NAMAN, oh! Bakit ba naging guwapo ang akyat-bahay na ito?
Sa sitwasyon ni Diwa, hindi dapat siya tumitig. Ang hirap gawin. Na-shock kasi ang katawang lupa niya!
Ang mas problema, bukod sa hindi siya sanay manakit ng kapwa—kahit masamang tao pa—mortal sin yata para sa tulad niyang No Boyfriend Since Birth ang manakit ng guwapo!
Hindi man dapat, napatitig si Diwa akyat-bahay. Sino ba naman kasing normal na babae ang hindi mapapatitig sa mukha nitong parang isa-isa talagang pinili ng Diyos bawat parte at pinagsama sama para sa isang perpektong likha. Guwapo si Rique at artista pero mas guwapo ang lalaking kaharap niya!
Bagay na bagay rito ang kayumangging balat. At ang lakas ng dating! Bakit unfair ang mundo sa akin? Nagpadala nga ng guwapo, akyat-bahay naman!
Saka na ang detalye—baka patay na siya bukas kapag inuna niya ang landi. Saka na rin lang ang mas pagtitig. Sapat na ang isang pasada ng tingin sa nagyayabang na balikat nito, sa flat na abs, mga hita at binting niyakap ng black jeans na suot. Hindi makapaniwala si Diwa na makakakita siya ng lalaking mas tititigan niya kaysa kay Rique kapag nagtabi ang dalawa.
Parang nabuhay na estatwa ng isa sa mga diyos sa Gresya ang akyat-bahay!
Gusto niyang kutusan ang sarili na nagawa pa niyang titigan ito sa kabila ng sitwasyon nila!
"Sigurado ka bang kaya mong iputok 'yan?"
Pinigil ni Diwa ang mapalunok. Pati ang boses ng lalaki, buong-buo! Mababa. Suwabe. Sexy. Lalaking lalaki gaya ng kabuuan nitong nagpapalunok sa kanya.
Akyat-bahay nga lang...
Pero kung tulad ng lalaki ang mga mga akyat bahay sa mundo, baka matukso na siyang magpalistang miyembro. Love life o buhay nga lang ang pagpipilian niya.
Napangiwi si Diwa sa kalokohang naisip. Ipinilig agad niya ang ulo, umurong ng isang hakbang para may distansiya sila. Mahirap nang mahawakan siya ng akyat-bahay. Baka paglamayan siya bukas. Hindi na niya matatapos ang ghost case ni Rique. Nawala na sa kanya ang pera, pati buhay niya natangay pa. Hindi puwede. Kawawa naman ang ina niya kung mawawalan pa ng nag-iisa na nga lang na kapamilya.
"Hindi," sagot niya sa magnanakaw. "Kaya 'wag mo akong gugulatin o tatakutin. Ikaw rin, baka makalabit ko 'to nang 'di sadya, sasabog ang bungo mo, sige ka!"
Batiin niya ang sarili na kalmadong-kalmado ang tono niya. Walang takot na makita sa kanya ang lalaki kaya siguro walang ginagawa. Naitago niya ang panlalambot ng mga tuhod at mabilis na pintig ng puso—saka na iisipin ni Diwa kung paano niyang nagawa.
Gumalaw ang sulok ng mga labi ng akyat bahay pero hindi nagsalita. Tinitigan lang siyang, parang hinuhulaan pa rin ang susunod niyang gagawin.
Sinadya niyang itaas ang isang kilay sabay ng pagngisi. Ginalaw rin niya ang daliri sa gatilyo. Kailangan niyang maging matatag. Kung magpapakita siya ng takot ay siguradong tapos siya sa magnanakaw. "Kamay sa likod ng ulo," matatag niyang utos—ang nakikita niyang ginagawa sa mga nahuhuling kriminal.
Hindi pa rin inaalis ng lalaki ang titig sa kanya.
Ngumisi ito, huminto saglit ang paghinga ni Diwa. Bakit mas naging guwapo nang ngumisi? Gusto niyang saktan ang sarili na iyon pa talaga ang iniisip niya. Itinaboy niya ang kalat sa utak. Malinaw na isip ang kailangan niya ngayon.
"Sa likod ng ulo!" ulit niya. "Ang tagal, o!"
Dahan-dahang itinaas ng lalaki ang dalawang kamay pero umakto itong hahakbang palapit sa kanya.
"Hep, hep!" agap ni Diwa. "Diyan ka lang!" Naudlot ang paghakbang nito. "Kamay sa likod ng ulo!" Mas malakas na sigaw niya, sinadyang tingnan ng masama ang lalaki.
Sumunod naman ang akyat-bahay pero bumaba ang mga mata sa katawan niya. Hinagod siya ng titig at huminto ang mga mata sa mismong dibdib niya!
Saka lang naisip ni Diwa na manipis na duster ang suot niya at wala siyang bra! Salamat na lang talaga at itim iyon. Itim, kaya wala dapat maaninag ang lalaki pero kung tumitig ito, nagre-react ang mga balahibo niya sa batok. Pakiramdam niya ay tumatagos sa tela ang titig ng akyat bahay!
Nanlaki ang mga mata ni Diwa sa realisasyon. Slim siya pero alam niya ang sukat ng dibdib. Skin lang niya ang itinago ng itim na tela, hindi ang sukat na halata sa suot niya. Lalo nang nanlaki ang mga mata ng dalaga nang mas lumapad ang ngisi ng akyat bahay.
Bumaba sa balakang niya ang titig nito.
"Thirty five," ang sinabi bago tumaas ang tingin sa baywang niya. "Twenty four," umakyat sa dibdib niya ang titig saka mas ngumisi. "Thirty six..."
Napasinghap si Diwa. Nanlaki ang mga mata. Nahulaan talaga ang sukat ng katawan niya?
Uminit na talaga ang ulo niya...
NANINGKIT ang mga mata ni Diwa. Tumalim ang tingin sa lalaki. Sa ginawa nitong pagbanggit sa sukat ng katawan niya—na nahulaan nga ng tama—ay binigyan siya ng ideya kung ano ang dapat at tamang gawin. Umurong siya ng isa pang hakbang palayo rito. Tumaas-bumaba ang dibdib ni Diwa. Totoo na ang inis niya sa magnanakaw na nahulaan ng tama ang sukat ng bra niya!
Gaganti siya. Ganting hindi nito maiisip na magagawa niya.
"Hubad."
Titig lang ang sagot nito.
"Hubad!"
Unti-unting nawala ang ngisi ng akyat-bahay.
"ANG sabi ko, hubad!" bulyaw na ni Diwa, inayos niya ang pagkakatutok ng baril sa dibdib nito. "Nahulaan mo ang sukat ng bra ko, 'di ba? Sige, para patas tayo. Hubad!" Sigurado siyang mahihirapan ang lalaking tumakas nang nakahubad. Mahuhuli ito ng guwardiya sa subdibisyon—na tatawagan niya mamaya lang, o kaya ng mga pulis.
Humakbang si Diwa palapit sa telepono. Maingat at paisa-isa lang. "Hubad sabi eh!" Singhal pa niya uli sa lalaki. Itinaas niya ang baril, sa gitna na ng noo nito nakatutok. Wala naman siyang balak iputok iyon, handa lang ang hintuturo niya sa gatilyo. Kung hihingin ng pagkakataon, ipuputok niya—pero hindi sa gitna ng noo o sa tapat ng puso. Hindi niya kaya. Hindi pa niya nakita ang sarili kahit sa masamang panaginip na pumatay siya ng tao—kahit pa magnanakaw ang taong iyon.
Wala nang bakas ang ngisi ng lalaki na nakita niya kanina. Naggalawan ang mga ugat nito sa mukha. Tahimik na kumilos—naghubad ng jacket. Black T-shirt na bakat sa katawan ang natira. Mas naging obvious ang dibdib nito at flat na tiyan.
Grabe! Wala man lang fats?
Agad inilayo ni Diwa sa katawan nito ang tingin. Madi-distract siya. At sa sitwasyong iyon, wala dapat space ang distraction. Kailangan niyang mag-focus o mapapahamak siya. Itinutok niya ang tingin sa mukha ng lalaki. "Ihagis mo sa kama!" Utos niya, matatag ang tono kahit ramdam niyang nangangawit na ang braso.
"Sa 'baba naman," At sinadya niyang taasan ng kilay ang lalaki. "Kung hindi mo nahulaan ang size ng bra ko, hindi ko naisip gawin 'to, eh!" Si Diwa naman ang ngumisi. "Hubad!"
Bumulong-bulong ang akyat-bahay. Minumura yata siya ng walang tunog. Walang pakialam si Diwa. Ang alam niya, okay siya sa ginagawa. Sapat pa ang baon niyang tapang. Pero nang mag-angat ng tingin ang lalaki na salubong ang kilay at madilim ang mukha, natakot si Diwa. May kakaibang rehistro ang anyo nito na gustong magpaurong sa kanya. Napigil lang agad ni Diwa ang sarili kaya nanatili siya sa puwesto. Hindi dapat makita ng lalaki na natatakot siya. Lalo siyang mapapahamak.
Pinanindigan ni Diwa ang pagtatapang-tapangan. Inilipat niya uli sa dibdib nito ang pagkakatutok ng baril sabay lang ng pagkilos ng lalaki.
Nagtanggal na ito ng sinturon—dahan-dahan at hindi inaalis sa mga mata niya ang titig. Pigil ni Diwa na mapalunok. Pakiramdam niya sa titig nito, hinuhubad ang sinturon para ihampas sa kanya.
Pero huli na para magpakita ng takot. Dinugtungan na lang ni Diwa ng dasal sa isip—na sana ay buhay pa siya bukas.
Pagkatanggal sa sinturon, kasunod na ibinaba nito ang zipper ng jeans. Hindi na talaga napigilan ni Diwa ang paglunok. Ramdam niyang namumuo ang mga butil ng pawis sa sentido niya. At lalo pang nagkarambol sa dibdib niya na hindi inaalis ng akyat-bahay ang titig sa mukha niya!
Kung posibleng lumamon ng tao ang sahig, nag-volunteer na si Diwa agad agad na maging alay sa sahig. Ang akyat-bahay kasi, dahan-dahan ang pagbaba sa zipper ng jeans habang titig na titig sa kanya. Pakiramdam tuloy ni Diwa, para sa kanya ang ginagawang paghuhubad nito.
Natawag niya ang mga paboritong santo para humingi ng dagdag na lakas ng loob.
Kaya mo ito, Diwa. Kaya mo. Kaya mo...
"'Ganda ng abs natin ah," Puri na lang niya—peke, labas sa ilong pero totoong maganda ang abs ng lalaki. "Bakit hindi ka na lang maghubad sa pelikula? Nag-modelo? Nag-macho dancer? Nag-husto? Kaysa naman ganito, nang-aakyat ka ng bahay nang may bahay. May katawan ka naman pala eh!" Maasim ang mukhang sabi niya. Paulit-ulit ang pagtaboy niya sa imaheng nagbababa ito ng zipper ng jeans nang titig na titig sa kanya. "O-opps, tama na!" biglang pigil niya pagkahubad nito sa jeans. "Hindi na kasama 'yan!" Seryoso talagang hubarin pati black briefs!
Siya ang sumuko. Hindi niya kaya. Hindi pa siya handa. Baka mawalan siya ng malay kapag nakita niya ang pinipilit na iwasang makita. Hanggang baywang lang ng lalaki ang tingin niya.
"Umatras ka!" Utos uli ni Diwa. Hinagis ng lalaki sa kama ang jeans bago sumunod sa utos. Lumapit si Diwa sa kama, kinapa sa bulsa ng jeans ang wallet ng lalaki—na nakuha naman niya agad. Tama nga ang hula niya. Walang kahit anong ID sa wallet. Makapal na tig-iisang libo ang nasa wallet nito. Mahigit dalawampung libo siguro.
Maperang akyat-bahay?
"Sandal sa dingding. Kamay sa likod ng ulo," utos ni Diwa, binitiwan sa kama ang wallet. Tahimik na sumunod ang lalaki, madilim pa rin ang mukha. Nagduda siya sa katahimikan nito. Sa hula ni Diwa, may nilulutong plano sa utak. Iisahan siya nito. Hindi nga lang niya mahulaan kung paano.
Umatras siya pabalik sa bedside table para kunin ang bagong cell phone. Salamat na lang at natutunan na niyang gamitin ang ilang functions.
Camera...
"Pangalan mo?" Ang kanang kamay na lang ni Diwa ang may hawak sa baril, nangangawit na siya. Kailangan niyang bilisan.
Gumalaw lang ang sulok ng bibig ng akyat-bahay.
"Pangalan!"
Tahimik lang ito. Titig na titig lang sa kanya. Mas kinabahan si Diwa nang parang mas naging darker ang itim na itim nitong mga mata.