Present time.
“Saan mo ako dadalhin, Zian?” reklamo ni Cara sa likuran nito, ngalay na ngalay na ang kaniyang mga binti sa pag-angkas.
“Sabi mo dalhin ka sa malayo,”
“Sira ka eh inabot na tayo ng hapon kakaikot-ikot,”
“Huwag kang mag-alala, malapit na tayo. Kailangan lamang talaga na tamang timing pag nagpunta tayo,”
“Teka...”
Napatingin si Zian sa suot nitong relo at ngumiti, “Eto na, papunta na tayo.”
Hindi nga naglaon at tumigil ang motor ni Zian sa may aplaya kung saan hile-hilera ng mga bangka na ginagamit sa pangingisda ay nakapondo.
Isang barangay ang layo nito mula sa barangay nina Zian.
“Anong meron?” natatawang tanong ni Cara.
Ipit ang mga ngiti ni Zian habang inaalis ang suot na helmet, “Wag mong basagin.”
“Eh daig mo pang kamatis. Hala, baka hinahighblood ka na dahil sa init?”
“Hindi!”
“Biro lang, Zi. Alam ko naman na nangingitim ka kapag kinikilig,” ani Cara at tumawa ng sobra.
"Namiss ko ang tawa mo."
"Sira."
Umiling na lamang si Zian at inalis na ang kaniyang suot na helmet saka tumalikod, “Oh! Pasan na, dahan-dahan lang.”
“Okay! Ayusin mo ha! Baka hindi na gumaling itong paa ko,” hirap na usal ni Cara.
“Kailan ba kita hinayaang masaktan?”
“Hindi ko alam kung ano mararamdaman ko eh. Kanina lang nalulungkot pa ako, ngayon ang sarap mo na namang sabunutan,”
“Sabunutan mo, ayos lang. Tatanggapin ko,” sagot ni Zian at inayos ang pagkakapasan sa kaniya bago naglakad papunta sa tabing -dagat.
“Hindi ka ba talaga nagalit sa akin?”
“Cara, hindi ako galit sayo, ni sumama ang loob. Kaya sana naman isantabi na natin ito. Ang totoo, marami akong napagtanto ngayong nangyayari ang mga ito. Ang dami-dami kong pinalipas na panahon, oras, pagkakataon. Kaya...kung may galit man ako, sa sarili ko yon. Pwede pa ba, Cara?”
“Zian...pasensiya na. Masyadong maraming nangyari nitong mga nakaraang araw. Sa tingin ko ay mas makabubuti na unahin ko na lang muna ang pagtatapos ko saka ang makakuha ng trabaho. May...may board exams pa tayo,”
Natahimik si Zian at mula sa likuran ay ramdam ni Cara ang paglunok nito ng laway.
“Ang saya ko, Cara,”
“Ha? Masaya ka pa non? Ay tinanggihan na naman kita,”
“Tinanggihan mo man ako pero parang binigyan mo ako ng pag-asa. Imbes na sabihin agad na si Lawrence, iba ngayon. Eh di may pag-asa pa ako,”
“Zian naman,”
“Ako ang una mong minahal, kaya panghahawakan ko ang first love never dies. Wala akong ibang inaasahan mula sayo basta hayaan mo ako na iparamdam sayo ang mga tinago kong damdamin ng mahabang panahon,"
“Zi isa!”
“Hayaan mo lang hanggang maubos, Cara,” sabi nito at sa wakas ay tumigil sa paglalakad nang makarinig sila ng malakas na tunog mula sa papalapit na malaking banga ka pangingisda.
Napatingin si Cara kay Zian mula sa likuran at parang pinupunit din siya habang pinagmamasdan ang malungkot na mga mata nito.
Mula sa kinatatayuan nila ay may babaeng kumakaway sa kanila. Nagvi-vape pa ito habang abala sa pagmaniubra ng bangka.
Si Zian sabik na kumaway rito pabalik.
“Teka, si Joy ba yan?” usisa ni Cara.
“Oo, yong anak ni Mang Hulyo,”
“Oo kilala ko siya. Anong meron?”
“Basta,”
Nang tuluyang tumigil ang bangka ay ibinaba ni Joy ang mahabang hagdan para makaakyat sa sila.
Agad na umakyat si Zian na hindi manlang inalintana ang kaniyang bigat sa likuran.
“Ayos na ang lahat diyan. Naipamili ko na rin ang mga utos mo. Naayusan ko na yan sa abot ng makakakaya ko, bahala na kayo sa mga buhay niyo basta wag niyo lang susunugin ang bangka,” sabi nitong Joy na wala manlang kaemo-emosyon ang mukha nang tuluyang makasakay sila sa bangka.
“Sige, mamaya ko na lang ibibigay ang bayad,” humahangos pang sabi ni Zian at marahang ibinaba si Cara sa isang maliit na upuan.
“Sige, aalis na ako,” sabi nito.
“Teka, alam kong wala sa usapan ito pero pwede bang dumito ka muna? Paandarin mo ang bangka ng kaunting oras. Babalik rin tayo agad paglipas ng sunset,”
“Tsk! Dagdag na bayad yan ha. Ang hirap-hirap na nga itakas itong bangka sa inyo,”
“Oo, akong bahala,” ani Zian at muli ay binuhat si Cara pero sa pagkakataong ito ay parang prinsesa.
“Saan tayo?”
Ngumiti lamang si Zian at nang tumigil sa harapang parte ng bangka, napasinghap si Cara dahil sa magandang ayos ng isang tila maliit na tent.
May ihawan pa at munting radyo sa tabi ng upuan sa tabi ng tent.
“Zi ang ganda!”
“Syempre. You only deserve the best,”
Ibinaba siya ni Zian sa maliit na bangko at sabik niyang pinagmasdan ang tent sa malapitan.
“Pangarap ko ito,”
Ngumiti si Zian at yumukyok sa kaniyang harapan. “Nagustuhan mo ba, Cara?”
“Sobra! Pangarap ko talaga ito na kahit saglit ay magpalutang-lutang sa dagat kahit saglit nang walang iniisip. Kaso nga wala namang oras noon, bawat segundo pakiramdam ko ay masasayang kung magpapahinga ako tapos hindi pa ako marunong lumangoy,”
“Hindi ka pa rin marunong lumangoy?”
“Oo. Kaya nga sabi ko sayo, inisip ko na lamang na baka nga pang-ilog lang ako,”
Napangiti na lamang si Zian at masaya siyang pinagmasdan.
“Hala umaandar!?” tuwang-tuwang na namang usal ni Cara dahil sa pagkasabik. “The best, Zi! Salamat. Ang ganda-ganda talaga.”
“Basta masaya ka,"
“Ay naman, Zi.”
Huminga ng malalim si Zian at malungkot na ngumiti,“Noong magkausap tayo noong isang araw at sinabi mong layuan na kita, mabigat para sa akin yon. Pero kahit gusto ko mang lumayo na lang ng walang pasabi, mas gusto ko maayos akong makapagpaalam. Gusto ko, maisalba sana kahit pagkakaibigan natin,” sinserong turan ni Zian at napatungo na.
“Zi naman, parang ano. Hindi naman mawawala ang pagkakaibigan natin,” nanginginig ang mga labi na usal ni Cara dahil maski siya ay nasasaktan na makita si Zian na ganito.
Marahang inabot ni Zian ang isa niyang kamay at minasahe. Iniangat nito ang tingin dahilan para sapuhin ni Cara ang magkabila nitong pisngi at pinahid ang mga luha nito. “Zi wag ng umiyak. Parang tanga tayong dalawa rito.”
“Pasensiya na talaga, buo na ang loob ko eh. Hinanda ko ang sarili ko para rito pero pag pala andito na, wala na ang hirap na,”
“Tahan na, halaka iiyak din ako,”
“Sige na, hindi na,”
“Sorry, Zi. Sorry Zian, naging manhid ako, natalo ako ng mga insecurities ko kaya hindi ko nakita ang totoo mong nararamdaman. Parehas tayo naging duwag,”
“Sa totoo lang ay binigay ko naman ang lahat eh kaya napapaisip ako kung saan ba ako nagkulang? O sadya lang talagang mas makakatulong si Lawrence sayo. Sabi ko nga sa sarili ko, kung mas maibibigay ni Lawrence ang mga parte na nagkulang ako, magpapaubaya na ako,”
“Zi, walang ganon. Hindi ka nagkulang o ano pa man. Sobra-sobra ang binigay mo, na minsan napapaisip ako kung karapat-dapat pa ba ako sa mga binibigay mo,” naiiyak na sabi ni Cara na nagpakawala ng malalim na singhap at tumingala sa langit. “Pwede bang...mag-ayos na tayo? Magsimula ulit tayo? Siguro kapag parehas na lang tayong stable saka natin isipin ito.”
Tumango si Zian at pinahid na rin ang mga luha ni Cara, “Sa tagal-tagal nating magkaibigan, ngayon lang tayo nagkaiyakan.”
“Ikaw kasi,” inis na tabig ni Cara sa balikat ni Zian.
“Oh bakit ako? Handa naman kitang intayin kahit gaano katagal. Sigurado naman ako sayo at alam ko kasi na ako ang una sa pila,”
“Ah wow, may pila?”
“Ngayon may pila na,”
“Sira,”
“Pero totoo, Cara. Napakaswerteng mamahalin at hahayaan mong maging parte ng buhay mo,” turan ni Zian. “Sana pag dumating ang araw na handa ka na, consider me again.”
“EHEM! Ay ano? Nakalubog na ang araw, hindi pa kayo matatapos diyan? Yang baga sa ihawan, mauubos na rin, gutom na ako!” singit bigla ni Joy. “Bilisan niyo, may gagawin pa yong tao.”
Nagkatinginan si Cara at Zian saka nagtawanan.
Tapos kumalam na rin ang sikmura ni Cara kaya tawang-tawa na lamang si Zian.
“Anong gusto mong pagkain?” tanong nito sa kaniya at tumayo.
“Pwede lahat?”
“Hahaha, welcome back sa atin,”
“Ay hindi pa kasi po ako kumakain mula umaga,”
“Ha? Bakit?”
Nawala ang ngiti kay Cara at tumingin sa malayo, “Nawalan ako ng gana.”
“Ikaw? Pero may pagkain naman?”
“Simula nang dumating ang mga kasamahan ni Lawrence hindi na nawawalan ng pagkain,”
“Oh eh bakit?”
Hindi agad nakapagsalita ssi Cara dahil hindi niya aam kung dapat bang ibahagi niya kay Zian ang mga nararamdaman.
“Isa Cara, kala ko ba magsisimula ulit tayo? Alam ko kahit hindi ka magsabi na may problema pero ano yon? May ginawa ba si Lawrence?”
“Grabe...baka nababasa mo na ang utak ko,”
“Iba ka pag pampamilya, hindi ka nawawalan ng gana,” ani nito saka isinalang sa ihawan ang maliit na kawali na puno ng mantika.
“French fries?” tuwang-tuwa na tanong ni Cara.
“Malamang. Saka wings,”
Huminga nang malalim si Cara at sa wakas ay nagsabi na.“Ikakasal na si Lawrence, Zi.”
“Ano? Paano? Bakit? Para saan pa ang pakikipagtunggali sa akin kanina? Ano yon? Palabas lamang?”
“Hindi ko na rin talaga alam pero sinabi sa akin ng isa sa mga kaibigan niya na ikakasal na nga raw. Noong isang gabi lamang ay nag-away pa kami,”
Ngumiti na lamang ng tipid si Zian at tumayo saka nilahad ang kamay. "Halika."
“Ano yan?”
“Pampaalis problema. Kapag kasama mo ako, kalimutan mo na muna ang problema ninyo, ang problema niyo ay sainyo na lang. Ang saatin ay saatin. Ganon na lang. Kaya magpractice na tayo ng sayaw, di ba malapit na ang ball?”
“Sasayaw tayo?”
“Oo,” tatango-tango na sagot ni Zian. “Habang iniintay ang niluluto natin.”
“H-hindi ako pupunta,”
“Pupunta ka, last year na natin. Please?”
Ngumiti si Cara at umiling saka tinanggap ang kamay ni Zian. “Nako, Zian.”
“Aba, hindi pwedeng hindi makikita ng buong school na marunong ka sumayaw,”
“Teka,"
"Ano si Lawrence lang ang pwede?"
"Nakita mo kami ni Lawrence?”
“Oh eh ano ngayon? Don’t be sorry for doing something you are happy,” sabi nito saka hinapit ang kaniyang baywang. “Let’s dance, Cara. For five years, sana pagbigyan mo na ako sa first dance natin sa ball.”
“Sumayaw ka na lang, ang dami mong arte. Ang pagod magset-up nito. Pumunta pa ako sa lola ni Zian para humiram ng radyo. Bilisan niyo at malapit na ang drama non, ako ang malilintikan,” irap ni Joy at pinindot ang radyo para tumugtog.
Nagkatinginan si Cara at Zian saka sabay na bumunghalit ng tawa.
Habang nagkakasiyahan ay sa di kalayuan, nakaupo sa tabing-dagat si Lawrence, Chris, at Jed, nakatanaw.
“Pre, ayos lang yan, madami pa namang iba,” sabi ni Chris saka humiga sa buhanginan. “Uwi na tayo.”
“Pagtapos ng lahat? Hindi pwede, si Cara lang,” paninindigan ni Lawrence at humiga na rin.
"Ang sabihin mo, gutom ka na naman," iiling-iling na sabi ni Jed saka humiga.
Hindi naglaon ay nakatulog na silang tatlo at nagising na lamang nang mayapakan ang kamay ni Chris.
“ARAAY!” daing nito at bumangon.
“Ano-anong nangyari?” aligagang tanong ni Jed nang bumalikwas sa pagkakahiga.
“Kasalanan mo, pakalat-kalat,” isnab ni Joy at naglakad na palayo.
“Teka!” habol ni Lawrence nang mamukhaan ito. "Saglit lang. May sasabihin ako."
“May gagawin pa ako, wag ako,” tugon ni Joy habang diretso sa paglalakad hawak ang radyo at samu’t-saring mga pagkain sa plastic.
“Hoy! Hindi ka manlang magso-sorry?!” inis na habol rin ni Chris.
“Hindi ko kasalanan kung diyan kayo natulog, mga bwisit,”
“Aba...aba! Hoy, kung tumitingin ka lang sana sa daan,” giit ni Chris.
Umirap si Joy at humunot ng fifty pesos saka tumigil sa paglalakad at humarap, “Oh eto, bumili ka ng yelo. Yong sukli, humanap ka ng aruga.”
"Aba! Anong tingin mo sa akin ay madadaan sa fifty pesos?"
“Teka nga lang, Chris, lumayo ka nga muna. Hindi mo naman ikamamatay ang tapak sayo,” inis na awat ni Lawrence. “Pasensiya na. Ako nga pala si Lawrence. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Nakita ka namin na nasa bangka kasama ni Zian at Cara, anong ginawa nila?”
Tumaas ang kilay nito at tinitigan si Lawrence ng masama, “Ah ikaw pala yong Lawrence. Boss ko si Zian, nagpahanda siya ng date para kay Cara. Tapos nag-usap sila, nagpicnic, at sumayaw.”
“Napag-usapan nila ako?”
“Oo. Meron pa ba? Aalis na ako, magtitinda pa ako ng mga isda,”
“Sige, sige. Hindi na kita aabalahin. Kung di mo mamasamain, anong pangalan mo?”
“Joy,” matipid nitong sagot.
“Ah ayos, bagay sayo,” sabat na naman ni Chris na panay tingin sa mga pagkain na dala ni Joy. “Hindi na kita idedemanda, akin na lang yang plastic na dala mo.”
“Bwisit naman talaga, Chris! Jed, ilayo mo ito,” sabi ni Lawrence at ibinalik ang tingin kay Joy. “Bilang abala, pabili na lang ako ng isda. Magkakano ba ang kilo?”
“200,”
“Sige, sampung kilo,”
“S-Sigurado ka?”
“Oo,” nakangising sabi ni Lawrence.
“S-Sige, sumama ka.”
Habang bitbit nina Chris at Jed ang tig limang kilo ng isda papunta sa kotse ay ngiting-ngiti si Lawrence.
“Ayos, gutom na nga, pagod pa!” maktol ni Chris.
“Tumahimik ka na,” sabi ni Lawrence at itinaas ang plastic na dala ni Joy kanina.
“The best ka talaga!” sigaw ni Chris.
Si Jed, umiling na lamang.
“Manang, uuwi na ho tayo,” sabi ni Lawrence pagsakay sa kotse.
Tumango lamang ang matanda at ngumiti.
Pagkarating sa lugar nina Cara ay agad na bumaba si Lawrence at buong sayang pumasok sa kubo bitbit ang mga isda.
“May mga isda ako,” labis ang saya niyang sabi dahil buong pag-aakala niya maglilinis sila ni Cara ng mga isda buong gabi at magbabantay ng tigang.
Kaso inabutan niya na nagsasalansan na ng isda si Cara sa palyok habang si Zian ay naglilinis ng dahon ng saging.