ka na.”
Gumanti ng yakap si Nigel. “I wanted to surprise you. Akala ko ay madaratnan kita sa bahay.”
“Ano naman ang gagawin ko roon, tatanga? Hindi ako sanay na walang ginagawa kaya hayaan mo na ako. Malakas pa ako, anak. Ayokong napipirmi sa bahay.”
“Hindi ka na bumabata, Mama. Nahihirapan ka nang maglakad patungo rito.”
“Kaya ko pa. Wala kang bilib sa nanay mo. Ngayon lang naman ako nagtungo rito. Nais ko lang sumagap ng hangin.”
Pinagmasdan ni Anne ang mag-ina. They were a lovely sight. Puno ng pagsuyo ang mga mata ni Nigel habang yakap-yakap ang mama nito. Ang ina naman nito ay kumikinang ang mga mata sa kaligayahan. Labis itong natutuwa na naroon na ang bunso nito.
She was still very lovely. Tila mas bata ang ina ni Nigel nang sampung taon sa totoong edad nito. Sa tingin ni Anne ay malakas pa nga ang matanda. Ngunit hindi na nga ito dapat na nagpupunta sa bukid. Baka masyado itong mahapo.
Sa kaibuturan ng kanyang puso, naroon ang inggit. Napakasuwerte ni Nigel sa pagkakaroon ng pamilya. Isang bagay na wala siya.
Napatingin sa kanya ang matanda. Magalang na nginitian niya ito. “Hello po. Kumusta na po kayo?” magalang na sabi ni Anne.
“Naaalala n’yo pa po ba si Anne, Mama?” tanong ni Nigel.
“Oo naman. Ano ang akala mo sa `kin, ulyanin na?” tugon nito sa anak. “Narito ba kayo para sabihing lalagay na kayo sa tahimik? It’s about time, Nigel.”
Nag-init ang kanyang mukha. Kahit na hindi niya nakikita ang kanyang sarili nang mga sandaling iyon, alam ni Anne na pulang-pula na ang kanyang mukha. Hindi niya alam na may ganoong impresyon sa kanila ang ina ni Nigel. Sa iilang pagkakataon na nakasama niya ang matanda sa Maynila ay mabait ito sa kanya, ngunit hindi inisip ni Anne na gusto siya nito bilang babaeng mapapangasawa ni Nigel.
“Mama,” ani Nigel. Tila biglang nahiya ang binata at hindi nito malaman kung ano ang sunod na sasabihin.
Napailing-iling ang matanda. “Hindi ko alam kung ano ang nagawa kong pagkakamali sa pagpapalaki sa `yo, anak. Hanggang ngayon ay hinahayaan mong daigin ka ng karuwagan.”
“Mama!” saway ni Nigel. Bahagyang namula ang mukha ng binata.
Hindi naiwasang mapangiti ni Anne. Hindi niya alam kung bakit. Nigel was just so cute when he was uncomfortable. Ngayon lang niya nakikita ang ganoong side ng binata. Palagi na lang kasi itong confident, sigurado sa lahat ng mga bagay. Hindi pa niya nakikita si Nigel na tila hindi malaman ang sasabihin at gagawin. Palagi itong may nakahandang tugon.
Napatingin sa kanya si Nigel. Napapangiti na rin ito dahil nakangiti siya. “You find this funny, huh?” anito sa magaang tinig. Bumalik na sa dati ang kulay ng mukha ng binata. Nag-alala marahil ito na baka hindi siya komportable sa sinabi ng ina nito.
Lumapad ang ngiti ni Anne, mas tumamis. Gumanti ng ngiti si Nigel. His smile was so sexy she felt like melting.