Sinag ng araw ang gumising sa akin kinaumagahan. Nakasara naman ang kurtina ngunit may kaunting nakasilip at sa mga mata ko pa talaga natapat. Parang sinasabing gumising na ako. Gumising na ako dahil tapos na ang pantasya. Tapos na ang masayang sandali. Kailangan ko ng harapin ang totoong buhay ko.
Totoong buhay?
Napabalikwas ako ng bangon. Anong oras na ba?
Napalinga ako sa side table. Nakita ko roon ang cellphone kong sobrang luma na. Local brand iyon na pinag-ipunan kong mabili para kahit papaano, may magamit ako sa mga projects at iba pang pangangailangan gaya kapag may emergency.
Agad kong kinuha iyon at nanlaki ang mga mata ko sa nakitang oras.
"Jusko! Alas diyes na!" bulalas kong lalong nataranta. Agad akong bumaba sa kama na kahit masakit ang katawan lalo na sa ibabang bahagi ay pinilit kong makapagbihis. Kailangan ko ng umuwi dahil baka pauwi na rin si Nanay. Baja nga naroon na rin ito. Jusko...
Agad akong lumabas sa silid na iyon. Wala na roon si Flynn at hindi ko alam kung nasaan siya. Hindi ko alam kung paano rin siya haharapin pero sa ngayon, importante ang makauwi ako agad. Wala na akong panahon pa para isipin ang ibang bagay.
Pagkalabas ko ay tahimik naman sa sala o kusina. Napansin ko ang dining table at may natakpang pagkain. May note din doon.
'Eat before you leave. I have a prior appointment, so I left you. I put my number on your phone, too. Contact me.'
Nayakap ko ang note na iyon.Masaya ang kalooban ko habang nangingilid ang luha sa mga mata. Hindi ko inaasahan ang gesture na iyon ni Flynn. Akala ko magkakalimutan na kami pagkatapos ng gabing iyon.
Ibinulsa ko ang note na iyon at hindi na nagawang kumain pa. Gusto kong makauwi na agad para hindi ako malintikan kay inay. Nagawa ko ring sumakay ng taxi kahit na mamamahalan ako ng bayad. Kailangan ko ng makauwi agad-agad.
Pagkababa ay patakbong-lakad ang ginawa ko para marating agad ang bahay. Habang naglalakad ay nananalangin akong sana ay wala pa si Inay. Ang sabi naman niya ay hindi siya makakuwi agad kaya sana, ako talaga ang mauna sa kanyang makauwi
Ngunit tila gumuho ang pag-asang iyon nang pagbukas ko ng pinto ay agad na may humampas sa akin na mga damit.
"Saan ka galing, ha?!" galit na sigaw ni inay sa akin. Pasugod. "Ganito pala ginagawa mo kapag iniiwan kitang mag-isa dito! Nawawala ka! Saan ka nagpunta, ha!"
Mabilis ang kamay ni inay na sumabunot sa aking buhok.
"Nay, nasasaktan po ako...Nay!"
Pinilit kong makawala sa pagkakasabunot niya sa akin. Ngunit malakas si Inay.
"Magpapaliwanag po ako," iyak na pakiusap ko. Napaluhod na ako sa sahig na natatakpan lamang ng linoleum.
"Kung natuloy pala ako sa pupuntahan ko, hindi ko malalaman na ganito ang ginagawa mo walang hiya ka!"
Binitiwan ni inay ang buhok ko. Ngunit sampal naman ang pinalasap niya sa pisngi ko. Pakiramdam ko ay mabibingi ako sa lakas noon.
"Ano! Nakikipagkita ka ba sa lalaki? Nagboboyfriend ka ha?!"
Marahas akong umiling. Umiiyak na tiningala siya dahil hanggang ngayon ay nakaluhod pa rin ako. Nanghihina ang katawan kong makatayo.
"Nag-aaral po akong mabuti inay..." humihikbing sagot ko. Halos hindi ko na siya maaninag dahil sa mga luhang halos ayaw magpaawat sa pagpatak.
"Dapat lang! Gaga ka! Nakiusap kang pag-aralin ka dahil ang sabi mo ay babayaran mo ako at iaangat sa walang kuwentang buhay na ito! Nagpapakahirap ako para makapag-aral ka kaya sinasabi ko sa iyo, Anais,mapapatay kita kapag nalaman kong..."
Umiiling pa rin ako nang marahas nang biglang tumigil sa inay sa pagsasalita. Pinahid ko ang luha ko para makita siyang mabuti. Galit na galit siyang nakatitig sa aking mukha
Hindi... May parte siyang sinisipat ng mabuti. Bigla akong namutla nang matantong ang leeg ko ang tinitigan niya. Mabilis kong kinuha ang mahaba kong buhok upang takpan ang leeg ko pero huli na.
"Ano iyan ha? Gaga ka! Punyeta ka! At talagang naglagay ka pa ng ebidensiya!"
Hinila ako patayo ni Inay. Gusto niyang tingnan ang leeg ko pero nagpumilas ako. Inabot niya ang suot kong t-shirt. Napunit iyon kasabay rin ng pagkakasugat ng kuko niya sa balat ko dahil sa kagustuhan niyang makita iyon.
"Nay..."
Napasigaw ako nang tuluyan niya akong mahubaran. Kasabay noon ang magkabilaan pang sampal.
"Haliparot ka! At talagang nagpapakaputa ka rin pala talaga!"
Umiling pa rin ako ng marahas para pabulaan ang sinasabi niya.
"At talagang napakalaki mo pang sinungaling! Ayan na ang evidensiya, Gaga! Puno ng bakas ang katawan mo!" Muli akong sinabunutan ni inay. Pakiramdam ko ay makakalbo ako. Ang sakit-sakit ng anit ko pero mas masakit ang mga salita niya sa akin.
"Sana pala hindi na lang kita pinag-aral! Sana binenta na lang kita, magkakapera pa ako! Bukas na bukas, magtatrabaho ka na sa bar!"
"Ayaw ko inay, ayaw ko po," pakiusap ko. Gusto niyang maging kagaya niya ako. Nagbebenta ng katawan para sa pera. Iba't ibang lalaki ang gagamit para sa pera.
Sinabunutan niya ako para mapatingala sa kanya. "Huwag ka ng magmalinis, Anais. Marumi ka na! Nagpakarumi ka na! Bakit hindi na lang natin pakinabangan iyang pagiging marumi mo..."
Naitulak ko si Inay. Nanghihina man ay nagawa kong mapatakbo paalis sa bahay. Nakayapak pa akong tumakbo nang tumakbo. Hindi ko inalintana ang sigaw ni Inay at ang galit niya. Hindi ako lumingon. Basta ang gusto ko ay makaalis doon. Makaalis sa impiyernong gusto niyang pasukin ko. Ayaw kong maging kagaya niya.
Yakap-yakap ko ang aking sarili dahil sa punit na damit. Pinagtitinginan ako ng mga tao. Sa itsura ko ay pagkakamalan akong baliw. Gulo ang buhok, punit ang damit at walang saplot sa paa. Mugto ang mga mata ko. Parang gusto ko na lang talagang mabaliw dahil sa mga nangyayari sa buhay ko. Gusto ko na lang takasan ang buhay na meron ako.
Umiiyak na napaupo ako sa gilid ng isang gusali. Alam kong malayo na ako sa lugar namin. Hapong hapo akong kinapa ang lumang cellphone sa aking bulsa. Nakahinga ako nang maluwag dahil naroon pa iyon. Buti at naroon pa iyon.
Nanginginig ang kamay kong ini-scroll ang mga contact person sa cellphone ko. Iilan lang mga naroon at ang unang bumungad na pangalan sa akin ay si Flynn. Tila pumaimbabaw sa pandinig ko ang nakasulat sa papel.
'Contact me'
Napatutop ako sa aking bibig nang hindi ko mapigilang mapabulalas ng iyak. Hindi ko alam ang gagawin ko at wala akong mapupuntahan.
Nanginginig ang kamay kong pinindot ang call button.
Bahala na...