Nakakapanibago. Kung sa nakaraang araw ay wala siya sa kondisyon, mainit ang ulo niya at ayaw niyang makipag-usap kay Alexei. Ngayon naman ay tila umikot ang mundo at nabaliktad ang kanilang posisyon. Ito naman ang walang-kibo at napakatahimik. Kapag tinanong niya ay tipid lamang ang sagot nito na tila ang kaya lamang sabihin ay isang salita bawat araw. Nais niyang magalit subalit wala siyang oras ngayon upang makipagtalo. Ito na ang huling eliminasyon at kailangan nilang ipokus ang isip sa labanan at hindi sa ibang bagay.
"I don't know why you seem upset with me, but we really need to set aside our differences right now. This is our last chance, and we can't afford to lose." Sa gitna ng katahimikan, ibinulong niya iyon sa katabi.
Kasalukuyan silang nakaupo sa likod ng entablado. Tinatanghal ngayon ang ikatlong eliminasyon sa loob ng auditorium ng isang bagong tayong eskwelahan at sa kasawiang-palad, napakaraming manonood sa labas.
Hindi ito inaasahan ni Lucita. Sa huling laban pala ay panonoorin sila ng napakaraming tao. Karamihan sa mga ito ay estudyante pa ng paaralan.
Napabuntong-hininga si Alexei. "Yeah right," tipid na tugon nito. Medyo naiinis ang tono.
Kumunot ang noo niya sapagkat narinig niya ang paraan ng pananalita nito.
"What's your problem?" inis din niyang tugon.
"I don't have a problem—maybe you're the one with a problem." Hindi madalas sumalubong si Alexei sa init ng ulo niya subalit ngayon ay nag-iba.
Natameme siya. Hindi siya sanay. Ano bang ginawa niya at parang nagagalit ito sa kaniya?
"Magandang umaga." Pero bago pa humaba ang pagtatalo nila may sumingit. Sabay silang napatingin sa lalaking lumapit— si Louis.
"Oh, Louis, magandang umaga rin," bati niya sa lalaki. Samantalang si Alexei ay iniwas lamang ang tingin at hindi nagsalita. Hindi ba't magkaibigan sila ng lalaki? Bakit hindi nito binati ang dumating?
"Ganito pala magalit ito. Idinadamay ang lahat sa init ng ulo," sa isip ni Lucita.
"Pagbutihin mo, Lucita." Tumingin ito kay Alexei. "Goodluck, Alexei."
Pilit lamang na ngumiti ang lalaki na hindi man lamang nagtapon ng tingin kay Louis.
"Pero pasensya ka na, mahal kong Lucita. Ako ang magtatagumpay ngayon, sana hindi ka umuwing luhaan." Ito na naman si Louis sa pagyayabang.
Napairap siya. "Ang laki ng ulo mo."
Sabay silang napalingon sa tauhang dumating. Sinabihan ng babae si Louis na malapit na siyang tawagin sa entablado.
"Paalam na muna," anito sa kanila bago sumunod sa babae at dumiretso sa bungad ng kurtina ng tanghalan.
"Pagbutihan mo, mister yabang!" pahabol niyang banggit.
Narinig niya mula roon ang kahanga-hangang pagtugtog ng lalaki sa harap ng madla. Subalit hindi siya makatayo upang panoorin ito at suportahan. Nanginginig ang kaniyang mga tuhod dahil sa kaba at nagpapawis ang kaniyang mga kamay dahil sa nerbiyos. Mas malakas pa yata ang t***k ng kaniyang puso kaysa sa biyolin na tinutugtog ng lalaki.
Kinakabahan talaga siya, lalo pa't pagkatapos ni Louis ay siya naman ang lalabas upang magpakitang-gilas.
At ito na nga ang kinakatakot niya. Nang tumigil si Louis sa pagtugtog, narinig niya ang malakas na palakpakan at sigawan ng mga tao. Pagkatapos, tinawag na siya ng babaeng tagapangasiwa. "Lucita Garcia, ikaw na!"
Malalim na napabuntong-hininga si Lucita, tumingin siya sa katabing lalaki. Tumango lamang ito, tumayo at inilahad ang mga palad sa harap niya. Kahit nabubuysit sa isa't isa, pagdating sa kagipitan ay sinusuportahan pa rin siya nito. Hinawakan niya ang kamay ni Alexei at tumayo. Inilipat nito ang kamay niya sa braso at nakakapit siya rito nang lumabas sa entablado.
Iniwan siya ni Alexei sa gitna ng tanghalan samantalang dumiretso ito sa tapat ng piano na nasa gilid.
Ngayon na nasa gitna, napagtanto niya na napakarami palang mga tao. Tumingin siya sa harapan, naroon ang tatlong hurado at seryoso lamang ang mga mukha. Nakita niya sa likod ng mga ito na may kumakaway— si Louis. Naroon pala ang mga kalahok, nakaupo sa unahan ng mga tagapanood.
Ngumiti siya nang makitang kahit si Louis ay sinusuportahan siya. Lumibot ang mga mata niya sa mga madla at hindi inaasahan na makikita roon ang kaniyang ama at si Paulita.
Paano? Hindi niya nabanggit sa mga ito ang lugar ng paligsahan. Hindi kaya kinausap ng mga ito si Alexei kahapon?
Mamaya na ang mga pagtatanong. Sa ngayon, nagkaroon siya ng panibagong lakas ng loob. Nanonood ang kaniyang ama at kapatid, hindi dapat siya pumalpak dito.
Huminga siya nang malalim at ipinatong ang biyolin sa balikat. Nagsimula nang tumugtog ng piano si Alexei at sinundan niya ito. Pinakinggan niyang mabuti ang daloy ng nota. Sinigurado niyang nakasasabay siya sa tunog ng piano. Memory of a Dear Place, mula kay Pyotr Ilyich Tchaikovsky. Ito ang napili nilang tugtugin.
Ibinuhos niya ang damdamin at lahat ng kakayahan, nais niyang sa pamamagitan ng musika, maipadala niya sa buong mundo ang nilalaman ng puso. Ito ang paraan niya ng pananalangin...
Sana dumating ang panahon na matitigil na ang digmaan. Sana dumating ang panahon na matuto ang bawat isang magpatawad. Sana dumating ang panahon na lahat ng mga namumuno'y pipiliin ang kapayapaan kaysa sundin ang sariling ideolohiya.
Sana dumating ang panahon na matututong magkaisa ang lahat, anuman ang relihiyon katulad ng mga refugees sa Tubabao. Sana dumating ang panahon na titigil silang maghiganti, sapagkat ang paghihiganti ay magiging paulit-ulit lamang na pagdurusa.
Naalala niya ang mga batang refugees. Naalala niya ang mga inosenteng biktima ng digmaan. Hindi nila ito ginusto. Subalit isinakripisyo sila ng pamahalaan sa paniniwalang kailangan nilang magsakripisyo.
Hindi makakamtan ang kapayapaan kung hindi makikipaglaban. Subalit kailangan bang madamay ang mga taong naiipit lamang? Bakit kaya hindi na lang magkaisa ang lahat? Pare-pareho lamang tayong mga tao.
Hindi pa ba sapat ang hirap ng buhay, bakit natin dinadagdagan?
Subalit nauulit ang mga pangyayari dahil hindi natututo ang mga tao...
Nang matapos ang musika, naging tahimik ang lahat. Nang maibaba niya ang instrumento, wala siyang narinig. Ilang segundo na nanatili ang katahimikan bago nagpalakpakan ang mga hurado kasabay ng madla.
Tumingin siya kay Louis na pinapalakpakan din siya, nagbigay ito nang matamis na ngiti sa kaniya. Ngumiti din siya sa lalaki. Ibinaling niya ang mga mata sa ama at kapatid, hindi niya maunawaan kung bakit umiiyak ang kaniyang ama. Ano bang iniiyak nito?
At sa huli, lumingon siya kay Alexei. Nagbigay rin ito sa kaniya ng matamis na ngiti na agad din naman niyang sinuklian. Agad napawi ang kanilang pagtatampo sa isa't isa. Pumunta ito sa tabi niya at sabay silang nag-bow ng ulo.
***