- Sammy -
Wala ako masyadong ginawa maghapon dahil kaunti lang ang ginawa ko sa gawaing bahay. Talagang nakakaboring kapag walang trabaho. Parang ang bilis lang din lumipas ng oras kapag nakatunganga lang sa loob ng bahay. Pero nung kasagsagan pa ng trabaho ko ay palagi akong uwing-uwi. Nakakabwisit din kasi kapag may mga katrabaho kang kupal.
“Saan kaya pwedeng mag-apply ng trabaho ngayon Pakito?"
Nakalumbaba ako habang nakatanaw sa labas ng bintana. Alas-dos na ng hapon. Gusto kong matulog pero hindi ako makatulog. Isang linggo mahigit na rin akong walang trabaho at talagang nakakaburyong.
May mga resume pa naman akong nakatabi. Ang kaso hindi ko pa alam kung saan ako magtatrabaho. Nakakaumay din na sa iisang lugar lang ang trabaho na Ina-applyan ko. Try ko kaya sa Maynila?
Tama. Naroon naman ang kaibigan kong si Honey, baka may alam siyang pwede kong applyan. Kahit na hindi ako nakatapos ng college, Alam ko mas marami namang trabaho doon.
Tinext ko si Honey.
Kamusta na bff?
Hindi ito nagreply. Siguro ay busy pa. Teacher kasi ito ngayon sa isang private school.
Oo nga pala si Menggay. Parang tinamad din ako pumunta doon. Bakit kasi makikipagmeet ako dun? Ang shunga ko na pumayag bigla kay Menggay nang dumating si Adam. Epal kasi. Pero dahil Maynila yun, pwede na akong dumiretso na magpasa ng resume. Ang kaso baka mapagalitan ako ng Inay.
Hay ewan..
Nagulat ako nang biglang may kumislap. Napalingon ako pakaliwa at nakita ko doon si Adam na may hawak na DSLR camera. Nakangisi pa ito.
“You look so serious, but so lovely "
Tumayo ako at umalis sa bintana. Lumapit ako sa pinto at binuksan ko iyon.
“Anong ginagawa mo?"
“Just capturing the most beautiful view I’ve seen today.”
Photographer ba ito?
Tiningnan ko ang itsura ko. Simpleng tshirt na malaki pero kupas na ang tela ang suot ko at short na maong na pinutol ko sa lumang pantalon ko. Pinusod ko lang ang buhok ko gamit ang goma. Wala nga akong nilagay sa mukha ko bukod sa pulbos kanina pagkatapos maligo. Anong maganda ang pinagsasabi nito?
Lumapit pa si Adam sa bintana at kinuhaan ng larawan si Pakito dahil nakaupo ito doon.
Kahit parang nakakainis ang paglitaw nitong si Adam ay napalitan naman ng tuwa pinapakita nito ang kuha niya sa alaga kong pusa. Mabuti na lang din at hindi umaalis sa pwesto si Pakito.
“Pero mas maganda ito. " salita ni Adam.
Nakatingin lang ako sa camera ni Adam nang mapunta sa picture ko.
Napasinghap ako sa gulat. Dahil hindi lang pala isa iyon, kundi marami pala iyon.
Nakatulala sa kawalan habang nakalumbaba.
“Ang ganda mo. "
Bigla akong napalayo kay Adam. Para kasing tumalon ang puso ko nung pinuri ako nito.
“E-ediwow!"
Pero infairness, ang ganda ng camera nito dahil parang ang ganda-ganda ko sa picture.
“Do you want me to send it to your email, or should I keep this masterpiece all to myself?”
“O-oo! Send mo sa akin tapos burahin mo sayo. Baka ibenta mo pa yan sa iba eh. "
Agad kong kinuha ang cellphone ko at ibinigay ang email ko. Hindi na rin ako nagreklamo nung gusto niya ako iadd sa peysbuk.
“Photographer ba ang trabaho mo?"
“What?"
“Ikaw ba ay photographer? Yung kumukuha sa mga kasal, birthday o kahit anong okasyon. Ganun ba. Ang galing mo kasi kumuha ng larawan. Tapos may camera ka pang ganiyan."
Wala akong masiyadong alam sa camera pero alam ko na ang hawak nitong camera ay mamahalin.
Nagkibit balikat lang si Adam.
“Pwede din."
Nalito ako sa sagot nito. Minsan talaga parang walang klaro ito kausap. Hindi kaya may saltik ito?
“So, hindi ka photographer?"
“No."
Nagtaas-baba na lang ang balikat ko. Ayoko na magtanong dahil parang ayaw naman nito sumagot ng maayos, ayos lang din tutal hindi naman kami close.
“Bakit ka napadaan dito? Hanap mo na naman ba ang Inay ko? Wala pa siya kung tatanongin mo. " nakapamewang kung salita.
Ito naman ay hindi nakatingin sa akin dahil inaayos ang hawak na camera.
“Kumain kana ba? Gusto mo magmeryenda tayo?"
“Ano?" hindi ako bingi pero nakakagulat ang pag-aalok nito dahil hindi man lang sinagot ang sinabi ko.
“Meryenda. Isama mo si Pakito. " lumapit ito sa pusa ko at hinawakan ang ulo.
“Bakit?"
Napalingon si Adam sa akin.
“Gusto kitang isama. Alam kong hindi pa kayo kumakain na dalawa. "
“Halah. Pano mo nalaman?" napataas ang kilay ko.
“Hindi pa kita nakikitang lumalabas ng bahay niyo. Kaya alam kong hindi pa kayo nagmemeryenda. "
“Wala ka bang magawa sa buhay para tiktikan mo ang galaw ko?" pinaningkitan ko ito ng mata.
“Ano sasama kaba o hindi?"
Napalaki ang mata ko nang buhatin nito si Pakito. Ang mas nakakagulat pa ay parang gusto ng alaga ko na binuhat siya ni Adam dahil hindi ito nagalit at tumalon. Maselan pa naman ito sa ibang tao.
“Uy! Anong ginagawa mo?!" dinuro ko ito.
“Kami na lang ni Pakito ang kakain sa labas. Ayaw mo naman eh. "
“Hoy!"
“Hoy! Bitiwan mo nga ang pusa ko! Uy!"
Naglakad na parang walang naririnig si Adam kasama ang pusa ko na para bang matagal na silang close sa isa't-isa.
“Baka kidnapin niya si Pakito!"
Dali-dali akong pumasok sa loob ng bahay para kunin ang susi at saka ko nilock ang pinto. Mahirap na mapasukan ng mga magnanakaw. Baka makalbo ako ng Inay ko.
Pagkalabas ko sa bakuran ay hindi ko na mahagip ng paningin si Adam at ang pusa ko. Sa kabilang tawid ay normal lang na mga tao ang nakikita ko. Mga naglalakad at bumabyahe, mga estudyanteng pauwi galing eskwelahan. Mga marites na nagkukwentuhan sa tabing kalsada.
Napakamot ako sa pisngi.
“Saan kaya dinala ng lokong yun ang pusa ko. "
Biglang nagyayaya na magmeryenda tapos hindi pa ako sumasagot kung papayag ba ako o hindi nagdesisyon agad ang lalaking yun. May saltik nga siguro yun!
Tangina. Baka nasa panganib na si Pakito ko!
Ang bilis nito maglaho. Hindi kaya kidnapper ito?
Nagmamadali akong tumawid malapit sa tindahan nang makita kong bumibili ng yosi si Tatang Bern.
“Tang."
“Oh, Sammy. " inayos nito ang suot na antipara.
“Nakita mo po ba ang pusa ko? Bitbit ni Adam eh."
Nagkunot-noo ito.
“Adam? Sinong Adam naman iyon?"
“Yung matangkad na malaki ang katawan, Tang. Wala po ba kayong napansin ngayon lang?"
“Ah si gwapong Adonis!"
Napataas ang kilay ko pero tumango na lang ako.
“Naroon. Naglakad siya paroon. " sabay turo nito sa may dulo.
Bigla kong naisip ang tindahan ng tatlong tiyahin ni Honey.
“Ganun po ba? Salamat po, Tang!" pahakbang na ako nang magsalita ang matanda.
“Nobyo mo pala iyon, Sammy? Abah. Pagkaswerte mo. Kay gandang lalaki at mukhang may pinagaralan pa. Tama lang na magnobyo ka nang ganun. Sayang ka kung mapunta ka lang sa tambay. " sabay sindi nito ng sigarilyo.
Nalukot ang mukha ko sa sinabi ni Tatang Bern.
“Ah naku po. Mali po kayo. Hindi ko po iyon nobyo, hindi ko nga po kilala ang taong yun."
Hindi ko na hinintay pa na magsalita pa ang matanda. Baka abutin pa ako ng siyam-siyam. Kailangan kong kunin ang pusa ko.
Para akong kengkoy na naglakad sa bilis ng hakbang ko. At tama nga, dahil kahit malayo pa lang ay kitang-kita ko na ang bulto ng katawan ni Adam. Nakatalikod ito habang nakaupo.
“Andiyan lang pala kayo ha!"
Mabilis na napalingon si Adam habang kagat-kagat nito ang isang pizza. Napangiwi na lang ako nang inisang kain nalang nito ang pagkain sabay lunok.
“Kain ka. "
Pero imbes na sagutin ito ay agad kong hinanap si Pakito. Pero ang loko kong pusa ay sarap na sarap habang kumakain ng isang hiwang pizza.
“Sit here. "
Tumayo si Adam at nagpagpag pa sa inupuan nito para ako ay makaupo. Naupo ito sa kabila. May pagka gentleman din naman pala ito sa katawan.
“Mabuti naman at narito kana Samantha. Kumain kana. " biglang dungaw ni Tiyang Emma.
“Kanina pa kami kumakain dine. Nagpalibre kasi itong gwapong binata ng meryenda kaya hindi na kami tumanggi. " singit ni Tiyang Norma.
May dalawang box pa ng pizza ang nakapatong sa lamesa kung saan ang ibang ulam na tinda ay naroon pa. May isang litro rin ng coke doon at plastic cups.
Binuksan ni Adam ang takip ng Pizza at hinarap sa akin.
“Kumain kana habang mainit pa."
Nakaramdam ako ng kunting hiya pero kumuha na lang ako dahil grasya iyon na bawal tanggihan.
“T-thanks."
Naupo ako sa tapat ni Adam kung saan naroon rin si Pakito na walang pakialam. Kakakagat ko pa lang sa pizza ay inabutan agad ako ni Adam ng coke. Ang bilis talaga nitong kumilos.
“T-thanks ulit. "
Bihira lang ako makakain ng mamahaling pizza kaya talagang natakam ako. Masarap talaga, hindi tulad sa ordinaryong pizza na nabibili lang sa bayan na wala pang isang-daan.
“Naghahanap ka pa rin ba ng trabaho ngayon, Sammy?" tanong ni Tiyang Emma na kinalingon ko dito.
“A-ah. Wala pa rin po. Hindi pa po kasi ako nakakapag-apply. " sagot ko habang ngumunguya.
“Ganun ba? Tatawagan ko nga si Honey kung may alam siyang pwedeng pasukan mo sa Maynila."
“Tama. Maraming kaibigan iyon sa inuupahan niyang bahay. Baka pwede kang marekomenda." sagot ni Tiyang Norma.
“Sige po. " ngumiti ako sa dalawang matanda.
Pero nawala ang ngiti ko nang mapatingin ako sa harapan ko dahil titig na titig itong si Adam sa akin habang kumakain.
Napainom tuloy ako bigla ng coke.
“Gusto mo ng trabaho?" tanong niyo na walang kurap-kurap.
Binaba ko ang iniinom ko. Kahit hindi ko pa masyado kilala itong si Adam, pero sa galaw at pananalita nito para bang matagal na kaming magkakilala. Feeling close palagi.
“Oo."
“Ano bang trabaho ang hinanap mo?"
“Kahit ano. Basta hindi illegal. "
Tumango-tango ito.
“I mean, ano bang skills mo? Baka sakaling matulungan kita."
“Ay tama! Diyan ka na lang kay Adam. Maraming --- aray!" napahiyaw si Tiyang Norma nang kurutin ito ni Tiyang Emma.
“Ang daldal mo naman. Sila nag-uusap sumasabad ka. "
“Ang iingay ninyong dalawa." biglang singit ni Tiyang Alma.
Inisang kagat ko na lang tuloy ang pizza at nilunok dahil sa matatandang maiingay.
“Skills ba? Wala akong masiyadong skills dahil hindi naman ako nagci-circus. " baliw kong sagot.
Natawa ako sa sagot ko pero agad din na nawala dahil seryoso akong tiningnan ni Adam sa mata.
“Joke lang. "
Parang timang naman ‘to.
“Gusto mo ba sumama sa akin sa ---"
“Hindi" mabilis kong sagot.
“Hindi pa ako tapos magsalita."
“Alam ko. Pero hindi ako sasama sayo."
“Akala ko ba gusto mo mag-apply ng trabaho?"
Napatigil ako. Paano niya nalaman na naghahanap ako ng trabaho? Wala naman akong binabanggit dito, maski sa Inay ko. Si tiyang Emma kasi bigla na lang nagtatanong tungkol sa trabaho.
Napatingin ako kay Pakito na nakatingala kay Adam. Sinumbong ba ako ng alaga ko? Hindi naman ito nagsasalita pero si Pakito lang nakakaalam.
Pinilig ko ang ulo ko, nababaliw na ata ako.
“Kung papayag ka, ako na magpapaalam sa Nanay mo."
“Ano bang klaseng trabaho ‘yan?" curious ko.
“Assistant ko. "
Nakataas ang isang kilay ko. Feeling ko ay pinagloloko ako nitong mokong na ito.
“Ano ba ang trabaho mo para maghanap ka pa ng assistant? Pass ako kung hinahunting ka ng awtoridad." sabay inom ko ng coke.
“Jusmiyo! Kakaiba ka talaga magsalita Samantha." gulat ni Tiyang Norma sa akin.
“Hindi naman mukhang masamang tao si Adam. " Natawa si Tiyang Emma.
Nagtaas-baba ang balikat ni Adam.
“Bukas ang alis ko. Kaya kung papayag ka, bukas tayo magsisimula. "
“Saan?"
“Sa Maynila."
Hindi ako nagpahalata na nagulat. Gusto ko talagang magtungo sa Maynila para maghanap ng trabaho. Pero pwede rin naman ako pansamantala kay Adam habang naghihintay ng trabaho, pwede ko na rin isabay ang pakikipagmeet sa foreigner ni Menggay.
“May matutuluyan ba dun?"
Tumango ito.
“Kung gusto mo, isama mo na rin si Pakito para hindi ka malungkot."
Napasinghap ako.
“Seryoso? Ano ba gagawin ko dun? "
“Assistant nga Sammy. Ang assistant ay uutusan ka magtimpla ng kape, maglinis ng opisina at tagabili ng pagkain. Hindi ba Adam?" biglang singit ni Tiyang Alma.
“Tama. Tama. Dahil nung kabataan ko ay naging assistant din ako noon sa ano kong Intsik. " sagot ni Tiyang Norma.
Bigla akong napaisip sa sinabi ng mga matanda. Pwede naman. Kesa tumambay ako. Dahil kapag may totoong trabaho na ako ay pwede na akong umalis kay Adam. Tama.
“Sige. Papayag na ako. Basta may sarili akong kwarto at banyo sa tutuluyan ko. "
“No problem. " lumaki ang ngiti ni Adam.
Hindi naman ako nakaramdam ng kaba o takot sa lalaking ito. Hindi naman siguro ito masamang nilalang dahil kilala ito ng mga tao dito.
Na-excite rin ako dahil pwede ko isama si Pakito ko.