Merjie’s Point of View
Bakit? Bakit natalo na naman ang Ginebra? Talo na nga Ateneo, pati ba naman ang Ginebra? Natatanaw ko pa si Brian at ang mga kunehong Beerman.
“Nakasimangot ka. Ang pangit mo sa stage,” puna ni Tuts. “Talo Ginebra,” sagot ko. Tumawa ito at binigyan ako ng maligamgam na tubig.
“Magpalit ka na kasi ng team,” sulsol nito. Natawa pati si Pedz, bassist namin at si Migs— ang keyboard namin.
“Tigilan niyo ako,” sagot ko sa kanila. Hanga lang ako sa mga kasama ko. Kahit puno ng tattoo sa katawan, hindi sila nagyoyosi. Umiinom, oo, pero hindi naninigarilyo.
“Mayroon pa tayong tatlong set na kanta. Sana malaki ang tip ngayon. Mayroon akong bibilhing bass,” simula ni Pedz. Addict sa bass guitar ang loko. Hindi nakakaipon. Akala mo shop na ng bass ang bahay niya.
“Aanhin mo naman ‘yang bass na ‘yan? Kakabili mo lang, Dong,” tanong ko. “Kaya hindi ako nag-syota e— dahil ganyan magtanong,” Pedz replied to me.
I rolled my eyes. Hindi kaya sila nanghihinayang sa mga kinikita nila? Ang ipon ko, nilalagay ko sa investment. Natuto ako sa mga members ng club. Makinig ka lang sa usapan nila, may mapupulot ka. Sabi nga noong Neil, magandang investment ang paupahan sa University Belt. Lumilipad na naman ang isip ko kung magkano ang kailangan kong bayaran sa isang linggo. Kung anong raket pa ang kailangan kong gawin para mapagkasya ang budget ko sa mga gastusin. Natanaw ko si Yumi na papasok. Sus, nandito na ang sagot sa tanong ko.
“Uy, Yumi. Bakit parang pagoda ka girl? Beer gusto mo?” tanong ko sa kanya nang makalapit siya sa table namin na nasa gilid ng stage. Umiling siya at umupo sa tabi ko. Naka-slacks ito, white na long sleeve na blouse, suot ang salamin na tumatakip sa mukha niya. Ang buhok ay nakapusod na naman sa bumbunan.
Maganda siya e, mahaba ang pilik mata. Mapula ang labi kahit walang lipstick. Pati pisngi kulay pink. Kaso manang si girl.
“Okay ba kayo sa biglaang gig? Pwede ba kayo bukas?” tanong nito. Halatang pagod na at stress.
“Minsan nakakatampo ka e. Panakip butas mo kami kapag wala ka nang makuha,” biro ko rito. Namula ang mukha nito at yumuko.
“Pasensya na. Requested kasi ng bride na ang kaibigan niya ‘yong tutugtog, kaso hindi makakauwi galing Qatar. Kanina ko lang nalaman. Please help me, Merjie,” pagsusumamo nito.
“Wala akong practice, Yumi. Pambihira ka,” sagot ko. “Dagdagan ko na lang. Sige na, please? Tuts? Pedz? Migs? Please help me…” maiyak-iyak na pakiusap nito.
“Magkano dagdag?” tanong ni Pedz. Tinitigan ko ito nang masama. “Nagtatanong lang! Kailangan ko ng pandagdag e,” sagot nito.
“Twenty-five percent,” sagot ni Yumi. “Doble,” sagot ni Pedz. “Fifty percent, ‘yan lang ang budget ko,” Yumi said in resignation.
“Okay na, Yumi. Bigay mo na lang ang list of songs mo. Anong oras ba ang kasal?” tanong ko.
“Ten AM, sa garden lang naman,” Yumi replied. “So wala kaming chance mag-practice? Teka, tawagin ko si Baste, para makausap mo na rin,” I volunteered. Lumapit ako sa table kung nasaan si Baste. Napataas ang kilay ko nang makita ko kung sino ang kakwentuhan niya.
Kilala ko si Ton-ton Bernales. Okay naman kami. Civil lang. Ang hindi ko inaasahang makita ay si Redgie Rivero. Ang numero unong mayabang sa loob ng court.
“Excuse me, Baste, pwedeng makausap ka lang saglit ng grupo. Nandoon kasi si Yumi.” Tinuro ko ang table namin, using my thumb.
“Ay, Merj, ka-team ko,” pakilala ni Ton-ton sa mga ka-team niya. Tinaas ko ang kanang kamay ko para batiin sila at tumango ako.
“Pahiram muna kay Baste ah.” Tumayo si Baste at sumunod sa akin pabalik sa table. Pero bago ako makaalis sa table ng mga player narinig ko si Rivero— rinig na rinig ko.
“Kangkong.” Napasinghap naman ang mga kasama nito. Tumingin ko ako sa kanya. Mata sa mata, at saka ko itinaas ang middle finger ko. Naningkit ang mata nito at nagtawanan ang mga kasama. Ngumisi ako bago bumalik sa table namin.
Ekis ka, Redgie Rivero. Markado ka ng pula sa akin.