KINAGABIHAN noon, nagising na naman si Diwa sa tunog galing sa banyo. Lagaslas ng tubig galing sa shower. Walang tigil ang buhos ng tubig na parang may naliligo. Ilang segundong nakatitig lang sa kisame si Diwa, nakikinig at nakikiramdam. Pinalo pa niya nang mahina ang braso para masigurong gising na talaga siya. Totoo nga ang sinabi ni Rique. Mag-isa lang siya sa bahay pero may nagsa-shower. Kung naging ibang tao siya, kanina pa niya tinakbo ang pinto. Pero si Diwata Malasanta siya na sanay sa engkuwentro sa mumu. Hindi na bago ang ganoong eksena. Bumangon si Diwa at bumaba na sa kama. Walang tunog ang mga hakbang niya palapit sa banyo. Maingat niyang pinihit ang doorknob at itinulak ang pinto. Sinadya niyang iwan na bukas ang ilaw kaya kita niya agad ang loob. Bukas nga ang shower pe

