Malakas na halakhak ang umalingawngaw sa buong kubo mula sa likuran ni Lawrence.
Sabay-sabay na nagsitinginan ang lahat kay Chris na masayang kumakain ng inihaw na hotdog habang kandong ang plastic ng pagkain.
“Yong ang dami mong pinagdaanan tapos wala pa rin palang mapapala!” hagakgak nito at tinapik-tapik pa ang balikat ni Lawrence sabay punas ng kamay. “Maglinis ka ng isda hanggang bukas pre. Good luck!”
Galit na sumenyas si Lawrence kay Jed para bitbitin itong si Chris palayo saka pilit na ngumiti nang ibalik ang tingin kina Cara.
“M-May bisita pala tayo,” wika ni Lawrence at iyong hawakan na lang ng plastic ng isda ang pinanggigilan.
“Zi, tapos na yang dahon?” ani Cara na para pang walang narinig na sinabi ni Lawrence.
Napangisi si Zian at nagbigay ng nakakalokong tingin kay Lawrence.
"Ok na," tatango-tango na sagot ni Zian at kinuha ni Cara.
"Salamat Zian,"
"Ako na ang maglalagay sa apoy, alam kong pagod ka nag-enjoy kasi tayo kanina," pasaring ni Zian.
"Tumigil ka Zian," seryosong sabi ni Cara at inilatag na ang dahon sa ibabaw ng mga isda sa palayok saka isinalang sa tungko.
Dinaanan lamang niya si Lawrence na parang hangin.
“Teka, ok na ba ang paa mo?” aligagang tanong na naman ni Lawrence pero patuloy lamang niyang hindi pinansin ito.
Nang mailagay ang palayok ay natigilan si Cara habang pabalik sa loob nang makita si Manang Rose na nakatayo sa labas ng kubo.
“Sino raw ho ang sadya niyo dito?” tanong ni Cara rito.
“Ah,” nanginginig ang boses na utal ni Manang Rose.
“Cara, si Manang Rose, kasambahay ko,” singit ni Lawrence at tumayo sa tabi ng matanda. “Isinama ko na rito dahil baka matagalan ako umuwi ay wala siyang makakasama sa bahay.”
Hindi naman nakasagot si Cara dahil natigilan na siya sa kinatatayuan habang diretso ang pagpatak ng mga luha.
“Cara ayos ka lang ba?” aligagang tanong ni Zian.
“H-Ha? Bakit?” takang tanong ni Cara.
“Umiiyak ka,”
Dali-dali niyang idinampi ang isang palad sa pisngi at maski siya ay nagulat na may mga luha nga. “Oo nga. Bakit ako umiiyak?”
“Ay hindi ko rin alam? Ano ba kasing nangyari?” usisa ni Zian.
“Hindi ko alam,”
Sa tabi ni Lawrence, pinili na rin lamang ni Manang Rose na tumungo para itago ang mga luha. Nanginginig na ang mga kamay nito na may hawak na baunan ng mga pasalubong na pagkain.
“Haha, ang weird ko na talaga nitong mga nakaraang araw,” turan ni Cara at tinuyo ang mga luha. Naglakad siya palapit sa matanda at iniabot ang kamay para magpakilala, “Hello po. Ako po si Caranova, madalas po ay Cara lang ang tawag sa akin. Pasensiya na ho sa kubo namin. Sana ho ay makatulog ka no ng maayos sa tent.”
Hirap na tinanggap ni Manang Rose ang kaniyang kamay. Nang maglapat ang parehas nilang mga palad ay nanginginig ang mga labi itong ngumiti, “Ikinagagalak kitang makilala Cara. Sobra ang saya ko na makita ka na sa wakas.”
“B-Bakit ho?”
“Wala lang. Ikaw lang kasi ang bukang bibig nitong alaga ko simula nang marinig ka sa radyo. P-Pwede ba akong yumakap?”
Tumango na lamang si Cara at yumakap sa matanda. Sa loob-loob niya ay may parte sa kaniya na hindi niya maunawaan kung bakit parang sabik na sabik rito sa matanda gayong kakikilala lamang nila.
“Masaya ako na ayos ka,” sabi ni Manang Rose habang hinahaplos na marahan ang kaniyang buhok at likuran, na daig pang siya ang alaga at hindi si Lawrence.
“AH, salamat ho,” tugon ni Cara at hinagod na rin ang likod ni Manang Rose dahil emosyonal na ito.
Bandang alas-siete na ng gabi noon at masarap na ang ihip ng hangin. Ang buong barangay ay kani-kaniya nang bukas ng kani-kanilang mga lampara.
“Anak, mukhang may bisita tayo?”
Napabaling ang tingin ni Cara sa kararating pa lamang na ina. Pagod nitong ibinaba ang mga sako ng kamoteng-kahoy na napanguha.
"Nay, andiyan na ho pala kayo. Tulungan ko na ho kayo,” sabi ni Cara at marahang bumitaw sa yakap nila ni Manang Rose. “Si Manang Rose ho, kasambahay ni Lawrence.”
Mula sa kinatatayuan ay masinsinang sinipat ng ina ni Cara itong si Manang Rose at ang malaking ngiti sa mga labi ay unti-unting napawi.
“Manang Rose, si Nanay Minerva ho,” masayang sambit ni Cara at kinuha ang mga sako na bitbit ng ina.
Wala ni isa sa dalawa ang nakagalaw sa kinatatayuan kaya minabuti na ni Cara na pumasok sa bahay.
“Tulungan na kita,” alok ni Zian at kinuha ang isang sako.
Nang makita ang ginawa ng karibal, inabot agad ni Lawrence ang bitbit na plastic ng mga isda kay Jed saka patakbong kinuha ang sako kay Cara.
“Ah anong ginagawa mo?” inis na tanong ni Cara kay Lawrence.
“Ako na ang magdadala para sayo,” matapang na sagot ni Lawrence pabalik.
“Kaya ko na, bitaw na,” tipid na usal ni Cara rito at pilit na inagaw pabalik ang sako.
“Ayaw ko. Kahit kailan ay hindi ako bibitaw,”
“Ah talaga? Tss! Tumigil ka na sa mga kalokohan mo, ayaw kong isang araw ay may susugod dito at hinahanap ako tapos sasabunutan na lamang ako,”
Ngumiti nang napakalaki si Lawrence at hinblot ang sako mula sa kaniya, “Nagseselos ka ba?”
“Ano?” irap ni Cara rito at pinilit na bawiin ang sako. “Nagseselos? Bakit?”
“Mas maganda ka pag nagseselos ka,”
“Asa,” taas-kilay na sabi ni Cara at iniwan na si Lawrence. “Zi, maghanda na tayo ng mesa para makakain.”
“Tamang-tama, may dalang pagkain si Manang Rose,” usal ng ina ni Cara. “Tayo ay magsabay-sabay na.”
Pinaypay ng ina ni Cara si Manang Rose na pumasok at tumulong sa paglalabas ng mga pagkain.
Gulat pa noong una si Manang Rose pero sabik na naglakad papasok at tumulong sa paghahanda ng mga pagkaing inihanda nito para kay Cara.
“UYYY! Ang bango! Parang ang sarap!” sabik pang sabi ni Cara habang nilalaro si Boching na isa pang sabik na sabik sa mga pagkain.
“Masarap talaga yan,” masayang sabi ni Manang Rose. “Ipaghahanda na kita.”
“Ahh haha, kala ko ho ba si Lawrence ang alaga niyo?”
Alanganing tumawa ang si Manang Rose. “Ah syempre, bilang future-alaga-in-law, ikaw na ang aalagaan ko diba?”
Halos mapunit ang mga labi ni Lawrence sa pagngiti sa may pintuan. “Good job, Manang.”
“Manang, ikakasal na ho ang alaga niyo. Wag kayong magpaloko sa kaniya,” bwelta ni Cara habang sumusubo ng paunti-unti ng piraso ng karne mula sa baunan.
“Oo, ikakasal siya. Hindi ba sayo?”
Natigilan si Cara at tumingin kay Lawrence. “Mukhang kahit ho sainyo ay mahilig ito magsinungaling. Hindi ho sa akin. Kay Rowan ho, kilala niyo ho ba iyon?”
Pabagsak na ibinaba ni Manang Rose ang baunan at sumugod kay Lawrence. “Kay Rowan? Kay Rowan talaga?”
“Manang...teka lang ho,”
“Pwes! Kung doon ka talaga magpapakasal ay tinatapos ko na ang pagiging kasambahay mo. Si Cara na lamang ang aalagaan ko.”
“Ah Manang, wala ho akong pambayad,” tawang-tawang sabi ni Cara.
Si Lawrence kahit naman pingot-pingot na ni Manang Rose ay kay Cara lang ito nakatingin at ninamnam ang matatamis na ngiti ng dalaga.
“Aba anong kasiyahan ang meron dito?” nakangiting usal ng ama ni Cara na kauuwi rin lamang.
“Tay, magandang gabi ho,” salubong agad ni Cara at agad na nagsimano kasunod si Zian saka si Lawrence.
“Ay ano raw ang meron?” tanong nito habang umiinom n tubig.
“Kasama ko ho kasi Tay si Manang Rose, kasambahay ko ho,”
“Ah ganon ba,” sabi nito at naglalakd palapit kay Manang Rose. “Magandang gabi ho, ako si Roger, ang ama ni Cara.
“Magandang gabi rin naman, “ usal ni Manang Rose. “Sakto ang dating mo, kakain na. Nagdala ako ng mga pagkain bilang pasasalamat sa pagpapatuoy.”
“Salamat! Welcome,” biro ng ama ni Cara. “Dapat pala laging may bisita.”
“Tay, talaga,” awat naman ni Cara at nagkatawanan na.
“Nga pala, may nakita akong kay raming mga isda na bitbit ni totoy pogi,” baling ng ama ni Cara sa kaniyang ina.
“Ah dala ko ho yon,” nahihiyang presinta ni Lawrence.
“Ay tamang-tama! Bagong timbang kami,”
“ROGER!” saway agad ng ina ni Cara rito.
“Sige na mahal, gusto ko lang makabonding itong si Lawrence. Tutal magiging mag-ama naman na kami,” masaya nitong sabi habang pinupukpok ang balikat ng ina ni Cara.
“Tay, magpapakasal na ho si Lawrence sa---”
“Tay. Ako na hong sagot sa inumin,” putol ni Lawrence kay Cara.
“Ayon oh,” masayang sabi ni ama ni Cara. “Ginugutom ka na ba? Tarang maglinis ng isda.”
“Sige ho,” sang-ayon ni Lawrence at magkaakbay pa itong dalawang lumabas ng kubo.
“Teka, sasali ako!” habol naman ni Zian kaya napasapo na lamang sa mukha si Cara dahil sa hindi mapigilang tawanin.
***
Kinabukasan ay maagang nagising si Cara para maghanda sa pagpasok.
Lumabas siya para kumuha ng panty at bra sa kanilang sampayan.
Pero saktong labas naman ay nadatnan niyang nagsasalansan ng mga isda sa bilao si Lawrence. Naka maong na pantalon lang ito habang nakatopless.
Sa tabi nito ay nakalatag ang isang manipis na kutson kng saan nakahiga ang kaniyang ama at si Zian na magkawahak-kamay pa.
“Good morning,” bati nito sa kaniya.
“Good morning. Anong meron sa attire mo?”
Bukod sa mainit-init na abs ni Lawrence ay may nakatali rin iton ng puting towel sa ulo.
“Bakit? Ang gwapo ko?”
“Ay grabe! Ang aga-aga, ang lakas ng hangin. Nako buti nakabili ka ng maraming isda, babagyuhin,”
Nakangitiing tumayo si Lawrence at naglakad palapit sa kaniya.
Pagkalapit ay kinuha ni Lawrence ang kanan niyang kamay at inilapat sa matigas nitong dibdib. “Ang lahat ng ito ay sayo lamang. Hindi ako nagyayabang, nagsasabi lamang ako at pagpapakatotoo sa nararamdaman ko.”
Muli ay tumitig si Lawrence sa kaniya ng isang titig na makaubos hininga. Ang mga mata nito ay daig pang nilalakbay na ang buo niyang katawan kahit wala namang ginagawa.
“Lumayo ka,” iwas ni Cara nang makolekta ang sarili.
“Hindi, kahit kailan ay hindi ako lalayo sa’yo Cara,”
“Ikakasal ka na kay Rowan,”
“Paano kung sabihin kong hindi? Ha?”
“Sinong niloko mo, ha!”
Ngumiti si Lawrence at marahang hinapit ang baywang ni Cara para magkalapit ang kanilang mga katawan. “Oo ikakasal ako pero hindi kay Rowan. Malamang kay Jed mo nakuha ito pero kung may papakasalan man ako, ikaw at ikaw lamang iyon. Kahit pa matapos ang mundo, o kung kinakailangan kong tapusin ang mundo mapakasalan ka lamang, gagawin ko. Pasensiya na kung hindi ko maipaliwanag sayo ang mga nangyayari pero ang hiling ko lamang ay pagkatiwalaan mo ako.”
Sa mga sandaling iyon ay napasinghap ng malalim si Cara nang ang parehas na mga kataga ay muling tumakbo sa kaniyang isipan pero sa ibang pagkakataon.
Ang mga malalabong imahe ay unti-unting lumilinaw. Nasa taas siya ng isang rooftop at kaharap si Lawrence na bata pa ang edad. Malakas ang ulan at hangin. Nakasuot si Lawrence ng pang high-school na uniporme habang hawak-hawak ang kaniyang kamay.
“Pasensiya na, maghahanda na ako sa pagpasok!” tulak ni Cara kay Lawrence. “T-Tapusin mo na ang mga ginagawa mo at nang makapaggawa na kayo ng pakay niyo rito. Hindi ba’t kailangan niyong matapos bago matapos ang December?”