UNTI-UNTING lumuwag ang mahigpit na pagkakahawak ni Lara sa remote control ng TV. Pataboy na nailapag niya iyon sa center table mayamaya. Nagsisimula na siyang mainip sa napakaraming pasakalye ng talk show host. Aside from the fact na hanggang ngayon ay talagang naiilang pa rin siya at hindi pa rin masanay-sanay na tinutukso sa ibang babae ang boyfriend niya, atat na rin kasi siyang mapag-usapan sa naturang talk show ang tungkol sa isyung kinasasangkutan nito at ni Maddie.
Naipaliwanag na naman sa kaniya ni Adrian ang buo at totoong kuwento sa likod ng mga kumalat na litrato sa social media isang linggo na ang nakararaan. And just as she expected, hindi iyon kasinglala ng gustong palabasin ng article writer at ng akala ni Liezl. Pero s'yempre, iba pa rin ang relief na maidudulot sa kaniya kung deretsahang itatanggi ng nobyo sa publiko ang rumored relationship nito sa kapuwa-artista.
Nangako si Adrian na talagang gagawin iyon, at iyon mismo ang inaabangan niya.
"Wow! Ano naman ang masasabi mo ro'n, Mads? Thankful daw si Adrian sa 'yo."
Muling napako ang atensyon ni Lara sa telebisyon matapos magsalita ulit si Chicklette Vibar. Halos pigil-hininga siyang nag-abang sa isasagot ni Maddie.
"Uhm... s'yempre natutuwa naman ako, Chicky. Sanay na kasi akong puro hate comments sa 'kin 'yung mga tao kasi nga kontrabida ako lagi, so generally, nakaka-flatter sa tuwing maririnig kong may nakaka-appreciate pala sa 'kin."
Titig na titig lang si Lara kay Maddie habang nagsasalita ang huli. Wala talaga siyang maipintas sa taglay na pisikal na kagandahan ng aktres. She has that jaw-dropping beauty na nakaaapekto maging sa kapuwa nito mga babae. Minsang pinanood niya ang serye nito ay napahanga rin siya sa angking-husay nito sa pagganap. Ngunit sa kabila ng pagiging evil kontrabida sa mga pelikula at teleseryeng kinatatampukan ni Maddie, kakatwang mababanaag pa rin dito ang sincerity sa tuwing magbibigay ng pahayag sa iba't ibang interviews.
Though, Lara's not sure if that applies to everyone or just to her. Ewan niya kung bakit sa kabila ng pagma-matchmake ng marami kina Adrian at Maddie ay wala siyang makapang negatibong emosyon sa puso niya para sa babae.
Maybe, being somewhat mysterious was Maddie’s charm. Iyon na rin siguro ang isa sa mga dahilan kaya sa paglipas ng mga araw ay mas nagiging kapansin-pansing nauungusan na ng aktres ang ningning ng co-star nitong si Kelsey.
"Of course.” Boses ni Adrian ang muling pumukaw ng atensyon niya. “That's what friends are for, 'di ba?"
"Tama ka naman d'yan, 'no, Adrian." Pumalatak ang baklang host matapos ang pakunwaring pagsang-ayon sa isinaad ng lalaki. "Pero, parang hindi yata applicable sa inyo ni Maddie ang famous line na 'yan, eh."
Adrian and Maddie laughed simultaneously. Sinikap ng dalawa na pagtunuging kaswal ang tawang iyon pero hindi nalihim sa pandinig ni Lara ang pagkadisgustong nakapaloob doon, lalo na sa parte ng boyfriend niya.
"Ba't naman hindi? Friends naman kami ni Adrian. Good friends," matamis ang ngiting sabi ni Maddie.
"Pero kasi, base sa mga nakikita namin, parang understatement yata ang 'good friends' sa inyo," pangungulit pa ring hirit ni Chicky.
Nag-flash sa malaking screen na nasa likod ng tatlo ang viral photos nina Adrian at Maddie. Sa may lower-right na bahagi ng screen ay ang ilan sa mga comment ng netizens, na kan'ya-kan'ya ng pagpapakahulugan sa mga kumalat na larawan.
Nakipagpaligsahan sa ingay ang tilian ng mga tao sa studio laban sa malakas at pa-suspense na background music ng show... pero wala sa mga iyon ang tumalo sa lakas ng kabog ng dibdib ni Lara.
Dumating na ang hinihintay niyang sandali.
"Grabe, ha? Iba-iba ang speculations ng madla tungkol sa mga litratong 'yan!" patili ring wika ng host. "Can you tell us more about it, AnDie? Para naman... ah, matigil na ang bulung-bulungan ng mga Marites natin d'yan sa tabi-tabi."
Hindi nakalampas sa paningin ni Lara ang bahagyang pagtapik ni Adrian sa balikat ni Maddie; para bang sinasabi nito sa katabi na ito na ang bahalang magpaliwanag ng lahat.
"Ah... yes, Chicky. Actually, gusto rin naman naming maging malinaw ang lahat para sa mga nakakita at makakikita pa n'yan. Well, una sa lahat, hindi namin itatanggi 'yung sinasabi ng marami na it happened off-cam. And yes, hindi rin siya edited. It happened... last week, 'no?” Adrian stated, consulting Maddie from time to time. “Noong pauwi kami galing sa taping."
"Pero..." pag-agaw ni Maddie sa nasimulang kuwento ni Adrian. "Super layo ng expectations ng mga netizen sa totoong nangyari, Chicky."
Pakuwelang tumaas ang kilay ng bakla tanda ng hindi paniniwala sa aktres. To the rescue naman agad si Adrian at mabilis na sinegundahan ang naunang paliwanag ng babae.
"Yeah, kasi that day, paalis na dapat kami sa location nung napansin ng driver ko sina Maddie saka 'yung PA niya na parang hindi mapakali sa parking area. Na-curious kami kaya in-approach namin sila, tinanong namin kung anong problema.”
Agad iyong dinugtungan ni Maddie. "May aberya kasing nangyari sa sasakyan ko kaya hindi kami agad nakaalis. Then, 'ayun nga. Habang sinusubukan naming ayusin 'yung problema, dumating sina Adrian at ang mga kasamahan niya. Napag-usapan naming madaraanan nila 'yung pupuntahan ko kaya inalok nila akong makisakay. Hindi na ako tumanggi kasi medyo masama ang panahon no'n."
"Hmm... So, 'yon pala 'yung nakuhanan ng picture?" wika ni Chicky.
"Yes. Kaso nung nakarating kami sa restaurant kung saan namin siya inihatid, saka naman bumuhos ang ulan. Ang lakas talaga!" pakukuwento pa ni Adrian. "Doon kami natagalan, kasi medyo nag-usap pa kami ulit after ko siyang pahiramin ng payong. Iyon naman 'yung nasa second pic."
"Ah..." tanging nasabi na lang ni Chicky bago maharot na bumaling sa camera. "Eh, ‘ayun naman pala, mga ka-Chika! Nagpaka-Good Samaritan lang naman pala itong si HMB Adrian sa kaniyang very beautiful na co-star. Kayo talaga!"
Pinatay na ni Lara ang TV nang matapos ang interview at mag-commercial break na ang programa. Kinapa niya ang damdamin. Nagtaka siya nang hindi maramdaman ang kapanatagang inasahan niyang makukuha sa kaalamang hindi hinayaan ni Adrian na ibang babae ang kilalanin ng publiko bilang kasintahan nito.
Wala sa loob na napatitig siyang muli sa naka-off nang telebisyon. Alam niyang may kung ano sa kaniyang napanood ang nakapagpapabagabag sa kaniya—bagama't hindi niya mapangalanan kung ano iyon.
“GOOD MOOD ka yata ngayon, Kelsey? Naninibago ako.”
Sinulyapan lang ni Kelsey ang manager niya at hindi ito sinagot. Natawa siya nang makitang nakapamaywang ito habang palipat-lipat ang tingin sa kaniya at sa screen ng patay na TV sa harapan niya.
Nasa condominium unit niya ito nang hapong iyon.
“Ano ka ba, Chinno? You always call me an immature brat every time na nagagalit ako o nagwawala over petty things. ‘Tapos, ngayon namang chill lang ako, gan’yan ang sasabihin mo? What’s with you?” aniya sa magaan pa ring tono, matapos uminom ng orange juice.
“Nakapagtataka lang kasi. It’s an open book para sa akin na hindi mo kasundo si Maddie. Sinabi mo pa nga sa akin minsan na kung puwede lang, ayaw mong makita ang mukha niya. Pagkatapos ngayon, ano?” Inalis ng bakla ang mga kamay sa baywang at itinuro ang TV. “Hayan at tutok na tutok ka pa sa interview nila ni Adrian. May pa-chips and drinks ka pang nalalaman. Hindi sana ako magugulat kung kanina mo pa binalibag ng baso ‘yung TV screen, eh.”
Nginisihan lang niya si Chinno bago siya bumaling sa kawalan. She then pictured in her imagination the reason behind her good mood.
Nasisiguro niyang sa kabila ng mariing pagtanggi nina Adrian at Maddie ay kakapitan pa rin ng marami ang paniniwalang totoo ang kumalat na tsismis na may namamagitang romantic relationship sa mga ito. Nakikini-kinita na rin niya kung paano sasamantalahin ng management ang pagkakataon para pagkakitaan ang magiging ingay ng dalawa, lalo na’t ayaw man niyang aminin ay mukhang sadyang lumalawak na ang fan base ng mga ito.
Ewan na lang niya kung pagdating ng araw na iyon ay hindi pa rin lumabas mula sa pinagtataguang lungga ang tunay na girlfriend ni Adrian at magkumahog na ipakilala ang sarili sa publiko. Base sa pagkakakilala niya sa lalaki, tiyak namang kakampihan nito ang kasintahan.
When that happens, unti-unting mawawalan ng gana ang mga supporter ng mabubuong love team nina Adrian at Maddie, and eventually ay mabubuwag din iyon. Hahanap ulit ang management ng ibang artistang puwedeng itambal sa dalawa para sagipin ang papawalang kinang ng mga ito... at sino pa nga ba ang best candidate para maging ka-love team ni Adrian?
Walang iba kung hindi siya, si Kelsey Morales na minsan nang naidikit sa pangalan ng lalaki.
Kung mangyayari ang lahat ayon sa iniisip at pinaplano niya, hindi lang mawawala sa landas niya ang buwisit na si Maddie na kaagaw niya sa kaniyang kasikatan kundi magkakaroon pa ng mukha ang tunay na karibal niya sa puso ni Adrian.
Mas lumawak pa ang pagkakangisi ni Kelsey dulot ng excitement.
“Ano’ng nginingisi-ngisi mo riyan?” Boses ni Chinno ang muling tumawag ng atensyon niya. “‘Wag mong sabihin sa ‘king meron kang hindi magandang binabalak, Kelsey, ha?”
“Hindi ko talaga sasabihin dahil wala naman!” Sinundan niya ng pagtawa at pabirong pag-irap ang sinabi. “Stop being paranoid, Chinno. Can’t you just be happy na sinusubukan kong i-improve ang attitude ko?”