NAGTAKA si Diwa nang pagmulat ay makitang nasa tabi niya si Rogue. Busy ang lalaki sa pagkagat at pagnguya ng hindi binalatan na mansanas. Bigla siyang umayos ng upo—may nalaglag galing sa katawan niya. Agad niyuko iyon ni Diwa. Jacket ni Rogue? Nalaglag ang itim na jacket sa tabi niya sa sofa. Saan galing ‘yon? Sa katawan ko? Ilang segundong napatitig siya sa jacket. Medyo magulo pa ang utak niya. Pinilit niyang alalahanin ang mga eksena bago siya nakatulog. Tama. Hindi panaginip lang na nasa tabi niya si Rogue at kumakain ng mansanas. Dumating talaga ang lalaki na naka-all black na naman. Ginamitan ng skill ang pinto, nakapasok nang hindi niya kailangang pagbuksan. Sobrang antok na siya at tinulugan niya ang lalaki.

